Oktubre 18 - Daan-daan ang kumuha ng Civil Service Exam (CSE) sa Quezon National High School; Quezon High for short. Baka nga libo-libo pa dahil may isa pang venue ang CSE sa Mauban, Quezon dahil masyadong malaki ang probinsya at malayo para sa marami ang Lucena. Ang dami palang naghahangad makapasok ng gobyerno?
Noong una, hindi ko talaga alam kung bakit dapat mag-take ng Civil Service Exam para makakuha ng Certificate of Eligibility. Wala naman kaming interes na magtrabaho sa gobyerno. Bakit kami kumuha ng CSE? O bakit ako kumuha ng CSE? O bakit ka kukuha ng CSE?
1. Dahil hindi tayo nagsasalita ng tapos. Malay mo may magandang proyekto ang gobyerno na maari at gusto mo ngang makatulong, kung may certificate of eligibility ka; may puhunan ka nang matanggap sa proyekto. May magaganda namang ginagawa ang gobyerno, pramis!
2. Dahil lahat tayo ay dapat public servant. Mababasa mo kasi sa rebyu ang 1986 Constitution at R.A. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), kaya kung mailalagay ka sa opisyo balang araw, o kahit magtrabaho sa pribadong kumpanya o NGO; alam mo ang mga katanggap-tanggap na mga ugali, katangian, at prinsipyo ng isang public servant. Maghuhukay ito ng pagiging makabayan at maka-Filipino.
3. Training namin ito para sa Licensure Examination for Agriculturists (LEA). Mas mataas kasi ang passing grade sa CSE na 80% kaysa sa LEA na 75%. Magkaiba man ang level of difficulty ng dalawang ito, at least malalaman namin kung anong attitude at methods ba dapat ang mai-program namin sa aming mga sarili bago mag-formal rebyu sa LEA sa 2016.
4. Dahil nakapag-rebyu na kami ng halos apat na buwan; simula pa noong Hunyo 15. Wala nang atrasan ito dahil hindi na pinag-uusapan kung papasa o babagsak, kundi naghanda kami kaya kailangan harapin ang pagsusulit. Hindi n'yo alam ang level of difficulty para i-motivate at i-push si E-boy para magrebyu. Mas mahirap pa sa actual exam.
Alas dose na kami nakatulog noong Sabado, halos Linggo na nga, kakahintay kung ikakansela ba ang eksam dahil kay bagyong Lando. Kanselado na kasi sa Region 1, 2, CAR at NCR. Hindi naman malakas ang ulan sa'min pero mahangin talaga. Umaasa rin ako na matuloy na dahil madami akong gagawin next week, gusto na ring matapos ni E-boy ang lahat. Pero paano yung mga taga Polilio at iba pang mga manggagaling pa sa isla sa Region IV? E magbabangka pa sila papunta sa venue, e kanselado na kaya ang nga biyahe sa dagat. Pero walang pagkakansela, napuyat lang kami.
Preps
Gumising kami ng alas-tres at nagpainit ng tubig si Ebs. Nag-cup noodles at tinapay na binili ni Mrs. P, para may laman naman ang tiyan habang nag-eeksam. Ala-sais trenta kasi ang eksam at baka hanggang alas-onse ito tatagal. Hindi muna kami makakasimba ngayong umaga, wala kasing ibang date ag CSE kundi Linggo kaya hapon na pagtitipon na ko makakasamba.
Paglabas namin ng bahay ay madilim pa rin ang alas kwatro ng umaga. Tuminga-tingala ako para hanapin si Storm, baka ito na yung shooting ng X-men sa Pilipinas. Sobrang lakas kasi ng hangin. Tuloy kaya? Kasi kung hindi magwawala ako sa tanggapan dahil gumising at naligo kami ng maaga at kung ikakansela lang din dapat mas maaga.
Pagdating namin sa Lucena, tuloy na tuloy ang CSE. Hinanap ko kagad ang aking room assignment dahil sa palpak ang pag-eencode ng data ko sa ONSA (Online Notice of School Assignment). May nakapost na listahan sa Quezon High ng room assignment. Meron naman pala nare, bakit hindi na lang ito ang ipinost sa net para madali. Nadiskubre ko rin na Disyembre 21 ang bertdey ko imbis na 22 kaya pala palaging nagfe-fail sa ONSA. Magkasunod lang ang room namin ni Ebs, 83 siya at 82 naman ako. Sabi ko hihintayin ko s'yang matapos.
Proper
Ang tagal ng mga mag-eeksam kaya tiningnan ko muna ang klasrum. Tsinek ko kung may madedekwat ba ko rito. Hindee, tsinek ko yung mag top students nila sa bawat subject. At dahil eksperto ako sa statistics, walang kompyut-kompyut ay masasabi kong base sa mga datos na pinaka nag-e-excel ang mga estudyante ay sa English, Science, at TLE. Pinaka nangangamote naman sila sa Math at Filipino. Alas-otso na nagsimula ang exam proper sa dami ng mga rekusitos.
Kamusta naman yung eksam? Ang daming Math at kakaunti ang 1986 Consti at R.A. 6713. Paano makikintal sa mga eksaminers ang pagiging nationalistic neto? Hindi namin alam kung mahirap ba yung exam o madali dahil inaantok lang kami. Alam kong mas inaantok si Ebs. Tumitigil pa nga ako ng limang minuto para umiglip. Mahirap siguro dahil nasanay akong nagpapatulong kay Ebs kapag number pattern at fraction ang tanong. Mahirap siguro dahil sanay kaming 60 items lang at pagkatapos ay movie time o meryenda na. Hindi kami nakapagsanay ng 170 items na sasagutan ng deretso dahil na rin sa bawal ang masyadong pressure kay Ebs at nangangamba kong magkombulsyon ito.
Marami pa kong walang sagot ng makita ko si Eboy na dumaan na sa klasrum namin. Lilinga-linga na ito sa labas, akala yata ay mas nauna akong natapos at iniwan ko n s'ya. Puwede ba yun? Na-pressure tuloy akong i-turbo mode ang eksam. Hilong-hilo na rin naman ako sa antok. Bahala na.
Hindi ko iiwan ang lapis ko sa upuan gaya ng sabi ng pamahiin. Parang tradisyon daw kasi ito, yung pag-iwan sa mga ginamit sa mga major major eksam. Yung iba nga raw pati kalkyuleytor, iniiwan! Parang alay sa diwata ng mga eksam. Pero sana kung iniipon ang mga lapis na 'to at ipinamimigay sa mga nasa elementarya, ido-donate ko na ang lapis ko. Sabi noong proktor namin, puwede raw i-donate ang lapis at ipamimigay daw ito sa mga out-of-school kids; proyekto raw ito ng Civil Service Commission. Anong gagawin ng out-of-school kids sa lapis? Maliban na lang kung may outreach classes sila. I-dinonate ko na rin ang lapis ko. Hindi naman siguro 'yon kukurapin.
Pauwi
Kumain muna kami ni Ebs ng hotdog sa 7-11. Nalaglag pa yung sa'kin sa sahig bago ko maipalaman sa tinapay. Dinampot ko pa rin. Sabi ni Ebs palitan ko raw, wala namang nakakita. Kurapsyon 'yon! Kainin na lang at wala pa namang 5 mins. Ang hirap nung eksam, 'bo. Ipinag-SM na lang sana natin yung ginastos natin. Bahala na. Basta natapos na at ang mahalaga ay nakatulong tayo sa mga batang hindi nag-aaral. Kunyari.
Ang malupit na eksam na'to ay deserve itulog din ng malupit! Para sa mga susunod na araw ng maaksyong movies!
At mas madudugo pang eksam!
No comments:
Post a Comment