Saturday, October 31, 2015

Project PAGbASA




Ipakilala ang iyong Sarili

Manunulat at mambabasa ang proponent na si Jord Earving Gadingan. Naninirahan sa Tiaong, Quezon at mas mataas lagi ang marka niya sa Ingles kaysa Filipino mula kinder hanggang kolehiyo. Nakapagtrabaho na bilang research assistant at editorial staff. At kasalukuyang part-time na campus journ trainer, music tutor,  at bespren kay E-boy.


Kung may makakasamang organisasyon, bigyan ng maikling pagpapakilala ang organisasyon sa proyektong ito

May ilang grupo/organisasyon na maaring makatulong sa Project PAGbASA:

Operation Blessing Philippines - isang humanitarian org. na tumutulong sa mga nangangailangang Filipino sa kanilang kalusugan, edukasyon, hanap-buhay, at iba pang pangunahing pangangailangan kasama na ang ispiritwal na pag-unlad ng isang komunidad.


Pangalan ng Proyekto (Talakayin ang konsepto ng proyekto)

Pag-asa mula sa pagbabasa ang kaluluwa ng proyekto. Layunin ng Project PAGbASA na bigyang pag-asa at inspirasyon ang mga kabataang Pinoy na may magagawa sila para sa bayan sa kabila ng hinaharap nilang kahinaan, kaibahan o personal na suliranin.



Para kanino ang Proyekto?

Ang Project PAGbASA ay nagnanais na matulungan ang mga mambabasang kabataan at komunidad.

Differently-abled. Gaya ng may mga polio, club foot, cerebral palsy, at iba pang may kinakaharap na problema sa pagkilos o mobility.

Mentally-challenged. (Hindi ko sigurado kung ito pa nga ga ang akmang termino) Kasama rito ang mga kabataang may Down's syndrome, speech-impaired, at iba't iba pang uri ng autisms.

Slow-readers na may masidhing interes para matuto pero may kakulangan sa kapasidad na makabili ng aklat.

Sa mga guro at magulang. Sila kasi ang magiging gabay ng mga bata kung nahihirapan sa pagbabasa.

Sa pampublikong silid-aklatan dahil naglalayon din ang Project PAGbASA na magsagawa ng workshop sa pagsulat ng tula at makapag-ambag sa mga aklatan.


Ipaliwanag kung bakit sila ang napili mong tatanggap ng proyekto. Paano mo sila nakilala?  Ano ang naging bahagi mo sa kanilang buhay?

Naisip ko ang Project PAGbASA noon pang 2014 nang manggaling ako sa Masbate para sa Free Wheelchair Mission at Operation Blessing. Ilan sa mga tumanggap ng wheelchairs ay kabatang may polio, club foot at cerebral palsy; mga nasa elementary. Oo, nag-aaral sa kabila ng kahirapang pinansiyal at pisikal. Hindi ko naisip na puwede nga palang lumpo ang isang bata, ang saklap kasing isipin.

Isa si Clyde, Grade 2 noon, may club foot, sa mga nakatanggap ng libreng wheel chair. Binubuhat siya ng kanyang nanay papunta sa iskul bago magtinda sa palengke, tapos sinusundo n'ya ulit ang anak kapag awasan na. Minsan nga raw napapaaga ang awasan, dinadaanan s'ya ng mga kaklase ni Clyde para sabihing umiiyak na si Clyde dahil wala pa ang sundo n'ya. Agad namang magpupunta ang nanay sa iskul kahit walang maiiwan sa puwesto sa palengke.

Naisip ko, paano kaya kung nabasa ni Clyde yung kuwentong pambata na Bakit Wala pa ang Sundo Ko?; siguro hindi na siya iiyak. E kung magkaroon ng book giving sa mga batang kagaya ng kalagayan ni Clyde para hindi man sila makapaglaro-laro sa labas ay makakarating sila sa iba't ibang lugar kapag nagbabasa? O magbigay ng aklat tungkol sa mga bayani para maituon ang sarili sa pagtulong sa bayan imbes na sa kahinaan? Kaya naman namina ko sa Masbate ang Project PAGbASA at ngayon lang napakintab dahil sa Saranggola.


Ano ang layunin ng proyekto?

Ang layunin ng Project PAGbASA ay:

1. Makapagbigay pag-asa sa kabataan mula sa inspirasyon mula sa pagbabasa.

2. Dalhin ang mga kabataang limitado ang nararating, sa iba't-ibang lugar at panahon sa pamamagitan ng pagbabasa.

3. Maiangat ang literacy level ng mga mga kabataan.

4. Pukawin ang damdamin ng mga batang mambabasa na maari pa rin silang maging bayani at maging kapakipakinabang sa bayan sa kabila ng limitasyon at kahinaan.

Talakayin ang magiging panahon o pagkakasunod-sunod ng pagsasakatuparan ng proyekto (Timeline)


2016

Enero - mag-uumpisa ang paghahanap o pag-iidentify ng mga recepients na mga kabataan at aklatan. Dudulog na rin sa mga publishers na bibilhan ng aklat at ilulunsad ang panawagan para sa tulong para sa proyekto.

Uumpisahan na ring makipag-ugnayan sa lokal na DSWD at Fortress para sa mga maaring matulungan.

Pebrero -  Marso - sisimulan ang pagtanggap at paghahanda sa mga aklat. Makikipag-ugnayan din sa Operation Blessing kung maaring ma-cover ang istorya ng mga potensyal na kabataan.

Abril-Mayo - Maipamigay ang mga aklat kasama ang Operation Blessing. Makatulong din sa The Fortress sa kanilang mga visual materials at summer activities sa mga depressed areas sa bayan ng Tiaong.

Sa panahong ding ito ay tinatarget na makapagsagawa ng summer workshop para sa pagsulat ng tula sa mga kabataang Tiaongin. Ang magiging output ay titipunin sa isang antolohiya at ipi-print kahit low quality at ipamimigay sa mga pampaaralan at pampublikong aklatan.

Hunyo - Maipamigay na lahat ng aklat.

Hulyo - Agosto Makapagslabas ng PAGbASA report na maglalaman ng kabuuang ulat ng ginastos, mga larawan ng proyekto, at mga istorya ng mga natulungan ng proyekto.


Sinu-sino ang makakatulong sa iyo sa proyektong ito maliban sa SBA?


Department of Social Welfare and Development - isang sangay ng gobyerno na makakatulong na mag-identify ng mga kabataang differently abled o may pinagdadaanang kahirapan.

Mga kaibigang guro na maaring magmungkahi ng mga mag-aaral nila na kinakikitaan ng hilig sa pagbabasa at tiyaga na matuto (kahit nahihirapan) ngunit salat sa buhay.

Mga interesadong indibidwal/grupo (bookstores at publishers) na nais mag-donate ng aklat o magbigay ng diskuwento sa pagbili ng aklat na ipapamahagi sa Project PAGbASA.



Paano mo masusukat ang resulta o tagumpay ng iyong layunin?

Naku! Hindi ko masusukat ng quantitative (o kahit qualitative) ang tagumpay ng proyekto dahil hindi rin natin masasabi ang mararating ng aklat sa kamay ng mambabasa pati na rin ng mismong mambabasa. Yung ma-empower ang mga maabot na kabataan, 'yun ang tagumpay ng Project PAGbASA!



Anu – ano ang mga posibleng maging pagsubok sa proyektong ito at paano mo ito iniisip na bigyan ng solusyon?

Pagpapadala ng aklat - marahil maging mahal ang pagpapadala ng mga donasyong aklat, kung mahihilingan ang bibilhang publishers na magbigay sana ng diskuwento para ang matitipid ay ipambabayad na lang sa pagpapadala. Travelling expense kung saan man mamimigay ng aklat, pero kung may sasagot sa pamasahe ay  mas mainam.


Sa iyong palagay, bakit ikaw o bakit ang iyong proyekto ang dapat mapili para sa kategoryang ito?

Ang Project PAG-bASA kasi ay hindi lang tungkol sa literacy. Tungkol ito sa panitikan, kabataan, at pag-asa ng bayan. Dahil puhunan natin ang kaisipan ng mga kabataang ito, na magdedesisyon para sa bansa sa mga susunod na dekada, dapat lang na maitanim sa puso at kokote nilang mag-ambag sa pag-unlad.

Magandang mabigyang pansin ang pagpapalakas ng kamalayan ng kabataan sa panitikan at pagiging makabayan.




Listahan ng Gawain
/ Aytem
Bilang
Halaga ng bawat isa
Kabuuang Halaga
Aklat Pambata
target: 99
75
6, 800
Shipping


400
Travels


600
Workshop:




Ispiker
(Kung puwede sanang pamasahe at pakain lang)


700
Materyales
(papel, lapis, visual aids)


100
Meryenda


400
 Output
20 kopya

700
Fortress Visual Aids
(Cartolina, Folders, Art Papers, etc.)


300



No comments: