Galing kami kena Charmaine. Dalawa lang kami ni Kuya Joey ang nakapunta. Biglaan lang. Huling dinalaw namin siya ay Mayo pa. Malayo-lao kasi ang Sriaya, mga 60 pesos rin na pamasahe, wala pang makasama, at marami pang dahilan na hindi naman balido kung talgang ginusto at ginawan ng paraan.
Alam na namin mula sa kapatid niyang si Cristina na kanser na nga ang bukol sa bandang balikat ni Charm. Kaya mas lalong gusto ko siyang puntahan.
Para ano? Ukilkilin ang detalyeng medikal? Paiyakin sa pagkukuwento? Makapagbigay ng moral support? Makipananghalian? Marealize na blessed pala ako? E siya? Hindi blessed dahil may kanser siya? Pagkatapos, sa pag-alis namin andun pa rin yung kanser. Pero kahit na, kahit na walang maitulong, ang alam ko dapat mabisita ko si Charm.
Dumating kami r'on mga bandang alas-onse na. Pinagising pa si Charm sa taas sa kanyang tiyahin. May kausap na bisita si Mrs. Agawin, nanay ni Charm. Tulog na tulog daw sabi ng tiyahin. Babalik na lang kami sabi ni Kuya Joey. Magtanghalian na lang daw muna kami sa palengke ng Sariaya aniya. Nahihiya rin naman akong abalahin ang pagpapahinga ni Charm pero mas nahihiya ako na ilibre na naman ni Kuya Joey kaya hinintay kong sumabat na si Mrs. Agawin. Pinagising pa rin si Charm dahil puwede namang ituloy ang pagtulog mamaya.
Mabilis ang pagbaba ni Charm sa hagdan. Hindi naman ito namayat o nagbago ang kulay. Pansin ang mga pula-pula sa leeg. Pero nakangisi pa ring bumati sa'min at umupo sa harap namin ni Kuya Joey. Kung wala yung bukol sa bandang balikat niya, hindi siya mukhang may kanser. Mukha lang siyang may kati-kati sa leeg at braso.
Habang bumababa si Charm bg hagdan. Iniisip ko kung paano babati. "Charm, kamusta?" ba dapat? Para kasing nakakaloko lang. "Hello?! Enebe?! Me' kanser ako, ano ineexpect mong sagot? Ok lang?" baka ito ang deserve kong sagot.
Nakaupo na siya sa silya hindi pa rin ako nakapagdesisyon kung babati ng nakangiti o babaguhin man lang ang malamlam kong mukha. Nasa tapat ko kasi ang salamin nila kitang kitang may bakas ako ng pagkaawa at ayokong ipakita 'yon. Ang hopeless ng itsura ko; enebe Dyord! Patik lang nang patik ang alam ko pero hindi kung paano maging emphatic na hindi naawa.
Isang malamlam na kamusta ang binitawan ni Kuya Joey. Tamang tono lang na may sinserong touch of concern. Kaya si Kuya Joey ang isinama ko e.
Saglit na ipinakilala pa rin kami ni Charm sa nanay niya kahit na may kausap pa kasi ito doon sa kanilang tinadahan, mga isang metro lang mula sa salas nila. Tapos, ratrat na siya sa pagkuwento tungkol sa kanser niya. Nung huling dalaw namin dito, may pag-aalangan sa pagbanggit ng salitang kanser si Charm at Mrs. Agawin sa mga pagkukwento nila. Isa pa lang naman daw kasi out of four na biopsies ang nagpositibo sa kanser noon. Isang beses lang noon binanggit ang salitang "kanser". Pero ngayon, wala pang limang pangungusap ang sinasambit ni Charm e andun na agad ang salitang kanser.
Ratrat na parang nagfifliptop si Charm sa pagtalakay sa kanser niya. Angiosarcoma daw ito at bihirang bihira ang uri ng kanser na ito. May dalawang ugat siyang binanggit kung saan dun daw nabuo ang kasner na ito. Medyo dinugo ako sa mga terminologies na sinabi niya. Kaya si Kuya Joey ang isinama ko e. Bukod sa theology graduate ay registered nurse din siya.
Halatang aral na aral niya ang angiosarcoma. Ginoogle daw niya ito. Mahirap naman daw kasi na hindi mo talos kung ano ba yung nilalabanan mo.
Sumusumpong lang daw ang sakit sa balikat niya. Matinding kirot lalo na pagkagabi na hindi nagpapatulog sa kanya. Minsan nga raw hindi rin siya makahinga. At kaunting gawa lang niya ay hapung hapo na siya. Kahit daw paggugupit-gupit lang ng papel (mahilig kasi sa crafts si Charm) ay mabilis siyang napapagod. Kapansin-pansin na rin na tinutulak ng bukol niya ang kanyang balikat pauna at dislocated na ang buto.
Nang tanungin ko kung anong pinagkakaabalahan niya. Ito ang kanyang routine: walis ng konti, higa pag pagod, tulog, facebook minsan, text minsan, nood ng Pastillas Girl (Sad, hindi raw sila AlDub), at basa. Hindi na rin siya makapagdrowing.
Si Cristina na raw ang madalas sa gawaing bahay pagkakadating galing iskul. Natutuwa rin daw siya kay Christina kapag sabay silang nagpe-pray. Galing din kay Christina ang mga newsfeeds niya kung sino-sino ang pumunta sa Kubo (Ministri) at nangangamusta sa kaniya kapag may pagtitipon.
Miss na miss nga raw ni Charm ang Kubo at ang university sabi ni Mrs. Agawin at nagpabili ito ng tatlong zest-o at fudgee bar. Abot-abot pa ang pasensya ng nanay ni Charm sa amin. Hindi na raw sila nakapaghanda pa at biglaan nga raw pero naitext naman daw sa kanila ni Cristina na parating kami. Nakakahiya man e tinusok ko ang zest-o at inigop dahil ayoko namang isiping choosy kami dahil hindi namin ginalaw ang merienda.
Napag-usapan din namin ang kanyang pagkonsulta sa mga doktor. Kung ano bang dahilan ng angiosarcoma niya at sabi daw ng doktor ay GOK gaya ng maraming misteryo at kababalaghan sa kalawakan- God Only Knows. Pero G, hindi kaya OK yun. Sabi niya mas handa na raw siya ngayon at mas pinalalakas daw siya ng Diyos araw. Ready na raw siyang magpa-chemo.
Naka-alternative pa rin daw siya. Ramdam naman daw niya na malakas na siya. Malakas na ang resistensya niya. At kakayanin na niya raw ang chemo. Dati raw kasi noong magpapachemo daw sila ay parang ayaw sumang-ayon ng tadhana kesyo ayaw i-admit sa ospital, nasiraan ng sasakyan; pero ngayon mas handa na ako sabi ni Charm. Kakayanin na raw niya ang chemo.
Kumpara sa osteosarcoma na sa buto, mas madali raw yatang gamutin ang kaniyang kanser dahol nasa ugat ito at madadaanan ng gamot na ituturok sa kanya. Kung doble man daw ang sakit at least may chance na mawala ang kanser. Kakayanin na raw niya ang chemo.
Dalawa lang naman daw kasi yan e; mawala o lumala. Ready na ko kung anuman. Kakayanin na raw niya ang chemo.
Kahit daw magpalit siya ng hairstyle o makalbo. Kakayanin na raw niya ang chemo.
Kakayanin na raw niya ang chemo. Parang sirang plaka lang. Pero hindi kami ang sinasabihan niya nito. Kundi ang nanay niya na dalawang kembot lang ang layo sa'min. Kapag sinasabi raw niya kasi na kakayanin na raw niya ang chemo sa nanay niya ay umiiyak ito. Hindi pa nila kayang mag-asawang isugal ang buhay ng anak. Umupo na rin si Mrs. Agawin sa may pintuan dahil umalis na ang mga kapulong nito.
Para kasing kara-krus ang chemo. Depende ito sa tugon ng katawan mo sa mga gamot na tutunaw sa kanser pati na rin sa mga selyula na hindi naman kanser. Hindi ito target-specific, kumbaga sa pestisidyo ay broad-spectrum ang chemo. Kaya tsa o tsub lang, kara o krus lang ang resulta. At sino ba namang magulang ang gustong makitang nadoble o triple ang hirap ng anak. "Wag ka na munang mag-isip ng chemo Charm, may ibang paraan ang Diyos. Maraming paraan" wika ng ni Mrs. Agawin.
Parang sinikmuraan ako noong oras na yun o baka dahil lang sa zest-o?
"Ewan ko kung paniwala kayo," sabi ni Mrs. Agawin. Kutob ko na ang wiwikain niya. Tungkol sa mga albularyo. Winika rin daw kasi ni Hesus noon na noong may nakitang nagpapagaling sa ngalan Niya ang mga apostol, ay hindi ito sinaway ni Hesus. Ang naging kaisipan ni Mrs. Agawin ay ang mga nagpapagaling (albularyo, faith healers, and the like) ay paraan ng Diyos bukod sa medisina. Natusing ako... hindi ko alam kung dahil sa zest-o. Ang nakikita ko kasi dito, higit sa pagiging mapandaya ng kung anumang mga elemento kundi yung paghahanap ng alternatibo, ng mas madaling daan, para hindi malubak ang daanan ng anak nila. Baka naman may iba pang paraan bukod sa chemo?
Hindi mo rin masisisi yung mga magulang niya lalo na noong binalaan sila ng doktor na may mga nagrerekomendang mga doktor sa chemo kahit alam nila na wala namang ikagagaling pa sa pasiyente para lang mamera.
Nagtalo na sila ng ilang ulit ng nanay niya tungkol sa pag-aalbularyo. Bawal o mas akma kung masama ang pagsangguni sa mga 'to at alam na rin yun ni Charm. Si Kuya Joey ang nagsabing mas mabuting ipanalangin kaysa dalhin sa mga albularyo dahil hindi nga ito sinasang-ayunan ng Bibliya. Marahan at malumanay naman ang pananaway ni Kuya Joey. Kaya si Kuya Joey ang isinama ko e.
Isa pang matinding restraining factor: kung sa lukemia ay may mga kaso na ng survivor sa chemo, sa angiosarcoma ay wala pa. Gayunpaman, kakayanin na raw niya ang chemo. Hindi lumiliit ang pag-asa ni Charm kahit lumalaki ang bukol nito sa likuran. Paulit-ulit pa rin siya sa nanay niya. Nagkakatinginan ang mag-ina.
Bago kami tuluyang umalis ay nag-iwan ng ilang sitas mula sa Bibliya si Kuya Joey. Parang ganito ang sabi: Na walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Hesus kahit pa buhay o kamatayan, kahit pa anung kapangyarihan, sa pananalig natin sa Kanya at sa ginawa Niya para sa'tin tayo ay higit pa sa mananagumpay.
Ipinalangin namin si Charm at ang kanyang pamilya para sa kanilang matinding pagdedesisyon; pati na rin ang maasim na sinigang at matamis na sarsadong ulam para sa tanghalian ay ipinagpasalamat namin. Asim at tamis, kasama yata talaga ito para sumarap ang buhay.
Yung pagtitiwala ni Charm sa krus, yung sakripisyo at naganap doon, pati na sa buhay niya, mas alam niya na di hamak ang ibig sabihin ng paghihirap; ay ramdam ko habang chine-check up ko ang bagong panganak nilang pusa. Sabik rin talaga si Charm ng makakausap. Hindi ko mabitawan ang "kapit ka lang kay Kristo", "tiwala lang", "wag kang mawalan ng pag-asa at may awa ang Diyos", at iba pang madalas na wikaing pampalakas ng loob. Lahat pala ng ito ang pagkakaalam ko ay cliche-level lang. Hindi nga ko makatingin sa kanya kaya sa mga kuting na lang. Ang tibay-tibay niya at sana hindi mawala ang ngiti sa kara ni Charm.
Arya! Salamat sa pagtulong mo sa'min.
No comments:
Post a Comment