Oktubre 07, 2013
Pinasya naming bumisita ni Nikabrik sa pampublikong silid-aklatan ng Tiaong (Tiaong Public Library). Tatawagin ko na lang na Layb (mula sa layb-ra-ri) dito sa blog ko. Dapat kasama si E-boy, kaya lang best in drawing ito. Diumano'y na-adjust ang tutorials niya. Pero oks na rin na di siya kasama dahil baka mainip lamang ito.
Alas-tres ako nakarating. Malapit sa paanakan o lying in ang layb namin. Huling bumisita ako rito ay noon pang 2nd year hayskul ako at nananaliksik sa iba't ibang pangkat etniko sa daigdig. Matagal din akong naggala-gala at nagsulat-sulat sa loob dahil kailangan ko pang isalin sa Filiino ang nakuha ko sa mga ensayklopidya. Halos isang dekada, mga siyam na taon na rin ang nakalipas, bago ako nakabalik.
Laging nakasarado ang Layb kada daan ko nitong mga nakalipas na taon. Dahil nauna na si Nikabrik sa 'kin, napag-alaman niya na umaalis-alis daw ang librarian dito kaya minsan ay sarado ang layb. Masaya naman dahil kahit papa'no ay humihinga naman pala ang aklatan.
Ramdam ko yung pagtatampo ng Layb sa Google kasabay nito'y ramdam ko rin na sabik ito sa mga bisita. Ang dami ng pinagbago ng Layb. Erkon na ito. Mahalumigmig sa loob. At ang buong gusali ng Layb ay hinati sa dalawa, yung isang bahagi ay parang auditing opis na; mas pinaliit ang aklatan.
Tinignan ko kagad yung Filipiniana section. Maganda yung mga titles, may F. Sionil Jose, mga history at heritage books mula NCCA, at may nabuklat pa nga akong anthology ng mga akda mula sa Davao. Hindi ko alam kung sapat ba ang mga aklat na ito para sa buong bayan pero kumpara sa Layb ng lalawigan ng Quezon, mas diverse ang Filipiniana section ng bayan namin.
Pinansin ko rin yung English Literature. Sangkatutak ang nobela at koleksiyon ng short stories at poetry. Nakita ko yung Two Towers ni Tolkien at To Kill a Mocking Bird ni Lee. Sana makakita rin ako ng Butch Dalisay o Nick Joaquin sa Philippine Lit sa hinaharap.
Si Nikabrik naman ay nagbuklat ng story books. Puro Ingles at wala man lang kuwentong pambata sa Filipino sa section na 'yon.
Umikot-ikot pa ako at nakakita ng Anthology of African Lit na interesanteng basahin. Magaganda naman yung mga titles sa Layb e. Ang sarap basahin. Ang sayang hiramin. Puwede bang manghiram sa Layb ng aklat? Hindi ko kasi alam e. Nakakahiyang magtanong sa librarian dahil hindi siya mukhang accomodating.
Sa bandang gitna ng Layb ay may malaking pitak din ng Christian Lit. At hindi pochoo-pochoo yung mga titles ha. Nakakita ako ng C.S. Lewis Reflection on Psalms pati mga Early Christian Writers na antolohiya. Babalikan ko 'yun at ibubulsa. Haha. Magnakaw ba naman ng Christian Lit?
Hanggang alas-kuwatro lang daw ang untouchable na librarian kaya kinapos na kong oras sa paghahanap noong coffe table book tungkol sa Tiaong. Yung history at heritage na content. Dapat bibigyan kami (ng Traviesa Publications) ni late Mayor Dick Umali ng kopya nito, kaya lang pinigil kami ng sekretarya n'ya. Babalik na lang ako sa ibang araw.
Masarap sanang magsulat sa Layb dahil malamig kaya lang may t.v.. Nakakadistrak sa pagbabasa. Hindi ka makakapagmuni-muni talaga. Tinignan ko ang log book, at nakakasorpresa na may iba pang bumibisita sa layb, mga estudyante yata.
Pagkatapos ay nag-ukay kami ni Nikabrik. Nagpangalay lang ng mga braso habang nagkukwento siya sa exam nila. Pinagsulat daw sila ng sanaysay tapos yung kaklase niya itinanong pa kung yung sanaysay ba raw ay essay. Naisip niya raw na puwede rin pala siyang magsulat. Aba oo ka, halos dalawang dekada kaya tayo sa akademya!
Kaya siguro karamihan sa mga aklatan ay salat sa sariling panitikan, yung sinulat mismo ng mga 'tubo roon, ay dahil hindi tayo kumakatha ng sariling kontent. Wala ba tayong writing culture? Wala bang masulat sa bayan natin? Andami kaya?
Nagutom na kami sa pag-uusap at pagtatalak kaya pinakain naman namin ang aming mga sikmura sa siomayan sa may junk shop! Taray ng environment ng kainan na 'yon. Malinis naman dun. 'Tsaka masarap yung toyo, siomai, at kikiam nila.
Lam'nan natin ang ating mga sikmura at kaisipan. Hanggang sa muli!
No comments:
Post a Comment