Hindi ko ma-gets
Ang teksbuk ba o ang sistema?
Ang anti-hero na panahon?
Ang hindi paglingon sa noon?
Alin ba ang sisihin? Hirap,
Ang hirap lang talagang tukuyin
Hindi ko ma-gets
Kung bakit kailangang ulit-ulit
Kung bakit inaasam-asam
Kung bakit muli't muli
May mga bulong-bulungan
Kung bakin baga, di ko mawari
Kulang na tayo sa muni-muni
Salamat na rin
Sa matatayog na istatistika
Aranetang kanlungang banyaga
Marami pang istrukturang
'Sing hahaba ng kalsada
Kalsadang 'sing haba ng listahan
Ng kaabahan't kumunoy na utang
Utang na hindi na mababayaran
Sa mga bumulagta't humandusay
Sa mga di na nakita't itim na pasa
Na di na mabubura sa mga tao
Hindi tugma ang tao
May mga pangalan sila
Na di na ata nalulan ng peryodiko
Salamat na lang, pero hindi na
Hindi na makakaulit
Kung galing saan
Na umuulit daw ang kasaysayan
Hindi ko rin alam
Mga tagapagmana ng diktaturya
Minarkahan na at isinumpa
Makapagpapatawad ang mga inutangan
Pero hindi makakalimutan
#
Dyord 2015
No comments:
Post a Comment