Dumating kami ni Ebs sa kanila, mula sa pagkuha ng Civil Service Exam, ng mga alas dose pasado na. Medyo hilo-hilo sa antok pero hindi kami masyadong gutom dahil kumain naman kami ng hotdog sa 7-11 sa may Quezon High. Yung sa'kin nga lang lasang gabok pa.
Nung nasa bus, iniisip namin kung makakauwi kaya si Alquin alyas Uloy, e malakas ang hangin kagabi e. Pero nito lang nakaraang Martes, nakita ako ng nanay ni Uloy habang nagwawalis sa tapat ng simbahan nina Ebs. Ang sabi pumunta raw kami sa kanila sa Linggo at ipaghahanda n'ya raw si Uloy at pauuwiin n'ya nga raw mula Cavite. Oktubre 19 pa ang bertdey n'ya talaga pero dahil may pasok, e ika-18 na lang ipaghahanda. Pasasalamat kumbaga.
Pagdating namin kena Ebs, nagtanghalian lang kami at huminga ng kaunti. Sabi ni Lola Nits, kakaalis lang daw ni Uloy, dito kena Ebs sumimba noong umaga. Sa hapon kasi ay sa community (na church din) naman ito sisimba na home church n'ya talaga. Kaya sumimba muna ako at kinapulong naman ni Ebs ang kanyang growth group.
Antok at kalos na ko to the 2nd power sa pakikinig sa simbahan. Pagkatapos ay dadaan na lang ako sa community sa Maligaya lang naman 'to para sabay-sabay na kami nina Uloy papunta sa kanila. Andun nga ang mokong at berdeng berde ang suot sa halip na pula. Pula dapat ang may kaarawan di ba?
Katatapos lang din ng kanilang pagtitipon pagdating ko. Sakto ako sa meryenda. May pa-yema keyk sila ke Uloy. Nagbabalak pang umangkas sa motor nina Alfie at Jem-jem itong si Uloy pero pinigilan ko para may kasabay na rin ako sa pagdyidyip papunta sa kanila. Dadaan muna ulit kami kena Ebs. Dahil jejebs muna ako sa kanila para maluwag ang aking bodega bago sumabak sa handaan.
Isang pulutong kami. Si Cedie Laygo, Jessica, Ate Abby, Pamela, Mica, Alvin, Alfie, Jem, Ebs, Rommel, at marami pang iba. Wala akong ineekspek na ispesifik na pagkain basta alam ko mag-iingayan at asaran kami ron. Pinaka bonus na ang masarap na ispageti, pansit, gelatin, tinapay at malamig na malamig na... juice. Biro-biruan lang ang lambanog na tatagayin. Sabi ko basta ang babad ay daga -paboritong hayop ni Uloy. Tapos, siyemre di mawawala ang groupie.
Pagkatapos ng kainan, e tumambay pa kami sa 7-11. Ulit. Malaki na ang kita sa'min ng istor na 'to. Nilibre kami ni Ebs ng tiramissyoulikecrazy na ice cream. Mensahe na rin namin ito kay Roy na nagtatrabaho sa Batangas. Nagselfie ulit kami at tinag ang malayong kaibigan. Dito nagkamustahan kami ng kanyang trabaho. Mas gusto na n'yang magnegosyo na lang kami, pero siyempre kailangan talagang mag-ipon ng pampuhunan.
Umuwi rin kami bago mag-alas otso at may pasok pa si Uloy kinabukasan. Busog, pagod, at antok; sabi ko kay Ebs pasalamat tayo dahil hindi natin kailangang gumising ng madaling araw para bumiyahe papuntang trabaho. Pasalamat din tayo dahil nakaisang taon na uli ang ating kaibigan. Ang pag-unlad n'ya ay pag-unlad din natin, kahit na s'ya lang ang totoong napapagod.
Nakipag-wrestling ako sa antok. Tumalon talon at uminom ng tubig para magising. Naghilamos kahit pagod ang mata. Kailangan kong matapos ang 3rd part ng The Hobbit movie dahil wala na kong movie nito na natapos. Palaging putol...'Bo mamatay na 'ko... hindi... dadating pa d'yan si Beorn e.... hanggang...
Ek. Zzz...
Pasasalamat:
Kay BOSS; sa isa pang taong binigay kay Alquin at probisyon sa pamilya nila. Sa energy, na on time na naubos. Sa natapos naming exam. Sa pag-iingat sa aming mga lakarin. Sa mga kaibigan, na handang dumamay sa hirap at handaan!
Kay Uloy; sa kanyang pag-uwi na mas madalas pa ang eklipse. Haha. Alam ko na busy ka sa mga report mo. Pasensya lang sa mga masusungit mong supervisor, kapag may katwiran, ipaglaban mo! Mag-ipon at umiwas sa sipon!
No comments:
Post a Comment