ONSA Man na?!
Kukuha kasi kami ni Eboy ng Civil Service Exam. Kumpleto na yung mga rekusitos namin mula sa:
1. (1) valid id,
2. dully accomplished na application form,
3. (4) na kopya ng passport-size na picture na may pangalan at pirma sa board (parang mug shot lang) at
4. tumataginting na 500 piso.
Hihintayin na lang namin ang Online Notice of School Assignment (ONSA) kung saang paaralan kami mag-eeksam. Oktubre 12 nabasa ko sa Summit Express na may ONSA na raw. Sinubukan kong ipasok ang datos sa ONSA system sa page ng Civil Service Commission, pero nabibigo ito sa pagbibigay ng ONSA ko kahit tama naman ang inilalagay kong data. Kinabahan ako pero baka naman dapat kompyuter talaga ang gamit, baka hindi puwedeng sa android lang.
Kena Ebs, tsinek ulit namin ang ONSA nang Oktubre 13 pero offline daw ang site. E limang araw na lang eksam na offline pa? Oktubre 14 bandang tanghali ay nabuksan din namin ang site ng Komisyon, na pagkatagal-tagal magload. Maniniwala ka talaga sa poreber.
Dapat kasi hindi masyadong mabigat sa data ang site, ikonsidera naman nila ang usad pagong na internet speed sa Pilipinas. Itinayp ko ulit ang sa akin, ganun pa rin, failed to generate data. Inulit ko, failed pa rin. Isa pa, failed ulit. O hindeee. Ebs ikaw nga, at isang input lang ng data n'ya ay lumabas ang ONSA niya.
Sabi ko na, may pagkakamali sa Komisyon. Malamang sa ipinagyayabang nilang high-tech system o sa pag-eencode ng data ko sa kanilang system. Baka nagkamali na naman sa pangalan ko. E inayos ko naman ang pagsusulat at idinikta ko pa nga sa pinag-aplayan namin sa opisina sa Lucena. Utang na loob naman, palagi na lang nagkakamali sa pangalan ko. Sabi ng nanay ko " e ang hirap kasi ng pangalan mo." Mahirap o madali man lang pangalan, ang punto ko ay kokopyahin lang naman ng tama. Idobol check ang mga ganitong ka-crucial na mga datos.
Nag-e-mail agad ako sa regional office tungkol sa dismaya ko sa nasabing failure ng ONSA system nila. Nabasa kasi namin sa isang blog ang bumubuhos na komento tungkol sa parehong problema: kahit tama ang inimput na datos, hindi ipinaplastar ang ONSA sa iskrin, chexk your data raw.
Sa isang panayam sa Good Morning Kuya sa UNTV sabi ni Maria Lusia Agatama ng CSC ay naghahanap daw ang Komisyon ng mga magagaling at mahuhusay na maglilingkod sa bayan. Kaya umaasa kami ng competence at excellence, una, sa Komisyon, at pangalawa; sa serbisyo nila. Lalo na online, gayung inilagay nila ito online kahit na hindi naman lahat sa mga rehiyon ay may maayos na internet access.
Sana text notice na lang. O di kaya ay naka-publish ang listahan ng pangalan ng lahat ng mag-eexam at nakalagay ang room assignment. Maganda naman sana yung ONSA na isa-isa, kaya lang kung ganito ang haharaping problema ay dapat may alternatibong paraan para silipin ang room assignment. Puwede sanang ilagay sa isang site gaya ng blogspot ang mga ganito kahalagang notice para madaling mag-load at ma-access. Ano 'to pupunta pa kami ulit ng kapitolyo para ipakalkal kung saan kami magrerebyu? Ang laking abala at gastos kaya no'n!
Isa sa mga norms of public service sa Republic Act 6713 (otherwise known as The Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees Act) ay professionalism na dapat magpakita ng intelligence at high degree of excellence at competence sa serbisyo publiko. Ngayon,...(ayoko nang ituloy)
...
Nakita ko naman sa resibo ng pag-aaply ang mga dapat dalhin sa araw ng eksam na puwedeng dalhin lang ang ONSA o di kaya ay yung resibo plus yung valid id na mismong ginamit mo sa pag-aapply. Sa'kin ay voter's i.d.; ang kay Ebs ay police clearance na itinago ko kasi baka mawala. Umuwi ako sa bahay para kumuha ng ekstrang damit at itsek na rin ang rekusitos namin, nawawala ang voter's i.d. ko na parang isang di nakakatawang joke ng universe.
Kinabahan na naman ako ng todo. Woooh! Kape pa more! Hinalwat ko halos lahat ng aklat ko at baka nagawa kong pananda. Wala e. Sa mga kahon kahon ko, wala rin doon. Sa damitan ko, ipinagwasiwas ko ang mga damit ko pero wala pa rin do'n. Mapapagalitan na naman ako ni Mama dahil kakaayos lang niya ng damitan ko. Alam ko kasi sinigit ko yun sa notbuk ko ng Filipinong akda pero wala rin doon e. Parang joke na nakakainis talaga, kung kelan hinahanap saka ayaw magpakita.
Nagbibiruan kasi kami ni Ebs noong isang gabi na wala sa akin ang mga rekusitos. Kunwari nasa kanya. At dahil pambansang patola ito ay iginiit nyang wala sa kanya. Wag na raw kaming magrebyu at wala rin daw palang rekusitos, di rin pala makaka-eksam. Noong paiyak na siya ay sinabi ko ring nasa akin at baka nga magkatotoong mawala. At nawala na nga ang voter's i.d. ko. I.D. wow.
Hindi yun puwedeng mawala dahil hindi talaga ko makaka-exam. Ang isyu kasi dito ay hindi yung mapapasahan tapos makakapasok kami sa gobyerno at mareregular doon. Wala yan sa timeline namin pareho. Ang isyu rito ay naghanda kami since June 15, 2015 at dapat tanggapin namin ang hamon ng 80% na passing grade. Mukhang si Ebs na lang ang haharap sa hamon.
Bumalik na ko kena Ebs para makiprayer meeting, doon muna ko magpe-prayer meeting para siguruhing magrerebyu siya. Na dapat ay kami. Pagdating ko ron nagsisimula na ang pagtitipon nila. Tapos, si Ebs ay as usual nasa may laptop at inaasistehan si Pastor Abner. Maya-maya'y lumapit si Ebs sabay tanong "nakita mo na ang Voter's I.D. mo"?
I.D. alam na.
No comments:
Post a Comment