Tuesday, May 26, 2020

QQD71

Day 71, Linggo

Namaybay na ulit ako ng riles papuntang Tagpuan para mag-withdraw. Mga 30 minuto lang naman na lakarin. Tiningnan ni Edison kung may laman na 'yung mga atm sa labas, positive, meron nang laman kaya nilakad ko na. Wala pa ring biyahe masyado at ang mahal ng traysikel. Dati naman hindi ako namamahalan sa kwarenta pesos na sita, ngayon na lang; kaya namaybay na ako ng riles.

Ayun, may mag dalawang metro ang pagitan ng mga tao sa pila sa atm. Totoo na nga yata ang new normal. Tapos, may lumapit na sundalo. Nagtanong ng mga quarantine pass. Wala ako, si Papa 'yung meron. Napagalitan 'yung mag-asawa sa unahan ko kasi may Qpass nga pero wala namang id, "paano ko malalaman na mag-asawa nga kayo?" sabi nung sundalo. Hindi raw kasi marunong pumindot 'yung asawa n'ya. 

Tapos, ako na. Asan ang quarantine pass mo?" Wala po. Bakit ka lumabas nang walang quarantine pass? Sa susunod ha, at iba pang bah blah blah pero hindi naman n'ya ko ikukulong. Huli lang pero walang kuong. Pawis na pawis ang kili-kili ko sa paglalakad at hindi pa ko naliligo kaya siguro di na n'ya ko hinuli. 

Galing ka na pala ng mall bakit di ka ppa bumili ng pangkulay? sabi ni Mama. Pangkulay sa buhok 'yung Revlon. Napag-usapan kasi namin ito dati sabi ko kahit yung sa tabi-tabi lang na pangkulay, ayaw ni Mama, yung Revlon na lang daw. Ma! Nasa 400 pesos din 'yun, onti na lang pera ko sa bangko. Cake na lang kaya sa Red Ribbon? 

Sana dumating na 'yung araw na hindi kami mamimili sa pagitan ng red ribbon at revlon. haha

Monday, May 25, 2020

QQD70

Day 70, Sabado

'wag mo kong madura-dura lex sed lex, lumabas ako at naligo kami sa ulan feat. Idon at Uwe. Alam mo,

Bawat patak ng ulan ay kay lamig,
Wari'y binabalot itong aking pag-ibig.
(*Everybody now!)
Heto ako-wohoa-woh.
Basang-basa sa ulaa-ah-ahn.


Pero seryoso, ngayon na lang ulit ako nakaligo sa ulan. Hindi ko maalala kung kailan 'yung huli. Pero totoo, kumanta rin kami sa ulanan kanina. Naglakad-lakad, tumakbo, tumalon-talon sa ulanan. Nagtaas ng kamay na parang nagpapaubaya lang sa langit na umiyak pa s'ya dahil hindi pa kami tapos magtampisaw. At nang tumila, nag-unahan kami sa banyo para magsabon at magbanlaw.

'yun lang. 

QQD69

Day 69, Biyernes

Parang ang boring na ng buhay ko kung titingnan mo ang ilan sa Youtube viewing history ko ngayong linggo:

-SB19 playing horror game (JoshTin)
-How to get unstuck
-1million dance choreography videos
-Top 20 Best JRPG in Nintendo Switch
-Abstract: Interior Design (Ilse's)
-Higanteng manok kumain ng sawa
-Coming Out Story
-The Tragedy of Silicon Valley 
-Sunday Beauty Queen (TBA Studios)
-How to get your life together in 2020
-Art of Not Trying
-NoFap Challenge for 30 Days
-Wag ikaw ang unang mag-chat challenge for 3hrs

Lituhin natin ang ecochamber kung anong mga videos ang ipapakita sa'kin. May matitino namang content akong napapanood. Pero malaking bahagi ng linggo ko ngayon ang nakasalampak lang ako sa higaan/upuan/ tapos nakaupo kung gabi sa kusina, naghihintay ng umaga. Kung ano-ano nang motivational at productivity videos ang pinanood ko pero wala, di ako makasulat nang matino. Walang dumarating na musa kahit magpasingkwe-singkwentang salita sa journal, hindi sila dumadapo. Baka kulang pa ko sa baho?

QQD68 (Alinagnag)

Day 68, Huwebes


Tungkol sa Alitagtag

Maraming lugar sa paligid ng Lawa ng Taal ay pangalan ng puno. Halimbawa 'yung Lipa, mga baranggay at sitio sa Mataasnakahoy, bayan ng Balete at pati na bayan ng Alitagtag ay maaaring puno. Puno ang pagkakatukoy sa Alitagtag sa dasal ng sayaw na subli. Nagsasalit-salitan din ang paggamit sa poon at puno sa dasal. Nagpasalin-salin din na galing ang pangalan ng bayan sa salitang alinagnag na ang ibig sabihin ay umaandap-andap na ilaw. Ang sabi, may puno noong una na napapaligiran ng mga patay-sinding ilaw kung gabi. Ang pinaka malapit sa siyensya na paliwanag ay dahil sa mga alitaptap na isang titik lang ang ipinalit sa alitagtag. Kung alitaptap nga ang liwanag, bakit di na lang ginamit ang alitaptap para tukuyin ang dapat tukuyin. Sa scientific classification, hiwalay ang mga species puno sa mga kulisap. Kaya kapansin-pansin sa'kin ang Alitagtag dahil sa maaaring pagtukoy nito hindi lang sa puno kundi pati na rin sa ugnayan nito sa mga alitaptap, o sa kung anumang hindi matukoy na alinagnag sa gabi. Inaalam ko pa rin hanggang ngayon kung saan makakakita ng alitagtag.

QQD67 (Napanood Namin 'yung Sunday Beauty Queen)

Day 67, Miyerkules

Napanood Namin 'yung Sunday Beauty Queen

Buhay ng mga Pinoy doeestic helpers sa Hong Kong na anim na araw na todo-kayod sa kani-kanilang mga pinaglilingkuran tapos pinaka pahinga na yung pagrampa kung Linggo. Beuconera talaga tayo sa dugo. Mistulang therapy ang pageant sa pangungulila sa mga naiwan sa Pilipinas. Pang panandaliang takas na rin ng mga literal na cinderella na gaganda at makakapagbihis ng magara. Kasiyahang puputulin ng curfew ng employer at kailangang magmadali sila sa pag-uwi at di birong masisibak sa trabaho. Mabilis lang makapagpalit ang Hong Konger ng DH pero ang nasibak kailangang magmadaling makahanap ng bagong employer sa loob ng 14 na araw dahil kung hindi, kailangan mong mag-exit ng Hong Kong. Sa loob ng 14 na araw, mapalad kung kasya ka pa sa shelter ng konsulado at ng isang non-profit para sa mga nagkakaproblema sa employer. Eh, kakain ka pa at iba pang gastos. Ang paulit-ulit-ulit na bukambibig ng mga beauty queens ay magtiis, kung kaya pang tiisin, tiis lang. Tipikal na tipikal 'yung bungisngis nung isa habang nasa interbyu, siyempre natutuwa at mapapanood sa dokyu film, pero nung napag-usapan na ang mga anak na naiwan sa Pilipinas, nabasag na ang boses at nagtakip na ng mukha.

T'wing magpapakilala ng kandidata/ Pinoy DH na ipapakita ang buhay sa Hong Kong, kasamang inilalagay sa ilalim ang natapos na kurso at kung ilang taon na sila sa Hong Kong. Mga degree holders ang mga beauty queen. Nagbubukas ito ng tanong na anong problema sa atin? 

Palaging may ginhawa kapag Linggo na, makikita mo si daddy, 'yung les na DH din na organizer ng beaucon. Sila-sila lang ang nag-aayusan. May talent portion din. May Q&A siyempre. Bagama't secondary na ang premyong hong kong dollars, abam big deal pa rin anmag Q&A, ang mga sash at titles, at ang talent portion. Natatawa ako na naaawa sa talent ng Visayas group dahil sumayaw sila sa saliw ng tugtog ng Penagbenga ng Cordillera. Bagama't may inaccuracies sa mga folk performance arts, kultura pa rin natin 'yung nakabalandra sa kalye ng Hong Kong. Lakas pa ring maka-Pinoy pride. At kahit pare-pareho nang Pinoy sa beaucon, nasa English pa rin ang Q&A kasehodang magpili-pilipit. Ipinakita ang isang clip na may seryosong nanonood na foreigner habang namimilipit na nag-English ang isang gigil na candidate para sagutin ang isyu hinggil sa diumano'y mga Pinoy DH na nauuwi sa prostitusyon. Okay na rin nga sa English para marinig ng Hong Kong ang mga saloobin ng mga beauty queens. Ang beaucon ay isa na ring porma ng pagtindig, hindi man sadya. 

Kada naman magtatapos ang Linggo, kasama ka ring malulungkot, dahil anim na araw na naman ng pagkuskos at pagkayod. Naging patas naman ang Sunday Beauty Queen sa pagpapakilala sa mga Hong Kongers na employer na hindi lahat ay malupit. Meron ding ilang magbabalik ng tiwala mo sa sangkatauhan. Pero malinaw ang nagpapalawig ng di makataong pagtrato sa mga beauty queens natin sa Hong Kong, ilang polisiya ng Hong Kong tungkol sa mga manggagawa at kahinaan ng tulak ng konsulado para sa pagbabago ng polisiya. 

Napakalaking consolation prize ng Sunday Beauty Queen para sa mga Pilipinong manggagawa sa Hong Kong. Salamat Baby Ruth Villarama.

QQD66

Day 66, Martes

Nagkaroon ng kaunting kaguluhan sa riles. Magkakasuguran, suntukan, umbagan doon sa may inuman. Ang pinagkakaguluhan ay ang saranggola ni Rr na hindi nga n'ya maitalang at ayaw pabilihan ni Mama ng tansi dahil magpapalipad na lang si Rr nang magpapalipad kahit katanghaling tapat. Kaya hanggang ngayon ito ay saranggolang sawing-palad, hindi nakalilipad.

Kinausap pala s'ya ni Godi na hingin ang saranggolang sawing-palad. Mas maliit ang saranggola ni Godi kaysa kay Rr. Si Rr naman dahil bagong kaibigan sa riles, hindi nakatanggi at ibinigay ang saranggolang hindi naman n'ya napapalipad. Ayun, mimiha-mihang umuwi at inuto raw s'ya ni Godi. Si Idon ang nagsumbong kay Mama. "Tita, ang saranggola ni Rr..." at ikinuwento ang full report. Hayaan mo na sabi lang ni Mama at pinagbawalan na si Rr na pumunta sa kabilang riles. Nawalan na nga ng saranggola tapos hindi pa puwedeng lumabas ng riles. Si Uwe naman ang nagsumbong kay Mama, "Tita, ang saranggola ni Rr..." tapos may news updates pa s'ya na sumabit na sa puno 'yung saranggola ni Rr na nakay Godi na. Hayaan mo na sabi lang ni Mama. 

Hindi mapakali ang dalawa kong pinsan at sumugod sa riles kena Godi. Hindi raw dapat nakikipag-deal sa alam naman nilang special. Akmang papalitan ng mas maliit at may pulang pabalat na saranggola 'yung sumang-it sa punong saranggola ni Rr. " Hindi na! Salamat na lang! Hindi kami natanggap ng ganyan at hindi naman pasko!" sabi ni Uwe na kasama si Idon na moral support lang sa eksena. Hindi sila matatahimik nang hindi naipapahiwatig ang saloobin. Makabawi kahit sa trashtalk man lang.

Narinig sa inuman ang isyu ng saranggola ni Rr. Agad tumayo ang isa at susugurin diumano si Godi. "Sasapakin ko 'yan!" nag-amok ang lasing. Nag-awat naman sina Papa at si Tito Eddie sa mga kainuman nila. Nagsumbong uli si Idon kay Mama tungkol naman sa mga nagkakagulong mga lasing. Tuloy lang si Mama sa pagluluto. Si Rr naman abala sa panonood ng TikTok pero maya-maya pa, huhupa ang kaguluhan, at mababawi na ulit ang saranggola n'ya. Isasabit na uli ang mga sawing-palad. Oo, sa huli ay naging dalawa ang saranggolang nakasabit lang.

Saranggola mang may layang lumipad

QQD65 (Sesamum indicum)

Day 65, Lunes

Tungkol sa Sesamum indicum

Nagbabasa ako ng On the Volcano of Taal na isang scientific journal ni Tenison-Woods noong 1888. Naghahanap ako ng mga sinaunang listahan ng kung ano-anong nabubuhay na mga halaman at gumagalang mga hayop sa rehiyon ng Taal na baka nahagip ng mga historical archives. Ito yata ang isa sa mga unang salin sa Ingles ng mga tala ng mga paring Agustinyano na nasa Espanyol. Napansin ko 'yung Sesamum indicum o til/teel plant na pinanggagalingan umano ng langis, di malayo sa olive oil, ipinangkukulay, o kaya ginagamit para magpailaw ng mga gasera. May ilang pagawaan ng langis mula sa sesame sa Taal noon. 

Kinakausap ko si Axel tungkol dito sa chat kung may narinig na s'yang kuwento tungkol sa langis na ginagamit nila noon sa gasera sa Taal? Wala raw pero parang may nabasa s'ya. Wala akong masyadong naririnig na produksyon ng sesame sa Pilipinas. Tropical naman ang sesame pero hindi kaya kamukha lang ito ng sesame at nagkamali ng identify ang pari? Nag-reply si Axel na ang reference ni Tenison-Woods ay ang Diccionario Geografico Estadistico Historico de las lslas Filipinas (Buxeta, 1851). May biofuel na tayo na hindi pa malinaw kung ginagawa na ba natin bago pa man dumating ang mga Agustinyano sa Taal noong 1752 o itinuro sa atin na may langis sa mga buto ng sesame, maraming puwedeng mangyari sa loob ng halos isang daang taon. Naghahalungkat pa ako ng ilang mga listahan ng mga damo't halaman.

May bigla akong naalala, ang Tagalog nga pala ng sesame ay linga. Sa paligid-ligid ay puno ng linga ang sabi ng kanta. Ang tanging pananim na lagi kong tinatanong noon kung ano at college ko na nalaman na sesame pala. May linga pa ba sa paligid-ligid? Kailan tayo huling luminga-linga? Hindi kaya ang pandiwa nating palinga-linga (naghahanap) ay galing sa paghahanap nga natin noon ng linga sa luntiang parang?


QQD64

Day 64, Linggo


Umuusok na naman ang bulkang Taal. Walang pasabi. Nahagip ng paningin ko 'yung usok mula sa tatlong bunganga ng bulkan bago ako nagmadali para hagilapin 'yung camera ko, nagngunguyngoy pa ako kung bakit wala man lang abiso ang mga taga-phivolcs? Pagkahagip ko ng camera, wala na, bumubulusok na ang mga naglalagablab na bato na parang bulalakaw. Nahagip 'yung ilang malapit na bahay. Kailangan kong makakuha kahit ilang shots bago tumakbo. Nadadanggil na ako ng mga nagtatakbuhang mga tao. Wala akong shots nung huling pagsabog ng bulkan dahil saktong nasa amin ako sa Quezon. Pagtutok ko ng lente sa bulkan, walang bunganga, walang lupa, isang malapad na likod ng lalaking naglalakad sa malalim na lawa. Taliwas sa personapikasyong sinulat ni Hargrove na binibini ang Taal at nakakatakot kung magalit. Nakatalikod lang ang malaking lalaki at marahang naglalakad papalayo. 

Nagising na ako.

Sunday, May 17, 2020

Napanood Namin 'yung NeoManila



Napaka tao lang ng pagpapakilala dito ng isang hitman. Oh puwede rin palang maging nanay ang hitman, puwedeng magtiyangge, magvideoke; na hindi laging natatakot, nakokonsensya o takot sa diyos ang pakiramdam ng hitman. Kasi paano nga kung wala? Kung nabubuhay si hitman sa isang ekonomiyang hindi qualified ang may konsensya? Parang nasa isang gubat sina Tita Irma at Toto, may mga eksenang tinuruang mangaso, sumikot-sikot, iniligtas sa maninila, dinadalahan ng huli sa pugad at mga paglapa nang/ng buhay.

Parang nasa ilalim ng aandap-andap na ilaw ng poste yung metaporika na naglalarong daga sina Tita Irma at Toto, kinakabahan tayo kung saan sila susunod na susuot, pano sila makakatakas, at kailan sila mahuhuli ng mga sila. Ang dumi, ang sikip, ang hirap huminga pero kaya. Nakakahinga, buhay. At kabalintunaan pang may-ari ng pest control business si Tita Irma at may mga kliyenteng nasa napakataas na mga condo. Ang dating ay hindi maitatago ng nagtataasang bahay, ng puting pader, ng mga gusaling salamin ang realidad na dinadaga tayo. 

'yung eksena sa videoke, 'yun na yung pinakamakulay, 'yung pinaka hindi totoo, yung pinaka malayo na nilang pagtakas. Akmang-akma sa kanta na sana patigilin na lang ang mundo sa pag-ikot dahil hindi na kasing kulay pa 'yung babalikan nilang buhay pagkatapos ipakita yung score sa videoke.

Sabi ni Tita Irma kay Toto, "mas kabahan ka kapag wala ka nang nararamdaman". Nakakadaga yung mga ganitong katapang na mga pelikula para sabihin na maraming hindi na nababahala sa kaliwa't kanang bumubulagta sa mga eskinita natin, at mas nakakadaga 'yun kaysa sa mismong mga patayan.

Kudos Ms. Eula Valdez, Toto at Direk Mik! Badtrip kayo, ang galing!

QQD63

Day 63, Sabado

Dahil marami naman akong ginawa kahapon, wala munang paggawa ngayon. Lumipad na palayo ang mga musa. Dumaing ako kay Mama na ang sakit ng likod ko. Konting galaw lang at kumikirot na agad sa bandang balikat. Ang bilis agad ng diagnosis ni Mama, "balintamad 'yan". Dalawang beses naman s'yang nakihati ng kape sa'kin. Ayaw magtimpla ng kanya.

Oo nga pala, sinusubukan kong 'wag munang magpakita sa social media. Sana tumagal ako. Gusto ko na ngang i-delete kaso gusto ko munang kuhanin 'yung data ko for archiving purposes lang. Mami-miss ko si Rald, Donj, Mario, Ate Tin, Tita Cars, Tita Mildred; kanino na ako magkukuwento kapag nagpapakalma sa gabi? Pito lang pala talaga ang kausap ko sa Messenger. Mawawalan ako ng kuhanan ng gigs, brands, photo album, network at the same time; basurahan ng rants.

Brand, akala mo naman may pangalan ako. Pero yun nga 'yung e, hindi mo naman mababago kung ano ang laman dahil wala lang pangalan, pabalat, o bihis. Mas magiging malinaw yung lasa, yung laman, sa palagay ko lang naman. Ilang araw ko kaya kakayaning hindi magpakita? Dito ako naiinggit kay Goldie, sa kakayahan n'yang mawala ng ilang taon. Mawala nang hindi namamatay. Nabubuhay nang hindi nararamdaman. Pakiramdam ko naman umaaligid lang s'ya nang minsan pero hindi lantaran. Kung gusto naman n'ya kong kumustahin, ako na ang pinaka pakalat-kalat at madaling makasalubong kung saan-saan. Madali lang din ako ipa-ambush dahil sa may paborito akong ruta at minsan ko lang baguhin. Madali naman akong yayaing kumain at hindi ako nagmamadali. Tips naman Gold, kung paano mawala?

Hindi naman sa nagsusunog ako ng tulay, sabihin na lang nating may binubuo akong katidral at nasa panahon ako na mas pinipili ko muna ang pabulong na kumpisal kaysa batingaw ng kampana.

[Okay lang 'yan, wala namang may pake]

[tse!]

Saturday, May 16, 2020

QQD62

Day 62, Biyernes

Simula paggising ko kaninang tanghali, alas-onse pasado hanggang alas-onse pasado bago maghating-gabi; naka-submit ako ng tatlong magkakaibang grants, pero magkakadugtong na projects. Kahit diskompyado ako sa mga pain ko, ihinagis ko pa rin ang kawil, malay mo walang ibang nangingisda sa lawa ngayon kundi ako lang? May maibangi man lang sana pagkaahon ko rito. Teka, akala ko ba hindi dapat nagmamadali? Matagal ko na yung isinulat, inunti-unti tapos saka ko binuo ng isang upuan.

Iba kasi talaga ang sipa ng deadlines.

Iniisip ko kung itutuloy ko pa itong quaderno de quarantine series, kasi parang hindi naman matatapos. Ni-lift na ang enhanced community quarantine at naging general community quarantine, so pupunitin na ang quarantine pass? Makakapaglakad-lakad na ako sa bayan? Hindi pa rin, may nakatakda pa ring araw kung kelan lang makakalabas ang bawat baranggay. Binago lang 'yung term pero kulong pa rin. Kailangan pa rin ng quarantine pass, pero at least uusad di umano ang ekonomiya. Teka, gaano ba ka lokal ang ekonomiya natin sa bayan? Gaano ka-sirkular ng daloy ng palitan at paggawa? O baka nakabatay sa daang kilometrong biyahe ang kabuhayan ng marami?

Aminin na natin, lahat tayo halos ay palabas ng bayan, paluwas mula probinsya, nahahatak ng kislap ng Maynila. Walang masama, e sa andun ang pagkakakitaan e, pero hindi nga lang uubra ang kasalukuyang disenyo ng ekonomiya kung mas marami pang pandemikong magaganap. Baka kailangan na nating mag-decentralize, de-urbanize kaya? Pangita sa naitatalang kaso sa siyudad ng Lucena, ibang-iba sa karatig na hindi siyudad. Puwede namang bumaba nga, humupa ang virus, okay na ulit, bumalik sa dating normalidad, pero puwede ring hindi. Puwedeng ring maulit nang mas malala.

Ang sinasabi ko lang sana ilang padyak lang ang layo ng hanap-buhay sa bahay?

QQD61

Day 61, Huwebes

Tumutulo ang sipon ko ngayon, nagtutubig. Hinahayaan ko lang s'ya basta't di napupunta sa bibig. Parang umiiyak 'yung ilong ko siguro naiiyak s'ya dahil malapit nang matapos ang quarantine tapos yung mga nakalista kong gagawin, hindi pa rin tapos. Nagbabara ng ilang minuto yung ilong ko, siguro pina-panic attack yung sinuses ko dahil patapos na yung quarantine, ni katiting na plano sa buhay ay wala ako. Tutal ayaw mo rin naman pala mag-isip, isasara ko ang mga airways mo para mabawasan ang oxygen sa utak mo, sayang lang effort namin, siguro protesta ng ilong ko at ng nasal workforce. Keep calm and breathe, sabi ko.

Kung matapos yung quarantine at hindi ko pa tapos 'yung mga projects ko, edi itutuloy ko. Wala namang bayad yang mga 'yan. Maaaring kahit kailan buklatin uli. Saka na ituloy dahil nagbibisikleta na ako sa labas? Abala sa paghahanap ng trabaho. Nakikigulo sa paghubog ng bagong normalidad? Malay, basta ang trabaho n'yo ngayon ay huminga kahit bumibilis-bagal o kahit sukisikip, ihinga lang.

Nakatulog na akong naghihintay kay Ambo, ang unang ngayong taon. Hindi yata tayo pagpapahingahin.

Ayoko na ng Palanca

Ayoko na ng Palanca
maganda raw, sabi n'ya 
at sapat na pala 'yun para sa'kin 
ang maiksing "maganda"
pagkilala kung di man paghanga
walang lalim, walang puna
'sus, ayoko na ng Palanca

Ayoko na ng Maningning
masaya na kong naipako
ang puyat na mga matang bagabang sa malalaking bagahe
sinira ng walang-pihong bukas ang himbing ng araw-araw
kahit ga iilang segundo lang sa mga taludtod
pero gusto ko pa ring isulat na makikislap
nasilayan ang mga tula kahit isang iglap
di na lumiliyad para sa Maningning

Ayoko na ng Salanga
'yung iginalaw ng tuklapin n'yang labi,
tinuyo ng tag-araw o katamarang uminom ng tubig,
o ng mga daliri man dahil sa chat lang naman
"ang galing," kahit na paggalang lang sa pinaghirapan 
parangal na 'yung aakapin at ilang talatang pasasalamat
isasabit sa ding-ding ng bahay, isasayaw sa pistang bayan
kasakiman na ang magka' Salanga pa

[Ayoko na ng Palanca]
[Ayoko na ng Maningning]
[Ayoko na ng Salanga]

Isa na lang ang di aayawan
                                            kung sakali
                                                        baka lang naman.

Wednesday, May 13, 2020

QQD60

Day 60, Miyerkules

Nagpabili pala ako kay Mama ng bagong boxer briefs, coz why not? Bukas ga naman pala? 

Ganito ang tip ni Mama sa ilang mga manininda na hindi 'essentials' ang produkto at pinagbabawalang magbukas. Kapag araw ng brgy n'yong lumabas, sumilip ka sa palengke, 'wag i-fully open ang tindahan, konti lang. Kapag nasita, sabihing pinupunasan lang ang paninda tapos uwi ka na rin bago mag-curfew. Kaya nakapagpabili ako ng dalawang boxer 'yung tig-singkwenta lang dahil krisis ngayon. 

Mas madalas akong maligo sa isang araw. Hindi naman talaga ligo per se, yung ibang ulit doon ay masasabing buhos lang. Papresko, kaya palit nang palit ng boxers. Ang ganda pa ng kulay, neon green at sky blue. Nakalimutan kong magbilin ng kulay.

Marami naman daw bumibili sabi ni Mama. May mga bumibili ng tsinelas, termos, bangkito, walis at iba pang hindi kasama 'essentilas' ayon sa umiiral na batas. Parang sinasabing, sino kayo para magtakda ng kailangan at di ko kailangan para mabuhay sa araw-araw. Kailangan ko ng termos at hindi na puwedeng ipagpabukas pa!

At dahil dura lex sed lex, ayun nasita na ang kanilang modus at pinagsabihan lang naman na 'wag na munang magtinda at iilang araw na lang naman.  Maigi at nakaagaw ako ng bagong boxers.

QQD59(Kung Paanong Parang Reverse Bear Trap sa Bibig ang Kasalukuyang Sistemang Ikinakabuhay Namin ni Rald sa Araw-araw)


Day 59, Martes

Rald: 
May pasok na. Ayoko pa.

Jord: 
Kayo? Pano ka papasok? Pwede ang inter-border ng towns ng bulacan? Nalilito pa ako sa GCQ.

Rald: 
Tinatamad pa ko. T'as required yung testing before duty. Katakot. Kaya nga ayoko rion.

*rin

MECQ na yata kami sa Val' kung anuman yon. Natatakot ako sa 2nd wave.

Jord: 
Hindi pa ko tapos sa mga ginawa kong mini-projects tapos binabalikan ko yung iba to revamp [hahaha] kasi wala lang, di ko na alam kung paano ito uumpisahan ulit.

*showed a presentation slide

Rald:
Ano? Taal? Ganda ahh

Jord:
Nasa Val ka ba o sa Pandi? 
Pwede mag-cross ng Bulacan-Valenzuela? 
Wait, paano ito? Anong pwede at hindi?

Rald:
Kaya nga kahit ako naguguluhan... oo sa Pandi pa ako... sa Bulacan, GCQ na kami, allowed naman na yata, basta pakita lang ng ID. Pero sa Val, ECQ pa rin.

Pero ang ganda ahh.. pinaka- cover ba yan?

Jord:
O kaya nga, so paano? Pwede sa Pandi pero di pwede sa Val?
Pano ka papasok? 
Balaka nga sa buhay mo Rald. Malaki ka na.

Rald:
Ayoko na talaga pumasok Jord sa totoo lang, kung pwede lang. Kaso naisip ko, di pwedeng lumipat ngayon, daming kumpanya ang nalugi. [tsk tsk ]

NO CHOICE.

Ayoko na mag-SM. :(

Jord:
Ano gusto mo mag-Robinson?

Rald:
Mas lalo na haha
Sa lahat ng malls, SM ang pinakamaganda.. alaga ang employees.
Pero... ewan. Gusto ko next year wala na ko dito. Di pwede yung ganito.

Jord:
Pero alam mo, naisip ko gusto ko muna ng trabaho na nasa service crew ta's dito lang sa amin. Parang alam mo yung feeling na if lumayo ako sa dev work feeling ko pag-upo ko, mas mapapag-isipan ko yung mga bagay-bagay sa dev work.

Rald:
E di try mo? I mean, kahit saglit lang.
Lumayo ka muna... a breath of fresh air ba.

Jord:
Parang ganan, tapos uwi sa bahay after work.
Parang kaya ko kaagad ibigay kung ano yung hinihingi within 15 mins or a day of work, tapos!
Parang masaya rin yun

Rald:
4 days ako sa isang Thai restaurant sa Galleria, nung last day ko, sobrang lutang ko, nakabasag ako ng isang baso. Habang nag-huhugas, alam mo tumatakbo sa isip ko... "hindi ako dapat nandito..." I mean, hindi sa minamaliit ko ang pagiging dishwasher... ang totoo, after nun humanga ako sa ganung trabaho.

Jord:
Naisip ko lang naman

Rald:
Gusto ko rin mag-try ng iba. Kung hindi ko lang talaga kailangan ng mabilisang pera. Yung kinsenas, may umaasa sayo... tangina, 27 na ko, gusto ko naman ng caharacter development haha

Jord:
tiyaga mo Rald
iSalute

Rald:
At least ikaw kahit papano malapit ka na sa gusto mong gawin, may mga tao na sa paligid mo na nasa linya ng trabaho na pangarap mo... e ako, napapalibutan ako ng mga sales report, ng gross/net, customer, consumerism, kapitalismo, materyalismo, pera, pera, pera.

Jord:
Di ko kaya yang ginawa mong yan.
Though, maliit lang 'yung niche ng nagbabayad sa gusto kong gawin, nakaka-negotiate pa ko how to do the work, masaya naman, sinabi ko bang hindi? Sinabi ko bang aalis ako?

Feeling ko lang may makukuha ako sa odd jobs.
Feeling ko 'mas nakaka-3rd world artiste' 
hahahahaha

Rald:
May naalala kong quote kanina lang, biglang nagpop-up out of nowhere: 
"This life is slow suicide. Unless you read."

Oo try mo... lalabas yung pagka-artist mo lalo. haha. Take it from me. Tipong sa pagsusulat mo mailalabas lahat ng gusto mong sabihin.

Gusto ko magrant shets... kaya din siguro ako nagdedeactivate e dahil ayoko munang makita yung update ng mga katrabaho ko... escapism from the real world...

Pero ha, si Chales Bukowski, yung poet, nagstart lang siyang makapagsulat noong nagtatrabaho sya sa mga odd jobs niya... tas may edad na rin sya nung nagstart. Gaya ni Stephen King, kaya di naman ako nagmamadali kahit papano...


Jord:
Naa-anxiety ka lang siguro kasi hindi mo alam paano ang escape plan sa ngayon.

Ako rin, kaya ko ginagawa ngayon yung mga bagay-bagay na ginagawa ko to beat the fear na "shet, wala akong relevance when you removed me from my "eco-system". Nakaka-pressure kumita ng pera, maghanap ng work, but i just pat my back and say "kunwari artist ka lang muna ngayon and you just need food".

Rald:
Wow.. Gusto ko yung term na yun ah. "Escape Plan" hehehe

Para kong trapped sa Escape Room tas yung susi e nasa loob mismo ng katawan ko, kelangan ko lang ng lakas ng loob para hiwain yung tiyan ko dahil nandun mismo yung susi para sa makalabas. Haha

Jord:
Ay, lakas maka-Saw series. Amanda level na may bear trap sa bibig.

Rald:
Siguro nga, pero ang saya malaman na hindi lang ikaw yunh ganon ano? Na marami kayo. Saka isipin mo, sa dinami-rami ng mga tao, minsan napapaisip ako, ilan kaya ngayon yung nakakaramdam din ng ganito no? Dapat meron tayong group para dito eh. haha

Jord:
Marami, may kanya-kanya lang sigurong paraan ng pag-alagwa, ng pagiging matino.

Rald:
So anong plano mo? Escape plan, rather?

Jord:
Ako? 'pag nag-GCQ na , maglakad sa bayan, bumili ng salad at siomai. Gawin lang yung mga ginagawa ko ngayon.
Peg ko ngayon si Lilia Cuntapay.
Kung ang trabaho ay para sakin, ako lang 'to direk, hahanapin nila ako.

Rald:
Saka yung iba parang tahimik lang, deadma, mawawala din to bukas, itutulog ko lang to, mga ganung thoughts.

Hmmm... ako kaya? 

Monday, May 11, 2020

QQD58

Day 58, Lunes

Umuwi sina Uwe at si Mama galing sa palengke. Apat na araw nang nadaing si Mama na ang dalang na ng benta ngayon, may natitira pa silang 18 bundles ng wrapper. Baka nanawa nang mag-shanghai ang mga tao. 

"O bakit parang paiyak ka na? Parang di mo bertdey e," si Uwe salubong kay Idon. 

Tumawag kasi si Ate Anjet kay Idon. Narinig ko sa kusina kanina. Bumati siguro si Ate Anjet kay Idon kaya bumati rin si Idon sa nanay n'ya ng belated happy mother's day, tapos sinumbong na si Kuya Ide na ang aga-aga ng inuman. Si Ate Anjet ay nasa kung saanman sa Maynila, bukod sa lockdown, hindi talaga s'ya makauwi dahil ang alam ng lahat ay nasa Middle East s'ya pero na-deport s'ya ng maaga nang magkaproblema sa employer. Nahihiya siguro o maraming inutangan.

Ipinasok na ni Uwe ang kahon tapos lumabas din si Uwe para bumili ng kandila. Buti may nabilhan kayo ng cake, kako. Improvised lang 'yan sabi ni Mama. Piniringan pa ni Rr si Idon. Iniikot ng tatlong beses na parang may basag-palayok at binuksan ang kahon, bumalandra ang lettering ng pentel na "Happy Birthday Idon" (may smiley pa sa loob ng O). Tapos, nilabas ni Mama ang maliit na sling bag na regalo sa pamangkin n'ya; "Made in Korea Original" ang sabi ng bag. Tapos, dumating si Uwe dala ang biniling kandila at pinitas na dahon ng kawayan na agad n'yang natalian ng laso at kumanta ng happy birthday si Rr. 

Inilabas na ni Mama ang gagawing shanghai at fruit salad pero mamaya na lang daw gabi at baka pa maipulutan ng mga lasing. 

Sunday, May 10, 2020

QQD57

Day 57, Linggo

Ang tagal tumutunganga sa iskrin, wala namang masulat.
Nagsasayang lang ng enerhiya gaya nang napakarami bang bagay
Hindi kailangan pero kasiya-siya, pamatay-bagot, na uulit-ulitin
Ang pagkitigil ay tila babalik nang higit pang dambuhala sa dati
Para lamunin ka ng buo, hindi naman bumabaon ang kagat ng bagot
Bungal ang inip, madali ring kitlin, sang-iglap lang nar'yan na rin
Para kang inuubos na hindi. 

QQD56

Day 56, Sabado

May appropriation session kami kanina nina Mama at Idon. Ano ang bibilhin? Breastbone na ngasabin o whole chicken? Ano ba gang hahapunanin? Choseuy o adobo. Sabi ko mag-isang buo na tapos adobohin ng may sili't maraming paminta! Ang pumasa ay breastbone na gugulayan dahil marami kami sa bahay ngayong gabi. Bumili si Idon ng isang kilo. Dumating ang kapit-bahay naming tanod biyabit ang isang manok galing sa baranggay. Bukod pa ito sa isang buong manok na galing naman sa isang kumpanya na darating bukas. 

Si Papa naman, kinuha ang isang buong manok para ipampulutan sa kanilang sariling session sa kabilang riles.

QQD55

Day 55, Biyernes

Nakatanggap si Rr ng ayuda para sa sektor ng may kapansanan. May galing sa mga pribadong indibidwal, ilang kilong bigas, de lata at pancit canton. May galing din sa munisipyo, pinilahan ni Mama ang ilang bungkos ng baryang mamiso, literal na tumataginting na limangdaan piso! Pang-Jollibee na ni Rr kapag natapos ang lockdown. Kaya baryang mamiso ang ayuda ay di umano'y ipinapalit ang mga buong lilimandaaining papel sa babaryahing koleksyon ng jueteng, ay small town lottery pala dahil hindi basta-basta nakakapagbangko ng maraming barya.

Bagong pasalubong ni Mama: face mask. 
Hala Ma! Terno sa polo kong pulahan! 
Hindi naman ako makakapagpolo pa.

Friday, May 8, 2020

QQD54

Day 54, Huwebes

Nakababaliw nga 'yung nasa loob lang ng bahay. Social beings talaga tayo kahit pa ang pinaka nuknukan ng hiya naghahanap ng makakasalamuha bukod sa kanyang pamilya at kanilang pusa. Kaya ang daming nahuhuli ng pulisya sa labas ng bahay. Inaabangan ko na 'yung posts ng pulis Tiaong:

1. Mga nagsasaranggola, di umano'y pinagpalipad ng saranggola ng walang saranggola at pisi. Natigil tuloy sa pagsasaranggola ang kapatid ko bukod sa napatid ang una n'yang saranggola at sumabit sa puno. Cancelled na ang flight nung ikalawang saranggola as per exec. order ni Mama.

2. Mga nagbabasketbol na di umano'y pinaglaro ng walang bola, tatluhan. Ewan ko lang kung nagkapustahan pa.

3. Mga nagsusugal sa riles, sa may amin na 'to, yes represent!; na di umano'y pinagsugal sa presinto nang walang baraha. Di lang nabanggit kung siningilan pa ng tong ni tsip.

4. Mga naliligo sa ilog, "ang titigas ng ulo n'yo ha, sa presinto na kayo ngayon magpatuyo" ang sabi ng Facebook post ng istasyon ng pulis.

Nasa 5K yata ang tubos sa presinto. Ubos agad ang amelioration mo. Pero 'yung iba ay pinatayo lang maghapon sa presinto. Baka kapag tumagal pa ang lockdown matuto na rin kaming magsaing nang walang bigas.

QQD53

Day 53, Miyerkules

Isang malaking X ang araw na 'to.

Ang tagal naming nagkuwentuhan. Napadalahan pa ako ng readings: isang 400-pager na science journal noong 1887, tungkol sa mga naitalang samu't saring-buhay sa lawa. Hiningi ko rin naman dahil ayos din namang mahimay dahil hindi ko pa nakikita ang paper na'to tungkol sa lawa ng Taal. Marami pa akong gustong basahin bukod sa mga bulkan at buhay-buhay sa Taal noon. 

Tuesday, May 5, 2020

QQD52


Day 52, Martes

Nag-Youtube pa kami sa bahay para kumpirmahing ipinasara nga ng administrasyon ngayong araw ang isang malaking istasyon ng media. Kung kailan may pandemic at lahat ng galit ay nasa internet lang at hindi madadala sa kalye. O baka bukas naman may mag-aanyong bayani na makikiusap kunyari sa nasa kapangyarihan para igawad na ang matagal nang nakabinbing prangkisa. Nangyari na rin ito noong Martial Law, itong istasyon din.

Wala kaming tv sa bahay, walang subaybaying mga teleserye, nakakakuha kami ng balita galing na sa internet pero nawalan kasi tayo ng isang tagabatok sa kapangyarihan. Anong pakiramdam ng iba pang tagabatok kung 'yung higante na ngang media company, mainstream, establisyado na ay nagawa pang ipasara? Paano kung maliit kang istasyon ng radyo sa malayong probinsya? Magdadalawang-isip ka nang bumatok o magtanong man lang kung paano ginagamit ang/ng kapangyarihan ng/ang nakaupo. 

Parang kaya pang ikompromiso yung ilang aspeto ng demokrasya para supilin 'yung pandemic, pero binaligtad eh, sinusupil ang demokrasya gamit ang pandemic. Pakilasa ko'y nagiging house arrest ang home quarantine. Magalit tayo besh, maggalitan tayo, ipunin natin.

Balak ko lang sanag magsulat ng tungkol sa pang-ulam naming talong ngayong araw.

QQD51

Day 51. Lunes

Wala pa rin talaga,
hindi nagpaparamdam
o nagpapakita man lang
may kung anong gumuwang
sa dibdib ng bandang alas-kuwatro
biglang nilamig at bigla ring naghanap
ng hangin, hindi ako makahinga
umuwi ka na at naiinip na ako
ilang pipitsuging tula pa lang 'yun
gawa tayo ng ikakataas ng noo
ikakalakas ng nayurakang loob
ng mga pagtanggi
ng mga di pagsapi
ng mga pag-iling
pahiraman naman
kinakabog na
ang dibdib
kahit
saglit

Baka bukas.


QQD50


Day 50, Linggo

Nagising ako nang walang maalmusal. Aba't may dumating na biyaya, mga 3 kg bigas at 6 na itlog galing sa isang kabaranggay na engineer sa ibang bansa. Aba't naibida agad ng kapit-bahay kung magkano ang suweldo nitong si engineer kada buwan. Kanila raw yung up and down na pinapagawa d'yan sa may hilera ng mahagonihan. Aba't nakuwento rin 'yung tiyuhin ni engr. na natalong konsehal at kapitan nang mga nakaraang eleksyon sa'min. Aba'y sinuri ko ang plastik ng bigas, e wala namang nakaplastar na pangalan. 

Bandang tanghali, dumating sina Mama at Uwe galing palengke. Tinawag ako ni Mama nang mahina at may ibibigay daw s'ya. Kinabahan na ako at baka manghihingi na uli ng pera. Aabutan lang pala ako ng biscocho, "dahil bangon ka nang bangon sa gabi para kumain." Siguro dahil nauubusan ako ng pagkain sa bahay dahil ang dami namin ngayon at hindi ako madalas makigulo sa pagkain. 

"Meron pa," sabay bunot ng stick sachets ng kape. Marami 'yan galing kay engineer (ibang engineer pa ito) pero iniagaw lang kita ng apat tapos ipinamigay ko na, "ang pait kasi" sabi ni Mama. Pagsuri ko sa pakete may luntiang sirena na agimat sabay nanghinayang ako sa mga ipinamigay ni Mama. "Arabica" said the sachets. 

Hindi ko pa naman iniinom pero inumaga pa rin ako ng tulog at iba na rin ang kulay ng ihi ko. 


Saturday, May 2, 2020

QQD49


Day 49, Sabado

Naririnig ko na ang bagong anyo ng quarantine: general community quarantine (GCQ) pero ayoko munang alamin ang guidelines kung sinong makakalabas at sinong hindi pa, kasi magbabago-bago pa 'yan habang papalapit ang May 15. Narinig ko pala doon sa isa kong kaopisina na hindi na rin ire-renew ang kontrata n'ya, nakakita na ng bagong forester. Ligwak na kaming lahat sa non-profit, wala nang staff. Wala pa rin namang operation ngayon. Ayoko rin munang magplano kung anong gagawin ko pagkatapos nito. Para akong si Sokrates na ang alam ko lang [sa ngayon] ay wala akong alam. 

Nakatapos pala ako ng zine ng mga tula: a kollab. Pinamigay ko lang sa ilang kakilala.

QQD48 (Napanood Namin'yung Knockdown the House)


Day 48, Biyernes

Napanood ko si AOC ng Bronx, rep. ng New York at iba pang babaeng nangahas makipaglaban sa mga establisyadong lalaki sa Kongreso sa Amerika. Akala ko lawyer si AOC kapag napapanood ko s'ya sa AJ+ at Now This Politics, galing pala s'ya sa working class at inilagay ng isang grassroot movement sa kongreso. Ang sakit sa puso ng dokyu ng Netflix na Knock Down the House tungkol sa pagtakbo ng mga babaeng ito para gibain ang mga may makinarya, hindi lahat sila nanalo. Siyempre, pinoy kaya naghahanap ako ng happy ending kahit dokyu ito. Pinanood ko 'to kasama ng dalawang pinsang babae, si Idon at Uwe.

Nagustuhan ko 'yung isang clip doon ni AOC na sinabi n'ya sa pamangkin n'yang babae, "In every 10 rejections, you got 1 approval; that's how you win things." 

QQD47


Day 47, Huwebes

May nakita akong covid19 quarantine meme tungkol sa mga relationships na puwedeng ma-enhance pero hindi mo sure kung mai-extend. 

Dahil biglang nabago ang daloy ng mundo natin, mas naghahanap tayo ng atensyon, mas bulnerable, mas naghahanap ng pansin, o baka naghahanap lang talaga ng kausap pero iba ang pagbasa mo kahit hindi naman panitikan per se ang chat. Naglalakbay doon 'yung mga sana at nasa, doon sa obskura't parang 'may laman'. O ako lang ito? Ako lang yata ang bahagyang umisod na naman bilang araw sa gitna ng siyam na planeta. 

Na-snob ako e, o naalala ko lang na hindi ako ang center of the solar system, na wala talaga ako sa sistema n'ya at isa lang akong Halley's comet na dumaan. Maganda pero isa hanggang dalawang pakikiraan lang sa isang buhay. Hindi araw na binibilang. Hindi buwan na may iba't ibang pag-aanyo at kasamang lumiligid. Satellite kang nakamasid, lumiligid pero sa kanyang siyensya ay isa ka pa lang kometa, nakiraan. Foooosh! Ngiti, ang ganda, tapos, wala na. 

Pasensya.