Sunday, August 30, 2020

Buwan ng Mga Akdang Pinoy (Nga Pala)

Buwan ng Mga Akdang Pinoy nga pala ang Agosto. Buwan din pala ng Wikang Filipino. Ilang buwan na ba kasi tayo sa community quarantine at ilang akdang Filipino na rin ang nakonsumo natin simula nang makulong sa bahay? Mahirap ding magdiwang ngayong marami sa publishers walang sales, maraming empleyado ang na-lay off at hindi alam kung may babalikan pang trabaho, lalo na yung mga small press; tapos wala rin tayo masyadong pambili ng libro. Lahat naman ng industriya apektado pero ano na lang lalo ang mangyayari kung lalo na tayong nahirapang lumikha ng mga akda at suportahan ang mga manunulat. Lalo nang tumindi ang krisis natin sa kultura.


Ito ang mga akdang Pinoy na naging readings ko simula ng pandemic:

1. Ang Ikatlong Anti-kristo ni Eros Atalia

2. Alternative Alamat (anthology)

3. Ang 13 Pasaway (anthology)

4. Ella Arkanghel, Tomo 1& 2 ni Julius Villanueva  (reread)

5. Patula-tula ni Eros Atalia

6. Daw ni Isabela

7. Excerpts of Carl Cervantes' zines

8. How to Traverse Terra Incognita ni Dean Alfar

9. Sonata ni Lualhati Bautista

10. Erick Slumbook ni Fanny Garcia


Marami-rami na rin pala akong nababasa, makapal 'yung iba d'yan at may mahirap basahin kahit manipis lang naman. 'yung iba d'yan binili ko pa ng 2016, 2018 Manila Int'l Book Fair, 'yung iba available lang sa internet bilang ayuda noong nag-umpisa ang community quarantine. Naghahanap ng ako ng mga zoom book discussions or mga poetry reading, nakaka-miss lang din, kung meron kayong alam send me the invite link sa idyordnal(at)gmail(dot)com. 

Nagbisikleta rin kami sa may Balagbag, umabot pa kami ng Atisan, naalala ko tuloy yung nobela na Janus Silang, nabanggit yung Atisan sa San Pablo doon. Parang hindi na maaabot ng pandemya ang kabukiran.

Friday, August 28, 2020

Agosto 28, 2020

Nalingat ako sa puwang sa pagitan ng ding-ding at bubong ng bahay namin, kitang-kita ko ang malaking nag-aapoy na usok mula sa bulkan. May kausap pa si Mama sa phone, samantalang ako nagkukumahog nang magsalampak ng damit sa bag at abala na sa paghahanap ng camera ko. Sinigawan ko si Mama at saka pa lang din n'ya napansin. Pupunta kami sa bayan kahit di pa sigurado kung hindi aabot doon. Ang bilis, ang taas agad ng usok, ni hindi kami nakarinig ng pagburog ng lupa. Ngayon na lang habang nakikitang umaapoy 'yung ibang bahagi pa ng bundok at nagluluwa na ng nagbabagang mga bato. Sa bayan, umakyat ako sa isang mataas na burol, hindi ko na alam saan na napunta sina Mama. Nasa leeg ko lang 'yung camera, sisiguraduhin kong makaka-compose ako ng maayos na shots.  Kinakabahan din kapag nakikitang bumabagsak yung malalaking bato mula sa langit at kumakalat 'yung usok at abo, wala kaming facemasks, pero kailangan kong makapitik kahit ilan lang. Teka, bakit may nagla-live commentary sa pagsabog ng bulkan? Bakit ngayon pa may call for disaster readiness? Saan ko naririnig 'yung podcast, e wala akong suot na earphones?

Ayun, nagising na ako.

Thursday, August 27, 2020

Agosto 27, 2020

May palagiang nakalagay na 1 unread sa isang email ko. Kapag hinahanap ko, wala naman. Binago ko na rin sa settings na i-priority na ipakita 'yung emails na hindi pa nababasa. Wala, hindi pa rin s'ya lumilitaw. Wala rin sa spam o sa draft. May 1 na nakalagay sa inbox at unread, iritang-irita na ako. 


#

Dyord

Sitio Guinting, Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon

Agosto 27, 2020


Monday, August 24, 2020

Alay Lakad Meter

Dahil nga bahagi na ng aking Liwayway Protocols at Guidelines sa Gabi ang paglalakad, nakita ko last week ang kilometer reached ko via Pokemon Go - 38 kms! Wala pa d'yan 'yung mga lakad ko na wala akong dalang kahit aonong devices. Minsan bigla na lang akong maglalakad sa ulanan o tanghaling tapat, dahil hindi ako makapagsulat nang maayos. Mahigit isang buwan ko na s'yang nagagawa. Wala lang, sa tingin ko napupunan n'ya 'yung paghahangad ko ng malayong marating. 

Sunday, August 23, 2020

Tungkol sa Peace is Power ni Yoko Ono

Para ito sa final output ng modern art course na kinuha ko sa MoMa nitong nag-umpisa ang lockdown dahil sa covid19. Wala, gusto ko lang kasing mag-museum at nadiskubre ko na wala yata tayong budget na i-digitalize ang content ng museums natin. Siguro kasi baka manakaw o baka mapeke? Kaya naisipan ko na lang mag-enroll sa course sa MoMa at naipit nga ako sa final outputs: (1) magsulat tungkol sa napiling piyesa sa digital catalogue ng museum at ang nasugagaan ko, at tinitingnan ko na ng ilang linggo, ay ang Peace is Power ni Yoko Ono; at (2) mag-curate ng mga sariling images/pieces na lagpas isang buwan ko na tinatapos. Ang proseso ko ay isulat na ang kahit anong kumapit sa'kin tapos ire-write sa Ingles saka ipasa ang final output. Baka sa kakapasalin-salin ay magka-sense 'yung isusulat ko. 




Tungkol sa Peace is Power ni Yoko Ono

May mapa ng daigdig sa lithograph ni Yoko Ono kasama ng malalaking text na Peace is Power. Ganun nag-uumpisa ang mga curator eh, ide-describe lang yung obvious na nakikita sa piyesa. Una, sa tingin ko sa pagpapalawak ng kapangyarihan lalo kumikitid ang kapayapaang pandaigdig. Ang pagdomina ay pagbulabog. Ang pagkontrol ay pagtulak sa pagkalas. Sa'tin nga halos joke na lang ang konsepto ng world peace, salamat sa isang popular na tv commercial. Ang Peace is Power ay isang ironic statement, parang tanga nga, kasi kung gaano tayo kauhaw sa kapayapaan ay ganun din halos ang uhaw natin sa kapangyarihan. At kung totoong katiwasayang pandaigdig ang dala ng mas malawak na kapangyarihan, o anyare na sa earth? 

Sinilip ko rin ang September 10, 2017 issue ng New York Times na nakaimprenta sa bandang taas ng lithograph na ipinasa sa Museum of Modern Art, at lumalabas na isa s'yang education issue at napansin ko sa loob ang tulang Even the Gods ni Nicole Sealey tungkol sa mga pagyukod ng bulaklak sa araw, sa pagkakamali ng mga diyos sa pagkakalatag sa dagat, sa pagkainggit sa mga karwahe, at sa pagtubo ng mga diyos kung saan tumutulo ang dugo ng nakabigti; at natatakam tayo sa mga tira-tirang ambrosia at mga pedestal. Kahit ang mga diyos ay may dinidiyos din. Nais ba ni Yoko Ono na tingnan ng mga 'natuklasang mga lupain' na ang pagkauhaw natin sa kapangyarihan ay dinala lang satin ng mga diyos? Na nalusaw ang di pa nagagalugad na kapayapaang nang itinuro sa'tin ang konsepto ng pagpapalawig ng kapangyarihan? 

Puwede ngang tingnan natin na inaagaw sa halip na iestablisa ng kapangyarihan ang kapayapaan, puwedeng magturo tayo ng mga bansa, pero may sinipi pa si Yoko Ono na panuto sa ilaim ng mapa ng daigdid. Ang sabi n'ya lagyan ng kulay kung saang bahagi ng daigdig kailangan ng kapayapaan. Baka guri-gurihan ko ito ng krayola hanggang sa Arctic at Antarctica. May partisipasyon hinihingi sa'yo ang Peace is Power na kung tutuusin hindi ka naman pala powerless sa kalagayan ng daigdig. Puwede mong kulayan kung nasaan ka lang, kung gugustuhin nating lahat na maging mapayapa, puwedeng sabay-sabay tayong huminto lang at tapos na lahat ng mga paniniil, pag-okupa, pag-aklas, digmaan, at mga muhi. 


#






Okay na, ang sakit na ng ulo ko. Paka-arte kasi e. 

Hindi pa tapos

Umuulan. Isang tipikal na lakad ko kada hapon sa bayan. Nakasakbit ng bag na katsa sa balikat. Nakikinig ng podcast. Tinatampisaw ko mga nadadaanang sanaw. Isang mapayapang hapon uli. Maya-maya ay lumitaw na si Jonas sa likod ko sakay ng bisikleta. Wala na, kailangan kong patayin ang podcast at makipagkuwentuhan. Binagalan n'ya ang padyak at sinabayan ako sa paglalakad. Kuwento-kuwento hanggang sa umabot na kami sa Poblacion 4, lagpas sa Ilaya, nang makakita ako ng mobil ng pulis. Umiilaw-ilaw pa ang asul at pula sa tuktok ng mobil at biglang bumusina. Kinabahan ako bigla, napahawak sa ilong, at napakambyo ng lakad patalikod. "Hala!" sabay tingin ko kay Jonas. Nagulat din naman s'ya pero agad n'ya ring nakuha, wala akong suot na facemask! "Hindi pa tapos ang pandemic, ser!" sabi ni Jonas habang papalayo akong naglalakad pauwi. 


dura lex sed lex, dura lex sed lex, 

Thursday, August 20, 2020

Ano ang Ibig Sabihin ng Ekonomiya?

May dala si Mamang tasty at coco jam. Aba, Ma, pandemic pa bakit tayo nag-coco jam? Ang luho na natin. Galing daw sa lugawan. Alin? 'yung bilihan ko ng lumpia? Oo, 'yun nga raw. Nahiya naman daw s'yang hindi kunin dahil sa kanya rin bumibili ng uling ang lugawan. "Ayun nga may utang sa'king isang sakong uling tapos 120 pesos yang coco jam, edi siyempre kaltas na 'yun." Masarap naman Ma, hindi naman siguro sila tubong lugaw sa coco jam nila.


Para sa ekonomiya

Tuesday, August 18, 2020

Agosto 18, 2020

Nagbuga muli ng usok ang bulkang Taal kaninang umaga. Ayon sa ginagamit kong app, may 5 volcanic earthquakes lang naman sa nakalipas na 24 oras at mababa lang 'yung bilang ng pagyanig kumpara sa naoobserbahan ko dati. 

Hindi ko na alam, basta ako andito lang at nagsusuot ng facemask palagi. 

Sunday, August 16, 2020

Pandemic Preachings 2

 "Hindi kayo dadapuan ng covid kung gumagawa kayo ng kalooban..."

"Hindi kayo dadapuan ng covid kung hindi ipapahintulot..."
"Hindi naman nakakatakot ang covid...nagkasipon, nagkaubo... ang daming gumaling"
"May nag-positive na 16 sa isang simbahan, tingnan mo ang buhay ng mga 'yun..."
"Hindi dapat natin iniisip kung kapatiran ba o kasekta natin ang tutulungan, kung may pagkakataon at nasa kamay mo rin lang ang kapangyarihan, gumawa ka ng mabuti"

Kanina halos higitin ko na lang ang mga paa papuntang simbahan. Ayoko na muna sana, kaso magkikita kami ni Edison pagkatapos kong sumimba para manghuli ng pokemon, kaya para guilt-free ang pagbato ng pokeballs, sumimba muna ako. Kinawayan ako ni Pastor, ngumiti naman ako kaso hindi nga pala nakikita kasi nakasuot ng face mask. Lumapit at tinanong kung nakabalik na raw ba ako sa trabaho. "Wala na po kaming staff," sabi ko. Tinanong kung anong estado ko. Gusto ko sanang isagot ay positive kaso baka mamisinterpret naman ako kaya pagkaalis ko ng takip sa bibig ang nasabi ko ay "unemployed po". Sumagot naman si Pastor ng banayad na "hayaan mo, mag-pray lang tayo, mag-pray."

Naalala ko tuloy 'yung kabanata 20, kapitulo 16 ng aklat ng Alma; ang sabi ay "dasal lang, dasal lang talaga".

Saturday, August 15, 2020

Agosto 15, 2020

Nagising ako ng bandang alas-tres ng madaling araw. Kakatapos ko lang ng isang interview at magsusulat ako sa isang sangay ng UN dahil gusto ko lang magsulat nang may kasama. Gusto ko lang na may maghimay sa'kin ng mga nangyayari sa panahon ng pandemya nang nasasala ko 'yung balita. Gusto ko lang maobligang magsulat ng teknikal uli. Magsulat tungkol sa mga hindi naitatala o under-reported na mga epekto ng pandemya.


Bago ako nag-umpisang magsulat, naglakad muna ako sa bayan, kumain ng siomai rice. Pagkauwi, nag-igib, naglaba at nagsara ng mga pinto at bintana; saka pa lang ako nagsulat. Maiksi-iksi lang na sulat dahil hindi ako makasulat ngayong araw. Parang sobrang conscious ko lang sa sinusulat ko na hindi ko na nae-enjoy 'yung proseso. Maganit nang kaunti. Ang dami kong gustong sabihin pero gusto ko lang simplehan, hindi ko tuloy maumpisahan. 

Kanina ko lang nalaman na aatras kami ng isang hakbang sa anyo ng kuwarantin. Tumataas ang kaso sa Quezon. Nagsarado ang munisipyo namin nang magkaroon ng dalawang frontliner na nagpositibo sa covid19. 'yung kalapit bayan nga namin, sa kolehiyo na ina-admit 'yung mga nagpositibo. Sabi ng kapatid ko na nagtatrabaho sa electronics, 28 na ang kaso ng kumpanya nila at baka mawalan na naman s'ya ng trabaho. 

Konting sulat lang at hapon na agad, konting laro lang at gabing-gabi na kaagad. Wala akong matinong natapos. 

Friday, August 14, 2020

Agosto 14, 2020

 Para sumahin ang buong linggo, hihiramin ko muna ang linya sa lyrics ng kantang Usok ng Asin (o ni Lolita Carbon); "...bigyan mo ng puwang ang puso mong nalulumbay". Sa tingin ko, 'yung buong kanta 'yung nagpapaliwanag ng vulnerability at limitations ko/natin bilang mortal na umiiral sa pagitan ng mga panahon ng pandiwa: sa nakaraan, sa ngayon, at sa "bukas na darating pa". Kung maaari nga lang sana maglaho muna at umiral na lang ulit sa pagdating ng bukas. 

Thursday, August 13, 2020

Napanood ko 'yung Paglisan

Isang animated film tungkol sa isang aktor sa teatro na nagkaroon ng Alzheimer's. Mahirap s'yang panoorin sa umpisa dahil sa parang humihiwalay 'yung kulay kapag gumagalaw 'yung mga karakter pero makakapasok ka rin sa kuwento kapag nasanay 'yung mata mo sa istilo ng animation. Mahirap din pala s'yang panoorin talaga dahil mismo sa pinagdaanan nung may Alzheimer's pati na ng asawa n'ya. Wala na ngang kasiguraduhan sa pagteteatro tapos kapag nagkaroon ka ng ganitong klaseng sakit, wala masyadong sistemang sasalo sa'yo. Pamilya mo lang din, sa kaso ni Chris, asawa n'yang si Oreng na kailangan pang mag-career shift para lang sa gastusin at si Ian na anak nilang nasa Singapore. Ang isa pang hindi pa sigurado ay kung matatandaan ba ng may Alzheimer's kahit ang sakripisyo man lang ng pamilya n'ya, dahil puwedeng umabot din na pati sila makalimutan kung sino. Sobrang labo ng Alzheimer's! 


Nagpapasalamat at naiinis din ako sa karakter na si Paul, may pagkaukit ang dila. Laging pinipigilan ng bf n'yang si Ian. Sensitibo ang pelikula sa kung kailan dapat at hindi dapat na magpaalala sa may Alzheimer's. Kung tutuusin kahit may pagka "nanghihimasok" ang mga tanong ni Paul, pinausad n'ya ang kuwento. S'ya ang pumapansin sa mga hindi pinag-uusapan. Nakukumpronta tuloy ang mga damdamin kasi kahit pala ang araw-araw sa loob ng bahay nina Oreng ay baka pagtatanghal na rin. Akting lang na kaya pa, umaarte na lang dahil 'yun ang inaasahan sa di nakasulat na script ng pag-ibig; pero sa totoong buhay di na makasuklay, pagod na pagod na pala.

Maganda 'yung mga kanta, mabuti na lang musical kaya nalulunok mo 'yung lungkot, takot, pagod, at iba pang mabibigat na damdamin kasi nasa kanta. Dula ba 'to bago naging pelikula? Gusto ko rin na hindi masyadong pinakanta si Khalil, at mas maraming kanta si Oreng (Eula Valdez) at Chris (Ian Veneracion). "...kulog at kidlat, ang buhos ng ulan" Sobrang gusto ko 'yung 'Ikaw'. 

Parang sa kabila ng mga sakit, pasakit, karimlan, at mga nakakapagmurang mga di-kasiguraduhan, magpapasalamat ka pa rin na mabuti na lang din may awit, sining at pag-ibig sa daigdig. Katapangan lagi ang maghanap ng sariling liwanag at lumabas sa bawat pagtaas ng mga kurtina. 

Perform lang tayo 'te. hays

Agosto 13, 2020

Nasa isang coffee shop sa'min. Naghihintay ng umpisa ng klase sa isang fellowship sa Zoom. Umuulan, kung kailan naman malamig 'yung inorder kong kape. At oo kung kailan may pandemic at krisis, saka ako nag-aral. Anong mangyayari pagkatapos mo dyan?, tanong ng isang kaibigan. Ewan ko nga ba. Pagtiwalaan na lang natin 'yung proseso.



Tapos na 'yung class, namatayan  kami ng kaklase. Ganun lang pala kabilis 'yun. Na puwedeng kahit mahalaga 'yung ambag mo sa lipunan, mauuna ka pa rin. Na puwedeng hindi mo makita 'yung pagbabagong tinatrabaho mo sa'yong lifetime. Shet, shet, shet, sabi ng utak ko habang naglalakad pauwi. 


Pag-uwi ko sa bahay, nadat'nan ko si Mamang naghahapunan, natanong ko kung may extrang pera. Namatayan kami ng fellow. Namatayan din daw ng kaklase si Rr. Kaisa-isang anak, ang alam lang nina Mama may kapansanan sa paningin pero inatake raw sa puso kagabi ng 8:30 at kinse anyos pa lang. Nasa liblib na baranggay pa naman, ang mahal ng sita sa traysikel. 

Binabasa ko 'yung 'Sonata' ni Lualhati Bautista

 Hindi ko pa tapos, gusto ko lang magsulat na tungkol sa Sonata na nobela ni Lualhati Bautista na nalathala noon pang 2017. Ewan ko ha, pero wala akong nabalitaang nagbu-book launch pa ang isang Lualhati. Parang ganito e, may bago akong libro, kapag nakita mo sa istante ng national, edi bil'hin mo, kung gusto mo lang naman.


Tungkol ang nobela kay Kathleen, isang manunulat, anak na babae, asawa, manugang at ina. Tungkol din ito sa mga anyo ng opresyon sa kanyang kasarian na hindi naman puwedeng idulog sa pinaka malapit na VAWC desk. Mapapatulala ka nga kumbakit ang dami nating ikinakabit sa pekpek na mga dapat ganito at dapat ganyan, na para bang 'yun kasi ang siste, ang kalakaran. Tungkol din sa kanyang mga kompromiso, pagpalag, at mga pag-aklas sa stereotype at mga constructs.

Nakakahindik 'yung ilang mga eksena, kinukuwento ko nga sa kaibigan ko, aba may nag-e-exist pa ring mga ganyang kaisipan ngayon. Talaga ba? Akala ko things of the past na 'tong mga ganitong pananaw. Paanong okay lang sa'tin ang mga ganitong pananaw sa mga may pekpek? Kapag hinahayaan natin, binibigyan natin ng ecosystem to thrive 'yung mga oppressive na pananaw. Kaya mahalaga na nao-audit natin kung kumusta ang mga espasyong ginagalawan natin, inclusive ba? Hindi ba discriminatory? Naririnig ba lahat ng kasarian? Mahabaging langit naman, hindi naman kailangang may masteral o doctoral pa tayong lahat para maintindihan 'yung konsepto ng inclusiveness, gender sensitivity at safe spaces. Maging mas mabuting tao lang sana tayo sa mga komunidad natin. [Bakit nagsesermon na ako? Sana may mga zoom book discussion din pala ngayon no? Nakaka-miss makinig at pag-usapan 'yung mga ganitong usapin.]

Parang naging pribilehiyo tuloy na wala akong keps na dapat ay biological fact lang. Hindi ko naranasan 'yung mga nangyari kay Kathleen e. Kaya pala sobrang selebrasyon kapag nakakasulat ang mga nanay ng libro/akda, dahil sa dehado nilang pinanggagalingan. Hindi naman galit si Kathleen sa kung kangi-kangino, tao pa rin yung nanay, tatay, mga kapatid, at asawa n'ya. Tao pa rin sila, may puso pa rin naman kaya nga lang ay ipinanganak silang etablisiyado na 'yung mga ganoong pananaw e, mahirap gibain 'sing hirap na ipaliwanag. Tawang-tawa akong basahin na sa ngit-ngit n'ya e nasabi n'yang makakapatay na s'ya ng tao, hindi n'ya lang alam kung sino. 

Malapit ko nang matapos.

Tuesday, August 11, 2020

Apply, Apply, Apply

     Ang dami kong inapplyan. Grabe 'yung ibang work talaga ngayon, ang baba ng pasuweldo. Kakapal pang i-post 'yun ng mga employers sa Jobstreet. Dapat oblige na ring i-reveal ng employer 'yung cap ng suweldo at mga statutory benefits sa mga ganitong site eh. Dapat ang pinapayagan lang na walang benefits na posted ay 'yung part-time para at least discretion na nung may katawan kung papatusin n'ya. Also, sa tingin ko dapat may mga kawani ng pamahalaan na nagka-countercheck ng mga job hunting sites para pulisin ang mga kumpanya na sa hiring pa lang ay may sabit na. O kaya tipong may "labor code compliant badge" ang mga kumpanya o kaya "dole gold badge" kung talagang higit pa sa minimum na mga kahingian ng batas higgil sa labor ang naibibigay ng kumpanya. Hindi ba dapat una sa lahat, ang pamahalaan sana ang may kanyang sariling website para sa mga posisyong bakante? Kahit sa lgu-level, magkaroon ng online platform para mag-match ng hiring posts sa aplikante, liban pa sa tradisyunal na local job hiring ng peso na kadalasan nagsusubo lang sa mga manggagawa sa mga kontraktuwal na trabaho at abusadong mga ahensya/ subcontractors. Sistema, sistema, sistema, haaayys. Eh sa ngayon, lalo na sa ngayon, wala ka namang masyadong pamimiliang trabaho. 

Monday, August 10, 2020

Limang Kilong Bigas at ilang Payless

Kakauwi ko lang galing sa tuwing-hapon kong sanity walk sa bayan. Nadat'nan ko si Mama na nagkakape sa kusina, sa sala ako umupo dahil nasisilaw ako sa ilaw sa kusina. Ilang hakbang lang naman kaya rinig ko pa rin 'yung ikukuwento n'ya. Naka-home quarantine 'yung kakilala n'yang may kapansanan; mag-asawang pilay, na-contact trace daw kasi sila mula doon sa isang kaso sa kanilang baranggay. Paglalako ang hanap-buhay ng mag-asawa, kaya lang dahil nakakulong sa bahay e di walang kita. Bukod sa mga anak, nakadepende rin sa mag-asawa ang magulang nilang matatanda na. Hindi naman nabanggit kung tinest ba sila o basta lang pinagkuwarantin. Wala rin kaming malinaw na datos na sa eksaktong bilang ng isinagawag test (rapid/swabbing) kapag may sinasagawang contact tracing. Hindi rin nabanggit kung may ayuda ba silang sapat sa 14 na araw ng kumpletong kuwarantin. Nakapagbanggit na raw s'ya ng kahit lilimang kilong bigas at ilang pirasong noodles, at wala na pala kaming bigas sa gatangan. Padala-dalawang kilo nga lang kami bumili ngayon. 


May apat kaming active cases ngayon sa Tiaong.

Payless baka naman? May payless pa ba ngayon?

Thursday, August 6, 2020

Kung Saan-Saan na lang

Napapansin ko palagi kaming nakapaikot sa mesa kapag naghahanda ng kung anumang juice. Simula ng pandemya, halos araw-araw kami nagpuprutas, sukdulang nabubulukan pa nga. Tamad akong magprutas kaya kailangan pa naming gawing salad o kaya in juice form para lang kumain ako at hindi kami nabubulukan o kaya deretso sa pabulukan (tawag nina Mama sa compost bin). 'yung iba nga iniaagaw pa sa karampot na suweldo ang ipinangbibili ng prutas, pikit-mata nang gumagastos para lang sa dagdag na resistensya; tapos kami mabubulukan? Kaya inaabyad na naming magproseso ng prutas kahit na matrabaho. 

Ito na yata ang script ko kada nagtitimpla kami: "saan galing?" Sasagot naman si Mama habang nagtatalop ng mansanas o nagbe-blender ng pakwan. Nakakatanggap kami ng mga gumulong na lemon, o nalambog na ubas, o 'yung may tama nang mga prutas, 'yung makakain pa naman pero hindi na marketable. Alam ko kung alin ang nakakain pa at hindi na, pinag-aralan namin sa post-harvest tech noong college, kapag hindi pumasa ang prutas sa pagsusuri ko ilalagay na sa pabulukan. Inihanda pala ako ng post-harvest subjects ko noon para sa ganitong point in life. 'yung iba nagtubig o namasa lang dahil sa compression. Gasino lang ang kayang ukain ng fruit fly, kayang-kayang kutsilyuhin at viola, puwede mo nang ipagiling sa blender.

Bukod sa prutas, may nagbibigay din ng nabasag na itlog sa'min, siyempre lulutuin na 'yun agad pagkauwi galing palengke. Minsan nga karneng manok o pugo pa at ihahatid pa sa tindahan mula sa kung saang bukid. 'yung kinakain naming maayos ngayong krisis, higit na mas maayos ngayon, galing sa komunidad. Si Mama lang ang may community work sa bayan namin, sa mga magulang na may anak na may kapansanan. Nakakahanap pa nga ng paraan para gumalaw noong kasagsagan ng lockdown, at unlike me, nagko-community work ang nanay ko nang walang admin cost mula sa grants o kaya ay non-profit na nagpapasuweldo sa kanya. May sinamahang nanay sa presinto dahil inabuso (nabugbog) sa panahon ng pandemya. Umabot pa nga na namalengke si Mama para sa ilang na-strong lockdown sa Tagbakin nang magkaroon ng isang kaso sa baranggay na 'yun. Basta kailangan lang n'yang gumanap kasehodang walang kita at hindi naman kami nagutom. Kaya minsan, may mga dumadaan sa tindahan nya may ipinapaabot na mga ani. Sabi ko, bayaran o abutan n'yo man lang, pero iginigiit naman na bigay nga at nagagalit kapag inaabutan. 

Andun lang kami lagi sa paligid ng ginigiling, pinipiga, at tinatalupang mga prutas, sa piling ng tamis ng asukal at gatas, sa lamig ng yelong inumpog sa semento para ma-crush; 'yung pagkilala kung paano nakarating sa mesa namin 'yung mga pinoproseso namin ay pagpapasalamat sa kung saan-saang pinanggagalingan ng kinakain namin. 

Wednesday, August 5, 2020

InSekyu

Ilang araw nang sigaw-daing ang tatay ko kada hihiga-babangon sa katre. Kung ganito na lang daw ba ang buhay n'ya, walang trabaho, walang pera. Paano, natanggal sa pagsesekyu tapos di pa nahulugan ng ahensiya n'ya ang mga benepisyo. Wala rin namang plano kung anong gagawin kung magreretiro. Alam n'ya lang kaya n'ya pang magtrabaho.

Nakatanggap siguro ng tawag na nangangailangan ng sekyu sa Lipa. Nagsuot na ng kanyang slacks. Nagpagpag ng alikabok mula sa kanyang sombrerong pang guwardiya. Tapos hubad-baro pa, ang laki-laki ng tiyan kakabarik. Nakatayo sa harapan ko, 'yun pala may itinatanong. Hinampas na ako at di ko nga naririnig dahil naka-earphones ako't nakikinig ng podcast. "Magkano ang pamasahe sa Lipa?". Mahal kako, 100-150 pesos depende kung may kasuno kang deretso, one way lang 'yan ha. Mag-stay in naman daw s'ya Malarayat kung matatalo sa pamasahe kaysa mamatay sa gutom dito sa bahay. Pft! 'kala mo naman nagugutom, kaya lang kumakalam sikmura namin ay dahil tamad kaming magluto pareho.

Ang siyudad naman ng Lipa ngayon lagpas sandaan na ang naitalang kaso ng covid19. May libre na ngang test para sa mga manggagawang Lipenyo. Kanselado na rin ang biyahe ng dyip papuntang Lipa. Hinihingian na uli ng travel pass ang mga pumapasok ng bayan. Kung hindi taga Lipa, ira-rapid test ka muna. Kailangan may mga papel ka rin mula sa pinagtatrabahuhan mo. Bukod sa face mask ay kailangan na rin ng face shield sa Lipa. Siguraduhin mo nang lahat at mahirap tumawid-tawid ng Batangas ngayon. "Ang dami namang tse-tse-bureche!" singhal n'ya na parang kasalanan ko.

Mabuti na rin kaysa wala: 
(1) mamatay lang din naman s'ya sa kakaalak sa araw-araw, sumugal na s'yang magtrabaho sa siyudad na mataas ang kaso ng covid19,

(2) pauli-uli s'ya sa labas at kung sino-sinong kainuman, maya-maya pasalubungan n'ya pa kami ng sariwang covid, kung nasa trabaho s'ya at least nakapirmi lang doon,

(3) mamatay na sa inip.

Nakakaaduwa na nakakaawang tingnan e. Nakakaaduwa kasi kada magluluto ako saka lang 'yan babangon kapag kakain na lang, pagkatapos, hihiga na uli. Kapag nagpakulo ako ng tubig, saka lang din yan babangon para hatian ang tinimpla kong kape. Nakakaawa rin naman na ayaw gilas-gilasan ang pamumuhay at peke-pekein mo lang na okey ang lahat, hanggang sa maging okey. Ngayon, kung nabuburyot ka sa pagiging walang ambag sa ekonomiya, 'wag mo na kong aduwain pa sa pagtatamad-tamaran sa bahay. 

Mabuti pa nga si Papa may tawag na ng trabaho.