Para ito sa final output ng modern art course na kinuha ko sa MoMa nitong nag-umpisa ang lockdown dahil sa covid19. Wala, gusto ko lang kasing mag-museum at nadiskubre ko na wala yata tayong budget na i-digitalize ang content ng museums natin. Siguro kasi baka manakaw o baka mapeke? Kaya naisipan ko na lang mag-enroll sa course sa MoMa at naipit nga ako sa final outputs: (1) magsulat tungkol sa napiling piyesa sa digital catalogue ng museum at ang nasugagaan ko, at tinitingnan ko na ng ilang linggo, ay ang Peace is Power ni Yoko Ono; at (2) mag-curate ng mga sariling images/pieces na lagpas isang buwan ko na tinatapos. Ang proseso ko ay isulat na ang kahit anong kumapit sa'kin tapos ire-write sa Ingles saka ipasa ang final output. Baka sa kakapasalin-salin ay magka-sense 'yung isusulat ko.
Sunday, August 23, 2020
Tungkol sa Peace is Power ni Yoko Ono
Tungkol sa Peace is Power ni Yoko Ono
May mapa ng daigdig sa lithograph ni Yoko Ono kasama ng malalaking text na Peace is Power. Ganun nag-uumpisa ang mga curator eh, ide-describe lang yung obvious na nakikita sa piyesa. Una, sa tingin ko sa pagpapalawak ng kapangyarihan lalo kumikitid ang kapayapaang pandaigdig. Ang pagdomina ay pagbulabog. Ang pagkontrol ay pagtulak sa pagkalas. Sa'tin nga halos joke na lang ang konsepto ng world peace, salamat sa isang popular na tv commercial. Ang Peace is Power ay isang ironic statement, parang tanga nga, kasi kung gaano tayo kauhaw sa kapayapaan ay ganun din halos ang uhaw natin sa kapangyarihan. At kung totoong katiwasayang pandaigdig ang dala ng mas malawak na kapangyarihan, o anyare na sa earth?
Sinilip ko rin ang September 10, 2017 issue ng New York Times na nakaimprenta sa bandang taas ng lithograph na ipinasa sa Museum of Modern Art, at lumalabas na isa s'yang education issue at napansin ko sa loob ang tulang Even the Gods ni Nicole Sealey tungkol sa mga pagyukod ng bulaklak sa araw, sa pagkakamali ng mga diyos sa pagkakalatag sa dagat, sa pagkainggit sa mga karwahe, at sa pagtubo ng mga diyos kung saan tumutulo ang dugo ng nakabigti; at natatakam tayo sa mga tira-tirang ambrosia at mga pedestal. Kahit ang mga diyos ay may dinidiyos din. Nais ba ni Yoko Ono na tingnan ng mga 'natuklasang mga lupain' na ang pagkauhaw natin sa kapangyarihan ay dinala lang satin ng mga diyos? Na nalusaw ang di pa nagagalugad na kapayapaang nang itinuro sa'tin ang konsepto ng pagpapalawig ng kapangyarihan?
Puwede ngang tingnan natin na inaagaw sa halip na iestablisa ng kapangyarihan ang kapayapaan, puwedeng magturo tayo ng mga bansa, pero may sinipi pa si Yoko Ono na panuto sa ilaim ng mapa ng daigdid. Ang sabi n'ya lagyan ng kulay kung saang bahagi ng daigdig kailangan ng kapayapaan. Baka guri-gurihan ko ito ng krayola hanggang sa Arctic at Antarctica. May partisipasyon hinihingi sa'yo ang Peace is Power na kung tutuusin hindi ka naman pala powerless sa kalagayan ng daigdig. Puwede mong kulayan kung nasaan ka lang, kung gugustuhin nating lahat na maging mapayapa, puwedeng sabay-sabay tayong huminto lang at tapos na lahat ng mga paniniil, pag-okupa, pag-aklas, digmaan, at mga muhi.
#
Okay na, ang sakit na ng ulo ko. Paka-arte kasi e.
Mga etiketa:
humanitarian crisis,
opinyon,
proyekto,
Small talks bago sleep talks
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment