Napapansin ko palagi kaming nakapaikot sa mesa kapag naghahanda ng kung anumang juice. Simula ng pandemya, halos araw-araw kami nagpuprutas, sukdulang nabubulukan pa nga. Tamad akong magprutas kaya kailangan pa naming gawing salad o kaya in juice form para lang kumain ako at hindi kami nabubulukan o kaya deretso sa pabulukan (tawag nina Mama sa compost bin). 'yung iba nga iniaagaw pa sa karampot na suweldo ang ipinangbibili ng prutas, pikit-mata nang gumagastos para lang sa dagdag na resistensya; tapos kami mabubulukan? Kaya inaabyad na naming magproseso ng prutas kahit na matrabaho.
Ito na yata ang script ko kada nagtitimpla kami: "saan galing?" Sasagot naman si Mama habang nagtatalop ng mansanas o nagbe-blender ng pakwan. Nakakatanggap kami ng mga gumulong na lemon, o nalambog na ubas, o 'yung may tama nang mga prutas, 'yung makakain pa naman pero hindi na marketable. Alam ko kung alin ang nakakain pa at hindi na, pinag-aralan namin sa post-harvest tech noong college, kapag hindi pumasa ang prutas sa pagsusuri ko ilalagay na sa pabulukan. Inihanda pala ako ng post-harvest subjects ko noon para sa ganitong point in life. 'yung iba nagtubig o namasa lang dahil sa compression. Gasino lang ang kayang ukain ng fruit fly, kayang-kayang kutsilyuhin at viola, puwede mo nang ipagiling sa blender.
Bukod sa prutas, may nagbibigay din ng nabasag na itlog sa'min, siyempre lulutuin na 'yun agad pagkauwi galing palengke. Minsan nga karneng manok o pugo pa at ihahatid pa sa tindahan mula sa kung saang bukid. 'yung kinakain naming maayos ngayong krisis, higit na mas maayos ngayon, galing sa komunidad. Si Mama lang ang may community work sa bayan namin, sa mga magulang na may anak na may kapansanan. Nakakahanap pa nga ng paraan para gumalaw noong kasagsagan ng lockdown, at unlike me, nagko-community work ang nanay ko nang walang admin cost mula sa grants o kaya ay non-profit na nagpapasuweldo sa kanya. May sinamahang nanay sa presinto dahil inabuso (nabugbog) sa panahon ng pandemya. Umabot pa nga na namalengke si Mama para sa ilang na-strong lockdown sa Tagbakin nang magkaroon ng isang kaso sa baranggay na 'yun. Basta kailangan lang n'yang gumanap kasehodang walang kita at hindi naman kami nagutom. Kaya minsan, may mga dumadaan sa tindahan nya may ipinapaabot na mga ani. Sabi ko, bayaran o abutan n'yo man lang, pero iginigiit naman na bigay nga at nagagalit kapag inaabutan.
Andun lang kami lagi sa paligid ng ginigiling, pinipiga, at tinatalupang mga prutas, sa piling ng tamis ng asukal at gatas, sa lamig ng yelong inumpog sa semento para ma-crush; 'yung pagkilala kung paano nakarating sa mesa namin 'yung mga pinoproseso namin ay pagpapasalamat sa kung saan-saang pinanggagalingan ng kinakain namin.
No comments:
Post a Comment