Thursday, August 13, 2020

Napanood ko 'yung Paglisan

Isang animated film tungkol sa isang aktor sa teatro na nagkaroon ng Alzheimer's. Mahirap s'yang panoorin sa umpisa dahil sa parang humihiwalay 'yung kulay kapag gumagalaw 'yung mga karakter pero makakapasok ka rin sa kuwento kapag nasanay 'yung mata mo sa istilo ng animation. Mahirap din pala s'yang panoorin talaga dahil mismo sa pinagdaanan nung may Alzheimer's pati na ng asawa n'ya. Wala na ngang kasiguraduhan sa pagteteatro tapos kapag nagkaroon ka ng ganitong klaseng sakit, wala masyadong sistemang sasalo sa'yo. Pamilya mo lang din, sa kaso ni Chris, asawa n'yang si Oreng na kailangan pang mag-career shift para lang sa gastusin at si Ian na anak nilang nasa Singapore. Ang isa pang hindi pa sigurado ay kung matatandaan ba ng may Alzheimer's kahit ang sakripisyo man lang ng pamilya n'ya, dahil puwedeng umabot din na pati sila makalimutan kung sino. Sobrang labo ng Alzheimer's! 


Nagpapasalamat at naiinis din ako sa karakter na si Paul, may pagkaukit ang dila. Laging pinipigilan ng bf n'yang si Ian. Sensitibo ang pelikula sa kung kailan dapat at hindi dapat na magpaalala sa may Alzheimer's. Kung tutuusin kahit may pagka "nanghihimasok" ang mga tanong ni Paul, pinausad n'ya ang kuwento. S'ya ang pumapansin sa mga hindi pinag-uusapan. Nakukumpronta tuloy ang mga damdamin kasi kahit pala ang araw-araw sa loob ng bahay nina Oreng ay baka pagtatanghal na rin. Akting lang na kaya pa, umaarte na lang dahil 'yun ang inaasahan sa di nakasulat na script ng pag-ibig; pero sa totoong buhay di na makasuklay, pagod na pagod na pala.

Maganda 'yung mga kanta, mabuti na lang musical kaya nalulunok mo 'yung lungkot, takot, pagod, at iba pang mabibigat na damdamin kasi nasa kanta. Dula ba 'to bago naging pelikula? Gusto ko rin na hindi masyadong pinakanta si Khalil, at mas maraming kanta si Oreng (Eula Valdez) at Chris (Ian Veneracion). "...kulog at kidlat, ang buhos ng ulan" Sobrang gusto ko 'yung 'Ikaw'. 

Parang sa kabila ng mga sakit, pasakit, karimlan, at mga nakakapagmurang mga di-kasiguraduhan, magpapasalamat ka pa rin na mabuti na lang din may awit, sining at pag-ibig sa daigdig. Katapangan lagi ang maghanap ng sariling liwanag at lumabas sa bawat pagtaas ng mga kurtina. 

Perform lang tayo 'te. hays

No comments: