Saturday, August 15, 2020

Agosto 15, 2020

Nagising ako ng bandang alas-tres ng madaling araw. Kakatapos ko lang ng isang interview at magsusulat ako sa isang sangay ng UN dahil gusto ko lang magsulat nang may kasama. Gusto ko lang na may maghimay sa'kin ng mga nangyayari sa panahon ng pandemya nang nasasala ko 'yung balita. Gusto ko lang maobligang magsulat ng teknikal uli. Magsulat tungkol sa mga hindi naitatala o under-reported na mga epekto ng pandemya.


Bago ako nag-umpisang magsulat, naglakad muna ako sa bayan, kumain ng siomai rice. Pagkauwi, nag-igib, naglaba at nagsara ng mga pinto at bintana; saka pa lang ako nagsulat. Maiksi-iksi lang na sulat dahil hindi ako makasulat ngayong araw. Parang sobrang conscious ko lang sa sinusulat ko na hindi ko na nae-enjoy 'yung proseso. Maganit nang kaunti. Ang dami kong gustong sabihin pero gusto ko lang simplehan, hindi ko tuloy maumpisahan. 

Kanina ko lang nalaman na aatras kami ng isang hakbang sa anyo ng kuwarantin. Tumataas ang kaso sa Quezon. Nagsarado ang munisipyo namin nang magkaroon ng dalawang frontliner na nagpositibo sa covid19. 'yung kalapit bayan nga namin, sa kolehiyo na ina-admit 'yung mga nagpositibo. Sabi ng kapatid ko na nagtatrabaho sa electronics, 28 na ang kaso ng kumpanya nila at baka mawalan na naman s'ya ng trabaho. 

Konting sulat lang at hapon na agad, konting laro lang at gabing-gabi na kaagad. Wala akong matinong natapos. 

No comments: