Monday, August 29, 2016

Mga Dahilan Para Hindi Makapag-Blog

1. Busy sa trabaho. Naks! Kung hindi ako nagsusulat ibig sabihin baka talagang dedicated lang ako sa trabaho. Baka dinadala ko pa ang trabaho sa bahay. Baka dala ko pa ang trabaho kena E-boy. Baka dala ko paang trabaho kahit sa loob ng simbahan habang nagmemensahe si Pastor. Para naman sa bayan ang trabaho ko e. I-nominate mo ko sa Ramon Magsaysay Awards please lang.

2. Catching up. Puno ang social calendar ko kapag weekends/weekstarts at holidays. Siyempre, minsan na lang kami makapag-vault in ng mga kaibigan ko (mga weekly), tapos hindi pa ako sasama at sasabihin ko lang "sorry, shut in ako ngayon kasi may deadline to meet?" Baka magreply sila ng "shut up!" 

3. Anime. Minsan lang naman ako manuod kasi nga dahil sa #1. Ayokong mapuyat kapag may pasok kinabukasan. Mahihirapan akong bumangon sa umaga. Mababawasan ang productivity ko. Kaya lang nga, kapag nanuod naman ako at maganda ang plot, tinatapos ko ang isang season in one sitting. Tapos, kapag natapos na yung anime, ayokong gumalaw, ayokong umusad, at ayokong magsulat dahil sobrang emosyonal ko. 'yung drama na dapat hiwalay ang nararamdaman ko ngayon sa karakter ko sa akda ko.

4. Lovelife. Refer to #2.

5. Carpool Karaoke videos. 'yung minsan ka na lang ma-free,tapos nanonood ka pa ng sing-along with the stars ni James Corden. Kasi alam mo yung feeling na very human din pala yung mga celebrities. Kung hindi naman carpool karaoke ang pinapanood, e mga video naman ng mga pusa.

6. The Reader Dyord. Minsan kasi hindi ko malaman kung anong gagawin ko dapat. Dapat bang magsulat? O dapat bang magbasa? Anong mas mahalaga ngayon? Kaiisip nang kaiisip pareho kong hindi nagagawa. Losing two stones without hitting any bird. Nakakapagbasa ako ng kaunti at nakakasulat ako ng kaunti pero sana naman parehong marami.

7. Con scientia. Nako-conscious ako nang malamang may nagbabasa ng blog ko na hindi ko kaibigan. Na may nagbabasa ng blog ko bukod sa'kin. Na may nagbabasa ng blog ko. Parang may nakakakitang tumatae ako ng live sa Facebook. O parang 'yung tumatae ka pero ramdam mong may mga palakad-lakad sa labas ng banyo at pinagmamamdali ka. Parang may tumitingin ng pagdodrowing ng isang preschooler. Parang hayskul jejemon na kung magretouch ay kada period, na 8 times magpulbo sa maghapon. Lumayas kayo sa blog ko! Layaaaaass!!!!! Umalis kah! 

Meseye nemen na may readers. Salamat sa lahat.  Mukhang kailangan ko nang isarado ang blog ko. There's more to life than writing. Joke lang. Babalik din ako, panandalian lang ito. Salamat pa rin.

It's not you, 
It's me,

Dyord
E-boy's haus
Agosto 29, 2016

Saturday, August 27, 2016

Achievement Unlocked: Rice Cooker

Tatlong linggo rin ako naghintay para makabili ng rice cooker.

Gumagastos din kasi ako ng malaki sa kanin talaga. Social worker nga ako pero pang-construction ang kain. Aba, ikaw na ang magsalita at makipag-usap sa sambayanang Garciano kung di ka gutumin. Malakas din naman ako sa kanin kaya naghintay ako ng suweldo bago nakabili sa Royal Star. Nasa P650 ang presyo at P69.54 ang buwis na napunta sa gobyerno; dalawang kilong bigas din sana ‘yun.

Bumili lang ako ng isang kilong bigas tag-P40. Mag-eeksperiment pa ako kung gaano kasarap ang P40 na bigas at gaano ito katagal; o ilang kain ko ito. Tinatayang nasa P55-60 ang kanin ko sa isang araw. Sa isang buwan ay P1,650-1,800. Kung ang isang kilo kong bigas ay tatagal ng isang araw, sa loob ng isang buwan ay kakain lang sa budget ko ay P1,200 (+P200 para sa kuryente). ‘yung P250-450 na matitipid ko ay malaking bagay na.
Pero siyempre namuhunan ako sa rice cooker ng P650; na sa loob ng dalawang buwan ko pa mababawi; so technically makakapag-umpisa pa lang akong magtipid ay sa buwan ng Oktubre. Hindi pa kasama rito ang depreciation cost per year ng rice cooker.

Ang mahalaga: in the long run, makakatipid ako.

Kanina habang nagbubukas ako ng kahon sa bahay at inaalis ko sa plastika ng rice cooker at parang steam pot na mukhang siomai-yan, ay ngiting-ngiti ako. Napa-“waaah” pa ako nang makitang may free pa pala akong sandok at measuring cup. Para akong batang may lutu-lutuan. Puwede na akong tumanggap ng bisita dahil 5 cup-capacity naman ang rice cooker ko. Puwede nang makikain sina Uloy at Kakoy. Puwede nang mag-sleep over si Donjie. Puwede nang mag-cluster meeting sa’min pero wala pang mga upuan.

Ang mahalaga: may lutuan na ako ng kanin at pancit canton.

Sinuslat ko ‘to ngayon sa saliw ng cassava cake at mainit na kape na may gatas. Watalayf! Salamat po dahil nakikini-kinita ko na ngang nagiging matanda at malaya na nga ako.

Teka lang, nasusunog na yata ang sinaing ko.



Dyord
White House

Agosto 16, 2016

Tuesday, August 23, 2016

Overrun

Kanina; nasa opisina kami ng Rosario nag-encode sa information system.Doon kasi may malakas na internet connection at kakaunti ang empleyado dahil kasalukuyan silang nagte-training somewhere. Maghapon kaming nag-encode at saglitang nag-coaching nang makaranas ng rotating brownout ng Batangas.

Dahil sa daming trabaho at kautusan na rin ni Ate Lorie, ay 4:59 kami lumabas ng opisina. Sabi ko kay Alvin samahan muna akong maghanap ng panregalo kay Tatay Noli, bertdey n’ya kasi noong Agosto 4, at hindi ko alam kaya nahuli na ang regalo ko.Minessage ko muna si Bo kung nakabili na ba s’yang kumot, oo raw. Hati na lang tayo sa cost, kako. Ayaw, at naipakita na raw n’ya; siguro via FB messenger at gusto ring balikatin mag-isa ang regalo. Kaya kailangan kong mag-isip. Puwede namang mag-abot na lang ako ng pera, pambili ng gamot o anuman kaya lang baka maaawa sa sarili ang matanda. Baka isiping kinakaawaan kaya inabutan. Kaya dapat talaga akong bumili ng bagay na ireregalo.

Ano bang laging ginagamit ni ‘tay Noli? Kung saklob, mahirap makahanap sa bangketa ng klasik na saklob; lahat mga pangmalakasang pormang saklob. Mga baseball caps ang nasa bangketa at department store. Hindi naman maluho at pihikan si tay Noli pero palaging maayos ito sa katawan kahit within the baranggay lang ang pupuntahan. Dito yata nakamana si E-boy ng pagporma, minsan nga lang nasasakripisyo ang tardiness.
Nagpasama ako sa Lucky 99 kay Alvin. Swak na swak kasi ‘to sa budget. Pero habang tinutugaygay namin ang daan ay napapasok kami sa isang bagong tayong RTW store. Mga branded ang nasa loob pero malayong-malayo sa presyo nito sa mall. “Orig ba ‘to?” kako. 

Overrun pala ang tawag dito. Mga hindi nakapasa sa quality control pero puwedeng-puwede pa naman. Ayun, naghanap-hanap s’ya at ako rin ay naghanap-hanap sa daming pantalon. Nag-umpisa na s’yang magdahilan na ‘reward’ daw n’ya sa sarili. Nag-umpisa na rin akong magdahilan na puro itim ang pantalon ko at medyo nangupas na. Totoo naman. Ayun, nagsukat na kami pero bibilhin ko lang ‘to kapag nagustuhan ko ang lapat, kapag sumaya ako. Sumaya naman ako kaya nakabili ako ng isang pantalon na 350 pesos. Imbis na swak ay wasak ang istrikto kong budget.

Nagpasama ako sa Lucky 99 kay Alvin. Papunta na talaga kami ro’n, pramis. Sinuggest kasi ni Ebs na tumber daw kasi laging nagdadala si tatay ng tumbler kapag umaalis. Kaya lang naisip ko baka mas maganda pa ‘yung tumbler ni tatay kesa sa mabibili ko na amoy plastik at kemikal. Lumibot-libot kami. Comforter kaya? Eh Garapon? Tsinelas? Maya-maya nag-iisip na naman si Alvin na bumili ng tig-170 pesos na sapatos, ang mura raw. Hanggang sa nakapili na ako, tuwalya na tig-99 pesos lang. Pagdating sa counter naging 90 pesos na lang dahil may 10% discount daw sila ngayon. Swak!

Tipid Tip #3: Bumili sa mga overrun stores kasi malaki ang matitipid mo kesa sa mall.

Tipid Tip#4: ‘Wag i-overrun ang budget! Hindi porke’t mura ay bili nang bili.



Dyord
White House

Agosto 19, 2016

Monday, August 22, 2016

Agosto 22, 2016

Ang aga kong pumasok ngayon. Paano mag-aalas singko pa lang ay umalis na si Roy. Dapat nga ay alas tres ang kanyang alarm pero hindi n'ya lang nai-set. Hinintay ko lang s'yang makasakay at naligo na ako. Mga 7: 05 n.u. ako umalis ng bahay kahit 6: 40 n.u. pa ako nakahanda. Medyo nagpatugtog pa ako ng mga praise songs sa kuwarto at nag-ala charismatic talaga kebs na kung mukhang ewan at natatawa nga ako sa sarili ko. E mag-isa lang naman ako sa bahay. Maige ring pampapawis ang 'One Way'. Nagpataas ng enerhiya at nagpadaloy ng dugo.

Tapos, ayun na nga pakandi-kandirit akong umalis papuntang munisipyo na tatlong tambling lang mula sa bahay. Eksayted sa flag ceremony at umawit ng imno ng Padre Garcia. Bumati sa mga kapwa kawani na mukhang ganado rin ngayong linggo. Nakakatuwa yung kumukumpas sa Lupang Hinirang ang tigas at may diin ang kanyang kumpas. Parang sinasabing umawit kami at tumingala sa watawat ng may dignidad at taas-noo. May tigas din ang nanguna sa panunumpa ng mga kawani ng gobyerno lalo na sa bahaging hindi dapat gagamitin ang aming panunungkulan sa pansariling kapakanan. May epek pala talaga ang mga panunumpa at seremonyas.

Habang nasa mataas na bahagi na kami ng imno ng Padre Garcia at batak na ang babagtingang-tinig dahil sa pagpapalit ng key; habang umaawit ng 'mabuhay' ay may mga lumilipad na kalapati at kumakandi-kandirit na paru-paro. Malayong-malayo sa kalagayan ng Syria ngayon. Sana ay payapa rin sa ibang mga bayan. Sana ay ganado at may 'tigas' din ang mga kawani nila. Sana kahit hindi pa man nasa first world ay sagana naman tayo sa kapayapaan.

Iba ang wagayway ng watawat ngayon.
Anong problema ko?
Ang inam lang ng lasa ng payapa at malaya.

Meron palang palaisipan si Budget Officer. Ano raw tagalog sa Budget Office? May nagsabing Tanggapan ng Tagatasa. Hindi, Assesor 'yun. May nagsabing Tanggapan ng Tagatuos. Hindi, Accounting 'yun. Bibigyan daw ng 100 pisong pang load. Lalong nagkagulo pero konpidente si Budget na walang makakasagot. Sirit na? Tanggapan ng Laang-Gugol.

Pero 'wag daw s'yang tawaging Gugol. Oks na raw ang Budget.



Dyord
Agosto 22, 2016
Pantawid Office
Padre Garcia


Agosto 21, 2016

Ayun.

Medyo levelling off lang. Nakauwi ulit ako ngayon. Oks naman ang isang linggo. Hindi pa rin maka-blog ng matino. Ng seryosohan. Ng may sense. Pero gusto ko naman talaganag magsulat. Ang daming hadlang e. Siyempre, mahalaga ’yung mga gawain, gaya ng paglilinis ng bahay, pagpapraktis ng tugtog, pagrereview ng buong week accomplishments, paglalaba, pagsama sa mga kaibigang lumabas; mahalga lahat ‘yan!

Pero ang totoo ay nagkaroon ako ng lazy (half) day at nanood lang ako ng anime. Hoy! Ang sipag ko naman buong week, I deserve to have a lazy day naman. Mga ganang dahilan para hindi makapagkuwento sa blog ng mga bagay-bagay.  Pero hoy may dalawa akong tula sa unang isyu ng Bukambibig sa issuu.com. Pwede na muna akong magpahinga sa pagsusulat ng matino.
Pero umaagaw pa rin ako ngayon; maka-entry lang. Ang dai ko rin kasing trabahong hahabulin sa buong week na ‘to. Dapat nga tulog na ‘ko ngayon kaya lang nagkuwentuhan pa rin kami ni Roy dito sa bahay. Si Roy ang unang kaibigang makiki-sleep over sa bago kong apartment. Ayaw daw n’ya ang nakakabinging katahimikan. Ayaw daw n’yang mag-isa lang sa bahay gaya ko. E sa kaya ko naman at masaya akong mag-isa. 

Ikinuwento ko na rin sa kanya ang depresyon ko. Meron s’yang pananaw na baka dulot ito ng hindi ko normal na sleeping habits (gaya ngayon) o kaya ay hindi maayos na kalagayan ng nutrisyon dahil masyado akong nagtitipid sa pagkain. Basta sabi ko, “nade-depress pa rin ako kahit walang BIG THING na nangyari sa buhay ko”. Mahalaga na at least alam na n’ya kung bakit minsan ay gabing-gabi na ay nanghihingi pa rin ako ng panalangin sa kanila. Minsan daw talaga kung clinical ang problema ay magpa-psych na nga ako. Ayoko ngang gumastos. Basta alam mo na kako.

Sa pangkalahatan, sa buong isang linggo sa buhay ko ay maayos. Wala ang higanteng itim na baka sa tabi ko. Mukhang hindi na s’ya babalik. Salamat! Salamat naman! Handa na ulit ako bukas sa panibagong mga hamon sa kagawaran at sa mga susunod pang ugnayang panlipunan sa mga baranggay. Gusto ko na ulit manumpa ng katapatan sa watawat ng Pilipinas at manumpa bilang kawani ng gobyerno.

Sana mas makapagkuwento pa ako ng mas marami pa. Gustong-gusto ang tunog ng tama ng daliri ko sa keyboard kaya lang kailangan ko na talagang magpahinga para bukas.


Dyord
White House

Agosto 21, 2016

Friday, August 19, 2016

SUUUUUUUUPPLIES!!!!!! (Part 2)

Kanina sa aming monthly provincial meeting, ang dami ng dagdag sa trabaho at ‘yung pagkaantala ng pondo para sa mga implementasyon ng proyekto, ay sobrang nakakawalang gana. Parang lalong nakakabigat. Hindi nakaka-boost ng morale, ika nga.

Pero kanina pagpasok ko nakita kog marami na kaming nakatambak na office supplies. Tinanong ko si Ate Lorie, “may pondo na?” Wala pa rin daw. Pero ang magandang balita ay meron namang pa-supplies! Tamang-tama dahil muntikan na ulit akong mapabili ng mga karagdagang folders at supplies dun sa April 14, isang tindahan ng school supplies sa Padre Garcia. Kamakailan nga narinig kong si Ate Diane ay bumili ng sariling  printer.

Kahapon lang ay pinag-uusapan namin ni ‘Tol Alvin na ibang-iba talaga sa corporate world na hindi ka na naghahagilap ng papel, paper clip, printer (na mabilis), folder, envelope, working table, office chair, drawer, at higit sa lahat working space. Oo, marami sa’min ang nakikipagsiksikan lamang sa mga lokal na kagawaran. Kaya laking tuwa na namin sa natanggap na supplies.

Ito ang mga natanggap ko:
1 malaking Scotch Tape – tamang tama kapag nagpapaskil ako ng visuals sa baranggay
1 maliit na kahon ng paper clips – para sa mga proposals na di pa finalized, iso-sort lang
2 asul na sign pen
1 stamp pad – hindi ko pa alam san ko gagamitin
1 correction tape
6 na expandable envelops –para sa mga documents ng mga kalahok

Excited na’kong magsa-ayos muli ng mga kapapelan sa opisina na minsa’y inaabot talaga ako ng maghapon. Nakakatamad rin namang magtrabaho nang magulo ang mesa. Meron pa palang isang mahalagang office equipment akong natanggap with strict orientation: Stapler.

Kino-consider na office equipment ang stapler dahil hindi naman ito consumables gaya ng papel at clips. Bawal itong maiwala dahil sakaling mag-resign kami o hindi na mag-renew ng contract ay hihingin ito sa clearance. Kapag nawala ang stapler ay hindi mabibigyan ng clearance o kaya ay maho-hold ang suweldo.

Kung masisira ay siguraduhing may serial number pa rin o natatandaan ang serial number dahil kailangan ito sa pagbabalik. Ok lang naman daw na masira kagagamit. Pero siyempre, kasama sa nire-recite naming ‘Panunumpa ng Kawani ng Gobyerno’ na “pangangalagaan ko ang mga kasangkapan ng pamahalaan.”

Nabanggit din na baka sa isang taon, dahil sa mga isyu sa pag-e-encode namin sa information system, ay magkaroon na kami ng bagong laptop. Kung kailan tapos ko nang bayaran ang aking inutang na laptop.

Ang amin nga palang core value of the month ay ‘pagmamalasakit’.
Pero mukhang hindi ganito sa mga kinakaltasan sa SSS pero nalaman nila kaninang hindi pala nahuhulugan ng HR for quite a time; or for the longest time. Move on na lang daw at magpasa na lang ulit ng E4 form kasi parang naiwala na rin ang mga ipinasa namin. So, paano kung hindi na naman mahulugan ng bagong HR?

Move on na lang ulit?


Salamat sa supplies pero hindi nito mai-stapler ang mga saloobin.

Wednesday, August 17, 2016

Bertdey Inay

Isang Linggo ng Hulyo, sa’min ako nagising at hindi kena E-boy. Galing kasi kami ni Ser Walther sa Tagaytay at nag-farm tour kaya ginabi na’ko ng uwi kaya sa bahay na’min na’ko umuwi. At gaya ng maraming Linggo na sa bahay ako nagpapanibuhat papuntang simbahan; nabubuwisit ako.

 Ewan ko ba. Siguro’y dahil walang almusal o tanghali nang magsigayak sina Mama. Palaging abala sa puwesto n’ya sa palengke kahit alam namang Linggo at sisimba.

Umuna na’ko gaya ng dati. Nakapag-Sunday School na pero napansin kong wala pa rin sina Mama. Hindi na naman nagsimba. Tsk. Tsk. Hindi ko alam kung nabuwisit din s’ya sa bahay o sa kupad ni RR; pero kung maaga nga s’yang nakakapunta sa palengke, e bakit hindi kayang magmaaga kapag sisimba? O baka magtitinda pa rin ‘yun kahit pa Linggo ngayon. Ginuguna-guna ang dami ng tao dahil kailangang makabayad sa dami ng kanyang inagkakautangan. Pero kahit na Linggo pa rin ngayon.

Maya-maya lumapit sa’kin si Nanay Aurea at hinahanap si Mama. Sabi ko, andun sa’min alaga ‘yung pamangkin ko. “Ay hindi sisimba? Bertdey na bertdey,” sagot ni Nanay Au. Napangiti lang ako at napakibit balikat. Nakalimutan ko na bertdey pala ngayon ng nanay ko. Ika-17 nga pala ng Hulyo ngayon. Dalawa kasi bertdey nun alam ko, ika-17 ng Hulyo o kaya ay Agosto, nagkamali yata ang Registrar ng Munisipyo nila.

Bago umuwi ay pumindot muna ako sa ATM, alam ko may suweldo na kame. Tapos, dumaan ako sa isang cake shop. Hindi na ako bumili ng kandilang may number dahil hindi ko rin naman alam ang edad ng nanay ko. Pagdating ko sa bahay, kakaalis lang daw ng nanay ko papunta na raw ng palengke.



Ako rin ang unang tumapyas sa manamis-namis na mapait-pait na tsokoleyt keyk.

Saturday, August 13, 2016

Umuwi 'Uli

Umuwi ulit ako sa tahanan.

Medyo matagal. Matagal rin akong nag-isip kung uuwi ba 'ko ulit. Nagdadalawang isip ako. Hindi, tatlo, apat pa. Paano kung 'mag-inarte' ako du'n? Hindi naman na siguro kasi medyo oks naman ako kagabi at ngayong maghapon. Walang banta ng 'masamang' panahon.

Umuulan. Isang buwan din akong hindi nagpakita du'n. Ayokong magpaasikaso e. Ayokong magpabigat ng loob at mang-abala ng tulog dahil kailangan ko ng tulong. Maraming ministri si E-boy para mapuyat lang sa mga dina-download kong problema at iba pang salik na nagpapabigat sa'kin. Ayokong magpatulong kung alam kong makakaperwisyo lang ako pero inaamin ko na kailangan ko ng tulong. Hindi ako nagpakita kena Ebs, Uloy at Kakoy, kasi marami rin silang ministri, trabaho, at problema sa buhay. Kung umuuwi sila, gusto naman nilang makapaghayahay ng kaunti tapos ang puro kulay itim ang ibinubuga ko?

Kaya halos isang buwan ko ring sinolo ang lahat. Nagpakalunod sa trabaho. Nagde-deactivate sa feysbuk. Nagpakalunod sa trabaho ulit. Ako lang mag-isa. Kaya ko 'to. Sana at dapat.

Umuulan. Basang-basa na pala ang likod ko sa dyip. Hindi ko na namalayan masyado ang ampiyas ng ulan sa likod ko. Basang-basa na pala ako. Ang lameg, nakakaantok ang mahinang ngarag ng dyip. Pauwi na nga ako sa Lusacan, kena E-boy, matapos ang limang linggo. Record breaking 'yun sa aming pagkakaibigang matindihan. Kahit nasa Maynila ako nagtatrabaho noon, pinaka matagal na ang tatlong linggo na hindi ako uuwi 'sa'min', at super minsan lang 'yun.

Pagka-uwi ko hindi ako magbubuga doon ng anumang itim na usok. Hahayaan ko lang na s'yang magbuga nang magbuga tungkol sa pag-aaral n'ya sa bible school. Kukumustahin ko rin kung nakakita na ba s'ya ro'n. Ng Pokemon. Gusto ko nang makarating sa bahay at magmano kay Lola Nitz at Tatay Noli. 

Umuulan na lang ng kaunti pag-uwi ko. Binati ko si Tatay Noli na naghuhugas ng pitsel. Tapos, yumupyop na ako yapos ang unan sa mahabang kahoy na sofa. (Kahoy na sofa?). Mukhang may maliit na apoy sa dibdib ko na pumapatay sa lamig ng ulan. O baka dahil mabanas lang talaga sa kusina-sala nina E-boy? Lumabas si Lola Nitz, hindi ako nakilala. Nagtanong pa s'ya kay Tatay Noli. Natawa naman si Lola Nitz ng malamang ako pala ang nakayupyop sa upuan. Lumabas din maya-maya si Mrs. P., tinatanong si Lola Nitz kung sinong nakayupyop sa upuan. Natawa si Mrs. P, kahit mataas ang presyon, nang malamang ako pala.

Matagal ba masyado ang limang linggo? Hindi, kilala pa nila ako. Kilala ko pa rin sila. Tinigilan ko na ang pag-iisip kung ganun ba kabilis na magbago ang lahat dahil sa time at space at inalalang kalbo nga pala ako. Nagpakalbo nga pala ako kahapon. Kaya pala hindi nila ako makilala at natawa nang makilala na ako. Ako pa rin 'to.

Galing sa pagtuturo ng gitara, dumating si Ebs pero deretso pa rin s'yang Growth Group. Nag-farm ville lang ako. Nag-feysbuk. Nagbasa ng Pagsibol Desisais mula kay Babes. Naligo. Nag-critic ng abstract ng report ni Gyl. Naligo muna ako. Sabay kaming naghapunan ng Pancit Canton. Gaya ng dati pa rin. Ako pa rin nga ito. 

Nag-kuwentuhan kami ni Ebs tungkol sa 'lovelife' n'yang panaka-naka, Pokemon Go at mga disipulo n'ya sa Pokemon games sa bible school, Growth Group members n'ya, sa mga kaibigan naming hindi ko na nakukutaptapan, sa mga anime na magandang panoorin, sa mga movies na magandang panoorin; sa mga budget at supplies sa dorm nya at apartment ko, sa mga schedules na baka puwede kaming lumabas, gaya ng dati ng wala pa kaming mga pinapasang malaking krus. Nakapagbuga pa rin ako ng kaunting maiitim na usok. Lumalabas talaga e. Konti lang naman 'tsaka kaya naman n'yang dal'hin. Gaya pa rin ng dati kung sa'n-sa'n napupunta ang kuwentuhan. 


Tumahan na'ko.


Wednesday, August 10, 2016

Agosto 10, 2016

Sa dinamidami ng gusto kong ikuwento sa blog, wala akong maisulat pagharap ko ngayon sa blankong word file. Ano ga?! Nariyang gusto kong ikuwento ang mga nagbabalik kong ka-opismeyt. Nariyang gusto kong ikuwento ang unang beses ko sa Sangguniang Bayan at Association of Brgy. Captains sa Padre Garcia. Nariyang gusto kong ikuwento ang away namin sa bahay. Nariyang gusto kong gumawa ng konseptong papel ng isang proyekto para sa isang polluted na ilog.

Pero pagharap ko sa blankong papel sa laptop ko, wala akong masulat.

Alin ba ang dapat ko nang masulat muna? Teka, bukod sa’kin, may nagbabasa pa ga ng blog ko? Bakit pa ba ako sulat ng sulat, e andami ko namang dapat unahing papel sa trabaho? Ewan. Pakiramdam ko ang dami ko lag utang na dapat bayaran sa blog at napaka boplaks ko sa paggamit ko ng oras na hindi na maibabalik pa. Gusto kong umupo lang isang araw at makipagkuwentuhan sa blog ko maghapon at magdamag dahil may amag na ang mga kuwento sa utak ko.

Hindi ko nga lang alam bakit gusto ko bang silang isulat? May mababago ba sa kanila, sa mga makakabasa, hindi ko lang sure pero sa’kin merong magbabago. Pero bakit antamad-tamad ko? Ang hirap kong batakin sa pagsusulat. Minsan naririnig ko naman ‘yung tawag at nami-miss yung indayog ng daliri ko habang pumipitik-pitik ang tunog ng keyboard; pero ayoko at wala pa rin akong masulat. Baka kailangan ko nang bumalik muli sa totoong papel?

Ewan.


Dyord
White House
Agosto 10, 2016, 8:58 am

(opis hours a?)

Pers Taym Bisitor Ulit (Si Si Ef)

Tinanghali ako noong Linggo ng umaga.

Nagising naman ako ng 6:30 a.m. kaya lang nahirapan batakin ang katawan ko. Super islomo ang lahat, kaya 7:30 na ako nakapaggayak. Abot pa sana ng isang oras na biyahe para umuwi ng Tiaong at magsimba. Umupo lang ako sa sulok ng kwarto ko. Umupo lang hanggang sa isang oras ang lumipas. Tumayo ako ng 8:30, ayan maaga pa ako.


Para sa service ng CCF d'yan lang sa tapat; isang liban lang.


Hindi na ako umuwi sa'min. Male-late din kasi ako sa Sunday School. Hindi ko na rin maaabot ang pabili ni Ate Shin na puto ng Padre Garcia. Pinilit ko nang tumayo, pinunasan ko na ang black shoes ko, pinatay ang Piano Guys covers, at ni-lock ang bahay. Ano na, Jesus' time na. Tinulak ko ang bubog na pinto ng Christ's Commission Fellowship (CCF), d'yan sa tapat. Sinalubong ako ni Nanay Gaya, isang matandang ginang, naalala ko tuloy si Lola Nits kena E-boy na maagang nagluluto ng almusal kapag Linggo, at si Nanay Vergie na maagang dumarating sa simbahan; parang umuwi rin pala ako sa'min. Maya-maya may dalagang nag-abot ng kamay, itim ang kyutiks n'ya, para bumati ng magandang umaga. Maya-maya ay inabutan ako ni Ralph, drummer nila, ng wordless book at 5-kulay na breyslet na parang starter kit. Ito ang nasugagaan ko sa unang worship experience ko sa CCF: praise and worship, video preaching, at D-group. Sa D-group nila, nagkakuwentuhan lang ng buong isang linggo. Isa-isa, paikot. Parang mga problema rin ng mga hayskul sa G2 nina E-boy. Marami hirap sa pag-aaral lalo na sa Math. Gusto ko sanang mag-offer ng tulong kaya lang marami na kong problems na dapat i-solve. May mga nagkuwento tungkol sa conflict sa work at workmates. May mga may problema sa bahay. Merong kyut na sibling rivalry. Hanggang sa dumating na sa'kin, ako na ang magkukuwento. All eyes sila sa newcomer, siyempre visitor e. Kailangan n'yang ma-feel na welcome s'ya. Pft! Alam mo yan kapag laking Sunday School ka at laging ibinibilin yan sa inyo. Kahit mema lang, kakausapin ka. Pero siyempre gusto kong maniwala na welcoming talaga sila. Siguro dahil minsan lang may bumisitang kabataan sa simbahan nila. O kaya naman ay dahil dama nila ako bilang laking Sunday School din.


Nagpakilala ako at nagkuwento tungkol sa kung bakit ako napadpad sa bayan ng Padre Garcia, hinahanap ko kasi ang true love ko. Siyempre, walang maniniwala kahit ikaw. Nagkuwento ako tungkol sa trabaho, sa pamilya, sa buhay mag-isa (apart- ment). Hindi ko namalayan na ang dami ko na palang nakuwento. E sila e, kinig sila ng kinig. All ears sila sa bawat sabihin ko kaya daldal lang ako ng daldal. Pakiramdam ko kasi kahit mabigatan pa sila, e ano ngayon hindi ko naman sila kilala. Kung marami akong problema, e ano naman, hindi naman nila ako kilala. Kung maipahiya ko ang sarili ko sa kakukuwento, kung magmukha man akong mahinang laking-Sunday School, e ano ngayon puwede ko naman silang di na balikan dahil bisita lang ako.


Pero iba yung pakiramdam na may makikinig sa problema mo na alam mo na hindi sila tatanggap ng ganoong kalaking damage. Kesa ikuwento ko sa mga kaibigan ko na baka makadagdag pa'ko sa dinadala, di ba? Parang kailangan ko lang ng makikinig a at walang sasabihing kung anumang Christian cliches. Pagkatapos kong magkuwento, nanalangin si black-nailed girl. Pakiramdam ko nagkaro'n ako ng lil' bros and sizzies nang umagan 'yun.

At kahit Linggo na, hindi pa rin ako tinantanan ng trabaho-stuff. May isang nag-abot sa'kin ng kamay; pamilyar ang mukha, si MAO; 'yung Municipal Agriculturist na implementing partner ko sana sa mga agricultural projects ko. Maya-maya may miyembro pala ro'n ng ERPAT o 'yung samahan ng mga katatayan empowerment. Baka raw puwede akong sumama sa planning ng CCF for bridging ministries nila; para maitulay natin si Hesus sa mga komunidad. Noted, kako.

Bilang first time visitor, siyempre nahihiya-hiya ka pa. Bago ko umuwi, nagkape at nagpansit muna kami sa kusina nila.


Pasasalamat:


Sa CCF-Padre Garcia - para sa inyong malamig na pagtanggap dahil ang liit lang ng kapilya n'yo pero tatlo ang erkon n'yo. Salamat sa kape at pansit. Salamat sa pakikinig, mga ka-Elevate. E-love-it!


Kay Boss - para sa panibagong mga kaibigan at panibagong bukas na pinto para sa makakaagapay sa pagtulong sa mga nasa laylayan. Salamat din sa pag-aangat sa'kin kapag ako naman ang nasa laylayan.

Monday, August 8, 2016

Utang Ina


Malaki ang kautangan ng nanay ko. Ramdam ko naman ‘yun matagal na. Kaya naghanap din ako ng malaki-laki ang suweldo na trabaho. Nagmadali rin naman akong kumita ng pera pero inabot pa rin ako ng isang taong walang regular na kita. Isa sa mga personal na sustainable goals ko ang maging malaya ang nanay ko sa pagkakautang n’ya.

Nung nag-aapply pa lang ako sa kagawaran, halos hindi ako humihingi kay Mama. Sariling dukot na ako. Meron naman akong ipon mula sa dati kong trabaho. Humihingi lang ako kapag tantiya ko’y kakapusin pa ako at may mga biglaang lakad. Buti na lang din at nagkaraket ko noon para masustena ko ang pag-aapply sa kagawaran. Ramdam ko na kasi na lubog na sa utang ang nanay ko.

Naikuwento sa’kin ni Ate Edit, bespren ni Mama, na minsan daw ay sinugod na sila ng mga account officers at managers ng CARD Bank. Hindi raw talaga lumabas ng bahay sina Ate Edit at si Mama. Ang tagal daw kumatok at nagpalibot-libot sa may riles ng mga taga-bangko pero hindi raw sila natinag ni Mama at hindi sila lumabas para humarap. Anu pa?! E di hinahabol na sila sa kanilang mga utang dahil hindi na sila nakakahulog. Si Ate Edit gaya ng bespren n’ya ay lubog din sa utang sa iba’t ibang micro-finance at porsyentuhan. Lumipad na si Ate Edit sa Riyad para mag-DH, kahit ayaw ng Kuya Orly, kahit may kanser ang Inay Uma, at bata pa si Nene.

Ang pinapanghulog o pinapambayad sa ibang utang ay utang pa rin mula naman sa ibang 5-6, porsyentuhan,  o kaya ay iba pang micro-finance. Kaya naman nanganak na lang nang nganak ang mga utang hanggang ga-leeg na ito ng nanay ko. Hindi pa man ako sumusuweldo, matagal ko nang sinasabi sa nanay ko na ilista n’ya ang mga utang n’ya mula sa pinakamaliit at mabilis magpursyento at uutay-utaying babayaran. Hindi naiingle. Paulit-ulit ‘yan hanggang sa sumuweldo na lang ako, wala pa rin s’yang nagagawang listahan. Hanggang sa nalaman ko kay Ate Anjet, tiyahin ko na lubog din sa utang, na kung susumahin daw ang utang ng nanayko ay nasa P 150K!

Kaya pala...

Alas-kuwatro pa lang ng madaling araw ay papunta na ‘yung palengke para magbukas ng tindahan. Pinaka mabili kapag ganu’n ay kape dahil sa mga nagbubulante. Sa isang kapeng ‘twin pack’ na tag-sisiyete kapag tinimpla ang isang pisngi ng twin pack ay sampumpiso na; kaya kumikita si Mama ng halos katorse pesos sa isang twin pack na kape. Uuwi naman ‘yun ng mga bandang alas-siete para mag-uwi ng almusal at mag-asikaso ng pagkain ng tatay kong maaga namang gumising pero iniintindi agad ang mga manok n’yang panabong kaysa maggayak ng sarili. Hihintayin pa nuon ang nanay kong makauwe para magluto.

Kaya pala...

Minsan hindi na ‘yon nakakasimba kapag Linggo at Miyerkules ng gabi dahil naghahabol ng benta para makabayad sa mga pinagkakautangan. Hindi na rin nakakabili ng tutpeyst at shampoo kung minsan. Hindi na rin makabili ng sibuyas at bawang. Minsan, hindi na rin makapasok ang kapatid ko sa SPED Center dahil walang maipamasahe o kaya naman ay kailangan pa ring maghabol ng benta.

Kaya naman pala halos pagbabayad na lang ng utang ang nagpapabangon sa kanya sa (madaling) araw-araw. Pero ilang madaling araw ang igigising at ilang kapeng ‘twin pack’ ang titimplahin bago masulitan ang P150K? Kaya ko s’ya pinaglilista ng mga utang para maunti-unti namin. Kahit ilang ulit ko nang sabihin, hindi pa rin naiingle.
Bakit ba financially broke ang nanay ko?

Hindi naman kami maluho. Sumasablay na kami minsan ng kain sa tanghalian o hapunan. Minsan, masabi lang na may pang-ulam. Kada magbubuklat ka ng takip sa lamesa, mapapabunong hininga ka na lang. May napundar na ba kami? Actually, isang bagyo pa ng Signal no. 3 at wala na kaming bahay. Pero meron na kaming 100 square meters sa Brgy. San Agustin na binenta lang sa halagang 40K pero inutang lang ng nanay ko ang ipinambayad. Hindi n’ya inisip ang interes ng utang ay para lang ding nagpalaki sa presyo ng lupa.

Alam ko naospital ang pamangkin ko. Dahil batang nag-asawa ang kapatid kong si Vernon, wala namang kahandaan sa mga ganitong pagkakataon, nanay ko pa rin ang biribinde sa pagbabayad sa ospital. Kapag wala ngang maisaing ‘yung mag-iina ni Vernon, si Mama pa rin. Kapag walang maipang gatas, si Mama pa rin. Saan ba kumukuha ng pera ang nanay ko, kung hindi sapat ang benta sa tindahan, sa pursyentuhan na naman.

Trivia: Kapag sumuweldo si Vernon, madalas silang nagja-Jolibee.

Hindi man lang makapag-abot kay Mama. Parang gusto ko na ngang awayin ang ‘nag-aasawahan’(dahil hindi pa sila kasal) sina Bernunang. “Hoy! Ang kakapal ng mga mukha n’yong laging kumura kena Mama, kayo d’yan ang lilibog-libog, tapos wala kayong maipanggatas sa mga anak n’yo! Nakapagdalawa pa kayo agad ng anak tapos nakadalawang palit na rin ng selpown, ano yan?! Hoy! Hindi Ayala ang apelyido n’yo”! Parang gusto ko pa lang namang awayin. Konsintidor din naman ang nanay ko kaya pilit naghahagilap ng pang-abot. Pusong lola.

Financially abused din si Mama.

Natutunan ko ito nang minsang mag-sit in ako sa isang klase ng Family Development Session (FDS) ni Mam Brenda. Isa pa lang uri ng pang-aabuso sa kababaihan ang hindi pagbibigay ng tamang sustento o suportang pinansyal sa pamilya at kasama ito sa Violence Against Women and Children (VAWC).  May mga panahong binabawi ng tatay ko ang ATM n’ya mula kay Mama. Tapos, hindi naman bibili ang tatay ko ng ulam, bigas, tubig, at iba pang kailangan sa bahay kaya mapipilitan ang nanay kong maghagilap ng panggastos sa bahay kasi nangliligalig ang tatay ko kapag walang kape, shampoo, sabon, at tutpeyst. Tapos, malalaman na lang namin na ipinang-inom lang ang sweldo o kaya ay ipinang-sabong.

Wala pa akong ipineprendang pera sa bahay kaya hindi na lang ako nakikisali sa awayan nila. Kahit nakakarindi na at paulit-ulit lang ang pinagtatalunan. Mga wala na ngang pera, mga buwiset pa. Mga wala na ngang pangkain, nakakairita pa ang mga itsurahin. Mukha na ngang singkuwenta ang nanay ko kahit wala pang kuwarenta.


Nakakaawa na rin.



Sabado na po

Habang abala ako sa pagpapalaba, pag-iisip ng ulam, pag-review sa isag linggong gastos, at mga gagawin ko pa ngayong Sabado, nakatanggap ako ng 5 missed calls mula sa unregistered number. Baka naman kaibigan ko lang nangungumusta. Tinanong ko kung sino, ‘yun pala ay isang participant sa isang proyekto.  Sabado na.

Walang pinipiling oras ‘yang mga ‘yan e. Mapa-dis oras ng gabi, o mapa-Sabado, o mapa-Linggo; nagte-text o tumatawag para lang magpalista sa isang proyekto o kaya ay magtanong ano nga ulit ‘yung requirements kahit 15 times ko nang inulit sa pagpupulong sa baranggay at idinetalye ko na sa text messages bukod pa sa detalye sa mga pamplet na ipinamahagi ko. Tatawag ng alas-diyes para lang itanong kung ilang kopya ng police clearance ang ipapaseroks n’ya. Patience is a virtue ang motto sa trabaho ko pero minsan nakakaasar din.

Akala yata ng mga tao kapag kawani ng DSWD, ay parang 911 o kaya kwago na dilat kahit kabilugan ng buwan. Madalas nga naglalamay kami ng mga project proposals pero utang na loob naman puwede bang isipin n’yong natutulog din kami. Kung weekends, isipin naman sana na kami’y may pamilya, kaibigan, at lovelife, para abalahin. Kung Sabado, isipin naman sana na marami rin kaming labahin at linisin sa bahay. Kung Linggo, maisip din naman sanang kami’y nangingilin. Baka naman puwedeng ipagpa-Lunes na ang pagtatanong kung ilang kopya ng valid ID ang ipapaseroks. Sabado na e.

“[nagpakilala muna s’ya]... follow up qho lng pho ung 2ngkol s wrk n bnbgy nio”
“Sir wla pho kc ngtxt skn n my meeting kyad pho aqho nkaattend eh pnu qho kya mllman n my wrk kng d naman pho aqho tntxt”

Balik tayo kay Ate na taga-Quilo-Quilo South. Hindi raw s’ya nakapunta sa pa-meeting ko sa isang proyekto dahil wala s’yang natanggapna text. PERO, isang kaibigan at kabaranggay n’ya ang nakita ko nung araw na’yon at ipinabatid kong meron ngang pagpupulong. Dalawang araw bago magpulong ay nag-text ako sa 45 na kalahok ng proyekto. Isang araw bago magpulong ay nagpatext ako sa lahat ng Pantawid Parent Leaders (PLs) ara magpakalat ng nasabing petsa ng pagpupulong. Tapos ngayon, Sabado na, sinisisi mo pa ‘ko? E kung nag-follow up ka ng Huwebes , kinabukasan nung pagpupulong, kung talagang interesado ka? Meron nga du’ng hindi naka-abot sa pagpupulong at naaksidente ‘yung kapatid pero humabol din nung kinahapunan kasi baka raw isipin kong hindi s’ya interesado sa proyekto.

Ipinaliwanag ko pa rin ng may pagpipigil na kasali s’ya at naghihintay lang kami na maibaba ‘yung pondo. Wala e, kailangan responsive ang mga kawani ng gobyerno at modest at all times. So dapat bang sumagot pa sa tawag o text kahit weekend na? Kung hindi naman life and death ang kaso? Baka naman puwedeng Lunes na lang, Sabado na e.

“Eh sir khya2 man pho eh wala pho aqho nreceive”

Humirit pa si Ati. E di sisihin mo PL mo. Sisihin mo ang network provider mo kung bakit wala kang na-recieve. Sisihin mo ang universe at ang mga radio at magnetic waves sa atmosphere na tumangay ng text message mo! Bakit ako?! Puwede namang ako pero psuwede bang sa susunod, Lunes na lang ako sisihin? Kahit di ko na kasalanan, basta ‘wag lang Sabado o Linggo. Alam naman pala na kahiya-hiya e.



‘Tsaka puwede bang ‘wag jejemon? Buwan na ng wikang pambansa. Wikang Filipino, Wikang Pangkaunlaran. Kung salat man tayo sa buhay, sana ay hindi tayo salat sa paggamit ng sariling wika. 

Saturday, August 6, 2016

Hanap Bahay 2

Wala akong kagamit-gamit pa ng makalipat ako.  Dalawang malaking bag lang talaga na puno ng damit ang dala ko. Nang bumili nga ako ng hapunan ay saka ko lang naalala na wala nga pala akong kutsara, tinidor, baso, at pinggan. So, kinakin ko ang siomai at kanin (which tantamounts to Php 30 value meal) sa loob ng plastik at nanghiram na lang ako ng kutsara sa kaptbahay. So, mamimili talaga ako kinabukasan.

Okey naman ang isa kong kapit-bahay. Si Kuya Ken, driver ng ambulansiya ng munisipyo; sa Health. Nagkasundo agad kami dahil sa may alaga s’yang Pomerenians. Ang kyut-kyut nung mga aso na nilalaro ko habang s’ya ay nagkukuwento ng viability ng breeding as a business venture. Sabi ko, iko-consider ko. Sa kanila ako nanghiram ng kutsara.

Kinabukasan, nagpaalam ako kay Ate Lorie kung puwede ba akong dumeretso ng SM Lipa para mamili ng gamit after ng submission ng aming mga DTRs at Proposals. Okey raw. Ito ang mga pinamili ko sa SM:

SM SuperMarket: Pic A BBQ flavor (sitserya), Water Heater, karne norte, Skyflakes (2 flavors), whole wheat bread (half loaf), chizwiz (115g), Colgate (50g), Nescafe, Kopiko, Clear (200ml), at Plantsa = Php 1, 253.45

Ace Hardware: Mega Box (1) = P 275.00

Gusto ko sanang bumili ng no-carpentry needed bookshelf, kaya lang ay 8 kilos kaya next time na lag kapag malakas na ako physically at financially.

Ginawa kong lalagyan ng pinamili ‘yung Mega Box na paglalagyan ko ng mga damit sa bahay (apartment) at magsisilbing working table at dining table ko na rin. Namili rin ako sa Ultra Mega sa Padre Garcia at pati na sa Palengke:

Ultra Mega: Tubig (6L), Safeguard, Toothbrush (Softbristled), Downy, Sabon (powder ), at Sabon na isang bareta, San Marino Corned Tuna (easy-open can), maliit lang na garapon = P 294.00

Palengke: Tabo, Palanggana, Briefs, Walis Tambo, dust pan, tasa, basurahan = P 345.00

Hindi ko alam kung bakit ko isinulat pa ito sa blog ko. Gusto ko lang. Masaya akong maggroseri. Masarap sa pakiramdam mamalengke. ‘yung pagdating ko sa bahay, isa-isa ko nang ipinapatas ang karne norte, mga biskwit, palaman, at iba pang pagkain sa divider; iba, may ngiti ako sa labi. Parang: “Grabe, independent na’ko, mature na’ko, at kaya ko na.” Merong saya habang ihinihiwalay ko ang groceries sa toiletries at mga reusable bags & plastics sa mga disposable na.

Tipid Tip #1: Magdala ng Bagays-to-Buy list at ng eco-bag para alam mo lang kung hanggang saan ang budget mo at alin lang ang dapat bilhin. ‘Wag kalimutan ang eco-bag dahil sampumpiso rin ‘yun kung bibili ka pa ulit dahil lang nakalimutan mo. (Marami pa’kong tipid tips sa susunod ex: bangang-banga tip)

Ewan ko ha, pero merong saya sa pag-iisa. Kaya ayoko rin sanag mag-isa kasi matatakutin ako lalo na sa pag-iisa. Feeling ko mati-trigger ang clinical depression ko at baka kung ano pang magawa sa sarili ko. Kaya ayoko sanang mag-isang mag-apartment pero wala akong choice. Pero nang maipatas ko ang groseri, makapagwalis-walis, at makapag-ayos ng kaunting gamit; walang bakas, ni anino ng depresyon akong nararamdaman. Kalayaan mula sa kamay ng lumbay lang ang meron sa dibdib ko kaya ako nagsasayaw at inakap-akap ang puting pader at malamig na sahig.

Walang duda, sulit ang P 7,167.45 na initial investment ko para sa pamumuhay ng mag-isa’t matiwasay.




Friday, August 5, 2016

Hanap Bahay



Medyo nakakapagod na ring mag-uwian araw-araw mula sa munisipyo namin sa Padre Garcia hanggang sa bahay namin sa Tiaong. Kinakain ang halos isa’t kalahating oras ko sa biyahe; kinakain ng paghihintay sa pag-alis sa terminal at paghihintay sa bawat kanto. Pagdating ko sa bahay pagod na pagod lalo ako. Kapag naman sa umaga, naka-alarm ako ng 4:48 n.u. para mag-umpisa nang mag-morning rituals bago pumuntang Garcia, at mag-almusal ng kape na sawsawan ng mga kabuwisitan sa bahay. Hasel mag-uwian.

PERO, nakakatipid ako ng malaki.

Sa bahay maraming kalaban. Kalaban ko ang telebisyon. Kalaban ko ang kaligaligan ng tatay kong maghapong naka-tayo sa bangko. Kalaban ko ang dakdak ng nanay kong walang benta sa palengke. Kalaban ko si RR, kapatid kong pinaglihi sa lintang inas’nan. Hindi ako makapagtrabaho. Hindi makapag-aral. Hindi makapagsulat. Hasel umuwi.

PERO, nakakatipid ako ng malaki.

Kaya tatlong buwan kong tiniis talaga na mag-uwian. Delayed din kasi ang suweldo namin sa gobyerno. Subalit, habang tumatagal ay tumitindi ang ka-badtripan ko every morning na parang nanadyang itatapat sa araw na may iskedyul ako sa baranggay. Ibig sabihin papasok ako ng bad trip pero hindi ako puwedeng humarap na busakot, lamukot, at simangot ang mukha. Hindi ‘yun ang itsura ng lumalaban sa kahirapan. Hindi ‘yun nakakapagbigay ng pag-asa kaya nagpupumilit akong mag-ayos ng sarili; kaluluwa at kautakan; nagpupumilit akong mag-excrete ng serotonin at dopamine sa dyip.

Parang kailangan ko nang gumastos talaga.

Naghanap na’ko ng bahay o kaya kuwarto sa Padre Garcia. Kailangan ko nang lumubog sa bayan ko. Kailangan ko nang masinsinang mag-aral. Kailangan ko na ng katahimikan. Pero ang pinaka totoo ay nagkaroon ng pagsabog ng tatlong bulkan sa loob ng aming bahay. Ako vs. Papa vs. Mama. Nasabi ko nang ‘maghahanap na’ko ng lilipatan’ in a proud manner kaya kasubuan na. Kailangan ko nang gumastos ng 5-7K kada buwan kumpara sa normal kong gastos na 4K kung uwian ako. Investment na rin ‘yung 3K para sa sarili kasi nga ‘di ba, independent variable na ako.

Matagal nang may ino-offer sa’kin si Mam Galela ang Municipal Social Worker Department Head ng munisipyo ng Padre Garcia (P2.5K + kuyente at tubig). Sabi ko lang noon ay nag-uuwian pa ako at mas tipid pero ayoko talaga sanang sa apartment n’ya tumira. Strong kasi ang personality ni Mam Galela, mas strong pa kesa sa hepe ng Pulisya namin. Kapag nagtanong ako tungkol sa bahay considered occupant na agad ako. Hindi na ako makakapag-check kung ok ba yung lugar sa’kin o hindi. Hindi na rin ako makakapagreklamo. Kaya sinuyod ko talaga ang Poblacion para malapit lang din sa munisipyo at hindi na’ko mamasahe. Naghanap talaga ako ng ibang malilipatan.

Meron akong tiningnan na kulay dilaw na bahay na may dalawang kwarto, sala, CR, at malawak na dirty kitchen, kasya ang walong tao, pero hindi kasya sa budget ko dahil P4K +kuryente at tubig! Meron namang kulay green na hilera ng mga apartment kaya lang wala naman daw na bakante.  Meron ding mga paskin na tinext ko kaya lang di ko kaya ang mga presyo P3k, P3.5K, P4K with garahe at malayong lakad na mula sa Munisipyo; nasa kabilang baranggay na. May nakita akong hilera ng mga kuwarto tapos hiwalay ang mga banyo at labahan, P1.6K lang kaya lang ang dilim sa loob at parang yungib ng droga at prostitusyon. Mukha lang naman, pero parang ligtas naman kasi may mga nakatira doong mga bata.

Naalala ko merong inialok sa’kin si Mam Sol, Municipal Link namin sa Pantawid; aalis na raw kasi ang kapit-bahay nila. Tatlong tambling lang ‘yung apartment mula sa opisina namin at P2.5K lang daw ‘yun pero kasya na ang isang pamilya. Pagdating ko ron ay wala si Mam Sol, ‘yung matandang lalaking landlord lang ang naabutan ko. Ito ang naging takbo ng convo namin:

“Sino po may-ari ng apartment?”
“Amin ‘yan bakit?”
“Magkano ba budget mo?”
“Magkano po ba sa bakante?”
“E, P2.8K ‘yan. Kaya mo ba?”
“Puwede ho bang tingnan muna?”
“E siyempre may budget ka, magkano ba budget mo? Kaya mo ba 2-8? Baka masayang lang ang oras tapos hindi mo pala kaya”
“Baka mamaya hindi ka pala magtatagal, kailangan namin dito ‘yung magtatagal”

Nilayasan ko rin agad si lolo. E P2.5K lang ang offer kena Mam Sol, tapos sa’kin ay P2.8K? Ano ‘yun para kapag tumawad ako ibibigay n’ya ng P2.5K at mukha pa s’yang mabait at naka-sulit ako? Nek-nek n’ya. Kaya ko naman sana ’yung P2.8K e, ayoko lang na nagsisigurado lang s’ya ng kita kahit na hindi naman maayos ang tinitirahan ng magiging occupants n’ya. Ang tingin na agad sa’kin ay 1 month deposit at 2 months advance. Tao kaya ako na naghahanap ng masisilungan at basang-basa ng pawis dahil ang init ng lakad ko pati na ng ulo. Hanap na lang ulet ako ng iba.

Merong kumuha ng atensyon ko. Isang maliit na mukhang lumang paupahan na may medyo malawak na harapan pero makalat lang. Kaunting linis lang ‘to pwede na kako. Wala akong makitang mapagtanungang kundi isang batang nakasakay sa traysikel, si Gab.

“Bata may nakatira ba rito?”
“Wala po.”
“Sino may-ari?”
“’yung lalaki pong laging nan’dyan sa may tindahan”
“Asan s’ya?”
“Baka po nasa isa pa n’yang bahay”
“Pinapatir’han ba ito? (‘yung bahay)”
“Kuya, ‘wag po d’yan. May nag-aaswang po d’yan”
“Anong nag-aaswang?”
“May namatay po d’yan”

Ok. Bumagsak din ako paupahan nina Mam Galela (P2.5K + kuyente + tubig). Pero good news, hindi naman daw pala doon nakatira sina Mam. So, hindi n’ya ko pwedeng katukin para sa proposals. Tsaka, hindi ako makapaniwala na ganito pala ‘yung itsura ng P2.5K, baka makuwestiyon ako ng PCGG sa itsura ng bahay ko. ‘Yung gilid lang ng bahay na ‘yun yung inuupahan ko. May puting pintura at pulang accents, malinis ang tiles, medyo oks na rin ang banyo (+ shower:), maayos na lababo, at maliit na wash area.


Nakita ko kagad ang sarili kong nagtatrabaho, nag-aaral, nagbabasa, at nagsusulat sa bahay ko.

Ang Tahanan ko as of Hulyo 29,2016





Wednesday, August 3, 2016

Agosto 3, 2016


Nabasa ko yung mga Psalm 55.

Halos sa unang sampong berso ng salmo ay ramdam ko na ang pait at hinagpis n’ya. “I mourn in my complaint.” Meron s’yang matinding reklamo na nakapagpaiyak sa manunulat. Meron s’yang matinding sakit sa puso. Nababalot s’ya ng malupit na takot at pangamba. Siguro’y may nagtatangka sa kanya pero hindi ko alam kung bakit. Sa ika-anim na berso, nagpaayag s’ya na gusto n’yang lumipad at takasan na lang kung maari.

Kung ganun lang sana kadali.

Hindi ibang tao ang umagrabyado sa kanya e. Hindi iba. Kaibigan na kasabay pa n’yang lumakad papunta sa templo. Kaibigang masarap kakuwentuhan. Kaibigang nagsilbing gabay. Malamang malapit pa na kaibigan. Kaibigang mga salita raw ay mas banayad pa sa langis pero madulas rin ang kaluban para humugot ng sandatang makapaminsala. Isang kuwento ng pagtataksil, paglisan, at pagkasira ng pagkakaibigan. Kaya patong-patong ‘yung sakit.

Kaya humihingi s’ya ng tulong. Ng pagtatanggol.

Hindi naman nabanggit ng manunulat kung bakit ganun kasidhi. Meron lang nabanggit na pagbubuhat ng kamay at pagsira sa pangako. Para idalanging mamatay na at mapunta sa impyerno ang kaluluwa ng dating kaibigan? Malamang eksaherasyon lang ito ng manunulat sa tindi ng pagkamuhi na nararamdaman n’ya. Kaya siguro n’ya sinulat ang salmo, dahil kung kikipkipin n’ya ang ganitog katinding galit baka sumabog na lang ang puso n’yang wasak na wasak na.

Nais n’ya ring mahulog sa lusak ng pagkawasak ag dating kaibigan. Harsh. Alam ko narinig ng Diyos ang kanyang panalangin pero sana lang talaga hindi s’ya sinagot ng Diyos ayon sa kanyang panalangin. Parang ganito e; “Sige lang go mag-express ka, inapi ka e, sasabog ka na e; pero doesn’t mean na I’ll grant your evil wish”. Sa’kin lang ‘yan at sana lang talaga nagkabati sila.

“Cast thy burden upon the LORD and he shall sustain thee: he shall never suffer the righteous to be moved.” –Psalm 55:22