Saturday, August 27, 2016

Achievement Unlocked: Rice Cooker

Tatlong linggo rin ako naghintay para makabili ng rice cooker.

Gumagastos din kasi ako ng malaki sa kanin talaga. Social worker nga ako pero pang-construction ang kain. Aba, ikaw na ang magsalita at makipag-usap sa sambayanang Garciano kung di ka gutumin. Malakas din naman ako sa kanin kaya naghintay ako ng suweldo bago nakabili sa Royal Star. Nasa P650 ang presyo at P69.54 ang buwis na napunta sa gobyerno; dalawang kilong bigas din sana ‘yun.

Bumili lang ako ng isang kilong bigas tag-P40. Mag-eeksperiment pa ako kung gaano kasarap ang P40 na bigas at gaano ito katagal; o ilang kain ko ito. Tinatayang nasa P55-60 ang kanin ko sa isang araw. Sa isang buwan ay P1,650-1,800. Kung ang isang kilo kong bigas ay tatagal ng isang araw, sa loob ng isang buwan ay kakain lang sa budget ko ay P1,200 (+P200 para sa kuryente). ‘yung P250-450 na matitipid ko ay malaking bagay na.
Pero siyempre namuhunan ako sa rice cooker ng P650; na sa loob ng dalawang buwan ko pa mababawi; so technically makakapag-umpisa pa lang akong magtipid ay sa buwan ng Oktubre. Hindi pa kasama rito ang depreciation cost per year ng rice cooker.

Ang mahalaga: in the long run, makakatipid ako.

Kanina habang nagbubukas ako ng kahon sa bahay at inaalis ko sa plastika ng rice cooker at parang steam pot na mukhang siomai-yan, ay ngiting-ngiti ako. Napa-“waaah” pa ako nang makitang may free pa pala akong sandok at measuring cup. Para akong batang may lutu-lutuan. Puwede na akong tumanggap ng bisita dahil 5 cup-capacity naman ang rice cooker ko. Puwede nang makikain sina Uloy at Kakoy. Puwede nang mag-sleep over si Donjie. Puwede nang mag-cluster meeting sa’min pero wala pang mga upuan.

Ang mahalaga: may lutuan na ako ng kanin at pancit canton.

Sinuslat ko ‘to ngayon sa saliw ng cassava cake at mainit na kape na may gatas. Watalayf! Salamat po dahil nakikini-kinita ko na ngang nagiging matanda at malaya na nga ako.

Teka lang, nasusunog na yata ang sinaing ko.



Dyord
White House

Agosto 16, 2016

No comments: