Monday, August 8, 2016

Utang Ina


Malaki ang kautangan ng nanay ko. Ramdam ko naman ‘yun matagal na. Kaya naghanap din ako ng malaki-laki ang suweldo na trabaho. Nagmadali rin naman akong kumita ng pera pero inabot pa rin ako ng isang taong walang regular na kita. Isa sa mga personal na sustainable goals ko ang maging malaya ang nanay ko sa pagkakautang n’ya.

Nung nag-aapply pa lang ako sa kagawaran, halos hindi ako humihingi kay Mama. Sariling dukot na ako. Meron naman akong ipon mula sa dati kong trabaho. Humihingi lang ako kapag tantiya ko’y kakapusin pa ako at may mga biglaang lakad. Buti na lang din at nagkaraket ko noon para masustena ko ang pag-aapply sa kagawaran. Ramdam ko na kasi na lubog na sa utang ang nanay ko.

Naikuwento sa’kin ni Ate Edit, bespren ni Mama, na minsan daw ay sinugod na sila ng mga account officers at managers ng CARD Bank. Hindi raw talaga lumabas ng bahay sina Ate Edit at si Mama. Ang tagal daw kumatok at nagpalibot-libot sa may riles ng mga taga-bangko pero hindi raw sila natinag ni Mama at hindi sila lumabas para humarap. Anu pa?! E di hinahabol na sila sa kanilang mga utang dahil hindi na sila nakakahulog. Si Ate Edit gaya ng bespren n’ya ay lubog din sa utang sa iba’t ibang micro-finance at porsyentuhan. Lumipad na si Ate Edit sa Riyad para mag-DH, kahit ayaw ng Kuya Orly, kahit may kanser ang Inay Uma, at bata pa si Nene.

Ang pinapanghulog o pinapambayad sa ibang utang ay utang pa rin mula naman sa ibang 5-6, porsyentuhan,  o kaya ay iba pang micro-finance. Kaya naman nanganak na lang nang nganak ang mga utang hanggang ga-leeg na ito ng nanay ko. Hindi pa man ako sumusuweldo, matagal ko nang sinasabi sa nanay ko na ilista n’ya ang mga utang n’ya mula sa pinakamaliit at mabilis magpursyento at uutay-utaying babayaran. Hindi naiingle. Paulit-ulit ‘yan hanggang sa sumuweldo na lang ako, wala pa rin s’yang nagagawang listahan. Hanggang sa nalaman ko kay Ate Anjet, tiyahin ko na lubog din sa utang, na kung susumahin daw ang utang ng nanayko ay nasa P 150K!

Kaya pala...

Alas-kuwatro pa lang ng madaling araw ay papunta na ‘yung palengke para magbukas ng tindahan. Pinaka mabili kapag ganu’n ay kape dahil sa mga nagbubulante. Sa isang kapeng ‘twin pack’ na tag-sisiyete kapag tinimpla ang isang pisngi ng twin pack ay sampumpiso na; kaya kumikita si Mama ng halos katorse pesos sa isang twin pack na kape. Uuwi naman ‘yun ng mga bandang alas-siete para mag-uwi ng almusal at mag-asikaso ng pagkain ng tatay kong maaga namang gumising pero iniintindi agad ang mga manok n’yang panabong kaysa maggayak ng sarili. Hihintayin pa nuon ang nanay kong makauwe para magluto.

Kaya pala...

Minsan hindi na ‘yon nakakasimba kapag Linggo at Miyerkules ng gabi dahil naghahabol ng benta para makabayad sa mga pinagkakautangan. Hindi na rin nakakabili ng tutpeyst at shampoo kung minsan. Hindi na rin makabili ng sibuyas at bawang. Minsan, hindi na rin makapasok ang kapatid ko sa SPED Center dahil walang maipamasahe o kaya naman ay kailangan pa ring maghabol ng benta.

Kaya naman pala halos pagbabayad na lang ng utang ang nagpapabangon sa kanya sa (madaling) araw-araw. Pero ilang madaling araw ang igigising at ilang kapeng ‘twin pack’ ang titimplahin bago masulitan ang P150K? Kaya ko s’ya pinaglilista ng mga utang para maunti-unti namin. Kahit ilang ulit ko nang sabihin, hindi pa rin naiingle.
Bakit ba financially broke ang nanay ko?

Hindi naman kami maluho. Sumasablay na kami minsan ng kain sa tanghalian o hapunan. Minsan, masabi lang na may pang-ulam. Kada magbubuklat ka ng takip sa lamesa, mapapabunong hininga ka na lang. May napundar na ba kami? Actually, isang bagyo pa ng Signal no. 3 at wala na kaming bahay. Pero meron na kaming 100 square meters sa Brgy. San Agustin na binenta lang sa halagang 40K pero inutang lang ng nanay ko ang ipinambayad. Hindi n’ya inisip ang interes ng utang ay para lang ding nagpalaki sa presyo ng lupa.

Alam ko naospital ang pamangkin ko. Dahil batang nag-asawa ang kapatid kong si Vernon, wala namang kahandaan sa mga ganitong pagkakataon, nanay ko pa rin ang biribinde sa pagbabayad sa ospital. Kapag wala ngang maisaing ‘yung mag-iina ni Vernon, si Mama pa rin. Kapag walang maipang gatas, si Mama pa rin. Saan ba kumukuha ng pera ang nanay ko, kung hindi sapat ang benta sa tindahan, sa pursyentuhan na naman.

Trivia: Kapag sumuweldo si Vernon, madalas silang nagja-Jolibee.

Hindi man lang makapag-abot kay Mama. Parang gusto ko na ngang awayin ang ‘nag-aasawahan’(dahil hindi pa sila kasal) sina Bernunang. “Hoy! Ang kakapal ng mga mukha n’yong laging kumura kena Mama, kayo d’yan ang lilibog-libog, tapos wala kayong maipanggatas sa mga anak n’yo! Nakapagdalawa pa kayo agad ng anak tapos nakadalawang palit na rin ng selpown, ano yan?! Hoy! Hindi Ayala ang apelyido n’yo”! Parang gusto ko pa lang namang awayin. Konsintidor din naman ang nanay ko kaya pilit naghahagilap ng pang-abot. Pusong lola.

Financially abused din si Mama.

Natutunan ko ito nang minsang mag-sit in ako sa isang klase ng Family Development Session (FDS) ni Mam Brenda. Isa pa lang uri ng pang-aabuso sa kababaihan ang hindi pagbibigay ng tamang sustento o suportang pinansyal sa pamilya at kasama ito sa Violence Against Women and Children (VAWC).  May mga panahong binabawi ng tatay ko ang ATM n’ya mula kay Mama. Tapos, hindi naman bibili ang tatay ko ng ulam, bigas, tubig, at iba pang kailangan sa bahay kaya mapipilitan ang nanay kong maghagilap ng panggastos sa bahay kasi nangliligalig ang tatay ko kapag walang kape, shampoo, sabon, at tutpeyst. Tapos, malalaman na lang namin na ipinang-inom lang ang sweldo o kaya ay ipinang-sabong.

Wala pa akong ipineprendang pera sa bahay kaya hindi na lang ako nakikisali sa awayan nila. Kahit nakakarindi na at paulit-ulit lang ang pinagtatalunan. Mga wala na ngang pera, mga buwiset pa. Mga wala na ngang pangkain, nakakairita pa ang mga itsurahin. Mukha na ngang singkuwenta ang nanay ko kahit wala pang kuwarenta.


Nakakaawa na rin.



No comments: