Umuwi ulit ako sa tahanan.
Medyo matagal. Matagal rin akong nag-isip kung uuwi ba 'ko ulit. Nagdadalawang isip ako. Hindi, tatlo, apat pa. Paano kung 'mag-inarte' ako du'n? Hindi naman na siguro kasi medyo oks naman ako kagabi at ngayong maghapon. Walang banta ng 'masamang' panahon.
Umuulan. Isang buwan din akong hindi nagpakita du'n. Ayokong magpaasikaso e. Ayokong magpabigat ng loob at mang-abala ng tulog dahil kailangan ko ng tulong. Maraming ministri si E-boy para mapuyat lang sa mga dina-download kong problema at iba pang salik na nagpapabigat sa'kin. Ayokong magpatulong kung alam kong makakaperwisyo lang ako pero inaamin ko na kailangan ko ng tulong. Hindi ako nagpakita kena Ebs, Uloy at Kakoy, kasi marami rin silang ministri, trabaho, at problema sa buhay. Kung umuuwi sila, gusto naman nilang makapaghayahay ng kaunti tapos ang puro kulay itim ang ibinubuga ko?
Kaya halos isang buwan ko ring sinolo ang lahat. Nagpakalunod sa trabaho. Nagde-deactivate sa feysbuk. Nagpakalunod sa trabaho ulit. Ako lang mag-isa. Kaya ko 'to. Sana at dapat.
Umuulan. Basang-basa na pala ang likod ko sa dyip. Hindi ko na namalayan masyado ang ampiyas ng ulan sa likod ko. Basang-basa na pala ako. Ang lameg, nakakaantok ang mahinang ngarag ng dyip. Pauwi na nga ako sa Lusacan, kena E-boy, matapos ang limang linggo. Record breaking 'yun sa aming pagkakaibigang matindihan. Kahit nasa Maynila ako nagtatrabaho noon, pinaka matagal na ang tatlong linggo na hindi ako uuwi 'sa'min', at super minsan lang 'yun.
Pagka-uwi ko hindi ako magbubuga doon ng anumang itim na usok. Hahayaan ko lang na s'yang magbuga nang magbuga tungkol sa pag-aaral n'ya sa bible school. Kukumustahin ko rin kung nakakita na ba s'ya ro'n. Ng Pokemon. Gusto ko nang makarating sa bahay at magmano kay Lola Nitz at Tatay Noli.
Umuulan na lang ng kaunti pag-uwi ko. Binati ko si Tatay Noli na naghuhugas ng pitsel. Tapos, yumupyop na ako yapos ang unan sa mahabang kahoy na sofa. (Kahoy na sofa?). Mukhang may maliit na apoy sa dibdib ko na pumapatay sa lamig ng ulan. O baka dahil mabanas lang talaga sa kusina-sala nina E-boy? Lumabas si Lola Nitz, hindi ako nakilala. Nagtanong pa s'ya kay Tatay Noli. Natawa naman si Lola Nitz ng malamang ako pala ang nakayupyop sa upuan. Lumabas din maya-maya si Mrs. P., tinatanong si Lola Nitz kung sinong nakayupyop sa upuan. Natawa si Mrs. P, kahit mataas ang presyon, nang malamang ako pala.
Matagal ba masyado ang limang linggo? Hindi, kilala pa nila ako. Kilala ko pa rin sila. Tinigilan ko na ang pag-iisip kung ganun ba kabilis na magbago ang lahat dahil sa time at space at inalalang kalbo nga pala ako. Nagpakalbo nga pala ako kahapon. Kaya pala hindi nila ako makilala at natawa nang makilala na ako. Ako pa rin 'to.
Galing sa pagtuturo ng gitara, dumating si Ebs pero deretso pa rin s'yang Growth Group. Nag-farm ville lang ako. Nag-feysbuk. Nagbasa ng Pagsibol Desisais mula kay Babes. Naligo. Nag-critic ng abstract ng report ni Gyl. Naligo muna ako. Sabay kaming naghapunan ng Pancit Canton. Gaya ng dati pa rin. Ako pa rin nga ito.
Nag-kuwentuhan kami ni Ebs tungkol sa 'lovelife' n'yang panaka-naka, Pokemon Go at mga disipulo n'ya sa Pokemon games sa bible school, Growth Group members n'ya, sa mga kaibigan naming hindi ko na nakukutaptapan, sa mga anime na magandang panoorin, sa mga movies na magandang panoorin; sa mga budget at supplies sa dorm nya at apartment ko, sa mga schedules na baka puwede kaming lumabas, gaya ng dati ng wala pa kaming mga pinapasang malaking krus. Nakapagbuga pa rin ako ng kaunting maiitim na usok. Lumalabas talaga e. Konti lang naman 'tsaka kaya naman n'yang dal'hin. Gaya pa rin ng dati kung sa'n-sa'n napupunta ang kuwentuhan.
Tumahan na'ko.
No comments:
Post a Comment