Tuesday, August 23, 2016

Overrun

Kanina; nasa opisina kami ng Rosario nag-encode sa information system.Doon kasi may malakas na internet connection at kakaunti ang empleyado dahil kasalukuyan silang nagte-training somewhere. Maghapon kaming nag-encode at saglitang nag-coaching nang makaranas ng rotating brownout ng Batangas.

Dahil sa daming trabaho at kautusan na rin ni Ate Lorie, ay 4:59 kami lumabas ng opisina. Sabi ko kay Alvin samahan muna akong maghanap ng panregalo kay Tatay Noli, bertdey n’ya kasi noong Agosto 4, at hindi ko alam kaya nahuli na ang regalo ko.Minessage ko muna si Bo kung nakabili na ba s’yang kumot, oo raw. Hati na lang tayo sa cost, kako. Ayaw, at naipakita na raw n’ya; siguro via FB messenger at gusto ring balikatin mag-isa ang regalo. Kaya kailangan kong mag-isip. Puwede namang mag-abot na lang ako ng pera, pambili ng gamot o anuman kaya lang baka maaawa sa sarili ang matanda. Baka isiping kinakaawaan kaya inabutan. Kaya dapat talaga akong bumili ng bagay na ireregalo.

Ano bang laging ginagamit ni ‘tay Noli? Kung saklob, mahirap makahanap sa bangketa ng klasik na saklob; lahat mga pangmalakasang pormang saklob. Mga baseball caps ang nasa bangketa at department store. Hindi naman maluho at pihikan si tay Noli pero palaging maayos ito sa katawan kahit within the baranggay lang ang pupuntahan. Dito yata nakamana si E-boy ng pagporma, minsan nga lang nasasakripisyo ang tardiness.
Nagpasama ako sa Lucky 99 kay Alvin. Swak na swak kasi ‘to sa budget. Pero habang tinutugaygay namin ang daan ay napapasok kami sa isang bagong tayong RTW store. Mga branded ang nasa loob pero malayong-malayo sa presyo nito sa mall. “Orig ba ‘to?” kako. 

Overrun pala ang tawag dito. Mga hindi nakapasa sa quality control pero puwedeng-puwede pa naman. Ayun, naghanap-hanap s’ya at ako rin ay naghanap-hanap sa daming pantalon. Nag-umpisa na s’yang magdahilan na ‘reward’ daw n’ya sa sarili. Nag-umpisa na rin akong magdahilan na puro itim ang pantalon ko at medyo nangupas na. Totoo naman. Ayun, nagsukat na kami pero bibilhin ko lang ‘to kapag nagustuhan ko ang lapat, kapag sumaya ako. Sumaya naman ako kaya nakabili ako ng isang pantalon na 350 pesos. Imbis na swak ay wasak ang istrikto kong budget.

Nagpasama ako sa Lucky 99 kay Alvin. Papunta na talaga kami ro’n, pramis. Sinuggest kasi ni Ebs na tumber daw kasi laging nagdadala si tatay ng tumbler kapag umaalis. Kaya lang naisip ko baka mas maganda pa ‘yung tumbler ni tatay kesa sa mabibili ko na amoy plastik at kemikal. Lumibot-libot kami. Comforter kaya? Eh Garapon? Tsinelas? Maya-maya nag-iisip na naman si Alvin na bumili ng tig-170 pesos na sapatos, ang mura raw. Hanggang sa nakapili na ako, tuwalya na tig-99 pesos lang. Pagdating sa counter naging 90 pesos na lang dahil may 10% discount daw sila ngayon. Swak!

Tipid Tip #3: Bumili sa mga overrun stores kasi malaki ang matitipid mo kesa sa mall.

Tipid Tip#4: ‘Wag i-overrun ang budget! Hindi porke’t mura ay bili nang bili.



Dyord
White House

Agosto 19, 2016

No comments: