Tinanghali ako noong Linggo ng umaga.
Nagising naman ako ng 6:30 a.m. kaya lang nahirapan batakin ang katawan ko. Super islomo ang lahat, kaya 7:30 na ako nakapaggayak. Abot pa sana ng isang oras na biyahe para umuwi ng Tiaong at magsimba. Umupo lang ako sa sulok ng kwarto ko. Umupo lang hanggang sa isang oras ang lumipas. Tumayo ako ng 8:30, ayan maaga pa ako.
Para sa service ng CCF d'yan lang sa tapat; isang liban lang.
Hindi na ako umuwi sa'min. Male-late din kasi ako sa Sunday School. Hindi ko na rin maaabot ang pabili ni Ate Shin na puto ng Padre Garcia. Pinilit ko nang tumayo, pinunasan ko na ang black shoes ko, pinatay ang Piano Guys covers, at ni-lock ang bahay. Ano na, Jesus' time na.
Tinulak ko ang bubog na pinto ng Christ's Commission Fellowship (CCF), d'yan sa tapat. Sinalubong ako ni Nanay Gaya, isang matandang ginang, naalala ko tuloy si Lola Nits kena E-boy na maagang nagluluto ng almusal kapag Linggo, at si Nanay Vergie na maagang dumarating sa simbahan; parang umuwi rin pala ako sa'min. Maya-maya may dalagang nag-abot ng kamay, itim ang kyutiks n'ya, para bumati ng magandang umaga. Maya-maya ay inabutan ako ni Ralph, drummer nila, ng wordless book at 5-kulay na breyslet na parang starter kit. Ito ang nasugagaan ko sa unang worship experience ko sa CCF: praise and worship, video preaching, at D-group.
Sa D-group nila, nagkakuwentuhan lang ng buong isang linggo. Isa-isa, paikot. Parang mga problema rin ng mga hayskul sa G2 nina E-boy. Marami hirap sa pag-aaral lalo na sa Math. Gusto ko sanang mag-offer ng tulong kaya lang marami na kong problems na dapat i-solve. May mga nagkuwento tungkol sa conflict sa work at workmates. May mga may problema sa bahay. Merong kyut na sibling rivalry. Hanggang sa dumating na sa'kin, ako na ang magkukuwento.
All eyes sila sa newcomer, siyempre visitor e. Kailangan n'yang ma-feel na welcome s'ya. Pft! Alam mo yan kapag laking Sunday School ka at laging ibinibilin yan sa inyo. Kahit mema lang, kakausapin ka. Pero siyempre gusto kong maniwala na welcoming talaga sila. Siguro dahil minsan lang may bumisitang kabataan sa simbahan nila. O kaya naman ay dahil dama nila ako bilang laking Sunday School din.
Nagpakilala ako at nagkuwento tungkol sa kung bakit ako napadpad sa bayan ng Padre Garcia, hinahanap ko kasi ang true love ko. Siyempre, walang maniniwala kahit ikaw. Nagkuwento ako tungkol sa trabaho, sa pamilya, sa buhay mag-isa (apart- ment).
Hindi ko namalayan na ang dami ko na palang nakuwento. E sila e, kinig sila ng kinig. All ears sila sa bawat sabihin ko kaya daldal lang ako ng daldal. Pakiramdam ko kasi kahit mabigatan pa sila, e ano ngayon hindi ko naman sila kilala. Kung marami akong problema, e ano naman, hindi naman nila ako kilala. Kung maipahiya ko ang sarili ko sa kakukuwento, kung magmukha man akong mahinang laking-Sunday School, e ano ngayon puwede ko naman silang di na balikan dahil bisita lang ako.
Pero iba yung pakiramdam na may makikinig sa problema mo na alam mo na hindi sila tatanggap ng ganoong kalaking damage. Kesa ikuwento ko sa mga kaibigan ko na baka makadagdag pa'ko sa dinadala, di ba? Parang kailangan ko lang ng makikinig a at walang sasabihing kung anumang Christian cliches. Pagkatapos kong magkuwento, nanalangin si black-nailed girl. Pakiramdam ko nagkaro'n ako ng lil' bros and sizzies nang umagan 'yun.
At kahit Linggo na, hindi pa rin ako tinantanan ng trabaho-stuff. May isang nag-abot sa'kin ng kamay; pamilyar ang mukha, si MAO; 'yung Municipal Agriculturist na implementing partner ko sana sa mga agricultural projects ko. Maya-maya may miyembro pala ro'n ng ERPAT o 'yung samahan ng mga katatayan empowerment. Baka raw puwede akong sumama sa planning ng CCF for bridging ministries nila; para maitulay natin si Hesus sa mga komunidad. Noted, kako.
Bilang first time visitor, siyempre nahihiya-hiya ka pa. Bago ko umuwi, nagkape at nagpansit muna kami sa kusina nila.
Pasasalamat:
Sa CCF-Padre Garcia - para sa inyong malamig na pagtanggap dahil ang liit lang ng kapilya n'yo pero tatlo ang erkon n'yo. Salamat sa kape at pansit. Salamat sa pakikinig, mga ka-Elevate. E-love-it!
Kay Boss - para sa panibagong mga kaibigan at panibagong bukas na pinto para sa makakaagapay sa pagtulong sa mga nasa laylayan. Salamat din sa pag-aangat sa'kin kapag ako naman ang nasa laylayan.
No comments:
Post a Comment