Medyo nakakapagod na ring mag-uwian
araw-araw mula sa munisipyo namin sa Padre Garcia hanggang sa bahay namin sa
Tiaong. Kinakain ang halos isa’t kalahating oras ko sa biyahe; kinakain ng paghihintay
sa pag-alis sa terminal at paghihintay sa bawat kanto. Pagdating ko sa bahay
pagod na pagod lalo ako. Kapag naman sa umaga, naka-alarm ako ng 4:48 n.u. para
mag-umpisa nang mag-morning rituals bago pumuntang Garcia, at mag-almusal ng
kape na sawsawan ng mga kabuwisitan sa bahay. Hasel mag-uwian.
PERO, nakakatipid ako ng malaki.
Sa bahay maraming kalaban. Kalaban ko ang
telebisyon. Kalaban ko ang kaligaligan ng tatay kong maghapong naka-tayo sa
bangko. Kalaban ko ang dakdak ng nanay kong walang benta sa palengke. Kalaban
ko si RR, kapatid kong pinaglihi sa lintang inas’nan. Hindi ako makapagtrabaho.
Hindi makapag-aral. Hindi makapagsulat. Hasel umuwi.
PERO, nakakatipid ako ng malaki.
Kaya tatlong buwan kong tiniis talaga na
mag-uwian. Delayed din kasi ang suweldo namin sa gobyerno. Subalit, habang
tumatagal ay tumitindi ang ka-badtripan ko every morning na parang nanadyang
itatapat sa araw na may iskedyul ako sa baranggay. Ibig sabihin papasok ako ng
bad trip pero hindi ako puwedeng humarap na busakot, lamukot, at simangot ang
mukha. Hindi ‘yun ang itsura ng lumalaban sa kahirapan. Hindi ‘yun
nakakapagbigay ng pag-asa kaya nagpupumilit akong mag-ayos ng sarili; kaluluwa
at kautakan; nagpupumilit akong mag-excrete ng serotonin at dopamine sa dyip.
Parang kailangan ko nang gumastos talaga.
Naghanap na’ko ng bahay o kaya kuwarto sa
Padre Garcia. Kailangan ko nang lumubog sa bayan ko. Kailangan ko nang
masinsinang mag-aral. Kailangan ko na ng katahimikan. Pero ang pinaka totoo ay
nagkaroon ng pagsabog ng tatlong bulkan sa loob ng aming bahay. Ako vs. Papa
vs. Mama. Nasabi ko nang ‘maghahanap na’ko ng lilipatan’ in a proud manner kaya
kasubuan na. Kailangan ko nang gumastos ng 5-7K kada buwan kumpara sa normal kong
gastos na 4K kung uwian ako. Investment na rin ‘yung 3K para sa sarili kasi nga
‘di ba, independent variable na ako.
Matagal nang may ino-offer sa’kin si Mam
Galela ang Municipal Social Worker Department Head ng munisipyo ng Padre Garcia
(P2.5K + kuyente at tubig). Sabi ko lang noon ay nag-uuwian pa ako at mas tipid
pero ayoko talaga sanang sa apartment n’ya tumira. Strong kasi ang personality
ni Mam Galela, mas strong pa kesa sa hepe ng Pulisya namin. Kapag nagtanong ako
tungkol sa bahay considered occupant na agad ako. Hindi na ako makakapag-check
kung ok ba yung lugar sa’kin o hindi. Hindi na rin ako makakapagreklamo. Kaya
sinuyod ko talaga ang Poblacion para malapit lang din sa munisipyo at hindi
na’ko mamasahe. Naghanap talaga ako ng ibang malilipatan.
Meron akong tiningnan na kulay dilaw na
bahay na may dalawang kwarto, sala, CR, at malawak na dirty kitchen, kasya ang
walong tao, pero hindi kasya sa budget ko dahil P4K +kuryente at tubig! Meron
namang kulay green na hilera ng mga apartment kaya lang wala naman daw na
bakante. Meron ding mga paskin na tinext
ko kaya lang di ko kaya ang mga presyo P3k, P3.5K, P4K with garahe at malayong
lakad na mula sa Munisipyo; nasa kabilang baranggay na. May nakita akong hilera
ng mga kuwarto tapos hiwalay ang mga banyo at labahan, P1.6K lang kaya lang ang
dilim sa loob at parang yungib ng droga at prostitusyon. Mukha lang naman, pero
parang ligtas naman kasi may mga nakatira doong mga bata.
Naalala ko merong inialok sa’kin si Mam
Sol, Municipal Link namin sa Pantawid; aalis na raw kasi ang kapit-bahay nila.
Tatlong tambling lang ‘yung apartment mula sa opisina namin at P2.5K lang daw
‘yun pero kasya na ang isang pamilya. Pagdating ko ron ay wala si Mam Sol,
‘yung matandang lalaking landlord lang ang naabutan ko. Ito ang naging takbo ng
convo namin:
“Sino po may-ari ng apartment?”
“Amin ‘yan bakit?”
“Magkano ba budget mo?”
“Magkano po ba sa bakante?”
“E, P2.8K ‘yan. Kaya mo ba?”
“Puwede ho bang tingnan muna?”
“E siyempre may budget ka, magkano ba
budget mo? Kaya mo ba 2-8? Baka masayang lang ang oras tapos hindi mo pala
kaya”
“Baka mamaya hindi ka pala magtatagal,
kailangan namin dito ‘yung magtatagal”
Nilayasan ko rin agad si lolo. E P2.5K lang
ang offer kena Mam Sol, tapos sa’kin ay P2.8K? Ano ‘yun para kapag tumawad ako
ibibigay n’ya ng P2.5K at mukha pa s’yang mabait at naka-sulit ako? Nek-nek
n’ya. Kaya ko naman sana ’yung P2.8K e, ayoko lang na nagsisigurado lang s’ya
ng kita kahit na hindi naman maayos ang tinitirahan ng magiging occupants n’ya.
Ang tingin na agad sa’kin ay 1 month deposit at 2 months advance. Tao kaya ako
na naghahanap ng masisilungan at basang-basa ng pawis dahil ang init ng lakad
ko pati na ng ulo. Hanap na lang ulet ako ng iba.
Merong kumuha ng atensyon ko. Isang
maliit na mukhang lumang paupahan na may medyo malawak na harapan pero makalat
lang. Kaunting linis lang ‘to pwede na kako. Wala akong makitang mapagtanungang
kundi isang batang nakasakay sa traysikel, si Gab.
“Bata may nakatira ba rito?”
“Wala po.”
“Sino may-ari?”
“’yung lalaki pong laging nan’dyan sa may
tindahan”
“Asan s’ya?”
“Baka po nasa isa pa n’yang bahay”
“Pinapatir’han ba ito? (‘yung bahay)”
“Kuya, ‘wag po d’yan. May nag-aaswang po
d’yan”
“Anong nag-aaswang?”
“May namatay po d’yan”
Ok. Bumagsak din ako paupahan nina Mam
Galela (P2.5K + kuyente + tubig). Pero good news, hindi naman daw pala doon
nakatira sina Mam. So, hindi n’ya ko pwedeng katukin para sa proposals. Tsaka,
hindi ako makapaniwala na ganito pala ‘yung itsura ng P2.5K, baka makuwestiyon
ako ng PCGG sa itsura ng bahay ko. ‘Yung gilid lang ng bahay na ‘yun yung
inuupahan ko. May puting pintura at pulang accents, malinis ang tiles, medyo
oks na rin ang banyo (+ shower:), maayos na lababo, at maliit na wash area.
Nakita ko kagad ang sarili kong
nagtatrabaho, nag-aaral, nagbabasa, at nagsusulat sa bahay ko.
Ang Tahanan ko as of Hulyo 29,2016
No comments:
Post a Comment