Monday, August 22, 2016

Agosto 22, 2016

Ang aga kong pumasok ngayon. Paano mag-aalas singko pa lang ay umalis na si Roy. Dapat nga ay alas tres ang kanyang alarm pero hindi n'ya lang nai-set. Hinintay ko lang s'yang makasakay at naligo na ako. Mga 7: 05 n.u. ako umalis ng bahay kahit 6: 40 n.u. pa ako nakahanda. Medyo nagpatugtog pa ako ng mga praise songs sa kuwarto at nag-ala charismatic talaga kebs na kung mukhang ewan at natatawa nga ako sa sarili ko. E mag-isa lang naman ako sa bahay. Maige ring pampapawis ang 'One Way'. Nagpataas ng enerhiya at nagpadaloy ng dugo.

Tapos, ayun na nga pakandi-kandirit akong umalis papuntang munisipyo na tatlong tambling lang mula sa bahay. Eksayted sa flag ceremony at umawit ng imno ng Padre Garcia. Bumati sa mga kapwa kawani na mukhang ganado rin ngayong linggo. Nakakatuwa yung kumukumpas sa Lupang Hinirang ang tigas at may diin ang kanyang kumpas. Parang sinasabing umawit kami at tumingala sa watawat ng may dignidad at taas-noo. May tigas din ang nanguna sa panunumpa ng mga kawani ng gobyerno lalo na sa bahaging hindi dapat gagamitin ang aming panunungkulan sa pansariling kapakanan. May epek pala talaga ang mga panunumpa at seremonyas.

Habang nasa mataas na bahagi na kami ng imno ng Padre Garcia at batak na ang babagtingang-tinig dahil sa pagpapalit ng key; habang umaawit ng 'mabuhay' ay may mga lumilipad na kalapati at kumakandi-kandirit na paru-paro. Malayong-malayo sa kalagayan ng Syria ngayon. Sana ay payapa rin sa ibang mga bayan. Sana ay ganado at may 'tigas' din ang mga kawani nila. Sana kahit hindi pa man nasa first world ay sagana naman tayo sa kapayapaan.

Iba ang wagayway ng watawat ngayon.
Anong problema ko?
Ang inam lang ng lasa ng payapa at malaya.

Meron palang palaisipan si Budget Officer. Ano raw tagalog sa Budget Office? May nagsabing Tanggapan ng Tagatasa. Hindi, Assesor 'yun. May nagsabing Tanggapan ng Tagatuos. Hindi, Accounting 'yun. Bibigyan daw ng 100 pisong pang load. Lalong nagkagulo pero konpidente si Budget na walang makakasagot. Sirit na? Tanggapan ng Laang-Gugol.

Pero 'wag daw s'yang tawaging Gugol. Oks na raw ang Budget.



Dyord
Agosto 22, 2016
Pantawid Office
Padre Garcia


No comments: