Tuesday, November 29, 2016
















Sa mga oras na akala natin
Tapos na ang mabuting hangarin
Doon unti-unting nagpapakita
Ang dilim na pilit humihila

Hanggang ang ating isip maghinuha
Saan patungo ang bawat patak ng luha
Anong kahahantungan ng butong kumukuba
Kailan matatapos at anong mapapala

Subalit doon masusubok ang utak
Ang dugong sa puso'y pumapatak
Di lamang kung sino ang ipinunta
Kundi bakit nga ba ihinakbang ang mga paa?


(c) Cervin Bariso
Balbalan, Kalinga
MSWDO
Nobyembre 02, 2016

Sunday, November 27, 2016

Dalawang Masaya

Kanina sa dyip merong nakisuyo ng bayad;

"Dalawa pong Masaya"

Napangiti naman ako. Buti pa kayo, sa isip-isip ko. Sana pala nung nagbayad ako sinabi kong isa nga pong pagod. Pero hindi naman malungkot. Pero hindi rin naman masaya. O kaya sana pala sinabi ko; "isa nga pong gutom".

Hindi ko yata nakita yung instructions na dapat kasabay ng bayad mo ay 'yung pagsasabi ng feelings mo ngayon. Pa'no nga kung ganun. Kung masaya ka, oks lang kahit magkano ang isukli sa'yo? Kasi ang mahalaga, masaya ka naman ngayon? Paano kung malungkot ka? May 20% discount ka na bilang pakikiramay sa pinagdadaanan mo? 

Tiningnan ko 'yung dalawang Masaya. Mukha naman ngang masaya sina Ate. Siguro dahil may dala silang dalawa ring kahon ng Goldilocks. Baka bertdey nila o ng pamangkin nila kaya masaya sila. Baka dahil ngayon lang ulit silang nagkitang magkaibigan. Baka dahil kakalaya lang nila pareho sa kanilang mga tanikalang relasyon? Ang mahalaga dalawa silang masaya.

Nasa isang farm ako ngayon. Sa harap ng banayad na asul na tubig sa pool. Nalililiman ng kubong magara. Hindi masaya. Hindi rin naman malungkot.

Friday, November 25, 2016

Nabasa ko 'yung 'Querna Dose'

Nakabisita ka na ba sa Bilibid?

Kung hindi pa ay itu-tour ka ni father Art sa mapanghi nilang banyo, sikip nilang selda, masigla nilang talipapa, at sa madilim na mundo ng Bilibid. Sa Querna Dose, kung saan s’ya nakapiiit ay ipapakilala n’ya sa’yo ang iba’t ibang mga tao gaya nina Paeng, Nardo, at Lito; na may iba’t iba ring tanikala kahit nasa iisa namang selda. Ikukwento n’ya rin sa’yo kung anung ginagawa ng isang paring gaya n’ya sa loob ng Bilibid at kung paanong pari ma’y makasalanan din.

Isa sa mga katangian ng nobela ay ang pagiging napapanahon. Mainit at magulo ngayon ang klimang politikal dahil sa diumano’y nakunsinteng baluktot na siste sa Bilibid. Ang tunay ay hindi magulo ang siste sa Bilibid. May maayos na siste ang mga gangs at sindikato sa loob. May madulas na transaksyon ng mga ipinagbabawal na gamot. May mga pampadulas para ipuslit nag mga mamahaling alak, magarang jacuzzi, flat t.v., at iba pang karangyaan ng mga maliliit na panginoon sa loob ng Maximum Security Compound. Organized at mas mabilis pa nga ang mga drug syndicates kaysa sa siste ng hustisya ng bansa. Maiinis ka pa kay Judge Bagatsing.

Sinasalamin din nito ang katotohanang ang buhay ay masyadong mapait para sa mga nasa loob ng Bilibid. Isa sa mga di mapapalitang bagay sa buhay natin ay ang kalayaan at mapait ang mawala ito dahil sa ginawa nating kasalanan. “At gaya rin sa labas, komunidad din ‘to ng mga makasalanang araw-araw ay binibigyan ng pagkakataong mamili sa pagitan ng tama o mali”. Kaibahan nga lang sa paghihintay at paghahangad nila ng mailap na kalayaan ay araw-araw din nilang naalala ang kasalanang ginawa. Paulit-ulit na hinuhusgahan ang sarili.

Spoiler Alert: Hindi lang ako nabigyan ng closure sa sinapit ni Paeng, ni father Art, Nardo, at Lito sa katapusan ng nobela. Naging makabuluhan ba ang sakripisyo ni father Art? Mabubuhay pa kaya si father Art? Makakalusot pa rin ba si Paeng sa mga kuko ni Don-Don? Tatakas pa rin kaya s’ya? Anong gagawin n’ya sa pera sa lata?Marami lang tanong na naiwan sa’kin.

Iba-iba ang pagtingin ng mga nasa Bilibid sa paglaya. Si Paeng, sa bawat pagkalansing ng takip ng lata ay naririnig n’ya ang palapit na paglaya. Pagtakas ang nakikita nyang pag-asa ng kalayaan. Si Nardo ay malaya naman talaga sa sarili n’yang mundo. S’ya pa nga sa tingin ko ang pinaka malayo sa lahat ng paghihirap sa loob. Si father Art at Lito ay ang pagbabagong buhay ang ibig sabihin ng kalayaan; ang hindi pagpapatawad sa sarili ay ang ibig sabihin ng pagkakabilanggo.

Ang Querna Dose ay isang nobela ni Celine Rose C. Gano at nilimbag ng CCG Publishing. 

Friday, November 18, 2016

Tumatambay....lalala

Nagpatawag ng meeting para sa mga field workers ng Batangas.
Kung kelan aligaga na sa paghahagilap ng participants para sa mga dumating nang mga proyekto. Kung kailan may kasalukuyang nag-iimplement ng kani-kanilang proyekto. Kung kailan ang daming hinihinging papel sa’min. Pero kung hindi naman kami magmi-meeting ngayon ay kailan pa nga naman.

Welcome to DSWD, kung saan wala kaming time at kailangang maging present sa iba’t ibang lugar at the same time. Nakatapos naman kami sa ilang agenda namin; mga dalawa. Nananghalian at nanood muna ng graduation ng isang skills training bago mag-resume. Kaya lang, the unexpected happen. Late dumating ‘yung mula sa Regional Office na may dalang pera na tulong para sa mga mag-uumpisa nang magtrabaho. Pagdating n’ya, wala pala s’yang dalang pera. Tonenong!

Meron pa namang mga kalahok sa training na uuwi pa sa Tingloy. Pinakiusapan pa naman ang last trip na iuurong mula alas tres to alas kwatro. Hindi ko alam kung paanong uuwi ‘yung mga ‘yun. Wala na silang alloted budget para sa dinner at accomodation dahil papasok na ang susunod na batch ng trainees. Sa madaling sabi, kailangang maipamahagi ang Pre-Employment Assistance Fund (PEAF) ngayon. Kulang na lang sabihin dun sa taga-Region, “we don’t need you, we need cash.”

May mga dahilan s’ya kung bakit dumating s’yang walang dalang pera. Pero... walang pero-pero at pera-pera lang. Hindi sapat na dahilan para hindi ituloy ang pamamahagi ng PEAF. Kailangang ay maibaba ang Region ngayon. Kaya isinunod ang PEAF at hinintay ng mga kalahok na eksayted nang magtrabaho. Kaya naantala ang meeting namin, dahil si Kuya/Sir Donards ay abala sa pagto-trouble shoot ng problema. Sa kanya nanggagaling lahat ng agenda.

Marami sa’min observer lang. Siyempre, hindi naman kami pwedeng makisawsaw. Baka lalong mapanis ang sabaw sa dami ng kusinero. Marami sa oras namin nasa dining hall kung saan kami nagmi-meeting. May free flowing na kape. May 42-inches na flatscreen TV. May pancit na meryenda. Nakasalampak sa comfy na wooden chair at may yapos pa akong unan habang nagcha-channel surfing. Biro ni Ate Diane; “grabe, gobyernong gobyerno nga tayo.” Kung babasahin namin ang perspektibo ng mga kusinera; malamang iniisip nilang “wala ngang ginagawa ang gobyerno; totoo nga ‘yung mga balita” habang ihinahanda ang hapunan namin.

‘yung iba naming kasamahan; abala sa pamamahagi ng PEAF na gabi na ring nakarating. ‘yung marami abala naman sa paghahanap pa ng mga karagdagang participants. Gabi na nang matapos ang payout ng PEAF. Sana ay makauwi ng ligtas lahat ng mga ihinatid na mga kalahok sa kani-kanilang mga bayan. Pagbalik ko sa dining hall, umupo muna ako saglit sabay alok ng isa sa mga kusinera; “Ser, beer?”

Wala ho bang Yakult?, biro ko.


Dyord
Nobyembre 16, 2016
KAHARIAM Farms, Ibaan




Tuesday, November 15, 2016

Nobyembre 08, 2016

Medyo nagbabangayan na naman dito sa training namin sa Makati Palace.

Tungkol ito ngayon sa SLPIS, o sa sopistikadong Information System ng programa kung saan ini-encode ang lahat ng participants at makikita kung ano na ba ang nangyari sa kanila sa isang click lang. Maganda ang layunin ng information system, kaya lang masyado itong sopistikado para sa siksik, liglig, at umaapaw na work load ng mga 'tao sa baba'. Kung ako ang tatanungin, hindi s'ya kasama sa priority task na dapat matapusan. Hinahanap ko nga ito sa pinirmahan kong kontrata, baka kasama na naman ito sa other related tasks.

Hindi ako nakikisali. Una, wala akong masyadong alam sa pinag-uusapan. Pangalawa, si Alvin halos ang nagtuloy ng encoding works ko. Pangatlo, absent ako ng limang araw at kababalik ko lang. Kaya nagpalamig-lamig lang muna ako sa Makati Palace. Hindi ko rin kasi makita ang relevance ng inofrmation system sa buhay ko bilang project developer. 

Habang nagbabangayan kami rito ay ginugunita sa Tacloban ang ikatlong anibersaryo ng pagtama ng Super Typhoon Yolanda. Nakita ko ang pic ni Sec. Judy Taguiwalo na nagche-check ng mga liquidation papers. At sa P 25.6 B na housing funds ay may natitira pang P 20.7 B. Mahirap naman talagang mag-disburse ng P 3 Bilyong piso sa tatlong taon lalo na kung conventional disbursement methods ang ginagawa nila. Pero kung hindi ito ipa-prioritize at sa ganitong klaseng disbursement speed, aabutin ng dalawang dekada bago matapos ipamahagi sa mga nasalanta ni Yolanda ang housing funds. Alam ba natin kung kailan ulit darating ang delubyo? O saka na lang ulit poproblemahin kapag nariyan na?

...

Nagkalat din ang #PrayforEight. Ngayon pala nagdedesisyon ang Korte Suprema at kasuklamsuklam na hindi sila pumanig sa hustisya. Parang wala na kong naririnig sa mga nagsasalita sa paligid. Nasaan ba talaga ang problema? Nasa akin? Nasa sistema? O nasa meryenda naming strawberry cake na kulang sa tamis?

Pagkatapos ng maghapon, umakyat agad ako sa 2106. Nagbukas ng TV at balak mag-channel surfing, malayo sa mga bali-balita. Nahagip ko si Ate V, alam ko na agad na si Lea Bustamante ang nasa CinemaOne kahit hindi ko pa napapanood ang 'Bata, Bata, Paano ka Ginawa?'. Basta, alam ko si Lea Bustamante nga s'ya. Nakakalungkot lang dahil patapos na 'yung pelikula. Nasa eksena na nagsasalita s'ya sa isang graduation ceremony at nagnanais na magpamana ng isang disente at makataong lipunan para sa mga bata. Mas nakakalungkot dahil parang hindi pa ito ang lipunang 'yun.

Nagtungo na lang ako sa banyo. Pinuno ng tubig ang bath tub at nag-bubble bath.

Truuuu...

Wala na akong ibang gusting marinig ngayon
Kundi 'yung boses mo
'yung matagal ko nang hinihintay
na "hello" mo
'yung malambing mong boses
na magpapahupa
ng nag-aagam-agam kong kasing-kasing
'yung pagtatanong mo ng anu bang problema ko
'yun lang.
'yun lang naman.

Nakainan kasi ako
Ng pera sa ATM
'yun lang naman.
Limang araw ding sweldo
Kaya sagutin mo na ako.


#
Dyord
Nobyembre 15, 2016
MSWDO

Monday, November 14, 2016

I’m Home.


Nagising ako sa tabi ni Cerv. Mga alas-kwatro pa lang pala. Ansakit ng t’yan ko gawa ng erkon yata. Jumebs ulit ako pero parang utot lang ang lumabas. Bago lumabas ng banyo nagsalamin muna ako. Mas nagising ako sa napansin ko sa pinahiram sa’king damit ni Cervin. May nakaburdang JORD. All Caps. Napakunot lang ako.

Pagbalik ko ng kwarto, patay na ang erkon pero malamig pa rin. Natulog akong muli.

Paggising ko, tulog na tulog pa rin sina Cervin at Kuya Fred. Nagbabawi ang dalawa. Si Kuya Fred kasi ay naka dalawang linggo rin sa disaster response sa Cagayan. Ako, lumabas na para bumili ng silog. Naghanap talaga akoat mapalad na meron sa malapit. Bumili ako para sa’ming tatlo bago nag-prep para pumasok. Sa loob ng halos dalawang lingo kasi, may naghahanda lang ng pagkain ko para sa’kin, gusto ko sana ako naman ang maghahanda bago ako umalis.

Ginising ko si Cerv para may makasabay sa pagkain. Parang ayoko pa ngang umalis kasi. Nakakainis.

Umalis din ako ng mag-aalas-nuebe na ng umaga papuntang Makati Palace. Nag-taxi na ako. Saktong pagdating ko ron ay 9:59; isang minute bago magsimula ang kumperensya. Ang naging panalagin ay isang awit: Amazing Grace. Parang pinupukpok ang puso ko nang bumabalik sa alaala ko ‘yung mga pinagdaanan ko sa Isabela at Kalinga. ‘yung masasayang mga bata sa natanggap na ilaw. ‘yung mapagkalingang mga nanay na ipakain na sa inyo lahat bago sila. ‘yung mga tatay na nakikibuhat ng mga goods. ‘yung init ng pagtanggap at mga kapeng Kalinga. ‘yung matatarik na bangin at mala-kabilang mundo na mga talon sa luntiang kurtina ng mga bundok. Umagos din ang luha ko hanggang sa mga liriko ng pambansang awit, tunay na bayang magiliw sa kabila ng labing-isa nang bagyong tumama ngayong taon.

Pagkaupo namin, tinanong ako ni Leanne kung kumusta ang pagpunta ko sa Kalinga. Ang nasabi ko lang ay “I’m home.” Pero ayoko pa sanang umuwi. Pero ayoko pa sanang mahiwalay. Pero lahat naman ng paglalayas ay nagtatapos sa pag-uwi. Dakilang biyayang nakabalik pa na may mga naiwang piraso pero nakauwing mas buo.


Isang Maghapon sa Antipolo

Isang Maghapon sa Antipolo

Dumating kami ng Maynila ng mga alas diyes pasado na ng umaga. Sigaw nang sigaw si Kuya Bong, ‘yung volunteer driver namin, nang makakita s’ya ng maraming sasakyan at matataas na gusali. Mas gusto na raw n’ya ang traffic ngayon kaysa kalsadang malubak, maputik, at madulas na malapit sa matatarik na bangin sa Kalinga. Pero mas mahikal at maalindog pa rin ang mga bundok sa Kalinga.

Sa sasakyan na kami nakinig ng pangangaral. Linggo kasi ngayon. Sa warehouse sa Pasig, pagkatapos ibaba lahat ng mga gamit at bago naghiwa-hiwalay, ay nagpasalamat muna sa panalangin si Cervin. Ang init sa pakiramdam, hindi ko alam kung init ba ‘yun ng Maynila. Parang kelan lang ay papaalis pa lang kami ng warehouse pa’ Kalinga at di pa magkakakilala.

Nagmadali rin kami ni Cervin umuwi sa dorm nila. Jebs na jebs na rin kase ko. Ay oo nga pala, hindi pa ko uuwi sa’min. Pupuntahan namin si Jaide, taga-Finance department dahil namatay ‘yung nanay n’ya nang nasa Kalinga pa kami at ngayong araw na ang libing. Nandun ako nang dumaan sa opisina nila si Inang para dalhin sa ospital. Nakasama ko na rin matulog si Jaide. Pakiramdam ko tuloy, dapat akong makiramay.

Naligo lang kami ng mabilisan. Nanghiram lang ako ng damit kay Kuya A dahil puro tubal na ang damit ko. Si Cervin, may nahalwat pa sa damitan n’ya. Tumulak din agad kami papuntang Old Boso-Boso, Antipolo. Unang beses ko ro’n at medyo pa-bundok din pala ang Antipolo. Maraming apelyidong Ynares kung saan-saan. Narating namin ang kena Jaide ilang minuto bago ito dalhin sa libingan. Ayun si Jaide, umiiyak pero di na masyadong malungkot.

Alam kong super friends sila ni Cervin kaya kitang malungkot din ito. Malungkot at pagod gaya ko. Kuwento-kuwento habang kumakain ng pansit at tinapay matapos ang paghahatid kay Inang. Nabanggit ng bespren at kababata ni Jaide na dapat sana’y hanggang college sila magkaklase kaya lang ay di pumayag si Inang na mag-Nursing si Jaide dahil pambading lang daw ‘yun. Halos puro babae kasi ang nurses noon. Kaya naging accountant si Jaide sa NGO kung saan writer naman si Crervin. Si Jaide at Kuya A talaga ang magka-department sa Finance.

Bago umalis ay bumeso-beso pa kami sa Ate ni Jaide na anim na taon palang daycare worker sa Antipolo. Tinuro pa sa’min ni Jaide na ‘yung lumang simbahan na pinagshootingan ng isang telenobela ni Dingdong Dantes. Bumili rin ako ng briefs sa tiangge, 3-4-100, bago sumakay ng trayk. Wala na kasi akong gagamitin.

Si Kuya A ang navigator namin. Pumunta muna kami ng Robinson para dalawin ang mall show ng Oyayi. Bagong children’s show ng CBN Philippines na tungkol sa kabutihang asal, na may kasamang conservation at culture. Si Kuya A pala ang nag-choreo ng Oyayi theme song. S’ya rin ang nag-choreo ng Salvation Poem na theme song naman ng Superbook. Tapos na nga lang ‘yung show kaya nagpa-picture na lang kami sa maskot na Philippine Eagle.

Pumunta rin kami sa may simbahan. Ano raw gagawin namin dun sabi ni Cervin. Magpapasalamat? Dun kasi ang sakayan papuntang Ayala na dadaan ng Pasig, pauwi. Ang daming tao sa Antipolo kapag Linggo. Ang dami ring kakanin. Binanatan namin ay ang simbang gabi classic na bibingka at puto bung-bong kasama ng mainit na tsaa. Lasang-lasa ko ‘yung mantikilya na humahalo sa mayabong puto bung-bong.

Iniisip ko habang nakasakay sa UV express, pumunta ba talaga ako ron para makiramay kay Jaide o dahil ayoko pa lang mahiwalay kena Cervin? Nagkaro’n nga ako ng pising nakatali sa mga naransan namin sa Isabela at Kalinga. Mukhang mag-aayos na naman ako ng mga buhol sa dibdib. Mukhang mamimingaw na naman ako. Ayokong may nami-miss.

Pagdating namin umuwi lang ako sa dorm nina Cervin para kunin ang mga labahin. Magpapa-laundry kami ni Kuya A, ‘yung pagkalabas ay tuyo na agad. Kailangan ko kasing gamitin para sa tatlong araw na training sa Makati simula Lunes. Wala nang hinga-hinga, babalik na ngang muli sa trabaho. Inabot na rin kami ng alas nuebe, nabasa ko ang teks ni Cervin, kumain na raw s’ya at inaantok na talaga.

Tumabi na lang daw ulit ako sa pagtulog.
#



Friday, November 11, 2016

When Alas Dose Comes

Pauwi kami mula Kalinga at medyo high na high ako sa hilo at antok. Nagising na lang ako sa Nueva Vizcaya. Sa may Chowking. Kakain kami ng dinner. Time check: 12am.

Halos alas nuwebe na kasi kami nakalabas ng Tabuk, Kalinga at wala nang makainan. Hindi pa naman ganun nakakabawi ang Kalinga lalo na pagdating sa kuryente kaya wala na kaming makainan ng hapunan. Sa Nueva Vizcaya na kami nakakita at nagising para kumain. Umorder ako ng matamis na Shanghai-topped Chowfan pero nung dumating 'yung order ni Cervin na Tofu, mainit na Molo, at Chowfan; parang mas trip ko 'yun. Nanghingi na lang ako.


Kahit mumukat-mukat pa'ko. May napansin ako sa kabilang table. Alam ko nurse s'ya sa suot n'ya unipormeng puting-puti katabi n'ya ay isang lalaking may goatee. Nagtatawanan sila. Hating-gabi siguro ang break time ni Ate Nurse o katatapos lang n'ya ng shift sa ospital at umaga naman nagtatrabaho si Kuya Goatee kaya alas-dose sila lumabas. O sinorpresa lang n'ya si Ate Nurse pagkatapos nito ng shift, pero mukhang ganitong oras lang talaga sila nagkikita sa panukat ko. 


Mas gusto nilang magkita habang natutulog na ang marami sa mapanghusgang lipunan. Mas gusto nilang makita ang isa't isa; pampawala ng pagod pagkatapos ng shift at pampalakas bago pumasok ng trabaho. Hindi ko alam ang pinag-uusapan nila pero tawa sila nang tawa. Nakakabuntong hininga at nakakataba ng pisngi silang tingan. Parang gusto kong batuhin ng siomai. Gusto ko sanang humagilap ng tissue paper at sulatan ng "walang forever" sabay iwan sa lamesa nila. Biro lang.


'yung mga ngiti nila mas matamis pa sa sawsawan ng shanghai at mas mainit pa sa sabaw ng Molo.


Nobyembre 05, 2016

Day 9

Nagkukunwari lang ako na hindi ako eksayted makita sina Cervin at Team Anthony nang makarating sa Munisipyo ng Balbalan. Halatang nag-alala ang mga mokong. Kami rin naman. Pranela nga raw ang mga ito kada lumalagabog ang pinto sa Episcopalian Parsonage dahil iilan lang silang natulog dun at naipit nga kami ng landslide sa may Talalang kagabi. Tumulak din kami kahapon pauwi sa Tabuk City para magplano para sa pagpunta sa Lubuagan para doon naman mamahagi ng tulong.

Maaga kaming gumising kung kelan nasa hotel na kami natulog. Bitin na bitin pero kailangang mag-maaga kami sa Lubuagin para makabalik din kami ng Maynila. Sa kabutihang palad nakapamigay kami ng solar lamps sa apat na baranggay. Sa kasamaang palad, nahilo na ako sa flexi, as in may10; may tendency na magsuka yung pagkahilo ko. Nakatulog na'ko halos dun sa dalawang brgy.

Nawala lang ang hilo ko nang makabili ako bahag na ginawa ko namang balabal.

Pauwi sa Maynila para na'kong nalango sa droga. Tapos na ang volunteer work ko. Parang ayoko pa. :(



Tuesday, November 8, 2016

Nobyembre 3-4, 2016

Day 7

Hayun, tumulak na kami papuntang assigned areas. Naghiwalay kami; Team Anthony at Team Asterio para matapos namin ng mabilis.

Pagpunta namin sa area. Blocked ang daan dahil sa landslide kaya nag-chill-chill muna kami sa isang Episcopalian Church. Grabe. Bago namin narating yung simbahan sa Bantoloy; nalula at kinabahan talaga kami sa daan. Ang tarik-tarik sobra ng mga daan at bangin. May mga waterfalls pa sa dadaanang kalsada. Nag-uuulan pa kasi kaya nagtututulas pa ang tubig mula sa taas.

Grabe. Mataas talaga yung lugar. Parang Baguio pero minus the concrete road. Ang dami ring magaganda pero nakakalulang tanawin. Kung nakakalipad lang sana ako kasama ng pinahiram na Go Pro.

Pagdating namin sa simbahan. Hinintay pa namin yung guide namin na Padi ng Anglican/Episcopalian church. Ire-review ko nga ang Church History lessons ko. Kumain kami ng adobo at tinola na niluto nina Past habang natutulog kami. Mga 2 hrs din kami natulog bago nakakain at dumating si Padi.
Naghiwalay ang team ng 3pm. Matapos ang halos isang oras na byahe napatigil kami sa bandang 30mins bago mag-Sittio Sesec-An kasi may gumuhong tipak ng lupa. Mga 10mins lang bago kami makarating dun. Bumalik na kami sa Balantoy dahil bukas na raw passable ang daan na yun. Na-meet namin dun yung Ex-vice Mayor, Kap ng Talalang, at si Cong na katulong namin sa pagpapa-clear sa daan at pagdidistribute ng solar lamps. Na-coordinate tuloy namin sila kahit walang signal sa lugar.

Pag-uwi namin ng Balantoy, gabi na pero wala pa rin sina Cerv. Nakapagluto na pero wala pa rin sina Cerv. Bumaba na yung gitak na lupa sa may Episcopalian Church kung san kami naka in-house pero wala pa rin sina Cervin. Nakatulog na nga ako ng dumating sila. Niliglig pa ko ni Cerv. Ewan ko, pero parang may concern na nga ako sa mga kasamahan ko. haha.

ensherep matulog kasi ang lemeg. bukas hindi ako maliligo.
#

Day 8

Hindi ako naligo. Nagpalit lang ako ng brief. Yung iba 3 days nang yun lang nang yun. Sanayan lang daw yan. Eeew. Ganito pala pag-DR. Dugyot at its best!

Nagdevotion ulit kami. Nag-almusal tapos tumulak na ulit kami. Dumaan muna kami ng Balbalan MSWDO. Nagpakilala at kumuha ng data. Ang ganda ng Information System nila. May data board ang mga communities. Parang isang malaking sketch sa isang board tapos may mga legends at label kung kaninong pamilya yun. Sino ang may CR at shared CR. Ano ang source ng kuryente, electric lines ba o hydro. Anong alagang hayop. Saan ang simbahan, daycare, at iba pang pasilidad.
Nakaderetso na rin kami sa Sittio Sesec-an, Talalang Proper, at Saltan kung saan naroon yung National Park. Grabe yung mga kuwento ng buhay na nakuha ko ron kahit saglitan ka lang makipag-usap sa mga tao ron. See story of Mam Fairylyn and her student Ishmael. Namigay din ako ng libro mula sa Project PAGbASA ro'n. Hays. Di lang ako makapagdetalye dahil mauga sa loob ng kotse.

Pinilit naming bumalik kahit maulan baka sakaling walang rock/landslide. Napatigil kami lagpas sa Brgy. Talalang Proper dahil may ilang bato sa daan. Kaya pang buhatin at alisin nina Kuya Alden at Jayson pero habang inaalis nila, nakailaw sila sa taas at baka may bumagsak pa. Bababa sana ako para makitulong, feeling superman, para lang mapabilis kasi nasa tapat kami ng malaking lupa. Pinigilan lang ako ni Kuya A dahil delikado raw.

Nakalagpas naman kami sa guho na yun. Kahit pa isa-isa lang ang hinga ko. Pero pagdating namin sa isa pang critical point, ayun malaking bato na ang nakahara. Nakakalungkot, di kami makakauwi ng Tabuk at makakabalik sa hotel para magshower. :/

Nakitulog kami sa Talalang Proper. Dito kami nagbigay ng solar light earlier. Pinapagstay nga kami para ipagluto pero kailangan talaga naming umusad na kanina, yun pala babalik din kami.

Maganda yung bahay na tinuluyan namin. May flat tv at kuryente mula sa generator. Isang konsehala pala may-ari nun, at mining community sila. Sabi nya nga raw, nang umapaw na ang Saltan River na nasa likuran ng bahay nila; "wala palang kuwenta ang pera at ginto, 'pag di ka naman makabili ng pagkain".

Oo, may gold bar sila. hihi. Sikret lang.
#

Monday, November 7, 2016

Nobyembre 7, 2016

Nagising ako sa dorm nina Cervin.

Nagligpit na ako ng gamit. Nagbasa-basa ng kaunti. Naghanda ng isusuot na uniporme. Bumili ng pang-almusal namin nina Kuya Fred. Isang hotsilog, dalawang tocilog, at isang extra rice at extra longganisa.

Ewan ko bakit parang eksayted akong pumunta ng trabaho ngayon. Kahit nanaginip ako na napapagalitan daw ako dahil limang araw akong absent sa trabaho. Kahit wala raw naniniwala sa'kin sa trabaho. Gustong-gusto ko nang magtrabaho ulit. Parang ipinanganak akong muli.

Sa kabilang banda, parang ayoko pang umalis. Tapos na ang volunteer mission pero parang may naiwang bahagi ng puso ko kung saan. Parang may mga piraso na naman ng puso ko ang naiwan pero mas nararamdamangkong kumpleto at sapat ako ngayon.

Kahit naiiga nang muli ang balon kong sinasalok. Kahit nga nagugutom na ang luma kong tampipi. Kahit na ang dami ko pang obligasyon sa buhay. Kaya ko lahat, sabi ng munting tinig.

Maliligo lang ako. Mag-aalmusal. Magbabalik nang muli sa dating hanapbuhay nang may bagong buhay.

Nakakainggit lang. Walang pasok sina Cerv ngayong Lunes.

Dyord
Bagong Ilog, Pasig
Nobyembrr 7, 2016

Sunday, November 6, 2016

Paano ba maging si Sally?


Si Cervin at si Sally sa Sta. Maria, Isabela



Napatanong ako, "Paano kaya maging katulad n'ya?" Naisip ko ito hindi dahil sa awa at iniisip ko'ng mas mababa siya kesa sa akin. Natanong ko ito sapagkat talagang s'ya ay kakaiba at napaka-espesyal. Paano kaya maging si Sally?
Si Sally, 11 taong gulang ay anak ng isa sa mga volunteers ng simbahan dito sa Isabela kung saan kami tumutuloy habang tumutulong sa mga taong nasalanta ng bagyong Lawin. Nitong umaga la'ng, bumisita s'ya bago pa man kami umalis ng simbahan. Sa kanyang pagpasok, niyakap n'ya kami isa-isa na parang matagal na n'ya kaming kakilala.
Ang isa sa amin ay tinawag n'yang Papa -- madalas n'ya daw itong tawag kahit kanino. Napalapit ang loob ng lahat kay Sally, isang masiyahin at napakalambing na bata.
Oo, madali mong malalaman na s'ya ay may down syndrome. Pero kapag nakasama mo si Sally kahit ng kalahating araw lamang, tiyak na mawawala ang iyong pagod at makakalimutan mo ang iyong problema. Hindi mo iisiping s'ya ay iba. Bagkos, hahanga ka kung paanong si Sally ay napaka-kakaiba.
Paano nga ba maging si Sally? Paano nga ba ngumiti maghapon? Paano nga ba magbigay ng mahigpit na yakap nang walang pinipiling panahon? Paano nga ba magpasaya ng mga taong 'di mo kakilala? Paano nga ba hindi mapagod sa pagkausap sa iba? Paano nga ba magbigay ng inspirasyon?
Isa lang ang itinuro sa akin ni Sally nang hindi niya nalalaman. Ang maging totoo sa sarili at sa iba. Si Sally ay si Sally. Ako ay ako. Ikaw ay ikaw. #TagalogTalaga #ParaWalaLang #SalamatPanginoon

Cervin Bariso
Oktubre 31, 2016, 9:26pm
Brgy. Lingaling, Sta. Maria, Isabela

Friday, November 4, 2016

Nobyembre 1-2, 2016

Day 5
Namahagi kami sa 8 baranggay ng solar lamps at kumot. Marami akong naging kaibigang bata. Marami-rami ring nabahaginan ng  aklat mula sa Project PAGbASA. Nakakatuwa na sa simpleng aklat ay masayang-masaya na sila. Sayang lang at hindi sapat ang bilang para ipamahagi sa lahat. Maraming magagandang kwento pa rin ang kusang lumutang na lang sa pagsusugod-baranggay namin.

Nakilala namin si Sally. :)

Mas sobrang nakakapagod pero nakatapos pa ako sa pagsulat ng dalawang kuwento. Sana ma-publish kahit isa man lang. Nahihiya naman ako kay Cervin na ang taas ng standard sa pagsusulat ng istorya. Pero may nadiskubre ako: ayaw n’ya ng pinupuri o kino-commend s’ya. <*evil grin>

#

Day 6

Nagbyahe na kami mula Isabela papuntang Kalinga para doon naman mamahagi ng tulong. Maikling oras lang naman ang biniyahe pero inantok talaga ako. Namigay na lang kami ng tubig ngayong hapon sa isang baranggay na nilulumot na ang paligid ng bukal nila. At di ko akalaing makikilala ko doon ang lider ng rebolusyon na si Katniss. Akala ko kapangalan lang talaga ng 1 & 8 months old na bata yung paborito kong fiction character pero cinonfirm ng nanay n’ya na sa Hunger Games nga ‘to kinuha.

Nagplannning lang kami ng halos buong araw.

Nagtampo pa ako kay Cervin. Mahabang kuwento e, baka sa ibang post ko na lang ilagay. O baka di ko na rin ma-post pagbalik dahil sa dami ng trabaho.

Ok na naman ako. Tinanggap ko na lang. Haha


#

Oktubre 30-31, 2016

Day 3

Zzzzzz…

Nagising ako ng alas tres ng madaling araw. Nag-stop over kami sa may 5-star comfort room sa Nueva Ecija. Ansaket sa t’yan ng kinain ko buong maghapon sa opisina: kwek-kwek, kape, tinola, kanin, tsokoleyt na biskwit, atbp. Kaya siguro nagrerenolusyon sa tiyan ko. Nailabas ko naman sa 5-star CR ang mga rebelde sa intestinal tract ko. Na-realize ko lang ang totoong problema nang maghuhugas na ako ng puwet, walang tubig!!!Tisyu lang. Nag-alkohol na lang ako ng kamay.

Tulog. Gising. Dungaw sa bintana. Tulog. Gising. Kain. Tulog.  Vvvroooooooooooooommm.....until 16 hours at touchdown Sta Maria, Isabela na kami! Sobrang sarap matulog.

Nakita ko na ang mga kakaharapin kong problema: ang maarte kong digestive tract lalo na ‘yung involved sa excretion, kailangang mailabas ko lahat ng sama ng loob ko on time or else mahihirapan akong magdala nito kapag relief operations na. Hindi dapat mapili sa palikuran kung nasa DR ka. Hindi ako sanay matulog ng may katabi. Si Bo at si Rr lang ang sanay akong karatig sa higaan. I just barely know these people na makakatabi ko ngayon  pero dapat alisin ang arte sa katawan at dapat sa pagtulog ay oks lang makatabi maging sino ka man.

Sige na, kaya ko na magbanyo kahit ano pa yan o matulog katabi ay maging sino ka man; pero ‘yung prevalence ng tipaklong sa tutulugan? Grabe. Ilang beses nang itinapon sa labas pero bumabalik pa rin. Kaya ko pa yung mga baby tipaks e, pero yung mga nasa teen ager at adult stage na at rinig na rinig ko na yung pagaspas ng pakpak at ramdam ang talas at gaspang ng paa; ansakit sa puso! At bakit ako talaga ang nililiparan ng mga anak ng tipaklong na mga to?! Pero dapat talaga tanggalin ang arte sa katawan at maging one with the nature na ako.

Bukas, pagkatapos ng pagsamba ay magdi-distribute na kami ng mga solar lamps at kumot.

#







Day 4

Sa simbahan nina Pastor Rodel kami nagsimba. Baptist din sila kaya parehas lang kami ng kinakanta. Nakapag-special number pa kaming walo sa response team ng Amazing Grace. Si Pastor Jay, na kasama naming Pastor ang nagbahagi ng mensahe nung umaga na ‘yon. Pang-MMK pala ang patotoo sa buhay ni Past. Pagkatapos ng church service saka kami nag-community service.

Naka apat na baranggay lang kami. Nakadalawang kuwento ng pagkawasak at pagbangon akong nasugagaan. Saka ko na lang ikukuwento ng buoan kasi kailangang ko pa ring isulat at ipasa ito sa social media page ng NGO para makahamon pa ng mga may pusong-makibahagi sa pgtulong o di kaya’y mapasalamatan man lang ang mga donors. Kapag na-publish sa website, check mo na lang.

Sobrang nakakapagod din kasi talaga. Nakakaiga ng lakas.


#

Oktubre 27-28, 2016

Day 1

Pasado alas-diyes dumating ako sa Bagong Ilog, Pasig. Isa na namang linggo ng pagbo-volunteer. This time, disaster response naman. Unang beses kong mag-disaster response. Hindi pa ako masyadong handa talaga. Ang dami kong kulang na gamit na dala. Nagmadali ako ng sobra.

Pagpasok ko sa opisina ng NGO na paglilingkuran, bumalandra sa’kin ang mga pamilyar na mukha. Meron ding mga bagong pangalan gaya nina Ate Rhona, the Graphic Artist, Ate Erica at Ate Eva , the Fundraisers, at si Laya, the Social Media Mgr. Si Cervin at Mam Gigi, mga lumang mukha na. Naamoy ko ulit ang simoy ng Guian, Eastern Samar nang umagang ‘yon.

Ikalimang volunteer mission ko na sa NGO. Iba-ibang programs na nila ang nasamahan ko at unang beses ko nga sa disaster reponse. Kaya brinief ako ni Laya tungkol sa mga reminders bago ako sumabak sa field. Sanay ka ba kung saan-saan lang natutulog? ‘yung totoo; hindi. Sanay ka ba sa mga rough? *Sabay flashes ng mga updates sa mga DR Team na lumalangaoy ng ilog sa Cagayan na pinsalado ng Bagyong Lawin. ‘yung totoo; hindi. Sanay ka bang magsulat? ‘yung totoo; oo naman medyo tamad lang. Tapos, naisip ko; sigurado ba ko sa pinasok kong ‘to? Isa sa mga mission ko ay tanggalin ang kaartehan sa katawan. #bilangnaangmgapabebedaysko

Medyo nagkaroon lang ng aberya sa pag-alis namin kaya ang output ko lang buong araw ay (1) maggupit ng 40 pcs na information fliers ng NGO. (2) Sumagot sa mga tanong ng mga bagong staffers. (3) Sumagot sa pangangamusta ng mga dating kakilala na. (4) Magbigay ng directives para maaccomplish ang mga naiwang trabaho sa opisina. Opo, iniwan ko ‘yung trabaho. For good. Ibig kong sabihin ay para sa mabuting dahilan naman.

Hindi pala kami matutuloy ng alis ngayong araw. Kailangan kong makitulog kena Cervin. Medyo nakakahiya pero kailangang ko nang magsanay. Hindi ako pwedeng bumalik kena Kuya Joey dahil QC pa sila at baka umalis kami ng madaling araw.

Nag-dinner kami nina Donjie sa SM Hypermarket sa may Ugong, pagkatapos pa nilang mag-videoke. Nagkuwentuhan kami sa McDo tngkol sa mga traba-trabaho namin at pag-akyat ng bundok. In-audit na naman ako sa trabaho ko sa gobyerno. Halos 10pm na ako nakabalik sa tinutuluyan nina Cerv. Buti gising pa s’ya at naglalamay ng report.

Dahil hindi pa ko inaantok, inabala ko s’yang magkape. At dahi wala silang kape sa bahay; nag-7-eleven na lang kami. Nalaman kong may mga pinapaaral pa pala s’ya sa Bikol. Tatlong taon na s’ya sa NGO. “Matagal na para sa katulad nating Millenial”, sabi n’ya. Nakakaipon naman daw s’ya at ginoal na magkaro’n talaga ng Insurance ngayong taon. P’rehas pala kami ng financial product company. P’rehas pala kaming mahilig sa libro. P’rehas pala kaming spoiler kapag tinanong ng synopsis ng isang aklat. P’rehas pala kaming gustong sumulat ng aklat balang araw.

Inantok na’ko pagkaubos ng isang tasang Swiss Chocolate at nahiga na sa airconditioned na kwarto.
#


Day 2

Sobrang sarap matulog. Parang gusto ko na lang matulog. Ginising lang ako ni Cerv dahil papasok na sila ng opisina, ako maliligo pa lang. Hinatak ko na ang natutulog ko pang katawan. ‘Tas sumunod na’ko sa opisina. Pagdating ko, ayun meron silang parang pasasalamat circle bago mag-umpisa ang trabaho. Inabutan ako ng isang papel at panulat; isulat ko raw dun yung ipinagpapasalamat ko sa buong isang linggo. Ito ang sinulat ko:

1.       Pasasalamat para sa Suweldo na maagap. May himala!
2.       Pasasalamat para sa Support Group
– defined as ‘yung mga taong tumulong sa’kin para matuloy ako sa pagbo-volunteer.
3.       Pasasalamat para sa Chance na Makapag-volunteer ulit.
4.       Pasasalamat para sa Strength
 –defined as the capacity to do work especially yung clerical works na halos ikamatay ko na.

Nakakatuwa ring pakinggan yung mga pasasalamat nung iba gaya ng nakabayad sa tuition ng mga pinapaaral, ipinagpapasalamat yung gift of friends (siguro bertdey n’ya); ‘yung isa sobrang cinicelebrate daw ang life (siguro bertdey n’ya rin). Paano ba i-celebrate ang life? ‘yung pagkagising mo sa umaga may sumasabog na confetti? O pumasok sa opisina ng pa-cartwheel sabay split at sumigaw ng “happy lang!” Basta sabi n’ya masaya lang s’ya sa napakaraming nangyayari sa buhay n’ya.

Matapos ang pasasalamat circle ay ihinulog na namin sa parang drop box of pasasalamat ang mga sinulat namin. Parang gusto kong i-adapt sa opisina namin para sa t’wing nauulaga na kami sa daming trabaho; bubunot lang kami sa tambyolo ng pasasalamat para gunitain na minsan sa mga buhay namin ay may magagandang bagay na dapat ipagpasalamat. Bumalik na sila sa mga kani-kanilang opisina. Nag-almusal lang kami nina Cervin, Jade (na kamukha ko raw), at Ate Rhona; bago ako bumalik sa pagugupit ng fliers.

Naka 42 fliers naman ako maghapon. Sobrang nahihiya na raw sina Cerv sa’kin dahil nadelay na nang na-delay ang pag-deploy sa’kin. Sabi ko oks lang ‘yun at magbo-volunteer pa rin naman ako e. T’saka ‘yung malayo lang ako sa pang-araw-arawkong buhay sa opisina sa gobyerno, malaking bagay na. Pero I love mah job! Bumabawi lang ako ng hininga.
Umalis kami ng Pasig nang mag-aalas onse ng gabi.

#