Nakabisita ka na ba sa Bilibid?
Kung hindi pa ay itu-tour ka ni father Art sa mapanghi nilang banyo,
sikip nilang selda, masigla nilang talipapa, at sa madilim na mundo ng Bilibid.
Sa Querna Dose, kung saan s’ya
nakapiiit ay ipapakilala n’ya sa’yo ang iba’t ibang mga tao gaya nina Paeng,
Nardo, at Lito; na may iba’t iba
ring tanikala kahit nasa iisa namang selda.
Ikukwento n’ya rin sa’yo kung anung ginagawa ng isang paring gaya n’ya sa loob
ng Bilibid at kung paanong pari ma’y makasalanan din.
Isa sa mga katangian ng nobela ay ang
pagiging napapanahon. Mainit at magulo ngayon ang klimang politikal dahil sa
diumano’y nakunsinteng baluktot na siste sa Bilibid. Ang tunay ay hindi magulo
ang siste sa Bilibid. May maayos na siste ang mga gangs at sindikato sa loob.
May madulas na transaksyon ng mga ipinagbabawal na gamot. May mga pampadulas para ipuslit nag mga mamahaling
alak, magarang jacuzzi, flat t.v., at iba pang karangyaan ng mga maliliit na
panginoon sa loob ng Maximum Security Compound. Organized at mas mabilis pa nga
ang mga drug syndicates kaysa sa siste ng hustisya ng bansa. Maiinis ka pa kay
Judge Bagatsing.
Sinasalamin din nito
ang katotohanang ang buhay ay masyadong mapait para sa mga nasa loob ng
Bilibid. Isa sa mga di mapapalitang bagay sa buhay natin ay ang kalayaan at
mapait ang mawala ito dahil sa ginawa nating kasalanan. “At gaya rin sa
labas, komunidad din ‘to ng mga makasalanang araw-araw ay binibigyan ng
pagkakataong mamili sa pagitan ng tama o mali”. Kaibahan nga lang sa
paghihintay at paghahangad nila ng mailap na kalayaan ay araw-araw din nilang
naalala ang kasalanang ginawa. Paulit-ulit na hinuhusgahan ang sarili.
Spoiler Alert: Hindi
lang ako nabigyan ng closure sa sinapit ni Paeng, ni father Art, Nardo,
at Lito sa katapusan ng nobela. Naging makabuluhan ba ang sakripisyo ni father
Art? Mabubuhay pa kaya si father Art? Makakalusot pa rin ba si Paeng
sa mga kuko ni Don-Don? Tatakas pa rin kaya s’ya? Anong gagawin n’ya sa pera sa
lata?Marami lang tanong na naiwan sa’kin.
Iba-iba ang pagtingin
ng mga nasa Bilibid sa paglaya. Si Paeng, sa bawat pagkalansing ng takip ng
lata ay naririnig n’ya ang palapit na paglaya. Pagtakas ang nakikita nyang
pag-asa ng kalayaan. Si Nardo ay malaya naman talaga sa sarili n’yang mundo.
S’ya pa nga sa tingin ko ang pinaka malayo sa lahat ng paghihirap sa loob. Si father
Art at Lito ay ang pagbabagong buhay ang ibig sabihin ng kalayaan; ang
hindi pagpapatawad sa sarili ay ang ibig sabihin ng pagkakabilanggo.
Ang Querna Dose ay isang nobela ni Celine
Rose C. Gano at nilimbag ng CCG Publishing.
No comments:
Post a Comment