Medyo nagbabangayan na naman dito sa training namin sa Makati Palace.
Tungkol ito ngayon sa SLPIS, o sa sopistikadong Information System ng programa kung saan ini-encode ang lahat ng participants at makikita kung ano na ba ang nangyari sa kanila sa isang click lang. Maganda ang layunin ng information system, kaya lang masyado itong sopistikado para sa siksik, liglig, at umaapaw na work load ng mga 'tao sa baba'. Kung ako ang tatanungin, hindi s'ya kasama sa priority task na dapat matapusan. Hinahanap ko nga ito sa pinirmahan kong kontrata, baka kasama na naman ito sa other related tasks.
Hindi ako nakikisali. Una, wala akong masyadong alam sa pinag-uusapan. Pangalawa, si Alvin halos ang nagtuloy ng encoding works ko. Pangatlo, absent ako ng limang araw at kababalik ko lang. Kaya nagpalamig-lamig lang muna ako sa Makati Palace. Hindi ko rin kasi makita ang relevance ng inofrmation system sa buhay ko bilang project developer.
Habang nagbabangayan kami rito ay ginugunita sa Tacloban ang ikatlong anibersaryo ng pagtama ng Super Typhoon Yolanda. Nakita ko ang pic ni Sec. Judy Taguiwalo na nagche-check ng mga liquidation papers. At sa P 25.6 B na housing funds ay may natitira pang P 20.7 B. Mahirap naman talagang mag-disburse ng P 3 Bilyong piso sa tatlong taon lalo na kung conventional disbursement methods ang ginagawa nila. Pero kung hindi ito ipa-prioritize at sa ganitong klaseng disbursement speed, aabutin ng dalawang dekada bago matapos ipamahagi sa mga nasalanta ni Yolanda ang housing funds. Alam ba natin kung kailan ulit darating ang delubyo? O saka na lang ulit poproblemahin kapag nariyan na?
...
Nagkalat din ang #PrayforEight. Ngayon pala nagdedesisyon ang Korte Suprema at kasuklamsuklam na hindi sila pumanig sa hustisya. Parang wala na kong naririnig sa mga nagsasalita sa paligid. Nasaan ba talaga ang problema? Nasa akin? Nasa sistema? O nasa meryenda naming strawberry cake na kulang sa tamis?
Pagkatapos ng maghapon, umakyat agad ako sa 2106. Nagbukas ng TV at balak mag-channel surfing, malayo sa mga bali-balita. Nahagip ko si Ate V, alam ko na agad na si Lea Bustamante ang nasa CinemaOne kahit hindi ko pa napapanood ang 'Bata, Bata, Paano ka Ginawa?'. Basta, alam ko si Lea Bustamante nga s'ya. Nakakalungkot lang dahil patapos na 'yung pelikula. Nasa eksena na nagsasalita s'ya sa isang graduation ceremony at nagnanais na magpamana ng isang disente at makataong lipunan para sa mga bata. Mas nakakalungkot dahil parang hindi pa ito ang lipunang 'yun.
Nagtungo na lang ako sa banyo. Pinuno ng tubig ang bath tub at nag-bubble bath.
No comments:
Post a Comment