Monday, November 14, 2016

Isang Maghapon sa Antipolo

Isang Maghapon sa Antipolo

Dumating kami ng Maynila ng mga alas diyes pasado na ng umaga. Sigaw nang sigaw si Kuya Bong, ‘yung volunteer driver namin, nang makakita s’ya ng maraming sasakyan at matataas na gusali. Mas gusto na raw n’ya ang traffic ngayon kaysa kalsadang malubak, maputik, at madulas na malapit sa matatarik na bangin sa Kalinga. Pero mas mahikal at maalindog pa rin ang mga bundok sa Kalinga.

Sa sasakyan na kami nakinig ng pangangaral. Linggo kasi ngayon. Sa warehouse sa Pasig, pagkatapos ibaba lahat ng mga gamit at bago naghiwa-hiwalay, ay nagpasalamat muna sa panalangin si Cervin. Ang init sa pakiramdam, hindi ko alam kung init ba ‘yun ng Maynila. Parang kelan lang ay papaalis pa lang kami ng warehouse pa’ Kalinga at di pa magkakakilala.

Nagmadali rin kami ni Cervin umuwi sa dorm nila. Jebs na jebs na rin kase ko. Ay oo nga pala, hindi pa ko uuwi sa’min. Pupuntahan namin si Jaide, taga-Finance department dahil namatay ‘yung nanay n’ya nang nasa Kalinga pa kami at ngayong araw na ang libing. Nandun ako nang dumaan sa opisina nila si Inang para dalhin sa ospital. Nakasama ko na rin matulog si Jaide. Pakiramdam ko tuloy, dapat akong makiramay.

Naligo lang kami ng mabilisan. Nanghiram lang ako ng damit kay Kuya A dahil puro tubal na ang damit ko. Si Cervin, may nahalwat pa sa damitan n’ya. Tumulak din agad kami papuntang Old Boso-Boso, Antipolo. Unang beses ko ro’n at medyo pa-bundok din pala ang Antipolo. Maraming apelyidong Ynares kung saan-saan. Narating namin ang kena Jaide ilang minuto bago ito dalhin sa libingan. Ayun si Jaide, umiiyak pero di na masyadong malungkot.

Alam kong super friends sila ni Cervin kaya kitang malungkot din ito. Malungkot at pagod gaya ko. Kuwento-kuwento habang kumakain ng pansit at tinapay matapos ang paghahatid kay Inang. Nabanggit ng bespren at kababata ni Jaide na dapat sana’y hanggang college sila magkaklase kaya lang ay di pumayag si Inang na mag-Nursing si Jaide dahil pambading lang daw ‘yun. Halos puro babae kasi ang nurses noon. Kaya naging accountant si Jaide sa NGO kung saan writer naman si Crervin. Si Jaide at Kuya A talaga ang magka-department sa Finance.

Bago umalis ay bumeso-beso pa kami sa Ate ni Jaide na anim na taon palang daycare worker sa Antipolo. Tinuro pa sa’min ni Jaide na ‘yung lumang simbahan na pinagshootingan ng isang telenobela ni Dingdong Dantes. Bumili rin ako ng briefs sa tiangge, 3-4-100, bago sumakay ng trayk. Wala na kasi akong gagamitin.

Si Kuya A ang navigator namin. Pumunta muna kami ng Robinson para dalawin ang mall show ng Oyayi. Bagong children’s show ng CBN Philippines na tungkol sa kabutihang asal, na may kasamang conservation at culture. Si Kuya A pala ang nag-choreo ng Oyayi theme song. S’ya rin ang nag-choreo ng Salvation Poem na theme song naman ng Superbook. Tapos na nga lang ‘yung show kaya nagpa-picture na lang kami sa maskot na Philippine Eagle.

Pumunta rin kami sa may simbahan. Ano raw gagawin namin dun sabi ni Cervin. Magpapasalamat? Dun kasi ang sakayan papuntang Ayala na dadaan ng Pasig, pauwi. Ang daming tao sa Antipolo kapag Linggo. Ang dami ring kakanin. Binanatan namin ay ang simbang gabi classic na bibingka at puto bung-bong kasama ng mainit na tsaa. Lasang-lasa ko ‘yung mantikilya na humahalo sa mayabong puto bung-bong.

Iniisip ko habang nakasakay sa UV express, pumunta ba talaga ako ron para makiramay kay Jaide o dahil ayoko pa lang mahiwalay kena Cervin? Nagkaro’n nga ako ng pising nakatali sa mga naransan namin sa Isabela at Kalinga. Mukhang mag-aayos na naman ako ng mga buhol sa dibdib. Mukhang mamimingaw na naman ako. Ayokong may nami-miss.

Pagdating namin umuwi lang ako sa dorm nina Cervin para kunin ang mga labahin. Magpapa-laundry kami ni Kuya A, ‘yung pagkalabas ay tuyo na agad. Kailangan ko kasing gamitin para sa tatlong araw na training sa Makati simula Lunes. Wala nang hinga-hinga, babalik na ngang muli sa trabaho. Inabot na rin kami ng alas nuebe, nabasa ko ang teks ni Cervin, kumain na raw s’ya at inaantok na talaga.

Tumabi na lang daw ulit ako sa pagtulog.
#



No comments: