Monday, November 14, 2016

I’m Home.


Nagising ako sa tabi ni Cerv. Mga alas-kwatro pa lang pala. Ansakit ng t’yan ko gawa ng erkon yata. Jumebs ulit ako pero parang utot lang ang lumabas. Bago lumabas ng banyo nagsalamin muna ako. Mas nagising ako sa napansin ko sa pinahiram sa’king damit ni Cervin. May nakaburdang JORD. All Caps. Napakunot lang ako.

Pagbalik ko ng kwarto, patay na ang erkon pero malamig pa rin. Natulog akong muli.

Paggising ko, tulog na tulog pa rin sina Cervin at Kuya Fred. Nagbabawi ang dalawa. Si Kuya Fred kasi ay naka dalawang linggo rin sa disaster response sa Cagayan. Ako, lumabas na para bumili ng silog. Naghanap talaga akoat mapalad na meron sa malapit. Bumili ako para sa’ming tatlo bago nag-prep para pumasok. Sa loob ng halos dalawang lingo kasi, may naghahanda lang ng pagkain ko para sa’kin, gusto ko sana ako naman ang maghahanda bago ako umalis.

Ginising ko si Cerv para may makasabay sa pagkain. Parang ayoko pa ngang umalis kasi. Nakakainis.

Umalis din ako ng mag-aalas-nuebe na ng umaga papuntang Makati Palace. Nag-taxi na ako. Saktong pagdating ko ron ay 9:59; isang minute bago magsimula ang kumperensya. Ang naging panalagin ay isang awit: Amazing Grace. Parang pinupukpok ang puso ko nang bumabalik sa alaala ko ‘yung mga pinagdaanan ko sa Isabela at Kalinga. ‘yung masasayang mga bata sa natanggap na ilaw. ‘yung mapagkalingang mga nanay na ipakain na sa inyo lahat bago sila. ‘yung mga tatay na nakikibuhat ng mga goods. ‘yung init ng pagtanggap at mga kapeng Kalinga. ‘yung matatarik na bangin at mala-kabilang mundo na mga talon sa luntiang kurtina ng mga bundok. Umagos din ang luha ko hanggang sa mga liriko ng pambansang awit, tunay na bayang magiliw sa kabila ng labing-isa nang bagyong tumama ngayong taon.

Pagkaupo namin, tinanong ako ni Leanne kung kumusta ang pagpunta ko sa Kalinga. Ang nasabi ko lang ay “I’m home.” Pero ayoko pa sanang umuwi. Pero ayoko pa sanang mahiwalay. Pero lahat naman ng paglalayas ay nagtatapos sa pag-uwi. Dakilang biyayang nakabalik pa na may mga naiwang piraso pero nakauwing mas buo.


No comments: