Pauwi kami mula Kalinga at medyo high na high ako sa hilo at antok. Nagising na lang ako sa Nueva Vizcaya. Sa may Chowking. Kakain kami ng dinner. Time check: 12am.
Halos alas nuwebe na kasi kami nakalabas ng Tabuk, Kalinga at wala nang makainan. Hindi pa naman ganun nakakabawi ang Kalinga lalo na pagdating sa kuryente kaya wala na kaming makainan ng hapunan. Sa Nueva Vizcaya na kami nakakita at nagising para kumain. Umorder ako ng matamis na Shanghai-topped Chowfan pero nung dumating 'yung order ni Cervin na Tofu, mainit na Molo, at Chowfan; parang mas trip ko 'yun. Nanghingi na lang ako.
Kahit mumukat-mukat pa'ko. May napansin ako sa kabilang table. Alam ko nurse s'ya sa suot n'ya unipormeng puting-puti katabi n'ya ay isang lalaking may goatee. Nagtatawanan sila. Hating-gabi siguro ang break time ni Ate Nurse o katatapos lang n'ya ng shift sa ospital at umaga naman nagtatrabaho si Kuya Goatee kaya alas-dose sila lumabas. O sinorpresa lang n'ya si Ate Nurse pagkatapos nito ng shift, pero mukhang ganitong oras lang talaga sila nagkikita sa panukat ko.
Mas gusto nilang magkita habang natutulog na ang marami sa mapanghusgang lipunan. Mas gusto nilang makita ang isa't isa; pampawala ng pagod pagkatapos ng shift at pampalakas bago pumasok ng trabaho. Hindi ko alam ang pinag-uusapan nila pero tawa sila nang tawa. Nakakabuntong hininga at nakakataba ng pisngi silang tingan. Parang gusto kong batuhin ng siomai. Gusto ko sanang humagilap ng tissue paper at sulatan ng "walang forever" sabay iwan sa lamesa nila. Biro lang.
'yung mga ngiti nila mas matamis pa sa sawsawan ng shanghai at mas mainit pa sa sabaw ng Molo.
No comments:
Post a Comment