Tuesday, December 22, 2020

Maninimbang

Hindi ko trip maglalabas ng bahay kung Pasko lalo nang makakita ng mga taong paroo't parito. Hindi ako palo sa napakarami nating mga mall; mga tindahang desalamin at mga istante. Ang aksaya sa ilaw ng okasyon at kahit naman walang okasyon ay kailangang nakakasilaw ang ambiance ng mall. Mas sosyal yata.

Sinamahan ko lang si Edison dahil naubusan s'ya ng gatas pero hinintay ko na lang s'ya sa labas ng supermarket. Ayoko nang pumasok dahil parang mabubundol ako ng mga rumaragasang push carts kasabay ng All I Want for Christmas is You ni Mariah Carey. Sabay na rin ang ritmo ng beep ng mga bar code sa maghapong nakatayong mga kahera. 

Biglang may humaging na ibon. Tumingala ako at may maninimbang nga na lumilipad mababa lang ng kaunti sa naiilawang kisame. Hirundo pacifica, alam ko dahil sabi ng nahahati nitong buntot at patulis na mga pakpak. Alam ko dahil laksang lumilipad ang mga ito sa kalapit naming tubigan. 

Lilipad s'yang papunta sa bandang gilid ng mall, babalik sa gitnang bahagi, babalik uli sa bandang gilid. Pauili-uli sa mall, wala namang binibili. T'wing lilipad sa gitna, hinding-hindi n'ya makita ang palabas kaya babalik uli sa bandang gilid. Uli-uli, balik-balik, parang hindi napapagod kahit kampay lang nang kampay at walang umiihip na hangin sa loob ng mall. 

Nakatingala na rin pala ang marami sa maninimbang. May ilang sekyu na tatangkain pang hulihin ang maninimbang pero mabilis itong nakakailag. Lilipad pabalik sa gitna at sa gilid mukhang napapagod din at natatakot  pero hindi makahinto sa pagkampay. Kung hihinto, saan naman dadapo. Aligagang naghahanap siguro ng mga kasama o kahit man lang ng daan palabas mula sa walang hanggang mga salamin.

Kung bakit kailangan natin ng mga pamilihang sarado o mga istrakturang sa'tin lang dinisenyo. Paano kung open o circular mall? Kung mga puno at ihip ng hangin kaya? Kung liwanag ng araw at mag-ilaw na lang kung gabi't kulimlim? Kung umiikot ang paggamit ng tubig sa isang istruktura? Kung kayang tunawin ng lupa ang mga pabalat ng produkto? Kung siguruhin kaya ng mga polisiya na may lugar sa mga istante ang mga likhang lokal (sariling bayan)? Ideal na kung sa ideal, pero di matataasang-kilay na pag-unlad kung carbon negative at water neutral ang isang mall by design. Tapos, 'yung mukha ng mga empleyado ay ngiting regular; kung talagang sosyal.

Isa pa pala, natatangahan ako sa mga plastik na puno't halaman na nakatanim sa loob ng mall. Hindi ko maarok kung bakit kailangang umunlad ang sibilisasyon para lang magmanupaktura ng mga puno't halamang plastik. 

Nakatapos din si Edison sa pagbili ng gatas bago maging green ang balat ko at tuluyang maging The Grinch of Non-Eco Christmas. 'yung ibon pala pabalik-balik pa rin sa paglipad hanggang paglabas namin ng mall. Dalawang bangga lang sa mga salamin at mamatay ang maninimbang. At hindi iisang beses kang makakakita ng mga ibong naligaw sa loob ng desalaming istruktura. 

No comments: