Tuesday, December 22, 2020

Sana Kulimlim Bukas

 Sana kulimlim bukas.

Magba-bike kasi kami ni Song. Mula Tiaong hanggang Mataasnakahoy. Mula Quezon hanggang Batangas; mga 50 km lang naman. Nirepaso ko sa utak ko ‘yung dadaanan namin; kaya naman. At unang long ride ko pala.

Kaibigan ko si Song since hayskul. P’rehas kaming gamer. Competitive gamer s’ya pero mas magaling ako sa English. Casual gamer naman ako pero mas magaling s’ya sa Math. Noong hasykul, bukod sa makalabas ng maaga para makapagpa-level, wala na kaming kapanga-pangarap pa.

Kay Edison ako nanghihiram ng bike. Nakabili s’ya ng ilang piraso mula sa ipon sa pagtuturo. Nakaakyat na kami ng Dolores, kaya baka kaya ko naman ang Mataasnakahoy. Ikondisyon mo ‘yung mga bike, lalo na ‘yung mga preno, kako sa chat. Oo, buo ang mga salita namin sa chat with punctuation marks. Bukas mga 6 am tayo, rain or shine.

Kaya kaya? Parang wala ako sa kondisyon, mga 7 am na lang. Bawi ako ng tulog.

Ang ganda ng sikat ng araw; 7:30 am kami tumulak. Walang almu-almusal. Walang ligo-ligo. Padyak agad. Wag ko raw ihapit agad. E ang alwan ng kabyaw ko. Inadjust ko ang gear para mas gumanit. Ako ang magse-set ng pace kaya ako ang nasa unahan. Si Song ang taga-check sa likod kung kailangan kong tumabi. Kasi pumapagitna talaga ako sa kalsada. “Hoy! Tumabi ka!” Mga dal’wang ulit bago ko naririnig. “Magbigay ka kapag may bumubusina!” Pakiramdam ko kasi ako lang ang nasa kalsada. Laking pasalamat ko rin sa mga poste sa kalsada ng road-widening, nagsilbi itong bike lane kahit papano.

‘yung una kong matarik na ahon sa may Brgy. San Agustin, nadaanan ko ‘yung bahay ni Mam Salas. Binati raw nito si Mama sa palengke, hindi raw ako malilimutan dahil binigyan ko raw s’ya ng Christmas card. Halos dalawang dekada lang ang nakalipas at parang gusto kong kausapin ang Grade 3 na ako na maghanda. Nadaanan ko rin ang elementary school ko noon na nagpaparamihan kami ng amorseko tuwing Lunes.

Isang malaking lusong sa may Ibaba. Lumubay ang ikot ng kadena habang bumibilis ang tibok ng puso ko. Sana wag akong madulas. Sana wag akong madulas. Sana wag akong madulas. Iniisip ko pa lang ang gasgas sa binti ko nahahapdian na ko. Pero ang bilis ng higit sa’kin ng gravity. Grabe ang hampas ng hangin. Nadaanan namin ‘yung health center kung saan ako pinabunutan ni Mama ng ipin. Simula nu’n dalawang dekada bago ulit ako nakipag-usap sa dentista. 

Nag-uumpisa nang uminit. Tumitingkad ang sikat. Basa na ang quick dry brightly colored kong damit. Sa San Antonio kami kakain. Pumarada kami sa isang gotohan. Pagtanggal ko ng helmet ko para akong nahihilo. Siguro dahil hindi pa ako nagkakape man lang. Ang layo-layo pa namin. Nilamnan ang tiyan ng tapsi. Napag-usapan namin ‘yung isang viral na bully video, hindi ko pinanood kako. Mati-trigger lang ako, hayae nang asikasuhin ng social welfare ‘yan.

Pumadyak ulit kami. Ramdam ko na ang sinag sa balat ko. Walang armband. Walang closed shoes. Tumitibok na ang sintido ko. Nakatingin ako sa kulimlim at parang gusto ko na s’yang higitin sa tapat namin. Gumanit ang padyak. Bahagyang may inclination na pala ang Padre Garcia. Hindi mo ramdam kapag nakasakay ka sa dyip. At masakit pala ang bahagyang paahon kapag tuloy-tuloy. Mas masakit pa sa isang malaking ahon. Walang kaming baong tubig. ‘yung face towel, hiniram ko lang kay Song. Daan tayo ng munisipyo ng Garcia.

Dumeretso kami sa DSWD nang bandang alas-dyis, hihingi ng tulong.  Hahapo-hapo’t hihinga-hinga. Gusto ko nang mag-dyip. “Ginusto mo ‘yan!” sabi ni Song. Wala nga naman akong pre-long ride na praktis man lang. Ang tagal kong di nagbike tapos bigla kaming nag-long ride. Halos mapaluhod ako sa altar ng opisina pagpasok ko. Binati agad ako ng nasa info at cubicle. “Ser Jord!!!”, “Merry Christmas!!!”, “kumusta ka naaa!?”, ngumiti ako sa mga kliyenteng nakapila at nabulabog na mga senior. 

Ang tagal kong hindi nagpakita rito. Ito ang bukod tanging trabaho na iniyakan ko. Ito ang opisinang natuto akong magmura tuwing Lunes. Ang opisinang magpapabangon sa’yo sa kama kahit may bagyo o lindol. Ang opisinang nagturong ngumiti kahit di ka naniniwala na gwapo’t masisipag ‘yung mga konsehales. 

Umakyat muna ako pagkabati. Doon kasi ang opisina ko sa taas dati. Pinaupo ko muna si Song sa veranda kung saan kami nagpupulong ng mga magbabakang Garciano. Pumasok naman muna ako sa opisina ng Pantawid. Ramdam ko kaagad ang ihip ng erkon. 

“Aba!” bungad ni Mam Brenda at hindi matapos ang pangungumusta. Ang daming nabago sa tanggapan matapos lang ang isang taon: may nilipat ng table, may nilipat ng programa, may licensed nurse na, may bagong staffs, aalis na staffs at nasaan si Tita Nel? Si Tita Nel ang partner ko noon sa livelihood, na kayang sauluhin ang cash on bank ng mga samahan up to two decimal centavos. Busy raw sa pamamahagi ng assistance sa mga naospital, namatayan, atbp. Hindi ko na inabala at baka malito pa sa liquidation. Next time na lang. 

Nang makalilom-lilom, nag-igib lang kami ng maligamgam pa ring tubig mula saming di na naayos na dispenser. Tapos, pumadyak na ulit kami. Dinaanan rin namin ang dinadaanan ko umaga’t hapon na Abbey Road at ang White House na dati kong tinutuluyan. Saglit lang ang kulimlim. Saglit lang din ang patag. Parang nahapak na ang mga hibla ng kalamnan ko sa binti. Matigas na rin ang balikat ko. Tagatak ang pawis. Mag-dyip na tayo. Ako magbabayad. “Sino bang nakaisip nito?” Ako ang may balak talaga. Hindi na nga lang masaya, dusa na.

Naniniwala na akong kaya malamig sa Lipa dahil mataas ang elevation nito. Siguro dagdag na ‘yung kalapitan nito sa lawa ng Taal at Mt. Malarayat. Inggit na inggit ako sa mga binabati naming bikers galing Lipa, halos hindi nga sila pumapadyak. Ngali-ngali ko nang pumara ng dyip sana nagdala kami ng multi-purpose rope pantali ng bike sa bubong. May isang ahon na nagtulak na talaga ako ng bike. Shame. Shame. Shame. Habang kinakalabit ni Edison ang bell n’ya.

Bago pa man kami pumasok ng Lipa, nagtulak na kami ng bike sa sidewalk. Trapik. Hindi naman ako makasingit-singit, (1) sumisingit-singit na ‘yung mga motor, (2) mahina ang balanse ko kapag mabagal, kapag natumba ko baka makabasag ako ng salamin ng kotse. Kaya tulak na lang sa tabi hanggang bayan. 

Bigla akong namulat sa buhay kalsada. ‘yung mga tao, tatawid kung saan at kelan nila gusto, ‘yung mga namamasada doon talaga sa karatula na no loading and unloading, ‘yung mga motor umaandar kahit nakahaya na ang kamay ng enforcer; di iisang sasakyan ang bigla na lang umiikot at nag-counterflow. Ako naman pababababa dahil nag-iingat. 

Nakaderetso lang ulit ng padyak papuntang Mataasnakahoy. Sa isang intersection, may bigla na lang pumarada na traysikel. Nagmarahan ako. Iikit-ikit ang kadena. May dumadaang trak sa kaliwa ko, mapapagitnaan ako ng trak at traysikel. Eto pa, pasalubong sa’kin ang drayber, hindi na ko makakaliko, matutumba na yata ako, ayokong kumayod sa trak, ayokong bumangga sa trayk at kumayod din sa trak. Nag-straight ako ng katawan, hindi huminga at tila pinihit ang oras para mas bumagal. Nahagip na ng paningin ko ang bakal na katawan ng trak. Umiibay ang hawak ko sa manibela. “Oh! Oh! Oh!” sigaw ni Song. Nakalampas ang trak. Nakalampas ang drayber. Magkasing init na ng singit ko at ulo ko. 

Sa Mataasnakahoy pala ako may ginagawa ngayon: sa isang conservation center. Dahil nasa Mataas nga kami, pababa na lahat. Sunod-sunod na lusong at liko. Ang daming puno sa tabi ng kalsada; mga kakawan, sagingan, hilera ng kabalyero, kamagong at kawayan. May mga nakita rin kaming solar-powered street lights kanina. Binati kami ng simoy ng lawa ng Taal. May isang mahabang lusong na hindi ako sigurado kaya inakay ko ulit ang bike pababa. Nahihigit pa rin ako ng gravity pabulusok kahit akay –akay ko na ang bike. Nadaanan ko pa ang kinakalawang at puno na ng bagin na labi ng nadiskaril na bus. Nang makakalahati ako saka ako sumakay, bawas na ‘yung panggagalingan kong tarik. Pero ambilis pa ko ring bumulusok. Nagmiminor ang kotse sa harap ko parang mababangga ko s’ya. Hindi na kumakapit ang preno ko. Mababangga ko nga yata. Niririndi ako ng hampas ng hangin at tunog ng kadena. Simbilis ng tibok ng puso ko. Tuyo na ang pawis ko. Singkit na ang mata. Mabuti humarurot ang kotse. 

Pabilis pa rin ako nang pabilis. Pinapakagat ko yung preno pero walang talab. Konti na lang sharp curve na. Bangin kapag di ako lumiko. Sana walang traysikel. Sana walang traysikel. Sana walang trayk – nalagpasan ko si Song. Binababa ko na ‘yung paa ko, kumiskis ang daliri ko sa kalsada. Gadangkal na lang ang pagitan ng gulong at railings. Pagtingin ko sa kaliwa kong paa, duguan ang tatlong daliri. Inakay ko na ulit ang bike sa mga sumunod na palusong. 

Mga bandang alas-tres kami nakarating ng Pusod. Maraming lilim dahil ng Talisay. Chineck ni Song ang Strava, 52 km. Mag-a-upgrade na raw si Song ng prenong hydraulic sa bike na ginamit ko. Natulog lang ako sa’king opisina. Pagkagising parang gusto kong sumama sa paglubog ng araw sa lawa.  Naghapunan ng alas-sais. Naglinis ng kaunti pero di ko na kayang maligo. Nahiga ng alas-siete.

Pagkagising; nagbungkal ng lupa, nagdilig ng halaman at nakikape sa kapit-bahay naming docu-journo, galing kasi s’yang Sagada. Nagkasarapan sa kuwentuhan tungkol sa mga development path na puwedeng tahakin ng Sagada. Nagyaya silang ikutin ang bulkang Taal para manood ng migratory birds. Winisik-wisikan kami ng tubig-lawa sa bangka; nagpapaalalang hindi pa kami naliligo. 

Pauwi, chineck ni Song ang mga ruta palabas ng Pusod at may lima palang daan. Parang kamay lang. Hindi na rin ako naligo. Maliligo rin naman ako sa pawis. Pumadyak na ulit kami ng bandang alas-dos. Medyo kulimlim pero wasak na ang hita ko kaya nagtulak yata ako ng bike ng mga tatlong kilometrong ahon. “Mag-dyip na tayo pagdating Lipa,” kako. Pero palusong na raw ‘yun pati ang Garcia. “Sagot ko na”. Tapusin na raw namin.

Pagkaahon ng Balete, pagtawid-tawid na lang sa intersections sa Lipa ang challenge. Mas mabilis na kami. Halos hindi na rin ako pumapadyak pagkalabas ng bayan ng Lipa. Buti na lang naka-bright colored quick dry shirt pa rin ako. Mabaho pero safe dahil kitang-kita kapag nailawan. Naalala ko sa Padre Garcia pala dapat kami lilipat noon nang pinapalayas na kami sa ipinagkatiwalang lupa na di na natubos sa bangko. Pero napadpad pa rin naman ako ro’n nang makapagtrabaho. Parang biro dahil namoroblema pa rin kami sa social welfare para sa mahigit limampung pamilyang pinapalayas sa tinitirikanng lupa.

Bandang alas-siete nakaahon kami ni Song sa tapat ng Avila Gardens kung saan nagtenant kami ng labing-isang ektaryang lupa. Tumigil kami sa isang tumpok ng bahayan. Nag-tao po ako. Andun si Ninang Mariz na graduation ko pa ng Grade 6 huling nakita. Gulilat s’ya at nakangiti; halos nauubos na ang ngipin. Nag-mano rin ako kay Ninong Arman sa kusina. Sila ang laging nag-aabot samin ng gulay at specialty nila ang ginataang labong. Binati ako ni Ninang Mariz ng happy birthday at binirong malaki na ang ipon ko. Nakiinom kami ni Song. Nangumusta sa kababatang si Let-let na kaklase rin namin noong hayskul. Titser din at mukhang ipinampaayos ng terrace ang bonus. Konting chika, tapos padyak na ulit pababa ng bayan ng Tiaong.

Sa Tagpuan, nagkita-kita kami ng isa ko pang naging komunidad ngayong taon: Pokemon raiders. Ako lang noong una, mga isang araw na naglapag ako sa gym, nagbukas din si Song ng app n’ya. Nakatanggap ako ng chat message na may screenshot ng avatar ko at naalala n’ya pa ang ginagamit kong IGN nung hayskul. Tapos, na-recruit si Jonas, Taji, Malasmas at Joker. Kumain lang at nag-BFF fries.

Sa kahabaan ng pagbibisikleta nakapulot pala ako ng dalawang bente singko sentimos. Nangungulit na nagpapaalala hindi tayo sa pabata. Bentsingko na pala ako parang wala pang nararating. 

Tuloy lang ang padyak.



#

Disyembre 22, 2019
Sitio Lipute, Brgy. Kinalaglagan
Mataasnakahoy, Batangas





No comments: