"May usap-usapan, sasar'han di umano ang palengke sa Pasko. Ewan ko lang kung pati sa Bagong Taon," nagkukuwento si Mama sa isang hapon habang naghahalwas ng mga prutas para i-blender. Ito 'yung mga prutas ni Ate Carla na may mga tama na, sobrang hinog at di na mabibili. Gumanda naman ang mga kutis namin.
Pauwi ako galing sa iskul nina Song, nakiopisina lang. Paglabas namin ang lamig na, Amihan na talaga. "Aba, kumakaway na ang mga inaanak," sabi ni Song. Ay, wala akong inaanak.
"Buksan n'yo palagi ang ilaw, kahit hindi matutuloy ang Pasko," si Papa habang isinasaksak ang christmas lights. Natawa ako at pinatulan ko ang pahayag n'ya kung bakit naman postponed ang Pasko. Wala raw kasing mga christmas party. Gabi-gabi n'yang sinasaksak ang puro pula naming christmas lights. Kada naman dadaan si Mama, huhugutin n'ya ang saksak para mamatay ang mga kumikutikutitap. "Alam n'yo bang 100 watts 'yan!" Hinahayaan ko lang naman si Papa na magsaksak ng christmas lights at baka hindi n'ya naranasan 'yun noon sa Dumaguete noong bata pa sila at hinahayaan ko lang din si Mama na hugutin. Patay-sindi nga ang mga ilaw. Alam n'yo bang ako ang nagbayad ng kuryente?
Dumating si Mama isang hapon at kumpirmadong sarado ang mga palengke ng Pilipinas sa 23, 24, 25 at 29, 30, 31 ng Disyembre. Parang noong Undas din na sinar'han naman ang mga sementeryo. Para hindi mag-kumpol ang mga tao. Hindi makakatinda sina Mama at Idon. Wala kaming benta. "Eh sasar'han din ba ang mga malls at department stores?" tanong ko. "Anim na araw na puro kain tayo at walang papasok," sabi ni Mama. Dapat may bigas na tayo bago sarahan ang palengke. Sabi ko naman ay mag-imbak na ng matam'isin. Marami kasing oras para gumawa kami ng matatamis. Maglinis. Maghalaman. Bago man lang magpaalam sa maalat-alat na taon.
No comments:
Post a Comment