Naghahanap kami ni Song ng mga bagong lalaruin sa Nintendo para sa 2021. Nanood kami ng mga bagong game trailers, baka may maiibigang panlibang man lang.
Halos puro barilan ang mga laro. Bakit ka pa bibili ng ganyang laro kung araw-araw na laman ng balita ay mga binabaril? Hindi na nga halos balita dahil hindi na bago. Bihasa na nga sa mga binabaril. Nagtatawa na nga lang ang iba para gaya-gayahin pa. At sa Unang Hirit mo pa talaga mababalitaan. Magpapasko na, ano ba ga 'yang mga baril na 'yan, walang bakasyon? O walang balak na pagbakasyunin tayo ng mga baril na binili ng pera ng bayan? Parang ang dali lang pitlagin ng mga gatilyo n'yan. Walang sinasantong okasyon ang terorismo. Kapag di mo tinibayan ang sikmura mo, mabubuang ka. Ang tagal na nga nating sinisikmuraan, hindi pa rin tayo nasusuka.
Ito raw ang pinaka mahabang gabi ng taon. Bago matapos ang araw mababalitaan mong kinumpirma ang pagkakakilanlan ng bangkay ng isang matagal nang nawawalang hukom. Natagalan ang pagkilala sa bangkay, kinailangan pang i-DNA test ang buto dahil tinanggalan umano ng mga daliri. Ang dilim din ng araw ngayon kung hindi man ang pinaka mahabang dilim ng taon.
Panahon talaga ng kung di mamamatay ay mapapatay.
1 comment:
Happy Birthday Kuya Jord.At dahil Hindi Kita macontact sa FB. Dito na Lang. Hahaha. Kumusta na ga ang Switch natin diyan? Ano gang bago? Haha. Hintayin mo ako at may dala akong laro sayo. Hahaha
Post a Comment