Dalawampu't pitong taon na kong umiiral. Parang bata lang ako na tinatarget sa bato-bola noon at pagsalo ko sa bola para bumuhay ng kasapi ay biglang lumaki na ko, ito na ako. Dating bata lamang na gumagawa ng bahay sa piko at ngayo'y nag-iisip na tungkol sa kung kelan naman kaya ang sariling bahay. Batang tumukoy lang ng teks at pagbaba ng pamato ko ay biglang magtetrenta na pala ko.
Kisap-mata lang ang bawat taon. Limang bilyon lang ang tao noong 1993 at papalo na ang planeta sa walong bilyong tao ngayong taon. Parang halos tatlong bilyon kada tatlong dekada. Baka lumampas na nga tayo sa mga hanggahan ng planetang bilugan naman.
Teka lang naman
Puwede kong sabihin na may kanya-kanyang panahon ang bawat tao. Maaaring hindi pa dumadating ang sa'kin; na hindi naman nagmamadali, na nabubuhay lang sa araw-araw, na hindi nag-iisip sa walang siguradong bukas, na bahagi ng mas malaking dibuho ang mga tutuldok na magdudugsong-dugsong din sa bandang huli, na hindi natatakot na mapag-iwanan, na may pag-usad naman kahit paano, na hindi nagpapadala sa agos ng mga sabi-sabi tungkol sa mga dapat mayroon na bago magtrenta, na wala namang inaasahan 'maging' mula sa sarili, ako lang 'to na may laya pero hindi lagi.
Hindi naman ako isang babaylan na malaya sa pressures ng established titas tuwing magkikita kung may okasyon ang angkan. Naiisip ko rin naman ang pondong pang-ospital, mga bitak sa banyo, pagpapaayos ng lababo, bumili ng mas malambot na higaan, mga butas sa bubong, relokasyon sakaling mapaalis muli, at permanenteng pagkakakitaan. Kung saan naman nanggagaling ang tanginang kaakuhan ng mga pagsalungat. Naging takas ko na ang maiigsing sagot sa mga tanong na ikinamatay ba namin? Ikinagutom ko ba? Kung hindi naman, palaging hihindian kong maging tuta ng mga sigurado pero wala namang saya. Baka kasalanan ko nga ring nasa umiibay na kinatatayuan ako dahil pinalampas ang mga di miminsang pagkakataon para maging sigurado. Kasalanang hindi ko naman pinagsisihan pa. Kisapmata lang ang bawat taon.
Taympers. Ilang gabi na akong inaabot ng madaling-araw kahit hindi naman ako nagsisimbang gabi. Nasa 9,861 na araw na akong buhay kung saan 3,280 doon ay itinulog ko. Palaging nasa 30% ng buhay natin ang itinitulog natin. May 334 nang pagpapanibagong-buwan simula noong isilang ako. Isang simbang gabi, sa bahay ng mga espiritistang Alabastro, sumisigaw pala ang nagsilang sa'kin kung kailan maagang gumising ang mga tao para taimtim na dumalangin para matulog lang uli pag-uwi. Umusbong akong pumapalahaw ng iyak habang ang marami'y kinukumutan pa ng Amihan. Iilan lang talaga ang nakakarinig sa'kin simula pa man. Buhay pa kaya 'yung hilot? Sana'y nakahigop man lang s'ya ng salabat bago umuwi.
Nag-uusap kami ng isang kaibigan sa kung paanong may love-hate na relasyon kami sa mga ginagawa namin. Nagpapaalalahanan na hindi lang ito ang absolutong solusyon o ang epikong disenyo ng hinaharap. Nagtatawa' nagtataas ng kilay sa mga nagbabayani-bayanihan. Nang tanungin ko kung kailan s'ya pinanganak ang sagot n'ya sa'kin ay Informer by Snow, kaya ipinagpalagay kong ipinanganak s'ya sa anumang araw ng Abril 1993. Nang pakinggan ko ay tungkol yata ito sa black na asset ng pulis at maririnig ko sa lyrics ang mga salitang coccain at ghetto. Naiinggit ako na socially relevant yung topr chart nang ipanganak s'ya kaya sinearch ko rin ang sa'kin: Hero by Mariah Carey.
Ang sabi ng birthdayanswers.com, ang ruling planet ko ay Saturn. Ang planeta ko'y mundo ng pagkatalaga at pagtindig pero daigdig din ng mga pagbabawal at pagkaudlot. Hindi nga lang ako naniniwalang ang mga pinanganak nang pinamamahalaan ng planeta ko ay may disiplina't pagsusumikap. Ang tamad ko kaya recently. Nag-align nga pala ang Jupiter at Saturn, the Great Convergence, ilang oras bago ako tumawid ng isa pang taon ng pag-iral. Iniisip ko ano kaya 'yung Jupiter sa harapan ko ngayong taon, siguro anumang mas malaki sa'kin ang lilinya na sa wakas. Naririnig ko tuloy si Zenaida Seva na gabay lang ang mga bituin.
Nanood lang kami ng pelikula at nang mainip ay nagbabad sa bukal ng Mainit. Hindi naman kami naghahanda at isa pa ayoko ng mga tao. Salamat na nga lang din at hindi kami luluwas para makipagdiwang sa mga kamag-anak ngayong Pasko. Ayokong marinig ang mga mema tanong lang na mga pag-uusisa ng mga kamag-anak. Pag-uwi ko sa bahay ay may cake na binili si Mama sa kung saang bakery dahil hindi na raw n'ya kayang pumunta pa ng mall. Nagluluto rin s'ya ng spaghetti sa hapunan dahil dito na rin kakain sina Idon at Princess. Pagdating ni Papa may dala rin s'yang mga pagkain. Kumanta ng happy birthday si Rr at nag-picture. Nasungitan ko pa si Papa dahil ayoko nang magpa-picture, natawa lang s'ya habang nagta-type na sa myday n'ya dahil gusumot ang mukha ko. Nagtawag pa ng kapit-bahay si Rr. "Darating ang mga pinsan mo, nakakotse sila," sabi ni Papa. Naghahanap din nga siguro ng kadugo ang mga kamag-anak namin. Tuloy sa pagluluto sina Mama at Idon dahil panghapunan lang dapat namin ang mga handa. Humarap naman ako sa mga kamag-anak at tinanong ko pa kung sino 'yung ibang hindi ko na kilala. Tinulugan ko na rin sila sa wala nilang patid na bisayaan. Patanda ako nang patanda'y pasungit din nang pasungit.
Sa tatlong taon bago trenta, tuloy lang sa pagtukoy na laging nakataya na pati pato.
Oo nga pala, natanggap ko lahat ng text messages at blog comments dahil hindi n'yo rin alam kung saan ako hahagilapin. Salamat, salamat! At kung kailan, hindi ko pa alam. Bugtong 'yan, isipin mo.
No comments:
Post a Comment