Nagkape uli kami ni Kuya Joey. Yabang ni Kuya naghahanap pa ng Starbucks sa Tiaong. "Minsan lang naman" ang sabi. Tambay na lang tayo sa Taza Mia at 'yan lang meron sa'min. Buti nga may nag-survive na coffee shop dito.
Kung paano nakabiyahe ng probinsya, nanghiram pala ng kotse sa kapatid. Biglaan lang daw dahil dikit-dikit sa bumabiyaheng mga van sa Quezon. Mahirap na. Wala pa rin kasing biyahe ng bus. Anong uri ng quarantine na ba uli ang Maynila? Ewan.
Hindi na ako humugot ng pambayad sa kape. Magkakahiyaan lang kami ni Kuya Joey sa pagbabayad. "Minsan lang naman" ang ulit n'ya. Umorder ako ng burger-fries at tsokolateng mainit. Kukumustahin lang naman ako ni Kuya Joey. Ano bang ikukuwento ko, ganun pa rin naman o hindi na ganung-ganun pero generally ganun pa rin naman?
Nakarinig ako kay Kuya Joey ng ilang mga bali-balita. Kesyo anong nangyari kay ganito at ganyan at magugulat sa ibang mga balitang dala n'ya na hindi mabuti. May nagsilang. May mga binawian ng buhay. May kinasal. May mga mabuti rin naman ang lagay. Marami pa kaming pinag-usapan na sa'min na lang.
"Siguro may tinataguan 'to kaya hindi ma-contact. Hindi ka mahagilap e."
"Wala, sino namang tataguan ko. Nanahimik lang ako nang matagal."
Kapag okay na uli ang lahat parang ang sarap pumasyal sa La Mesa at makipaglaro sa mga bata. Kapag okay na uli. O ayaw n'yo bang tumira o magbahay man lang sa probinsya?
Bago kami umuwi ipinalangin ako ni Kuya Joey. Anong gusto kong ipanalangin? Napaisip ako. May makikinig pa ba? O hindi ba talaga N'ya alam? Bukod sa pasasalamat na may pagkain kami sa araw-araw, e wala ka nang ibang mahihiling pang ibang mahalaga bukod sa kalusugan. Ano pa? Hmmm ano pa nga ba Kuya Joey? Wala na akong ibang gusto. Baka takot na kong gumusto at hindi rin naman mahahawakan.
Ang nasabi ko na lang kay Kuya ay ayokong maging kumportable. Ayokong maging kumportable. ulit ko. Ayokong hindi natitinag dahil lang hindi ako naaapektuhan. Hindi na nagtanong si Kuya Joey pa.
Salamat sa pakape't padasal. Buhay pa naman ako.
No comments:
Post a Comment