Tuesday, March 17, 2015

Paano ba Mag-Move On?

Yo?

Hindi, Wa'zzup?!

Hey!

Hindi, maganda kung Men!

Aarggh..

Kung paanong hindi ko alam umpisahan 'to, hindi ko rin alam kung paano ko tatapusin ang trabaho ko. Tama, tatapusin ko na ang trabaho ko. Gusto ko nang mag-resign! Sa kaso ko kasi, masasabi kong mas madali 'yung mag-apply kaysa mag-resign. Mas kinakabahan ako ngayon. Mas takot. Takot na hindi ako payagan? Bakit me' magagawa ba sila?

Ang hirap lang kasi umalis sa trabaho lalo na kung hindi ka naman inaalipusta. Hindi ka naman pinag-oover-over time and time again. Hindi ka naman pinepressure sa deadlines. Hindi ka pinagbabawalang umabsent, mag-undertime, o umuwi sa probinsya. Hindi ka kukuwestyunin kung anong nangyari sa field assignments mo, kung nagtrabaho ka nga ba talaga. Hindi ka papansinin kahit dalawang oras ka pang nagla-lunch break. Hindi ka nabibigyan ng memo kahit mukhang may monthly period na ang timecard ko dahil sa lates. Hindi ka naman talo sa sweldo. Kapag nagresign ka, hindi mo tuloy pwedeng idahilan na "nahihirapan po ako sa work".

Ang hirap lang kasi talagang magdahilan. Kapag sinabi kong "career growth" ang dahilan, lalabas na ang yabang-yabang ko. "Oy, can I remind you na nasa Philippine Daily Standard (codename ng isang leading dyaryo sa bansa), anung growth pa ang hinahanap mo?," baka ganito ang sabihin sa'kin. Hindi kasi nila alam na hindi lang ako editorial staff, isa rin akong kaibigan to my friends, musician (kuno) to our church, butihing(?) son to my parents; andami ko pang roles bukod sa pagiging editorial staff.

Sa morning talk show namin sa kusina, napag-usapan namin ang resignation matters. Ang isa sa mga beterano sa'min pagdating sa work ay si Jhertell. Napaka-professional nito. Ang aga pumasok, time-conscious, nag-oovertime, at alam kung kailan dapat magpahinga. Isa pa, nasa HR kaya siya kaya alam niya ang hiring at resigning matters. Sabi niya rights naman daw ng empleyado ang magresign. Nasabi ko na mas madali kung bigla na lang akong mawawala. Speaking of biglang nawala, may ipinasok daw siya na applicant, maganda, makinis, at bigla na nga lang itong nawala. Hindi na pumasok. May sweldo pa nga raw ito na 1.8k na hindi na kinuha. Sayang naman. Tinatawagan, pero hindi sinasagot at eventually ay nalaman nilang buntis di umano ang bagong empleyado. 

E kung i-reason out ko na buntis ako? Hindi pwede. E kung nakabuntis? "So bakit ka magreresign? Dapat suportahan mo ang anak mo!," baka ito naman ang sabihin nila. Medyo naiingit ako doon sa empleyado nina Jhertell, kasi di ba, meron siyang ganung guts. 'Yung guts na 'wag nang magpakita sa trabaho. Pero nabura rin 'yung inggit kasi mahirap kaya magbuntis. Lalo na kung hindi mo ginustong mabuntis. Ang ending : malaya na siya sa trabaho pero hindi sa kontrobersya. 

"E kung gumawa kaya ako ng kontrobersya," sabi ko kay Alquin. Tinawagan niya ko sa opis isang araw, totpul naman kasi talaga 'tong si Alquin [di gaya nina..]. Sabi ko, gagawa ako ng kabalbalan para ma-fire ako. Parang gusto kong ma-experience masabihan ng "you're fired!". Mabilis. Walang kuskos balungus, ika nga nga ni Mommy D. Pero anung kabalbalan? Sabi ko kay Alquin, dapat unforgettable experience para sa publishing corp namin. Frontpage dapat. Nagbabagang balita-level. "Susunugin ko ang gusali namen!" (with evil grin) nagbabagang balita talaga 'yun. Tapos ako ang susulat ng article. Sabi ni Alquin, mas pangit naman daw 'yun, at magresign na nga lang ako. Paano nga? Paano mag-move on? Move on from working to non-working ha.

Noong nalaman kong kailangan ko nang magresign. 'Yung mismong oras na "ito na 'yun, ang takdang panahon-moment," ibang kalayaan ang nakamit ko. Pero noong naisip ko na "aba! paano kung-situations," hayun, tinablan na ako ng mga agam-agam. Pero buo na talaga ang loob ko magresign. Natatakot lang talaga ako. As in takot na parang mumulto sa'kin. Siguro may kaunting fear na wala na akong isa-swipe kapag kinsenas. Konting takot na mainitan pagbalik ko ng Tiaong, dahil walang erkon? Pero nag-aacount lang yan sa 2% ng takot ko. Malaking portion talaga nito ay takot na sabihing ako'y isang failure, loser, at quitter. Kasi naman, hindi ko man lang tinapos yung term ko. 'Ni hindi pa nga ko nareregular. 'Ni hindi ko pa natitikman magka-bonus. 'Ni hindi ko pa nga raw nararanasan ang baha d'yan sa may City Hall. 

Pero alam kong tama na. Sapat na. Husto na. Nakaipon na 'ko ng mga aklat. Nakapagsubi na rin para sa LEA review kahit hindi pa husto pero oks lang. Nakabili na 'ko ng violin kahit wala pang shoulder rest, ok lang to follow na lang. Nakapagpublish naman kahit iilang mga articles. Hindi naman sukatan ang mga napundar ko na mga bagay para masabing makabuluhan at sapat na ang itinagal ko sa serbisyo.  

E Bakit nga ba ako magreresign? Meron na kasi akong go signal para maghanda sa panibagong kabanata. Ganun talaga, para umusad ang kwento, kailangan matapos ng isang kabanata.



No comments: