Thursday, March 26, 2015

That Thing Called Writing (Dakdak ni Dyord para sa Effective Writing ng BAT-3)

Pre-Event

G
aling ako ng aking Alma Mater, sa SLSU-Tiaong nito lang Sabado, Mar 21,  para sa isang Effective Writing Talk. Oo, naimbitahan ako para sa isang writing talk o talk about writing. Resource speaker na wala namang resources.  Si Joshee (na kasama ko sa Kubo) ang unang nag-pitch sa’kin ng imbitasyon, “anong sasabihin ko ‘ron” kako. Akala ko kasi about Agriculture ang topic dahil agri students sila, kaya malamang inassume kong tungkol doon ang seminar. Tapos, si Mica (kasama ko rin sa Kubo) ang naglinaw na mag-talk daw ako tungkol sa Effective Writing para sa kanilang subject na Effective Writing. Final requirement daw nila yung pag-oorganisa ng seminar. “Pagpray mo, I’ll consider.. alam mo naman sa opis,” sabi ko pero deep inside halo-halo ang emosyon ko ng pagkasabik at pag-aalinlangan.
   
Ang gara pala, nag-aral kaya ako ng apat na taon, e lima pala, ng kursong Agriculture pero hindi ako confident na mag-talk tungkol doon. Mas malakas pa ang (lamang) loob ko na mag-talk tungkol sa pagsusulat kahit na ambeybi-beybi ko pa sa larangang ito. Sa tingin ko naimbitahan ako dahil nasa *Philippine Daily Star (coded lang:) ako nagsusulat (ngayon) at galing ako sa parehong paaralan.

Gayunpaman, isinaalang-alang ko ‘yung opurtunidad para:
1.  Makapag-balik pasasalamat sa aking paaralan at makapagbahagi ng natutunan ko sa aking mga kalahi. Malaki kaya ang role ng school paper sa pag-uumpisa ko sa pagsusulat at ang school paper ay pinapatakbo ng pera ng mga mag-aaral. Natatandaan ko na umabot ng 500k ang pondo namin with a population of 1, 236 students noong 4th year ako kaya dapat lang ibalik ko ang mga knowledge acquired sa studentry para sa mga ginastos sa 'kin dati ng school. (Wala atang word na studentry)
2.  Ma-iangat ang morale ng mga kapatid sa propesyon. Alam mo naman na ang Agri ay minamata-mata palagi ng ibang propesyon. Para na rin iparating na “magsasaka tayo at kaya rin nating magsulat!” (With matching kamao at hampas sa pulpit para may diin-epek).
3.  Makapagpraktis muling humarap sa tao. Lalo na sa estudyante. Dalawang taon na rin ‘yung huli kong harap e, noong TintaKon. May pagdadrama pa’ko noon.
4.   Maka-uwi ulit ng Tiaong. (Haha.) Ito yata talaga ang pinaka-dahilan ko.


Dahil excited kahit wala pang pan-talk o manuscript ng topic ay umuwi na agad ako ng Huwebes ng gabi. Lahat ng idi-discuss ko ay nasa utak ko pa. Pagkalabas na pagkalabas ko ng opis, deretso na ng Buendia. AWOL ang Fri at Sat ko kahit na malamang 2.6k ang kaltas sa sweldo. Awts. Pero okey sa olrayt lang dahil alam ko namang masusulit ko ang pagliban. Kena Jul ko na lang raratratin ang manuscript at presentation ng talk, pagsasama-samahin ko na ang bonding, pahinga, at trabaho pagdating sa kanila. Pagdating ng bus sa SLEX, iba ang naramdaman kong saya ng makalaya mula sa mga kuko ng Maynila.

 Biyernes, isang araw bago ang araw ng talk. Ito ang mga ginawa ko:
1.   Nagwalk ng mga aso. Tapos, ako naman naligo ng maaga.
2.   Almusal ng kaunti kena Jul. Nag-almusal na kasi ako sa amin.
3.   Practice ng violin. Wala, basura pa rin ako. L
4.   Type. Type. Type ng manuscript para sa talk.
5.   Bandang 10 am, umalis na kami ni Jul papuntang iskul
6.   Lunch lang kasabay nina Roy at nag-BS kami nina Kuya Joey! (na-miss ko ‘to)
7.   Fellowship sa Kubo, the usual every Friday. (na-miss ko rin tio)
8.   Nakipag-meet kay Mam Hesh (instructor nina Mica sa Eff.Writ.)
9.   Umuwi, hindi sa bahay, kena Jul para magmerienda.
10. Konting harot-harot lang kasi pagod na at magta-type pa’ko.
*Harot = bugbugan with Roy at Alquin. Si Alquin lang talaga ‘yung binubugbog. Tipong, wala namang tumatama pero umaaray. What the F! Fun talaga.
11. Ito na, lamay mode na. Kayod kalabaw-kabayo (KKK) hybrid na for manuscript at powerpoint. Nagprepare na’ko ng manuscript ngayon, kasi before, may nag-appear na pic sa presentation, nablanko ako, “ano ‘to?” kako habang nakahawak sa microphone. Awkward moment kasi parang hindi ko napag-aralan ‘yung topic na ‘yun.
12.  Hapunan. Kwento konti. Dak...dak...dak...
13.  KKK-hybrid ulit hanggang antukin.
14.  Linis muna ng katawan tapos, latag na. Zzzzzz.
15.  Dumating si Jet-jet (kuya ni Jul) may dalang ice cream. Bangon at Yumum! Yum!
16.  Kwento ulit. Dak...dak...dak...
17.  Zzzzzz na talaga. As of 12 something.


Sabado, nagising ako sa isang sundot. Sundot sa forehead, sa may sintido. Hindi ‘yun sundot ng excitement dahil “it’s the big day!” kundi sundot ni Jul. Sabi ko raw gisingin ako kapag gising na sila. Maaga nga pala ang check-up niya sa Manila Doctors Hospital para sa kalagayan ng kanyang utak (i-pronounce ng parang sinapian ng daga). Nagpapagising nga pala ako para naman mag-review ng ito-talk ko mamaya at magpolish pa ng powerpoint presentation ko. KKK hybrid pa ulit bago pumuntang iskul. Alas-nuebe pa naman at alas-singko pa lang, mahaba pa ang oras.

Bago mag-alas otso ay nasa school na ko. Hindi naman ako excited. Wala akong dalang bag. Isang steno pad at bolpen lang dala ko kasama ang 6-pages na manuscript para mukhang matalino. Nasa tampipi ko lang ‘yung USB flashdrive kung saan nakalagay ang talk ko na ‘That Thing Called Writing’. Tumambay muna ako sa Kubo para humingi ng gabay sa May-Akda ng lahat. Nag-umpisa nang magdatingan ang mga BAT-3 students. Aba, bumibilis-bilis na ang tibok ng utak at sikmura ko. Baka naman dahil sa kape. Nag-umpisa nang maghakot ng armchairs sa covered court. Naku. Dugs. Dugs. Dugs. Kayak o kaya ito? Maya-maya ay lumapit na sa’kin si Queen Joy, (alam ko, siya ang palaging hostess sa mga agri-events) inabutan na ’ko ng program tapos binirief na chill lang muna dahil nag-aayos pa sila. Naku. Naku. Dugs. Dugs . Dugs. Ok lang kaya kahit i-postpone nyo na lang muna. ‘wag na nating ituloy. Ganan na ang mga iniisip ko, nega-star na ’ko.


Si Queen Joy, sinira ang stolen shot ko sana.
Kuha ni: Dyord

Asan naba kasi itong si Mica? Edi tineks ko na nga. Naliligo pa raw. Iba-iba sana kung me kasama akong kakilalang delegate e. Nakakahiya kasi noong sinubukan ko nang pumunta sa covered court ay parang sinisipat ako ng mga participants/delegates. Feeling ko, ito yung sinasabi ng kanilang mga mapanuring tingin:
a)  Totoo bang writer itong inimbayt?
b)  Parang wala namang ituturong matino.
c)  Hindi ata worth it ang ibabayad natin dito.
d)  E, ito ‘yung dugyot na pakalat-kalat lang d’yan. Mukha ngang utility/ outsider yan dati. Tapos ngayon, resource speaker?

Balik ulit ako sa Kubo, briefing muna ako with myself. Maraming beses na rin naman akong nakapag-talk, mostly tungkol sa campus journalism, madalas sa high schools at Educ students. Mga tatlong beses na, more than two is many na kaya. Tapos, may mga awards ka naman dati noong nasa campus journ ka pa. Nagyon, nasa isang malaking historical publishing corp. ka. Kaya mo ‘yan Dyord! Pero ito ang nagmumulto sa’kin, ang aking The Skeptic-side: E ang tanong: Marunong ka nga bang sumulat? Wiheeeeee..

Kaya mo ‘yan Dyord! Tutulungan ka ng May-akda ng Lahat! Nakita ko si Alvin (kasamahan ko rin sa Kubo). “Pagpray mo ko, kinakabahan (at nababaliw) ako,” sabi ko sa kanya. Pagkatapos noon ay dinibdiban ko ang sarili at inayos ang kuwelyo. Tinapik-tapik ang pisngi. Nagpalagutok ng buto sa daliri. Pumadyak.



   Simulan na natin ‘to. Bring it on!



No comments: