Monday, March 9, 2015

Palengkinitan





Palengkinitan

Hanggang kailan kaya
Mabubuhat ang kaban?
Pitong kilong nakadag-an
Wari'y di napaparam
Katal na. Kalos pa.


Nasa gitna ng maingay
Na palengke ngunit
Giniginaw mag-isa
Tila gulay na lanta
Tinubig na't di mabenta


Isang tilapia sa mababaw
Na labong tubig sa batya
Sisingap-singap ng hanging ginto
Matutuklap kaya ang pulang plastik?
Pagod nang magpanggap na sariwa


Nasa malambot na upuan
Ngunit ngalay na ngalay
Salami'y palaging inaaway
Buhok ay di tinatantanan
Binibilang-bilang, sapat na ga?


Sapat na nga ga?


Hinahanap ang palamigan
Panahon nang tumikim ng asukal
Tuwalyahin ang mga butil sa noo
Pigain at langgain ang pinagpawisan
Mas tumatamis pala, 
kapag galing sa  asim.





Tula ni: Dyord
Guhit ni: Jeuel

No comments: