Napansin kong may inilabas na upuan ang mga kalalakihan. Salamin na bubog lang naman kasi ang nagkukulong sa'kin mula sa outside world. Inilabas nila ang isang teybol at isang opis tseyr mula sa isang opisina. Mga ilang araw ko ring nadadaanan 'yun dahil nakabalandra ito sa makipot na daan papunta sa kulungan/opisina ko, lalong kumipot ang daan. Gusto ko nang idahilan na "makipot yung daan, ang hirap pumasok kaya aabsent muna (ulit) ako," pero siyempre hindi pwede.
Ilang araw ko ring pinagnasaan ang upuan. Medyo maigsi kasi ang sandalan ng upuan ko, ansakit sa likod sa pagdaan ng maghapon. E yung nakabalandrang upuan ay lampas ulo ko ang sandalan at kutson na kutson pa. Paumbok-umbok dahil may mga botones na disenyo sa sandalan, haaay parang angsarap tulugan ng naka-upo. 'Yung teybol naman ang lawak-lawak, parang ansarap ub-uban kapag nahihilo-hilo na'ko sa pagsusulat. Yung teybol ko kasi pag-uubo-ob ako ay sa keyboard na agad dahil wala ng espasyo, Kapag nagsusulat nga ako ay sa nakabukas na drawer Hindi naman sa nagrereklamo ako sa muebles ko sa opis. Kuntento naman ako kaya lang mukhang hindi na ggamitin yung mga nilabas na muebles e. Akin na lang sana.
May nakasabay ako sa makipot na daan na dalawang babae. Pinag-usapan din nila yung opis tseyr at teybol. Ang ganda raw sabi ni girl1. "Sige, gamitin mo 'yan. Gamit 'yan nung namatay," sabi naman ni girl2. May namatay? Hindi ko man lang nabalitaan. Nasa dyaryuhan pa naman ako nagtatrabaho. Kaya pala gagawin nang library ang opisina na 'yon? Wala akong mapag-uriratan ng tungkol sa namatay na 'yon kung anung section ba siya nagsusulat o saang magasin.
Lalo ko lang nagustuhan ang kanyang upuan. Sigurado akong masarap magbasa ng aklat habang nakasandig doon at nagkakape. Kaya lang alam ko na hindi nararapat sa'kin ang kahit kaunting kapanatagan habang naghihirap. Kasi hindi ko masasabing naghihirap ako habang panatag ang aking likod at nakasandig sa malambot na sandalan.
No comments:
Post a Comment