Pauwi galing trabaho. Ipit na ipit lagi ang dyip diyan sa may Quezon Bridge. Problema talaga ang rush hour. Wala pa nga raw baha ro'n ngayon e. Inaabot ako ng 30 mins. Hindi ko naman matangkang lakarin dahil delikado sa mga rugby-linggits. Tapos, pagdating ng Quiapo, sasakay naman ako ng biyaheng Pasig-Palengke, at halos trenta minutos ding naiipit d'yan sa may Recto. Mahigit isang oras din ang binabiyahe ko araw-araw at rinding-rindi pa 'ko sa mga BUSINA ng mga sasakyan. Alam mo 'yung wala namang kabusi-busina, makapag-ingay lang talaga.
'Yun pala, pwede naman akong sumakay uli ng San Miguel Ikot, tapos bababa ako bago lumiko ng Baste. Dadaan ang dyip, imbis na sa Quezon Bridge, ay sa Ayala Bridge. Lakad konti, tapos akyat papuntang Mendiola. Tapos, from there, sasakay naman ako papuntang Bacood at bababa sa may 7-11 diyan sa may Estero de San Miguel. Nakakatipid ako ng 30-40 mins. Pwede ko pa 'yung itingin-tingin ng libro sa Book Sale sa SM. Libro na naman Dyord? Tingin lang naman, p'wera bili. Pampaalis lang ng sakit ng ulo.
Matagal na 'tong tinuro sa'kin ni Pastor Jong. Baka magtatatlong buwan ko nang alam. Ngayon, ko lang sinubukan. Nakakatuwa, dahil iba yung dinadaanan ko. Iba yung feels e. Ang sarap sa utak na may mga bagong gusali kang nakikita. Iba sa mga karaniwang nakikita ko kapag dumadaan ako ng Quezon bridge. May mga dadaanang mga bahayan na may mga sari-sari istor at isawan sa labas. Tapos, malalanghap-langhap ko pa 'yung usok ng sinugbang isaw. May mga matataas ding condo unit bago mag-tulay ng Ayala. Iba. Bago. An' saya.
Naisip ko lang, natatakot pala akong iwanan 'yung nakasanayan. Nag-aalangan lang na sumubok ng bago. Takot maligaw sa lugar na hindi ko alam. Pero sa oras pala na sumubok ako ng bagong daan, mas maraming isawan akong malalanghap, mas pahnang pwededeng buklatin, mas maraming mukhang makakasalamuha at mas maraming pinto akong makikita.
...
Ito ay isang #hugotnahugot
No comments:
Post a Comment