Thursday, December 31, 2020

Tatlong Taon bago Trenta


Dalawampu't pitong taon na kong umiiral. Parang bata lang ako na tinatarget sa bato-bola noon at pagsalo ko sa bola para bumuhay ng kasapi ay biglang lumaki na ko, ito na ako. Dating bata lamang na gumagawa ng bahay sa piko at ngayo'y nag-iisip na tungkol sa kung kelan naman kaya ang sariling bahay. Batang tumukoy lang ng teks at pagbaba ng pamato ko ay biglang magtetrenta na pala ko. 

Kisap-mata lang ang bawat taon. Limang bilyon lang ang tao noong 1993 at papalo na ang planeta sa walong bilyong tao ngayong taon. Parang halos tatlong bilyon kada tatlong dekada. Baka lumampas na nga tayo sa mga hanggahan ng planetang bilugan naman. 

Teka lang naman

Puwede kong sabihin na may kanya-kanyang panahon ang bawat tao. Maaaring hindi pa dumadating ang sa'kin; na hindi naman nagmamadali, na nabubuhay lang sa araw-araw, na hindi nag-iisip sa walang siguradong bukas, na bahagi ng mas malaking dibuho ang mga tutuldok na magdudugsong-dugsong din sa bandang huli, na hindi natatakot na mapag-iwanan, na may pag-usad naman kahit paano,  na hindi nagpapadala sa agos ng mga sabi-sabi tungkol sa mga dapat mayroon na bago magtrenta, na wala namang inaasahan 'maging' mula sa sarili, ako lang 'to na may laya pero hindi lagi. 

Hindi naman ako isang babaylan na malaya sa pressures ng established titas tuwing magkikita kung may okasyon ang angkan. Naiisip ko rin naman ang pondong pang-ospital, mga bitak sa banyo, pagpapaayos ng lababo, bumili ng mas malambot na higaan, mga butas sa bubong, relokasyon sakaling mapaalis muli, at permanenteng pagkakakitaan.  Kung saan naman nanggagaling ang tanginang kaakuhan ng mga pagsalungat. Naging takas ko na ang maiigsing sagot sa mga tanong na ikinamatay ba namin? Ikinagutom ko ba? Kung hindi naman, palaging hihindian kong maging tuta ng mga sigurado pero wala namang saya. Baka kasalanan ko nga ring nasa umiibay na kinatatayuan ako dahil pinalampas ang mga di miminsang pagkakataon para maging sigurado. Kasalanang hindi ko naman pinagsisihan pa. Kisapmata lang ang bawat taon.

Taympers. Ilang gabi na akong inaabot ng madaling-araw kahit hindi naman ako nagsisimbang gabi. Nasa 9,861 na araw na akong buhay kung saan 3,280 doon ay itinulog ko. Palaging nasa 30% ng buhay natin ang itinitulog natin. May 334 nang pagpapanibagong-buwan simula noong isilang ako. Isang simbang gabi, sa bahay ng mga espiritistang Alabastro, sumisigaw pala ang nagsilang sa'kin kung kailan maagang gumising ang mga tao para taimtim na dumalangin para matulog lang uli pag-uwi. Umusbong akong pumapalahaw ng iyak habang ang marami'y kinukumutan pa ng Amihan. Iilan lang talaga ang nakakarinig sa'kin simula pa man. Buhay pa kaya 'yung hilot? Sana'y nakahigop man lang s'ya ng salabat bago umuwi.

Nag-uusap kami ng isang kaibigan sa kung paanong may love-hate na relasyon kami sa mga ginagawa namin. Nagpapaalalahanan na hindi lang ito ang absolutong solusyon o ang epikong disenyo ng hinaharap. Nagtatawa' nagtataas ng kilay sa mga nagbabayani-bayanihan. Nang tanungin ko kung kailan s'ya pinanganak ang sagot n'ya sa'kin ay Informer by Snow, kaya ipinagpalagay kong ipinanganak s'ya sa anumang araw ng Abril 1993. Nang pakinggan ko ay tungkol yata ito sa black na asset ng pulis at maririnig ko sa lyrics ang mga salitang coccain at ghetto. Naiinggit ako na socially relevant yung topr chart nang ipanganak s'ya kaya sinearch ko rin ang sa'kin: Hero by Mariah Carey.

Ang sabi ng birthdayanswers.com, ang ruling planet ko ay Saturn. Ang planeta ko'y mundo ng pagkatalaga at pagtindig pero daigdig din ng mga pagbabawal at pagkaudlot. Hindi nga lang ako naniniwalang ang mga pinanganak nang pinamamahalaan ng planeta ko ay may disiplina't pagsusumikap. Ang tamad ko kaya recently. Nag-align nga pala ang Jupiter at Saturn, the Great Convergence, ilang oras bago ako tumawid ng isa pang taon ng pag-iral. Iniisip ko ano kaya 'yung Jupiter sa harapan ko ngayong taon, siguro anumang mas malaki sa'kin ang lilinya na sa wakas. Naririnig ko tuloy si Zenaida Seva na gabay lang ang mga bituin. 

Nanood lang kami ng pelikula at nang mainip ay nagbabad sa bukal ng Mainit. Hindi naman kami naghahanda at isa pa ayoko ng mga tao. Salamat na nga lang din at hindi kami luluwas para makipagdiwang sa mga kamag-anak ngayong Pasko. Ayokong marinig ang mga mema tanong lang na mga pag-uusisa ng mga kamag-anak. Pag-uwi ko sa bahay ay may cake na binili si Mama sa kung saang bakery dahil hindi na raw n'ya kayang pumunta pa ng mall. Nagluluto rin s'ya ng spaghetti sa hapunan dahil dito na rin kakain sina Idon at Princess. Pagdating ni Papa may dala rin s'yang mga pagkain. Kumanta ng happy birthday si Rr at nag-picture. Nasungitan ko pa si Papa dahil ayoko nang magpa-picture, natawa lang s'ya habang nagta-type na sa myday n'ya dahil gusumot ang mukha ko. Nagtawag pa ng kapit-bahay si Rr. "Darating ang mga pinsan mo, nakakotse sila," sabi ni Papa. Naghahanap din nga siguro ng kadugo ang mga kamag-anak namin. Tuloy sa pagluluto sina Mama at Idon dahil panghapunan lang dapat namin ang mga handa. Humarap naman ako sa mga kamag-anak at tinanong ko pa kung sino 'yung ibang hindi ko na kilala. Tinulugan ko na rin sila sa wala nilang patid na bisayaan. Patanda ako nang patanda'y pasungit din nang pasungit.


Sa tatlong taon bago trenta, tuloy lang sa pagtukoy na laging nakataya na pati pato. 



Oo nga pala, natanggap ko lahat ng text messages at blog comments dahil hindi n'yo rin alam kung saan ako hahagilapin. Salamat, salamat! At kung kailan, hindi ko pa alam. Bugtong 'yan, isipin mo. 

Highschool Triumvirata

Tambay kaming tatlo nina Edison at Malasmas. Mark Ryan talaga ang pangalan, hindi ko lang s'ya matawag sa first name n'ya dahil kaibigan ko since hayskul. Inabot kami ng hating-gabi kakakuwento ng hayskul life. Limang oras na walang patid. Tama nga si Sharon tungkol sa hayskul layf. Ang lakas ng halakhak ko at mga may tunog na mga pagkalungkot para sa ibang mga bali-balita. Binalikan namin ang hottest chika at mga nasangkot sa mga scandal. Kung sino-sinong parang may something. Sino-sinong nagkatuluyan. Sino-sinong "successful" na. Ang simple lang ng buhay at problema namin noong hayskul. 'yung tipong wala ka lang assignment e parang guguho na ang mundo mo. Ganun lang. Ang liit-liit na lang ng mga problema namin noon, nakakatawa. Tapos sobrang walang pera pa kami noon, wala pa rin naman masyadong pera ngayon pero nakakagalaw naman kami sa kapitalistang mundo. Kanya-kanya kaming name drop at nag-a-associate ng kuwento. Kunwaring may masamang kuwento yung isa ay aalala ako ng mabuting karanasan sa kaklase namin na nabanggit. Tatawa kung wala talaga at pure evil talaga na kaklase. Magpipilit ding alalahanin kung ilang beses lang kaming kinausap ng mga kaklaseng (pa) star at mahihirapan kami dahil nga mga losers at wala masyadong kumakausap. Pare-parehas lang din pala kami ng ibinoto sa unang SSG elections noong hayskul at ang dahilan lang namin ay magaganda kasi talaga at nasa pilot section. Wala pala talaga kaming karapatang magalit sa mga taong bumoto kay Bong Revilla dahil sa guwapo lang at mukhang mabait. Tapos, maalala namin 'yung kaklaseng nagpakilala kay Bob Ong at nagsimula nang puwede palang magbasa ng labas sa pinag-aaralan sa school.

Ini-stalk pa namin sa social media 'yung mga kaklase't batchmates sa Recto Memorial National High School kung anong itsura na nila. May hindi talaga nagbago, tawang-tawa kami sa isang masungit na kaklase na 'namuka' ang profile description sa Facebook. Puwede nang libro e, kulang pa nga 'yung limang oras e. Sana pala ni-record ko. Sa tinakbuhan ni Malasmas sa turnuhan dati, pasensya na raw at hindi pa rin naman s'ya financially stable ngayon. Actually, kaming tatlo.

Wednesday, December 30, 2020

Kung Paano Nawala Ang Lecture Notes


Sa isang start-up workshop gumamit kami ng isang online co-working board app tungkol sa business model canvas at iba pang start up diagrams and frameworks na ang kompli-komplikado na. Siguro dahil hindi ko talaga wika ang negosyo, nakinig pa rin naman ako habang nalulula sa mga salita na Ingles naman pero di ko na gets talaga. Nahihilo na ako. 'yung board ko para sa output ayun walang laman na para akong isang bata pa rin na ayaw gumawa ng seatwork dahil di ko gets o trip ang mga bagay-bagay. Bata pa rin. 

Binalikan ko ang board isang araw. Tapos, nakita ko na oks pala gamitin. Nagsulat na ako.

Sa isang group chat, sabi ng organizer na 'wag daw naming pakialaman ang board ng instructor dahil personal n'yang board 'yun. Ako ang unang sumagot ng "noted"! Sa isip-isip ko sino pang babalik sa mga nakakahilong mga charts at diagrams? 

Nakatanggap ako ng pm mula sa organizer ng isang screenshot: "Kung Paano Nawala Ang Mga Babaylan" ang sabi ng screenshot. Hindi sinasadyang nabura ko pala ang mga di naiintindihang mga salita't mapa ng negosyo at pinalitan ko ng kung anong sinusulat ko ngayon. Sa account pala ng instructor namin ako gumawa ng mood board at in-overwrite ko ang lecture content n'ya. 

'yun lang ang kuwento ng mga nawawalang lecture notes, from business to babaylan. 


#











Wala yata talaga tayong hinaharap sa pagkita ng pera, pipol! 

Tuesday, December 29, 2020

Pamangkids 2020



Andito ngayon ang pamangkids sa bahay. Kumpleto; si Puti, Top-top at Ten-ten kahit pa bawal pa ring bumiyahe ang mga bata. Hinintay nila akong makaligo bago kami manood sana ng Shake Rattle and Roll kaso ang labo ng kopya ko ng episode ni Manilyn Reynes kaya nauwi rin kami sa Dora the Explorer the Movie. Nakahiga ngayon si Ten-ten sa pagitan namin ni Mader; tawag nila sa lola nila ay Maderhen. Nasa kwarto sina Puti at Top-top. Bukas kasi ay bertdey ni Pader; tawag nila sa lolo nila ay Paderhed. Pabaros nang pabaros ang pamangkids. Si Ten-ten na lang ang sweet minsan na kada papansinin ko ay parang makahiyang namamaluktot. Si Puti talaga ang pinaka magaspang at kalye kung magkuwento. Si Top-top naman ay may kaunti ring kalikutan pero maingat na hindi makadiklapan kay Puti, parang kami lang dalawa noon ng tatay nila. Wala munang lata ng gatas at mga biskwit mula sa Tito ngayong Pasko. 

Ang laway pa ring magkiss ni Ten-ten, hindi pa n'ya ma-grasp ang basics ng beso.




Napanood Namin ang 'Fan Girl' ni Direk Tonet Jadaone

 P*cha!

Panoorin mo rin.

Pls. 'wag pirata.

Sunday, December 27, 2020

Ganito pala ang Ibig Sabihin ng Premium

Ganito pala ang ibig sabihin ng premium. 

May dala akong ham. Walang utensils at kitchenware na matino si Edison sa TLE room n'ya. Home econ kung private pero dahil public school teacher kaya TLE. Nanood pa ako kung paano ba buksan o lutuin ang ham sa Youtube. Tinatapon ba 'yung sauce o puwedeng isama nang lutuin. Di ko kasi alam kung sauce ba ito o marinating syrup ba kasi 'yung iba gumagawa ng sarili nilang sarsa talaga. Gaano lang ba kakonti ng mantika? Hala masusunog agad ang asukal dahil glazed, paano ko 'to tutustahin?

"Hala anong ginawa mo d'yan?!" sabi ni Song sa nagkalasug-lasog nang ham. Hayaan mo na kako ang purol ng kutsilyo mo e. Mas pinawisan pa ko sa paggagayat nare kaysa paglalakad kanina. Gutom na ko, maluluto rin yan kahit mukhang pangmenudo ang gayat. 'yung iba nga hindi nakakatikim ng hamon kung Pasko. Nagsuot na ko ng face shield para magsalang sa kawali, matitilamsikan ako for sure dahil walang siyansi si Edison. Bumili ka na rin ng non-stick pan next year. Magtetrenta na tayo dapat mga kitchenwares na ang pinupundar natin.

Salamat sa hamon pero hindi sa hassle. Siguro business strategy ito ng mga mayayamang kumpanya. Mamimigay sila ng ham na buo sa mga mahihirap para mahirapan sa paggagayat at ma-realize mo na next year kailangan mong bumili na ng pre-sliced premium ham. 'yung di na malalasog at sexy-thin na gayat. 

Sa bahay, pag-uwi ko ay halos bato na sa freezer ang mga ham. Wala kaming binili sa mga 'yan. Bigay ng politiko. Bigay ng simbahan. Bigay ng kumpanya. Wala na ring gustong maggayat. Nag-ulam na lang kami ng itlog, ipinatong na lang sa sinaing. 

Next year, bibili na ko.  


Friday, December 25, 2020

Mahirap pala talaga ang buhay ngayon

Kakatapos ko lang maligo at habang naghahanap ng maisusuot na damit, at kung kailan naman magbibihis na'y saka pa naghahagilap ng maisusuot, naririnig ko si Mama na nakahiga na sa kuwarto kahit na maaga pa lang.

"Mahirap pala talaga ang buhay sa ngayon no?" sabi ni Mama.

"O," 

'yun lang nasabi ko na ang implikasyon ay bakit n'yo naman nasabi at kung research-based ba 'yan. Lately, taga-follow up questions na lang ako sa bahay ng mga reflections ng mga tao.

Kapag umaga ng Pasko, 'yung mismong araw ng bentsingko, wala nang nagtitinda sa palengke. Kaninang umaga, halos lahat ng manininda ay naroon at naghihintay sa manaka-nakang mamimili na nakalimot sigurong bumili ng sibuyas o fruit cocktail. Isa na sina Mama at Rr sa umaga ng Pasko'y nagtataas ng trapal ng tindahan para magtinda. "Paskong-pasko naman ay kayo'y bukas pa," sabi raw ng mga mamimili. 

x



"Joy, Christmas!" sabi ng natanggap na voice clip ni Mama mula sa isang may special need. Namamasko raw sa kanya. Nasa abroad pareho ang mga magulang kaya araw-araw may nakatokang magdadala ng pagkain at ipaglalaba 'yung may special needs. Sa magkakapatid ito na lang daw ang hindi pa napepetisyon sa abroad. 


x


Bisperas, maghahapunan sana kami ni Edison sa Jollibee. Pagabi na at iniisip namin ay abala na ang mga tao sa pagsimba, wala nang tao masyado. Bukas kaya? Bukas 'yan at korporasyon e, sayang kita. Paglapit namin abala na ang mga crew, nagmamadaling magpunas ng pinto at mga salamin. Nakatagilid na ang mga upuan. Hindi na nagpapasok, magsasara na.

x



"O bakit lalabas pa kayo e ang dami naman nating pagkain?!" sabi ko kena Mama at Rr na kakauwi lang galing palengke't paalis na naman. Sikal na sikal pala si Rr sa pagpunta sa mall o kahit anong tindahang may malalaking salamin at bumili mula sa kanyang pera -  pumila sa counter. Ang binibili ng kapatid ko'y shopping experience at hindi talaga pagkain. Feel good siguro kapag bumili s'ya sa convenient store. Pag-uwi pinasalubungan naman ako ng BigBite at ipinagmalaki ang kanyang best buy na tubig. Balak n'yang i-reuse ang botelya. Fan ng tumbler sina Mama at Rr noon pa man at hindi dahil sa emba-environment. 

x



Umuwi pala ang kapatid kong alibugha na si Vernon. Kakauwi ko lang din at alibugha rin naman ako on my own way. Napansin ko na may SPAM kami. O, san galing?! Sinabi ni Mama kung kanino galing pero wala akong naintindihan. Napansin ko na may mga imported chocolates kami. O, san galing?! Sinabi ni Mama kung kanino galing pero wala akong naintindihan. Whatchamacallit, naalala ko na ito ang laging sinasabi ni Tsang Lorie noon sa work kapag may inaalala s'ya at brand din pala 'yun ng chocolate. Mag-i-SPAMsilog ako bukas. Kinabukasan nang magluluto na ako, wala na, wala nang SPAM, nagbukas ako ng ref at wala na ring chocolates. Umuwi na rin ang kapatid ko. Inuwi na n'ya lahat sa pamangkids ang SPAM at chocolates dahil hindi naman sila makakabiyahe papunta sa'min. Alibugha talaga.


x



Naririnig kong nagdadasal sina Mama at Rr, may tungkol sa pag-iingat, pasasalamat at nang bahagya kong silipin ay nanalangin habang nagpapahid ng facial cream.



#

Thursday, December 24, 2020

Bisperas de Bente-Bente

Manonood ng pelikulang hindi maiintindihan
Isusubo't ngunguyain kung anong maibigan
Ngunit hindi mabubusog bagkos mangangalay
Ang utak sa aliw at pagtaboy sa pagkainip
Magpapatalon-talon sa mga digital na kahon
Nag-aabang ng ikakapalakpak at ikakasuya
Habang abala ang marami sa pamimili
Habang nakikinig kung anu-anong puwesto
Ang pinaka maraming nauuwi't naitatabo
Idadaan lang lahat ng pangangailangan sa ligo
At maayos na muli ang lahat
Uuwing pagabi habang nasasagi ng mga ilaw
Mula sa nagmamadaling mga biyahero't
Masasayang mga patay-sindi
Habang abala ang mga siyansi sa paghalik
Sa masasahog at mga mamantikang kawali
Uuwi't hihiga ang mga lupang pagal
Sa mahaba't mabanas na maghapon


Sa ibang kara
Maya-maya'y papasok sa matandang katidral
Makikinig ng mga awit sa ibang wika, habang akap ng habi
Maiintindihan naman ang liriko ngunit hindi ng kaluluwa
Uuwi mag-isa, parehong pagal kahit wala pa naman
Ang mga krus na walang kinikilalang mga lunan at panahon
Susubo ng mga di kilala ng pobreng laway
Lulunuking pilit; pangangailangang di kaya ng ligo

#

Tuesday, December 22, 2020

Maninimbang

Hindi ko trip maglalabas ng bahay kung Pasko lalo nang makakita ng mga taong paroo't parito. Hindi ako palo sa napakarami nating mga mall; mga tindahang desalamin at mga istante. Ang aksaya sa ilaw ng okasyon at kahit naman walang okasyon ay kailangang nakakasilaw ang ambiance ng mall. Mas sosyal yata.

Sinamahan ko lang si Edison dahil naubusan s'ya ng gatas pero hinintay ko na lang s'ya sa labas ng supermarket. Ayoko nang pumasok dahil parang mabubundol ako ng mga rumaragasang push carts kasabay ng All I Want for Christmas is You ni Mariah Carey. Sabay na rin ang ritmo ng beep ng mga bar code sa maghapong nakatayong mga kahera. 

Biglang may humaging na ibon. Tumingala ako at may maninimbang nga na lumilipad mababa lang ng kaunti sa naiilawang kisame. Hirundo pacifica, alam ko dahil sabi ng nahahati nitong buntot at patulis na mga pakpak. Alam ko dahil laksang lumilipad ang mga ito sa kalapit naming tubigan. 

Lilipad s'yang papunta sa bandang gilid ng mall, babalik sa gitnang bahagi, babalik uli sa bandang gilid. Pauili-uli sa mall, wala namang binibili. T'wing lilipad sa gitna, hinding-hindi n'ya makita ang palabas kaya babalik uli sa bandang gilid. Uli-uli, balik-balik, parang hindi napapagod kahit kampay lang nang kampay at walang umiihip na hangin sa loob ng mall. 

Nakatingala na rin pala ang marami sa maninimbang. May ilang sekyu na tatangkain pang hulihin ang maninimbang pero mabilis itong nakakailag. Lilipad pabalik sa gitna at sa gilid mukhang napapagod din at natatakot  pero hindi makahinto sa pagkampay. Kung hihinto, saan naman dadapo. Aligagang naghahanap siguro ng mga kasama o kahit man lang ng daan palabas mula sa walang hanggang mga salamin.

Kung bakit kailangan natin ng mga pamilihang sarado o mga istrakturang sa'tin lang dinisenyo. Paano kung open o circular mall? Kung mga puno at ihip ng hangin kaya? Kung liwanag ng araw at mag-ilaw na lang kung gabi't kulimlim? Kung umiikot ang paggamit ng tubig sa isang istruktura? Kung kayang tunawin ng lupa ang mga pabalat ng produkto? Kung siguruhin kaya ng mga polisiya na may lugar sa mga istante ang mga likhang lokal (sariling bayan)? Ideal na kung sa ideal, pero di matataasang-kilay na pag-unlad kung carbon negative at water neutral ang isang mall by design. Tapos, 'yung mukha ng mga empleyado ay ngiting regular; kung talagang sosyal.

Isa pa pala, natatangahan ako sa mga plastik na puno't halaman na nakatanim sa loob ng mall. Hindi ko maarok kung bakit kailangang umunlad ang sibilisasyon para lang magmanupaktura ng mga puno't halamang plastik. 

Nakatapos din si Edison sa pagbili ng gatas bago maging green ang balat ko at tuluyang maging The Grinch of Non-Eco Christmas. 'yung ibon pala pabalik-balik pa rin sa paglipad hanggang paglabas namin ng mall. Dalawang bangga lang sa mga salamin at mamatay ang maninimbang. At hindi iisang beses kang makakakita ng mga ibong naligaw sa loob ng desalaming istruktura. 

Sana Kulimlim Bukas

 Sana kulimlim bukas.

Magba-bike kasi kami ni Song. Mula Tiaong hanggang Mataasnakahoy. Mula Quezon hanggang Batangas; mga 50 km lang naman. Nirepaso ko sa utak ko ‘yung dadaanan namin; kaya naman. At unang long ride ko pala.

Kaibigan ko si Song since hayskul. P’rehas kaming gamer. Competitive gamer s’ya pero mas magaling ako sa English. Casual gamer naman ako pero mas magaling s’ya sa Math. Noong hasykul, bukod sa makalabas ng maaga para makapagpa-level, wala na kaming kapanga-pangarap pa.

Kay Edison ako nanghihiram ng bike. Nakabili s’ya ng ilang piraso mula sa ipon sa pagtuturo. Nakaakyat na kami ng Dolores, kaya baka kaya ko naman ang Mataasnakahoy. Ikondisyon mo ‘yung mga bike, lalo na ‘yung mga preno, kako sa chat. Oo, buo ang mga salita namin sa chat with punctuation marks. Bukas mga 6 am tayo, rain or shine.

Kaya kaya? Parang wala ako sa kondisyon, mga 7 am na lang. Bawi ako ng tulog.

Ang ganda ng sikat ng araw; 7:30 am kami tumulak. Walang almu-almusal. Walang ligo-ligo. Padyak agad. Wag ko raw ihapit agad. E ang alwan ng kabyaw ko. Inadjust ko ang gear para mas gumanit. Ako ang magse-set ng pace kaya ako ang nasa unahan. Si Song ang taga-check sa likod kung kailangan kong tumabi. Kasi pumapagitna talaga ako sa kalsada. “Hoy! Tumabi ka!” Mga dal’wang ulit bago ko naririnig. “Magbigay ka kapag may bumubusina!” Pakiramdam ko kasi ako lang ang nasa kalsada. Laking pasalamat ko rin sa mga poste sa kalsada ng road-widening, nagsilbi itong bike lane kahit papano.

‘yung una kong matarik na ahon sa may Brgy. San Agustin, nadaanan ko ‘yung bahay ni Mam Salas. Binati raw nito si Mama sa palengke, hindi raw ako malilimutan dahil binigyan ko raw s’ya ng Christmas card. Halos dalawang dekada lang ang nakalipas at parang gusto kong kausapin ang Grade 3 na ako na maghanda. Nadaanan ko rin ang elementary school ko noon na nagpaparamihan kami ng amorseko tuwing Lunes.

Isang malaking lusong sa may Ibaba. Lumubay ang ikot ng kadena habang bumibilis ang tibok ng puso ko. Sana wag akong madulas. Sana wag akong madulas. Sana wag akong madulas. Iniisip ko pa lang ang gasgas sa binti ko nahahapdian na ko. Pero ang bilis ng higit sa’kin ng gravity. Grabe ang hampas ng hangin. Nadaanan namin ‘yung health center kung saan ako pinabunutan ni Mama ng ipin. Simula nu’n dalawang dekada bago ulit ako nakipag-usap sa dentista. 

Nag-uumpisa nang uminit. Tumitingkad ang sikat. Basa na ang quick dry brightly colored kong damit. Sa San Antonio kami kakain. Pumarada kami sa isang gotohan. Pagtanggal ko ng helmet ko para akong nahihilo. Siguro dahil hindi pa ako nagkakape man lang. Ang layo-layo pa namin. Nilamnan ang tiyan ng tapsi. Napag-usapan namin ‘yung isang viral na bully video, hindi ko pinanood kako. Mati-trigger lang ako, hayae nang asikasuhin ng social welfare ‘yan.

Pumadyak ulit kami. Ramdam ko na ang sinag sa balat ko. Walang armband. Walang closed shoes. Tumitibok na ang sintido ko. Nakatingin ako sa kulimlim at parang gusto ko na s’yang higitin sa tapat namin. Gumanit ang padyak. Bahagyang may inclination na pala ang Padre Garcia. Hindi mo ramdam kapag nakasakay ka sa dyip. At masakit pala ang bahagyang paahon kapag tuloy-tuloy. Mas masakit pa sa isang malaking ahon. Walang kaming baong tubig. ‘yung face towel, hiniram ko lang kay Song. Daan tayo ng munisipyo ng Garcia.

Dumeretso kami sa DSWD nang bandang alas-dyis, hihingi ng tulong.  Hahapo-hapo’t hihinga-hinga. Gusto ko nang mag-dyip. “Ginusto mo ‘yan!” sabi ni Song. Wala nga naman akong pre-long ride na praktis man lang. Ang tagal kong di nagbike tapos bigla kaming nag-long ride. Halos mapaluhod ako sa altar ng opisina pagpasok ko. Binati agad ako ng nasa info at cubicle. “Ser Jord!!!”, “Merry Christmas!!!”, “kumusta ka naaa!?”, ngumiti ako sa mga kliyenteng nakapila at nabulabog na mga senior. 

Ang tagal kong hindi nagpakita rito. Ito ang bukod tanging trabaho na iniyakan ko. Ito ang opisinang natuto akong magmura tuwing Lunes. Ang opisinang magpapabangon sa’yo sa kama kahit may bagyo o lindol. Ang opisinang nagturong ngumiti kahit di ka naniniwala na gwapo’t masisipag ‘yung mga konsehales. 

Umakyat muna ako pagkabati. Doon kasi ang opisina ko sa taas dati. Pinaupo ko muna si Song sa veranda kung saan kami nagpupulong ng mga magbabakang Garciano. Pumasok naman muna ako sa opisina ng Pantawid. Ramdam ko kaagad ang ihip ng erkon. 

“Aba!” bungad ni Mam Brenda at hindi matapos ang pangungumusta. Ang daming nabago sa tanggapan matapos lang ang isang taon: may nilipat ng table, may nilipat ng programa, may licensed nurse na, may bagong staffs, aalis na staffs at nasaan si Tita Nel? Si Tita Nel ang partner ko noon sa livelihood, na kayang sauluhin ang cash on bank ng mga samahan up to two decimal centavos. Busy raw sa pamamahagi ng assistance sa mga naospital, namatayan, atbp. Hindi ko na inabala at baka malito pa sa liquidation. Next time na lang. 

Nang makalilom-lilom, nag-igib lang kami ng maligamgam pa ring tubig mula saming di na naayos na dispenser. Tapos, pumadyak na ulit kami. Dinaanan rin namin ang dinadaanan ko umaga’t hapon na Abbey Road at ang White House na dati kong tinutuluyan. Saglit lang ang kulimlim. Saglit lang din ang patag. Parang nahapak na ang mga hibla ng kalamnan ko sa binti. Matigas na rin ang balikat ko. Tagatak ang pawis. Mag-dyip na tayo. Ako magbabayad. “Sino bang nakaisip nito?” Ako ang may balak talaga. Hindi na nga lang masaya, dusa na.

Naniniwala na akong kaya malamig sa Lipa dahil mataas ang elevation nito. Siguro dagdag na ‘yung kalapitan nito sa lawa ng Taal at Mt. Malarayat. Inggit na inggit ako sa mga binabati naming bikers galing Lipa, halos hindi nga sila pumapadyak. Ngali-ngali ko nang pumara ng dyip sana nagdala kami ng multi-purpose rope pantali ng bike sa bubong. May isang ahon na nagtulak na talaga ako ng bike. Shame. Shame. Shame. Habang kinakalabit ni Edison ang bell n’ya.

Bago pa man kami pumasok ng Lipa, nagtulak na kami ng bike sa sidewalk. Trapik. Hindi naman ako makasingit-singit, (1) sumisingit-singit na ‘yung mga motor, (2) mahina ang balanse ko kapag mabagal, kapag natumba ko baka makabasag ako ng salamin ng kotse. Kaya tulak na lang sa tabi hanggang bayan. 

Bigla akong namulat sa buhay kalsada. ‘yung mga tao, tatawid kung saan at kelan nila gusto, ‘yung mga namamasada doon talaga sa karatula na no loading and unloading, ‘yung mga motor umaandar kahit nakahaya na ang kamay ng enforcer; di iisang sasakyan ang bigla na lang umiikot at nag-counterflow. Ako naman pababababa dahil nag-iingat. 

Nakaderetso lang ulit ng padyak papuntang Mataasnakahoy. Sa isang intersection, may bigla na lang pumarada na traysikel. Nagmarahan ako. Iikit-ikit ang kadena. May dumadaang trak sa kaliwa ko, mapapagitnaan ako ng trak at traysikel. Eto pa, pasalubong sa’kin ang drayber, hindi na ko makakaliko, matutumba na yata ako, ayokong kumayod sa trak, ayokong bumangga sa trayk at kumayod din sa trak. Nag-straight ako ng katawan, hindi huminga at tila pinihit ang oras para mas bumagal. Nahagip na ng paningin ko ang bakal na katawan ng trak. Umiibay ang hawak ko sa manibela. “Oh! Oh! Oh!” sigaw ni Song. Nakalampas ang trak. Nakalampas ang drayber. Magkasing init na ng singit ko at ulo ko. 

Sa Mataasnakahoy pala ako may ginagawa ngayon: sa isang conservation center. Dahil nasa Mataas nga kami, pababa na lahat. Sunod-sunod na lusong at liko. Ang daming puno sa tabi ng kalsada; mga kakawan, sagingan, hilera ng kabalyero, kamagong at kawayan. May mga nakita rin kaming solar-powered street lights kanina. Binati kami ng simoy ng lawa ng Taal. May isang mahabang lusong na hindi ako sigurado kaya inakay ko ulit ang bike pababa. Nahihigit pa rin ako ng gravity pabulusok kahit akay –akay ko na ang bike. Nadaanan ko pa ang kinakalawang at puno na ng bagin na labi ng nadiskaril na bus. Nang makakalahati ako saka ako sumakay, bawas na ‘yung panggagalingan kong tarik. Pero ambilis pa ko ring bumulusok. Nagmiminor ang kotse sa harap ko parang mababangga ko s’ya. Hindi na kumakapit ang preno ko. Mababangga ko nga yata. Niririndi ako ng hampas ng hangin at tunog ng kadena. Simbilis ng tibok ng puso ko. Tuyo na ang pawis ko. Singkit na ang mata. Mabuti humarurot ang kotse. 

Pabilis pa rin ako nang pabilis. Pinapakagat ko yung preno pero walang talab. Konti na lang sharp curve na. Bangin kapag di ako lumiko. Sana walang traysikel. Sana walang traysikel. Sana walang trayk – nalagpasan ko si Song. Binababa ko na ‘yung paa ko, kumiskis ang daliri ko sa kalsada. Gadangkal na lang ang pagitan ng gulong at railings. Pagtingin ko sa kaliwa kong paa, duguan ang tatlong daliri. Inakay ko na ulit ang bike sa mga sumunod na palusong. 

Mga bandang alas-tres kami nakarating ng Pusod. Maraming lilim dahil ng Talisay. Chineck ni Song ang Strava, 52 km. Mag-a-upgrade na raw si Song ng prenong hydraulic sa bike na ginamit ko. Natulog lang ako sa’king opisina. Pagkagising parang gusto kong sumama sa paglubog ng araw sa lawa.  Naghapunan ng alas-sais. Naglinis ng kaunti pero di ko na kayang maligo. Nahiga ng alas-siete.

Pagkagising; nagbungkal ng lupa, nagdilig ng halaman at nakikape sa kapit-bahay naming docu-journo, galing kasi s’yang Sagada. Nagkasarapan sa kuwentuhan tungkol sa mga development path na puwedeng tahakin ng Sagada. Nagyaya silang ikutin ang bulkang Taal para manood ng migratory birds. Winisik-wisikan kami ng tubig-lawa sa bangka; nagpapaalalang hindi pa kami naliligo. 

Pauwi, chineck ni Song ang mga ruta palabas ng Pusod at may lima palang daan. Parang kamay lang. Hindi na rin ako naligo. Maliligo rin naman ako sa pawis. Pumadyak na ulit kami ng bandang alas-dos. Medyo kulimlim pero wasak na ang hita ko kaya nagtulak yata ako ng bike ng mga tatlong kilometrong ahon. “Mag-dyip na tayo pagdating Lipa,” kako. Pero palusong na raw ‘yun pati ang Garcia. “Sagot ko na”. Tapusin na raw namin.

Pagkaahon ng Balete, pagtawid-tawid na lang sa intersections sa Lipa ang challenge. Mas mabilis na kami. Halos hindi na rin ako pumapadyak pagkalabas ng bayan ng Lipa. Buti na lang naka-bright colored quick dry shirt pa rin ako. Mabaho pero safe dahil kitang-kita kapag nailawan. Naalala ko sa Padre Garcia pala dapat kami lilipat noon nang pinapalayas na kami sa ipinagkatiwalang lupa na di na natubos sa bangko. Pero napadpad pa rin naman ako ro’n nang makapagtrabaho. Parang biro dahil namoroblema pa rin kami sa social welfare para sa mahigit limampung pamilyang pinapalayas sa tinitirikanng lupa.

Bandang alas-siete nakaahon kami ni Song sa tapat ng Avila Gardens kung saan nagtenant kami ng labing-isang ektaryang lupa. Tumigil kami sa isang tumpok ng bahayan. Nag-tao po ako. Andun si Ninang Mariz na graduation ko pa ng Grade 6 huling nakita. Gulilat s’ya at nakangiti; halos nauubos na ang ngipin. Nag-mano rin ako kay Ninong Arman sa kusina. Sila ang laging nag-aabot samin ng gulay at specialty nila ang ginataang labong. Binati ako ni Ninang Mariz ng happy birthday at binirong malaki na ang ipon ko. Nakiinom kami ni Song. Nangumusta sa kababatang si Let-let na kaklase rin namin noong hayskul. Titser din at mukhang ipinampaayos ng terrace ang bonus. Konting chika, tapos padyak na ulit pababa ng bayan ng Tiaong.

Sa Tagpuan, nagkita-kita kami ng isa ko pang naging komunidad ngayong taon: Pokemon raiders. Ako lang noong una, mga isang araw na naglapag ako sa gym, nagbukas din si Song ng app n’ya. Nakatanggap ako ng chat message na may screenshot ng avatar ko at naalala n’ya pa ang ginagamit kong IGN nung hayskul. Tapos, na-recruit si Jonas, Taji, Malasmas at Joker. Kumain lang at nag-BFF fries.

Sa kahabaan ng pagbibisikleta nakapulot pala ako ng dalawang bente singko sentimos. Nangungulit na nagpapaalala hindi tayo sa pabata. Bentsingko na pala ako parang wala pang nararating. 

Tuloy lang ang padyak.



#

Disyembre 22, 2019
Sitio Lipute, Brgy. Kinalaglagan
Mataasnakahoy, Batangas





Monday, December 21, 2020

Na Naman

Naghahanap kami ni Song ng mga bagong lalaruin sa Nintendo para sa 2021. Nanood kami ng mga bagong game trailers, baka may maiibigang panlibang man lang.

Halos puro barilan ang mga laro. Bakit ka pa bibili ng ganyang laro kung araw-araw na laman ng balita ay mga binabaril? Hindi na nga halos balita dahil hindi na bago. Bihasa na nga sa mga binabaril. Nagtatawa na nga lang ang iba para gaya-gayahin pa. At sa Unang Hirit mo pa talaga mababalitaan. Magpapasko na, ano ba ga 'yang mga baril na 'yan, walang bakasyon? O walang balak na pagbakasyunin tayo ng mga baril na binili ng pera ng bayan? Parang ang dali lang pitlagin ng mga gatilyo n'yan. Walang sinasantong okasyon ang terorismo. Kapag di mo tinibayan ang sikmura mo, mabubuang ka. Ang tagal na nga nating sinisikmuraan, hindi pa rin tayo nasusuka.

Ito raw ang pinaka mahabang gabi ng taon. Bago matapos ang araw mababalitaan mong kinumpirma ang pagkakakilanlan ng bangkay ng isang matagal nang nawawalang hukom. Natagalan ang pagkilala sa bangkay, kinailangan pang i-DNA test ang buto dahil tinanggalan umano ng mga daliri. Ang dilim din ng araw ngayon kung hindi man ang pinaka mahabang dilim ng taon.

Panahon talaga ng kung di mamamatay ay mapapatay.


Siste ng Krisis, Krisis na Siste

 Ang dami na namang tao sa plaza. 


Umpukan pa ang mga tao sa bubong ng traysikel para magkopyahan ng mga rekusitos na sinasagutan. May ayuda. May luntiang trapal ng mag-asawang pulitiko. May kasaysayan ding nabaril dito sa plaza ang isang pulitiko noong bata pa ako. Tapos, tumakbo rin ang asawa n'ya at nanalo. 

Nabasa ko 'yung programa; "Ah, AICS pala kaya ang daming tao." Kahit hindi ako kasali sa programang ito ng inang Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan saulo ko pa rin ang ibig sabihin nito: Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS). Inaalam namin lahat ng programa ng kagawaran para sa pagbabaranggay namin at may nasugagaang nangangailangan, alam namin kung saang programa s'ya idudulog ng tulong. Sa pagkakaalala ko nasasagot ng AICS ang ilang libong piso na bayarin sa ospital at pagpapalibing; sa ngayon hindi ko na alam kung anong mga kahingian para sabihing nasa krisis ang isang tao. 

Ang isyu ko lang bakit may trapal ng kongresista? Lehislatibo ang kongreso, hindi sila dapat nagpapatupad ng mga programa. Inuulit lang nila ang trabaho ng kagawaran. Dagdag kalituhan kung saan ba talaga pupunta ang mga tao; sa opisina sa munisipyo na kadalasan masusungitan sila? o sa opisina ng kongresista na walang hinihindian? At may mga trapal ng mga mukha sa tarangkahan ng tulong. 

Natanggal na ang ganitong siste dati pero bumalik na naman. Pinalagan na natin ang pagpapatupad ng mga kongresista. Binago lang ng ilang titik ang pangalan ng pondong dumadaan sa opisina nila at oks na oks na uli sa'tin. Malamang dumaan din naman sila sa masuring audit dahil may liquidation papers pero sa pagtingin ayon sa Konstitusyon, malaking ekis ng pulang bolpen! 

Noong panahong nasa kagawaran lang ang programa, hirapan din ito sa pagpapalabas ng pera. Wala pala kasi itong sapat na human resources at ang kupad ng hiring. Tuturuan mo pa 'yung mga bagong salta sa kagawaran sa mga pasikot-sikot ng programa. Tuloy, mabagal ang daloy ng tulong sa nangangailangan. Hindi agad maubos ang pondo bukod pa sa usapin ng mga bara gaya ng dala-dalawang pangalan at unliquidated funds mula sa mga pamahalaang lokal. 

"O di n'yo pala kaya e," habang nakataas ang kilay ng mga kongresista. Tulungan na namin kayong magpatupad ng batas. Sino-sino pa bang magtutulungan kundi tayo-tayo lang din sa pamahalaan. Sasabitan nga lang namin ng mga trapal at kakapitan ng mga pagkit na may pangalan at pagmumukha namin. Patuloy sa pag-andar ang makinaryang nagpapanatili kundi man nagpapalala  sa mga krisis natin.

Kahit noong kami pa sa kagawaran ang nag-aabot ng tulong, dito inis na inis ang mga katrabaho ko. Eepalan kami sa pamumudmod ng tulong, ang kaya na lang namin gawin ay ilayo ang lamesa sa mga trapal ng mukha para hindi mahagip sa photo ops pero ano pa, e di napatalastas na 'yung mga pulitko sa mga tatanggap ng ayuda. Katpusan, papakainin pa ang mga tao ng kagawaran sa mamahaling restoran para sa natapos na 'collab' work. May nakatrabaho rin akong mga kongresista dati, pero hindi ko binabanggit ang pangalan, walang trapal at pumapayag sa 'collab' kung may counterpart s'yang pondo bukod sa hawak ko, kadalasan galing sa ibang kagawaran. May ilan din akong photo ops; hinawakan na ako sa baywang eh, di na ko makaalis. Nakipagngitian din kahit halos hatakin ko ang panga ko.

Kung Kagawaran lang, hindi kaya ng siste mag-isa. Kung katulong ang tanggapan ng ilang kongresista, ginagasolinahan lang natin ang makinaryang nagpapatakbo sa siste. Ang mga tao, wala nang siste-siste, kung saan bumubuhos ay doon tayo sasahod! Ito ay krisis, kasehodang kung kaninong makinarya.

Pag-uwi ko sa bahay, nagkukuwento si Mama kung paanong ang higpit umano ng pagkakatulad ng mga pirma sa aktuwal at sa valid ID. "Ganyan talaga Ma, kasi ili-liquidate 'yan at sila ang mako-COA sa discrepancies ng mga pirma!" paliwanag ko. Dagdag ni Mama "Ayuda raw 'yun galing kay kongresman. Aba, may pa-sandwich pa at juice pa!" 

"Ah, mabuti naman," na lang ang nasabi ko.

Sunday, December 20, 2020

Nagkape Uli Kami ni Kuya Joey

Nagkape uli kami ni Kuya Joey. Yabang ni Kuya naghahanap pa ng Starbucks sa Tiaong. "Minsan lang naman" ang sabi. Tambay na lang tayo sa Taza Mia at 'yan lang meron sa'min. Buti nga may nag-survive na coffee shop dito. 

Kung paano nakabiyahe ng probinsya, nanghiram pala ng kotse sa kapatid. Biglaan lang daw dahil dikit-dikit sa bumabiyaheng mga van sa Quezon. Mahirap na. Wala pa rin kasing biyahe ng bus. Anong uri ng quarantine na ba uli ang Maynila? Ewan.

Hindi na ako humugot ng pambayad sa kape. Magkakahiyaan lang kami ni Kuya Joey sa pagbabayad. "Minsan lang naman" ang ulit n'ya. Umorder ako ng burger-fries at tsokolateng mainit. Kukumustahin lang naman ako ni Kuya Joey. Ano bang ikukuwento ko, ganun pa rin naman o hindi na ganung-ganun pero generally ganun pa rin naman?

Nakarinig ako kay Kuya Joey ng ilang mga bali-balita. Kesyo anong nangyari kay ganito at ganyan at magugulat sa ibang mga balitang dala n'ya na hindi mabuti. May nagsilang. May mga binawian ng buhay. May kinasal. May mga mabuti rin naman ang lagay. Marami pa kaming pinag-usapan na sa'min na lang. 

"Siguro may tinataguan 'to kaya hindi ma-contact. Hindi ka mahagilap e." 

"Wala, sino namang tataguan ko. Nanahimik lang ako nang matagal."

Kapag okay na uli ang lahat parang ang sarap pumasyal sa La Mesa at makipaglaro sa mga bata. Kapag okay na uli. O ayaw n'yo bang tumira o magbahay man lang sa probinsya? 

Bago kami umuwi ipinalangin ako ni Kuya Joey. Anong gusto kong ipanalangin? Napaisip ako. May makikinig pa ba? O hindi ba talaga N'ya alam? Bukod sa pasasalamat na may pagkain kami sa araw-araw, e wala ka nang ibang mahihiling pang ibang mahalaga bukod sa kalusugan. Ano pa? Hmmm ano pa nga ba Kuya Joey? Wala na akong ibang gusto. Baka takot na kong gumusto at hindi rin naman mahahawakan. 

Ang nasabi ko na lang kay Kuya ay ayokong maging kumportable. Ayokong maging kumportable. ulit ko. Ayokong hindi natitinag dahil lang hindi ako naaapektuhan. Hindi na nagtanong si Kuya Joey pa.

Salamat sa pakape't padasal. Buhay pa naman ako.

Tungkol sa Ilang Pagsubok sa Ekopoetika

Sinusubukan ko palang tumula tungkol sa kalikasan, kaligiran at ekolohikal na krisis sa Instagram. May ilan ding mga pagtatanong lang. Sinusubukan din naming himayin ang ilang mga polisiya at mga pagkilos tungkol sa samu't saring -buhay sa platform na ito. Para lang ano, buksan nang bahagyang mas malaki ang tarangkahan ng siyensya't pamamahala para sa madla. 

Ito ang Instagram account ng Sa Ngalan ng Lawa: @sangalannglawa

Kasal ni Kimmuel

 


Kasal ni Kimmuel at ni Jessa bukas.

May sinagot akong tawag ilang araw bago bukas; hindi ko alam kung sino. Si Kuya Joey pala, hindi ko na mapatay 'yung tawag. Hindi na rin ako nakatanggi, niyaya ako sa kasal ni Kimmuel. Kinuha palang ninong si Kuya Joey.
  
"Ano ba naman 'tong si Kimmuel kung kelan," hindi ko na tinapos at nagsabing pupunta ako. Bukod sa inaalala kong wala akong regalo. Iniisip ko maraming tao at parang hindi pa ako handang lumabas o mangumusta. Ayoko pang makipagkuwentuhan o magkuwento. Pero hindi naman tungkol sa 'kin 'yung araw; kasal nina Kimmuel sa Linggo.

Hindi ko alam kung paano luluwas si Kuya Joey. Wala pa namang bus mula Maynila hanggang Quezon. Malamang doble rin ang pamasahe ko sa dyip. Magkita raw kami sa Jollibee sa Candelaria. Walang follow up call o text si kuya pero nag-ahit na ako ng bigote't balbas. Bukas maghahanda lang ako pero 'pag walang tawag, edi hindi na ako pupunta. Magising kaya ako nang maaga, e umaga na ko natulog. Iniisip ko pa lang, napapagod na ako sa mga okaokasyon.

Paggising ko, walang tawag o kaya text. Tanghali na rin. Nagkape na lang ako habang nakikinig ng podcast. Nakaligtas ako sa okasyon. Baka hindi natuloy dahil bawal nang mag-okasyon ngayon ng lampas sampung tao. O baka naman mali ako ng intindi at a' bente ng Enero pa? Ewan, basta ligtas ako sa okasyon.

Mabait sa'kin si Kimmuel. Palaging tumatawa sa jokes ko. Palagiang mahigpit ang pagkamay. Palakaibigan kahit ang mga simpleng tapik sa balikat. Naalala ko, noong bumista kami sa bahay nila sa Sariaya, magiliw din kaming tinanggap. Hindi ko nakakalimutan ang mga taong naghahain sa'kin ng pagkain kahit minsan lang. Gusto kong magpakita at magbigay suporta  man lang bilang kaibigan kaya lang ang hina-hina ko ngayon. Hindi mapilit ang katawan ko. Sana masaya sila ngayong araw.

Bandang alas-onse tumunog ang tablet ko, bumalandra ang 'Kuya Joey Talaga'. Hindi ko sinagot ang unang tawag. Natawa ako at naisip na si Kuya Joey talaga ang kulit. HAHA. Tumawag uli, sinagot ko at nahiya na ako. Kailan ba yung huling bisita ko kena Kuya Joey, ang tagal na. "Asan ka? May sasakyan ako, pupuntahan kita," si Kuya Joey nga talaga. Tapos na ang kasal at kikitain ako ni Kuya Joey sa Tagpuan in 30 mins. 

Baka kailangan ko rin talaga ito. Wala nang dahi-dahilan. Walang ligo-ligo, nagpalit lang ako ng damit at nagtawas. Hinagilap ko lang ang face mask at shield ko at umalis na ako papuntang Tagpuan. May dala naman siguro si kuyang alkohol, 'yung sa kamay lang.

Disyembre 20, 2020

Kung bakit tayo nagpupuyat kahit wala namang ginagawang matino? Wala lang. Nagpapaikot-ikot at hindi pa rin ginagawa ang mga matagal nang dapat ginagawa. Ang daming dahilan. Inaaliw ang sarili. Naiinis na ko na hindi na ako naiinip. 



#


Disyembre 20, 2020
Sitio Guinting, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon

Wednesday, December 16, 2020

12:41 am

Madaling araw na, inaantok naman na ako pero bakit ayokong mahiga; parang ang dami kong gustong gawin, ang dami-dami kong nakatambak sa utak ko. Wala akong natatapos. Inaantok na ako pero ang kalat ng utak ko. 

Tuesday, December 15, 2020

Disyembre 15, 2020

Ayun, kakatanggap ko lang ng rejection letter sa isang science grant na pinasahan ko. Reject na naman e. Wala pa nga akong natatanggap sa science kahit isa. Parang ang exclu-exclusive pa rin ng agham sa akademya. 

Parang noong isang araw, nagbubunyi lang ako sa nakalusot na sanaysay sa isang online exhibit. Mag-arts na lang kaya ako? Di naman 'to nakakabuhay e. Sa ilan, oo. Ginawa ko naman 'yun hindi pala para mabuhay sa aspetong ekonomikal kundi mabuhay; makahinga. 

Bakit hindi puwedeng parehas bangkain ang mga ilog? Sa panahon ngayon dapat bang namimili pa ako kung saan sasagwan? Paano kung matuyo na nga ang ilog nang hindi pa nakakatawid? Natuyo na nga ang ilog.


#

Disyembre 15
Sitio Guinting, Brgy Lalig
Tiaong, Quezon

Sunday, December 13, 2020

Disoras

Umuwi ako galing kena Song. Naki-opisina lang, tapos inabot na ako ng alas-diyes ng gabi. Okay lang naman, normal na akong naglalakad ng ganitong oras. Si Mama ang laging nagsasabi na 'wag nang umuwi ng disoras. Puwede rin naman akong makitulog sa opisina ni Edison kaya lang minsan trip ko talagang umuwi at sa bahay matulog. Hindi ko naman namamalayang lumilipas ng ganun kabilis ang oras. Alas-diyes na at nagsalpak lang ako ng podcast sa tainga para sa mga bente minutong paglalakad.

'yung dalawang sekyu na papalapit ako ay parang may sinasabi sa'kin. May curfew na ba ulit? At bakit naman ako sisitahin ng mga sekyu ng isang pribadong negosyo? Parang mali. Tinanggal ko ang earphones at narinig na kung lasing daw ba 'yung nasa likuran ko. Po? Wala akong alam. May lasing daw sa likuran ko na sigaw nang sigaw sa'kin at sinusundan pa ako. Wala po akong alam kako. Nilinga-linga pa nila 'yung pinanggalingan ko. 

Wala rin akong naramdaman. Kahit naman may earphones ako ay naririnig ko 'yung kadalasang tatahulan ako ng aso sa dinadaanan kong madilim na bahay. Rinig ko rin nga ang mga dumadaang sasakyan. Wala akong naririnig na sumisigaw o naramdamang sumusunod. Mas lalong walang nakita. 


Saturday, December 12, 2020

Disyembre 12, 2020 + Lisatahan ng Layaw Ngayong Panahon ng Ligalig

Ngayon na lang uli nakatapak ng ibang probinsya, sa San Pablo lang naman. Halos doble pa rin 'yung pamasahe sa dyip. Naaliw naman ako sa mahabang biyahe dahil sa pinakikinggang Spotify playlist na Lasing na Tita sa Videoke na mga kanta nina Jolina Magdangal, Regine Velasquez, Roselle Nava, M.Y.M.P., Jessa Saragoza, atbp. Isa sa mga mahahalagang discoveries ko ngayong taon ay ang Tila ni Lani Misalucha. Naka-full volume pa ko't pumipikit-pikit kung minsan. Na-miss ko ring gumawa ng mga music videos sa utak ko lang sa dyip. Wew.

Bibisita ako sa isang matagal nang hindi nakikitang kaibigan. Pagbaba, sinalubong ako ng mga ga-mais na mga patak ng ulan. Mainit pero may maitim na maitim ang mga ulap. Nilagpasan ko ang Katidral, Kalahi Bakery, Iglesiya, hanggang makita ang lumang kaibigan - ang lawa ng Sampalok. Tatambay lang kami dito ni Edison para manghuli ng pokemon. Maglalakad-lakad pagkatila ng ulan, iinom sa 7-Eleven, lalakad uli habang nag-iikot ng pokeballs. Hindi masyadong nakaka-26 years old at approaching midcareer. Wew.

Bumisita kami sa Paseo, isang bazaar para hanapin 'yung tindahan ng succulents. Si Edison lang ang bibili pero kakatingin nakakuha rin ako ng isang succulent na natuwa ako dahil mukhang sanga-sangang mga tangkay lang s'ya. Natawa lang ako sa natural n'yang disenyo, parang tanga. Chill din lang saglit habang humihigop ng malamig na sikwate. Madilim na pero maaga naman kami umuwi.


#

Disyembre 12, 2020
Sitio Guinting, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon


Ilang Layaw pa kahit may Ligalig na Lumiligid:

1. Nagpa-shave ako ng unang beses. Naisipan ko lang at ang sakit ng blade ng barbero. Naisip ko ako na lang sana at may cream naman sa bahay bakit ko ba naisipan 'to. Nag-tip pa ako dahil mukhang nahirapan ng husto yung barbero sa pag-ahit ng bigote't balbas ko.

2. Bumili ako ng Islander. E ano kung maulan. Magaan ang lakad ko kapag ito 'yung tsinelas ko e. Pakiramdam ko rin hindi ako naghihirap sa buhay.

3. Salad paminsan-minsan. Mura lang naman ang salad sa'min. 'Tsaka maraming kumareng maggugulay at magpuprutas si Mama, dressing na lang ang binibili minsan.

4. Toner, si Edison lang din dapat ang magto-toner e. Napabili na rin ako. Naalala ko namang maglinis ng mukha mga every other night.

5. Cake/ cookies/ brownies, kapag may deadline ako tapos wala akong masulat. Cina-calculate ko naman bago ko bilhin, tipong bawi pa rin naman ako sa kikitain ko menos 'yung gastos sa matatamis.

6. Mae-expire na ang Nintendo subscription namin. Mga mokong, hindi naman naglalaro online, sub lang nang sub. Ayun, ipapa-GCash ko na lang 'yung share ko sa family subscription.

Nagtitipid naman ako, ang hirap lang tipirin ng sarili. 

Friday, December 11, 2020

Disyembre 11, 2020

Alas-dose na agad ng hating-gabi. Wala akong natatapos. Naghalwat lang ako maghapon. Naglinis. Naglaba. Namili ng mga itatapon na. Hindi ko alam kung bakit sabog ako at wala sa focus pa rin. Ilang araw na. Pinipilit ko naman isa-isahin lang ang mga bagay. Ayan, sulat lang ako nang sulat ng mga bagay na kailangang gawin, walang nauumpisahan. Kung meron, hindi naman natatapos. Napapangitan ako sa anumang ginagawa kaya pinapatay ko kaagad. Hindi ko mapigilang 'wag munang kit'lin ang kakaluwal pa lang.

Parang gusto kong lumayas palagi. Tumalilis. 'wag mag-abang. Kumbinsihin ang sariling walang parating. Magpatay-malisya na hindi naghihintay. Kunwari'y ang dasal ay kung may darating ay di darating. Pero nakasilip parati. Para akong nagmamadaling naghahabol sa wala habang hinahabol ng wala. Hindi, hindi ako malungkot. Hindi rin ako naiinip. Saan 'to papunta? May pututunguhan kaya ako, like in terms of life in general? HAHA. Quarter life crisis kaya ito tapos in denial lang ako? Hindi e, parang tinakasan lang ako ng mga musa, baka may rehearsal ng intermission sa christmas party lang nila.

Matino pa naman ako. Gusto ko na lang matulog muna.


#

Sitio Guinting, Brgy Lalig,
Tiaong, Quezon
Disyembre 11, 2020

Tuesday, December 8, 2020

Napanood namin (ulit) ang Four Sisters and a Wedding

(Spoilers) Wala, holdiay e. Walang pasok, wala rin kaming plano ni Song. Nintendo and Chill sana kaso nasugagaan namin sa Youube yung Four Sisters film. "Hindi mo pa napapanood?!" sabi ko kay Song. It's a must for consuming all of those memes circulating out there! Also, lumabas na sa realidad ang marami sa pelikula gaya ng mej di talaga natin fave si Teodora these days, 'yung ulo na gusto rin nating sabunutan these uncertain times, at 'wag kalimutan ang sabi ni Mama na "we could do better". 


Sa ikaapat na beses kong napanood, napansin ko na yung mga gestures sa umpisa ng pelikula na mas paborito talaga si Teodora ni Mama; (1) pagpasok ni Sam Milby sinabi ni Mama na "ang galing talagang pumili ng Ate Teddy mo" which is vital for the lines re Divisoria pantalon nung mga bata pa sila (2) noong dumating sila from abroad in 2 different taxis, mas warm ang salubong ni Mama kay Teddy, mas malaki ang acting ni Cony Reyes.


'yun lang for today. 

Friday, December 4, 2020

Plaano ang Pasko

"May usap-usapan, sasar'han di umano ang palengke sa Pasko. Ewan ko lang kung pati sa Bagong Taon," nagkukuwento si Mama sa isang hapon habang naghahalwas ng mga prutas para i-blender. Ito 'yung mga prutas ni Ate Carla na may mga tama na, sobrang hinog at di na  mabibili. Gumanda naman ang mga kutis namin.

Pauwi ako galing sa iskul nina Song, nakiopisina lang. Paglabas namin ang lamig na, Amihan na talaga. "Aba, kumakaway na ang mga inaanak," sabi ni Song. Ay, wala akong inaanak.

"Buksan n'yo palagi ang ilaw, kahit hindi matutuloy ang Pasko," si Papa habang isinasaksak ang christmas lights. Natawa ako at pinatulan ko ang pahayag n'ya kung bakit naman postponed ang Pasko. Wala raw kasing mga christmas party. Gabi-gabi n'yang sinasaksak ang puro pula naming christmas lights. Kada naman dadaan si Mama, huhugutin n'ya ang saksak para mamatay ang mga kumikutikutitap. "Alam n'yo bang 100 watts 'yan!" Hinahayaan ko lang naman si Papa na magsaksak ng christmas lights at baka hindi n'ya naranasan 'yun noon sa Dumaguete noong bata pa sila at hinahayaan ko lang din si Mama na hugutin. Patay-sindi nga ang mga ilaw. Alam n'yo bang ako ang nagbayad ng kuryente?

Dumating si Mama isang hapon at kumpirmadong sarado ang mga palengke ng Pilipinas sa 23, 24, 25 at 29, 30, 31 ng Disyembre. Parang noong Undas din na sinar'han naman ang mga sementeryo. Para hindi mag-kumpol ang mga tao. Hindi makakatinda sina Mama at Idon. Wala kaming benta. "Eh sasar'han din ba ang mga malls at department stores?" tanong ko. "Anim na araw na puro kain tayo at walang papasok," sabi ni Mama. Dapat may bigas na tayo bago sarahan ang palengke. Sabi ko naman ay mag-imbak na ng matam'isin. Marami kasing oras para gumawa kami ng matatamis. Maglinis. Maghalaman. Bago man lang magpaalam sa maalat-alat na taon. 

Thursday, December 3, 2020

Binabasa ko ang 'Prodigal Summer' ni Barbara Kingsolver

 'yung binabasa ko ngayon, ang ganda ng pagkakasulat na nakakatamad nang magsulat pa. 'yung tipong kailanman ay hindi ako makakapagsulat ng ganito kamalay at ganito kamayaw. Ang bana-banayad ni Barbara Kingsolver sa Prodigal Summer at biologist pala talaga s'ya. Matagal ko nang nabili 'tong libro na 'to e, 35 pesos lang sa Booksale, dahil lang sa mga naturalist illustrations ng moth species sa hardbound na cover. Malay ko bang ecopoetic pala. Hindi pa rin naman ako nagco-conservation work noon. Wala rin akong panahong utayin ang nobela dahil napaka bilis ng mga araw ko noon. Ang haba nga lang ng nobela parang hindi ko matatapos bago matapos ang taon. Hindi rin naman ako nagmamadali. Hindi rin pala ako bumili ng kahit anong libro ngayong taon.

Tuesday, December 1, 2020

Disyembre 1, 2020 (Hindi Makatulog)

Hindi ako makatulog. Nakatitig lang uli ako nang matagal sa screen. Ewan, bigla na lang parang gusto kong ayusin bigla ang buhay ko. Ang dami kong gustong gawin kung kailan dapat nakahiga na ako. Inaantok naman pero ayaw ng likod humiga. Tinakasan ng kalma. Hindi naman ako natatakot pero parang dapat akong nagmamadali. Dalawang araw ko nang hinihigit ang sariling umupo.  

Alitaptap.mp4

 


Sakmal-sakmal ng dilim ang paligid
Halumigmig ng hangin na nagpapaalala
Malapit na uling mangasunog ang mga bibingka
Sa pagitan ng pinagsalubungan ng mga ilog
Lilingain kung maaaninag pa ang nag-aabang
Na pulahang salaksak, nakapaghapunan na siguro
Sisitsit ang talahiban,

Matitigilan

Kung saan
Namataan ang ahas tulog nang santing pa
Maalalang tawiran nga pala ng mga bayawak
Kahit limang minuto lang sa pitak na damuhan
Na kinukulong ng labin'dal'wang puno
Nangagsindi ang mga mumunting parol
Madaling-madali sa pag-andap-andap
Nag-aakit ng makakausap
Maitawid lang ang gabi
Baling rikit ng mga kislap
Wari'y masidhi ang paghahanap

Mananalangin
Sana'y mapagbigyan
Ang mga salmong tugunan


#

Sunday, November 29, 2020

Napanood ko 'yung RC Cola Commercial

maiksing buod ng patalastas: umuwi ang bata galing sa eskuwelahan. nagtanong sa nanay kung ampon dahil may apat na baso sa likod. umiyak ang nanay at paghugot sa ulo ay isang bote ng RC cola. isinalin ang sopdrinks sa apat na baso sa likod ng bata.  

nagulantang uli ang buong bansa sa bagong isyu. kanya-kanyang masining na kritisismo sa surreal na patalastas. nag-iisip at masuri naman pala talaga tayo bilang isang bansa. siguro dahil hindi ito ang inaasahan natin sa patalastas ng isang maasukal na inumin. lalo't magpapasko, ang kahon ay ang sopdrinks ay may mga patalastas na melodramatiko, mga pagbabalik-bayan, patawaran, diskarte para makapagdiwang, simbang gabi, parol a makislap, kumpleto ang pamilya, hindi batang may baso sa likod at nanay na hinuhugot ang ulo na may bote sa loob. paano ito prinopose ng ad team sa client? paano ang naging proseso nila?

also, kita n'yo na; matagal tayong minaliit ng mga palabas sa kung ano ang kaya lang nating ikonsumo. parang naging patunay ito na kayang dalahin ng Pilipinong konsyumer ang ganitong patalastas. kaya nila 'yan. matalino ang mga 'yan. napatanong nga ako kay Mama kung anong ihahanda namin sa Pasko. 

tinanong n'ya rin ako kung kelan ba kami huling naghanda ng Pasko? abala na si Mama sa palengke at nang makabawi-bawi sa inihina ng benta. sige, makikikain na lang ako.


Thursday, November 26, 2020

Nobyembre 26, 2020 (Ritwal para sa Pagduduwal)

Kalahating araw na akong hindi alam kung anong uunahin. Parang kailangan ko nang magpalit ng Liwayway Protocols dahil kaiba sa kasagsagan ng pandemya, mas okay na 'ko. Kailangang ibahin ang ritwal para sa nagbago nang pangangailangan. Ano bang kailangan ko ngayon? Kailangan ko nang magsulat talaga, ang dami ko nang materyal at kailangan nang maupo. Puwede nang buksan ang buro at ialay sa mga umaaligid nang mga musa. Tatapusin ko lang 'tong mga zoominars ko (may bayad kasi) at uupo na ako. Hindi ko kasi kayang pagsabayin ang pakikipagkuwentuhan at pagsusulat. Ewan, parang naging kasama na sa proseso ko ang daldal-daldal tungkol sa isusulat tapos iiwanan ko lahat ng kadaldalan para gawin na. Ewan, sinusubukan ko namang maging tahimik muna at saka na lang dumaldal kapag tapos na pero ano pang idadaldal mo e nasulat mo na nga di ba? Magdidisenyo na uli ako ng ritwal para sa mga pagduduwal dahil pakiramdam ko nasa dulo na ng ngala-ngala ko ang mga bagay-bagay at isang sundot na lang ay mailalabas ko na ang mga bagay-bagay. 


Sana lang hindi mangasim ang mga ilalabas.


Ito na ang bago kong ritwal ng pagduduwal:


maglakad (30 mins)
tumunganga (10 mins) *pagkagising sa umaga at pagkatapos ng tanghalian
magbasa (20 mins)

para lang sa huli ay umupo at makapagsulat uli



Tuesday, November 24, 2020

international emes

 

Nasa ilang international emes ako ngayong buwan like zoominars. Nakakapagod din naman pero kailangan e. Hindi talaga ako bagay sa mga diplomatic eme, wala akong sense of international community. Utak troll din talaga ako:

1. Kapag binabanggit 'yung kasalanan ng ilang malalaking bansa sa usapin ng biodiversity loss at carbon emissions, mag-o-off ako ng camera, hahanapin ko 'yung video ng delegado nung bansa at saka ko sasabihing "Hoy Chung chang-chi, magbayad kayo ng mga kasalanan n'yo!" pero naka-mute naman ako tapos tatawa lang kami ni Song.

2. Sa usapin naman ng pagkalbo sa Amazon, hinanap ko ang isang delegado nung bansa, sisiguraduhing naka-mute at off-cam ako, saka ko sasabihing "Napapaligiran ka na namin, isuko n'yo na 'yang cheese burgers n'yo!"

3. Pagpasok ko naman sa isang session, magalang na bumabati 'yung mga delegado tapos napansin ko 'yung isang delegado ng Rwanda bumati ng bonjour. Sabi ko kay Song, "tingnan mo, 'yung taga-Rwanda Forever bumati in French, magugulantang ka talaga sa ginawa ng kolonisasyon e." At hindi pala ako naka-mute. Na-mute lang ako ng host matapos kong sabihin 'yun.

4. Isang practice session naman tungkol sa mga migratory birds, sinisikap ng korean secretariat na banggitin ng wasto ang mga pangalan ng delegado bilang isang paraan ng pagpapakita ng diplomasya. Mabilis naman akong nag-off cam para tumawa ng malakas.

korean: How do you pronounce your name?
french: Hu-guh
korean: What? Hu-hu?

'wag na 'wag gagayahin. Maging magalang po tayo kapag nasa mga international emes kahit pa ba maraming kasalanan sa'tin 'yung mga first world countries (noon at ngayon) at hindi pa tayo nakaka-move on sa kolonisasyon. Palaging maging magalang. 

Sunday, November 22, 2020

Pandemic Preachings 5

Sumimba ako uli. Nagkukumahog uli sa paghahanda pero hindi ako nagmamadaling pumunta. Pagdating para lang wala akong roon. Ang dalawang oras ay parang maghapon. Kung bakit kailangan ko pang gumising ng maaga, magbihis, magsalamin at magpakita para lang magpasalamat? Iniisip ko kung nasaan ang ibang balon na maaring sumalok nang walang ibang umiigib? Hindi ko na gustong sumimba at gusto ko na lang mag-swimming kahit pa sa balong malalim. 


Wala talaga ako rito. 

Saturday, November 21, 2020

Keyk


Kakagising ko lang at dumeretso agad ako ng palengke. Umiiyak daw si Top-top, pamangkin ko, sabi ni Mama. Inaaway daw ng tiya n'ya dahil malapit na ang bertdey pero walang handa. Inaasar daw na wala namang keyk sa bertdey n'ya. Hindi humihingi sa'kin ng pera si Mama, maliban na lang kung tungkol sa mga apo n'ya. Gawan ko raw ng paraan at minsan lang magse-seventh birthday ang bata. Kami nga noon lumipas ang sevent birthday na umedad lang naman talaga kami. Hindi naman nakakaiyak kung walang handa o kung walang keyk. Ano bang meron sa seventh birthday? Magiging ganap na taong lobo ka ba? May maa-unlock ka ba na kapangyarihan? Ang sinagot ko lang kay Mama ay "ba't iiyak ang yaman-yaman ng tito e, bibilhan ko ng keyk" habang nagtitimpla ako ng kape.

Hindi pala 'yung binibili namin sa ano [brand na paborito ko], ang gusto raw ay 'yung spider-man na birthday cake. "O e magkano 'yun?"na parang masungit na negosyanteng Intsik. Pagsagot ni Mama, bigla akong nagising sa presyo. Bakit ang mahal? Magbabayad ba 'yan ng royalty sa Marvel? Ang sagot ni Mama ay 'yun lang uli, minsan lang nagpipitong taon ang bata. 

Kaunti lang ang kumbidado. May tigbebente-dos pesos na ref magnet na pa-souveneir. Pupunta raw ang mga pamangkids sa bahay bago mag-birthday si Top-top, unang beses simula nang magkaroon ng pandemya.

Napakinggan ko sina Bob Ong at Manix




Ngayon na lang ulit. Si Manix kasi binabasa ko lately 'yung mga Kikomachine n'ya, 'tas lumalabas pa sa net ang gawa ni Manix. Pero si Bob Ong, hindi ko na nababasahan ng kahit ano, wala pa ulit kahit patikim lang ng papalabas na libro. Walang nilalabas kaya hindi ko naririnig. Nakakapagsulat kaya s'ya kahit na may pandemya at pandemonyong mga kaganapan sa daigdig? Gusto ko lang uli makabasa ng kahit anong ilalabas ni Bob Ong. Kahit pa nga isang koleksiyon ng mga hindi tinapos na mga sanaysay at kuwento. Basta. Kay Bob Ong. Bibili kami.

Sa ngayon, ayuda na ng NBDB ang imbitahan si Bob Ong at Manix, moderated by Ms. Nida, sa isang zoominar tungkol sa pagsusulat ng humor sa panahon ng pandemya. Para akong biik na nakaabang sa kaning-baboy habang mabagal na binabasa sa screen 'yung tina-type ni BO. [O para akong propetang nag-aabang sa writings on the wall, 'kaw mamili ng simile]. Pero ang galeeeeng, kahit na parang normal lang naman 'yung sinasabi ni BO. Tama si Manix, nakakaiyak. Wala lang, fan boi kami e. Nakakaiyak dahil ang typos timely ng mga dapat nating naririnig o nababasa. Para lang kaming tumambay.

Ito ang ilan sa screenshots ko:








Sulat pa rin tayo. Kahit sumakit ang ulo. Kahit mabagal.

Napanood ko 'yung Gaya sa Pelikula

Napanood ko 'yung Gaya sa Pelikula


Isang coming out series (?) ng Globe Studios. Tungkol sa dalawang lalaking medyo may pribilehiyo sa buhay at sa pagkakasama nila sa isang apartment. Ayokong magsulat ng synopsis dahil gusto ko na agad isulat 'yung ilang thoughts ko.

'yung BL sa Pilipinas parang kailangan talagang may pagtukoy sa gender at may pag-e-educate sa madla. Well, may matinding pangangailangan para sa pagtuturo talaga at sayang din naman 'yung platform. Ang mahal ng production tapos gumastos tayo ng mga enerhiya, kaya mabuti na 'yung natuto na rin bukod sa naaliw.

pero 'yun naalala ko rin ang daming microaggressions na nangyari sa'kin nung bata ako. sa simbahan. sa iskul. hindi sa laro e, 'yung laro kasi safe space pa. 'yung mga akala mo biro lang o normal lang na pahayag pero may alam mong hindi kumportable, may mali pero hindi mo lang ma-pinpoint kung ano. sa ibang essay ko na lang siguro isusulat. sana may call for anthology for microaggressions experiences. haha

Ang daming issue ng natapos na season pero ito 'yung mga dapat ngang napapag-usapan o napapakita sana sa mainstream (mainstream na ang Youtube Series). 'yung Gaya sa Pelikula nagpapatintero sa pagitan ng gay film, gender sensitivity/identity and BL series. Hindi ko alam kung na-enjoy ko 'yung love story kasi nga may push and pull na masidhi (lalo na kay Karl) pero na-enjoy ko si Ate Judit at Ana. 

Hindi ako movie buff pero masayang makita 'yung mga movie references, nakita ko nga si Maricel Soriano sa isang scene. Ay eto pa pala 'yung malupit, 'yung scoring, 'yung mga kanta, 'tas 'yung Ride Home ng Ben&Ben na scene. 

Maganda s'ya, pagbati kay JMS and Direk JP.

Thursday, November 19, 2020

Nobyembre 19, 2020 (Chanelling Madam Claudia atbpng. Teleserye Kontrabidas)

 Nobyembre 19, 2020 (Chanelling Madam Claudia atbpng. Teleserye Kontrabidas)

Sinubukan kong matulog nang tanghali. Hindi nakahabol ang antok sa mga iniisip ko. May karera sila, masaya, parang may piyesta. May mga bumabalik na sa mga kalapating pinalipad ko. Akala ko lilipas ang isang taon na magiging tahimik lang ang langit. Hindi naman humihindi pero hindi rin pumapayag. May mga bumalik na, paisa-isa pero may mga tangan sa tuka. Kung hihiram ako sa mga klasik line sa teleserye, "umaayon ang lahat sa aking plano" o kaya "isa-isa na silang umiikot sa'king palad" kasunod ng klasik kontrabida laugh nang mag-isa.

Chanelling Madam Claudia with her plot, resource management and resilience. 'di ba? Ang mga kontrabida natin sa teleserye ay nagkandahirap-hirap na pero nakaka-mobilize pa rin ng goons, may pang-renta pa rin ng bida-kidnapping van, at nakaka-afford pa ng bomba! Kasi may layon s'yang dapat gampanan. Kahit mabuhusan ng asido't mabalatan ang mukha ay may plastic surgery pang pa-comeback! At hindi nalulusaw ang kanyang core purpose in life na maghasik ng buwisit. Sa tingin ko dito rin tayo nagsimulang maging skeptic at critical thinkers, kinukuwestiyon na natin kung namatay ba talaga ang kontrabida. Pero dati hindi ko natatanong kung anong business model canvas ng mga kontrabida at may budget s'ya to execute their evil plots. Baka may pa-scholarships sa mga anak ng goons. Walang babaeng goons? Pero hahanga ka rin sa kanila dahil kahit pumalpak ang kanilang hunded-thousands-peso plans, sasapok lang sila ng ilang goons, tatalikod sa kausap at mag-iikot ng alak sa wineglass habang nakatitig sa malayo. Nag-iisip na ng bagong plano. Teleserye-inspired talaga si Cersei Lannister. Hindi kaya puwedeng sumulat ng teleseryeng may busilak na puso ng bida at may hindi patalong attitude ng kontrabida sa iisang tauhan? 

Pasasalamat para sa ilang maiinit nang mga araw!

#

Sitio Guinting, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon
Nobyembre 19, 2020

Saturday, November 14, 2020

Nobyembre 14, 2020

 Ito na naman 'yung mga gising ng madaling araw na kinakabahan. Ito na lang ba 'yun? Baka ito na lang talaga lahat. Walang pag-usad. Paano kung lahat ng hinihintay ay hindi talaga darating? Baka nalampasan na ako. Baka 'yung pinalampas ko ay huling biyahe na at nag-aabang na lang pala ako sa wala. Parating parang may parating. Kahit ano palang sabi na kailangan lang makatawid nang humihinga sa kabilang taon ay nasa pa rin ng pag-andar. Eh sinong hindi? Pero ano nga ba uli ang ginagalawang realidad? Baka ito na rin nga lang ang pinaka malaking mga pag-usad ayon sa realidad ko. Ito na lang ba talaga 'yun? Hindi ko gustong gumigising nang takot sa mga bukas na walang kasiguraduhan. Kagigising ko lang oh, teka lang naman; gusto ko lang magkape.



#

Sitio Guinting, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon
Nobyembre 14, 2020

Thursday, November 12, 2020

Pag-aabang kay Ulysses

Bago ako umalis, hinihintay ko sina Mama galing sa isang bertdeyan. Baka ipagbalot ako ng ispageti. May bagyo raw pero baka mahina lang. Umuulan na nga pero mahina lang. Maglalaro kami ni Edison ng Nintendo Switch at #WalangPasok na dahil nga sa bagyo. Amihan na rin naman kaya inilabas ko na rin ang paborito kong balabal. Naglakad na ako sa ulanan.

Namili si Edison ng pagkain namin. Bumili na s'ya ng kakainin hanggang kinabukasan. Ang daming natirang tinapay sa feeding program, may gatas pa nga. Kuwento ni Song, marami silang nasirang gatas dahil nabulok sa imbakan. Hindi pa naman bulok pero may lasang papel na kaya alangan nang ipamigay sa mga bata. Maulan, ang sarap  lang kumain, manood ng pelikula at maglaro ng Nintendo. May ilang lumikas sa elementary mula sa komunidad sa tabing-riles pero nakahanda na ang mga klasrum at areglado na ni Ate Gina. Nagugulat lang kami kapag naagas-as bigla ang radyo ni Ate Gina para magbigay ng ulat.

Naglaro na kami kasama ni Clowee na nasa Cavite live via Messenger vidcall. Dito na lang kami nag-aasaran pero ang hirap i-relay ng asar online e. Iba pa rin 'yung malapitang pang-aalaska, yung ramdam ko 'yung bugnot. Mas ramdam ngayon ang hangin at ulan ni Ulysses kaysa sa nakaraan.

Bandang hating-gabi na lumakas ang hangin. Tulog na kami nang mawalan ng kuryente. Gising na kami at may kuryente na uli. Umuulan at humahangin pa rin. Nagluto ako ng corned chicken-potato para sa tangmusal, ng pancake para sa meryenda, at tuna omelette sa hapunan. May ilan lang tumulo sa bubong ang nilimas. Naglaro na ulit ng Nintendo, nanood ng mga pelikula at nagkakape lang kung kailan maibigan.

Hindi lahat ganito ang kuwento sa paghihintay kay Ulysses.

Sunday, November 8, 2020

Sa Mainit


Ugh

Nakalublob uli sa Mainit. May mainit na bukal sa Sitio Mainit sa baranggay namin sa Lalig, Tiaong, Quezon. Aalamin ko pa ang kasaysayan kung sinong nakaisip na gawan ng pitak-pitak na paliguan ang bukal. Ang alam ko, bata pa lang ako ay may Mainit na at dinarayo na namin 'to kahit takot pa ako sa tulay-bitin na kailangang tawirin.

Nagsisilbing communal hot spring na walang bayad, isang konkretong halimbawa ng kultural na saysay ng ekosistem. Walang scheduling system at maintenance. Kung sinong mauna at may bakanteng pitak; maaari nang punuan ng tubig at lubluban. Pagkatapos ng gumamit, tatanggalin n'ya lang 'yung bara para igahin ang pinaglubluban n'yang tubig. Aanlawan naman ito ng susunod. Wala namang nabalita pang nangyaring alitan sa mga pitak ng Mainit. 

Minsan kapag lumalaki ang ilog dahil sa bagyo, nilalamon ng tubig ang mga pitak. Walang nakakaligo. Paghupa ng tubig, ayun, maputik ang mga pitak. Ngayon, napupuno rin ng banderitas ng mga plastik hanggang sa mga kawayan. Lilinisin lang kung sino man ang mauunang gagamit at walang bagay 'yun sa kanya. Parang may di nakasulat na ordinansa na hindi katanggap-tanggap ang anumang nguyngoy ng dabog sa bukal.  

x

Pinaka huli kong bisita sa Mainit, kahit pa nasa baranggay lang namin, ay nasa college pa ako, kasama ko sina Adipose, Rody, at Pearl. Hindi pa namin alam anong puwede naming masugagaan walong taon mula noon, basta nakalublob kami sa mainit. Tumakas sa mga rekusitos sa unibersidad. Kailangan pa naming pag-ambagan noon ang so-en ni Pearl dahil biglaang gala at hindi kakasya ang pamasahe pauwi kung ibibili pa ng panty. Palaging tumatatak ang mga nangyayari nang wala sa plano. May asawa na ngayon si Adipose. May anak na si Rody at nakapundar na ng bahay. Nasa ibang bansa si Pearl, nag-iipon lang at uuwi rin. Walong taon na 'yun? 

Ugh.

x

At ayun dumating kami ni Edison sa Mainit at ganun pa rin, masigla; matao. Naglinis kami ng isang pitak na maputik pa dahil kadadaan lang ng mga bagyo. Pagkatapos, naghagilap na kami ng saha ng saging na pampalsak para mapunuan ng mainit na tubig. Hindi umaakyat ang tubig kahit anong ayos namin sa palsak. Halatang hindi kami sanay sa sining ng pagpapanatili ng tubig. Nakamasid na sa'min 'yung ibang naliligo na para bang problema rin nila. Maya-maya pa'y may umahon na at agad kaming pinalipat ng mga batang naglalangoy sa ilog. Doon na lang daw kami kahit pa nauna silang dumating. Inabot sa'min 'yung pampalsak nila habang tumutulas na 'yung pinaglubluban nilang amoy safeguard na. Inanlawan lang namin at saka namin pinunuan ng tubig.

Nakalublob din. Nanunuot 'yung init sa dibdib, sa kalam'nan; sa bayag. Sumandal ako sa pitak at tumingala. Pinapakinggan ko lang 'yung tulas ng tubig mula sa mainit na bukal, 'yung lagaslas ng tinatabong tubig, at 'yung tawanan ng mga batang naglalangoy sa katabing ilog. Sinabi ko biglang "sige, magpakasaya kayo habang mga bata pa kayo,"  habang nakapikit. Natawa lang kami. "Magmahal na kayo, magpakasira, magpakalango, dahil climate crisis na, ecological collapse na and our generation is failing". Tawa lang ulit. Malay ba ng mga bata. 

Mapapag-usapan namin ang ginawang dam sa bandang kanluran pa, sa bandang Ayusan. Kailangan ba talaga natin? Kulang ba tayo sa tubig? O may magawa lang. Kaya bang makipagtunggali ng saysay ng paliguang bukal sa iaangat ng produksyon dulot ng irigasyon? Patubig ba ang kailangan ng mga manggawang bukid? Ewan, hindi namin problema 'yun lahat, napapag-usapan lang. Nakakainit ng ulo kahit na ang ipinunta namin ay gusto lang naming magpahinga.

Umuwi kaming basa, walang pamalit. Nagpatuyo na lang sa daan pauwi.